final paper - teo antonio tulambuhay

30
TEO T. ANTONIO: ISANG TULAMBUHAY ni JOSELITO D. DELOS REYES Ph. D. ARALING FILIPINO – WIKA, KULTURA, MIDYA Isinumite kay Dr. FEORILLO PETRONILO A. DEMETERIO III Bilang kahingian sa AFL 521-D RISERTS SA ARALING FILIPINO

Upload: ust-ph

Post on 12-Jan-2023

0 views

Category:

Documents


0 download

TRANSCRIPT

TEO T. ANTONIO: ISANG TULAMBUHAY

ni JOSELITO D. DELOS REYES

Ph. D. ARALING FILIPINO – WIKA, KULTURA, MIDYA

Isinumite kay

Dr. FEORILLO PETRONILO A. DEMETERIO III

Bilang kahingian sa

AFL 521-D RISERTS SA ARALING FILIPINO

24 AGOSTO 2013

Abstrak

Nilalaman ng munting papel-riserts na ito, bilang pangwakas

na kahingian sa sabjek na Riserts sa Araling Filipino, ang

topograpiya at landas na tatahakin ng pagsulat ng biyograpiya ng

isang makatang maituturing na muhon ng kasaysayang pampanitikan

sa bansa, si Teo T. Antonio. Binigyang diin ang dahilan kung

bakit dapat pasimulan ang proyektong biyograpiya; kung bakit

dapat pang sumulat ng biyograpiya sa malawak na pagtanaw sa mundo

ng panitikan at pagsulat; at ang mungkahing proseso sa pagsulat

at pakikipagniig sa proyekto ng mananaliksik.

Inilalahad ng mananaliksik ang paglalapat ng bahagyang

iniakmang metodo na ipinapanukala ni Edel Leon (1973) sa

konteksto ng lokal na pagsulat ng biyograpiyang pampanitikang may

tuon sa makatang ayon kay Mike Bigornia ay may kakayahang

magbigay ng danas sa mambabasa ng “[bawat tula’y] isang abentura,

isang kabayanihan, isang pag-ibig.” Bagay na hindi dapat ipagkait

1

sa pamayanang akademiya at tumatangkilik sa panitikan sa ating

bansa sa kabuuan tungo sa malapit na hinaharap.

Keywords: Literary Biography, Poetics, Filipino Poetry

I. Panimula

Ganito inilarawan ng makata at aktibistang si Romulo A.

Sandoval ang makatang si Teo T. Antonio sa una niyang aklat, ang

Biro-biro Kung Sanlan: “Mapanudyo’t mapanuligsa sa mga nagpapahirap

sa sambayanan; tapat, mapagmahal at may masidhing malasakit sa

malawak na masa ng kababayan... Masasabing napulsuhan niya at

patuloy na napupulsuhan ang masa.” (1982:9) Matapos ang mahigit

dalawampung taon buhat nang malathala ang unang kalipunan ng

2

tula, maraming kamatayan ng kaibigan (kasama na si Sandoval at

Mike Bigornia), kontrobersiyang politikal, ilampung panulukang

bato ng kasaysayang pampanitikan, labindalawang kalipunan ng

tula, hindi mabilang na parangal at pagdakila, paglipat-bahay at

bansa, inihayag ni Antonio na

“Pag dumarating na iniisa-isa ang

kakulangan, pagkakamali, at pagmamalabis sa

sarili, higit na nakikilala ang pagkatao ng

tao.

“Doon nagsisimula ang pagdistrungka sa

sarili o pagbaklas sa mga kalawang na matagal

nang nakaligtaang tanggalin sa pagkatao.

“Habang gumugulang ang karanasan at

inuunawa ang kahulugan at kabuluhan ng buhay,

lalong sumusugat sa puso’t diwa ang mga

nakaligtaang isagawa o ipahayag.” (Antonio

2011:1)

Tulay ang buhay at panulaan ni Teo T. Antonio ng malaking

pulo ng nagbagong panulaan sa bansa. Natatawid ni Antonio, ang

ayon sa wika ng makata-kritikong si Virgilio S. Almario ang

Balagtasismo at Modernismo ng panulaang Filipino. Ang buhay ni

Antonio bilang anak ng “Hari ng Balagtasan” na si Emilio Mar.3

Antonio ay tanda ng matagumpay na pagtawid mula sa buhay-

panulaang sumusunod sa tradisyon ni Francisco Balagtas, Jose

Corazon de Jesus, Florentino Collantes, at marami pang ibang

tagapamansag ng Balagtasismo taglay ang panulaang karaniwang

didaktiko at tigib ng kasawian (Almario, 1984:95). Inihayag pa ni

Almario sa isa pang aklat ng makata-kritiko, ang Mutyang Dilim

(2001), ang pagpapatingkad sa kakayahan ni Antonio sa pagtawid,

“[S]a pangkat ng mga makatang sumikat sa panahon ng rehimeng

Marcos ay itinatangi si Teo T. Antonio bilang makatang may

matalik na pagkakaunawa sa pagtulang tradisyonal... Ang totoo,

kailangan lamang sulyapan ang kaniyang talambuhay upang makita na

waring sinuso niya ang pagtulang tradisyonal.” (2001:99)

Wala isa mang makata sa bansa ang maaaring ituring ngayong

nabuhay mula’t sapul sa kandili ng panulaan. Wala isa man, bukod

kay Teo T. Antonio ang mabisang nagpunyagi upang isulong ang

panitikang Filipino sa kabuuan. Sa tulang “Supling” na nalathala

sa Liwayway noong 22 Nobyembre 1948, at muling inilathala bilang

pambungad sa maituturing na pinakatanyag na kalipunan ng tula ni

Teo T. Antonio, ang Taga sa Bato (1991), inihayag ng tulang-alay sa

4

kaarawan ni Teo T. Antonio ng kaniyang si Emilio Mar. ang

propetikong pangitaing kasasapitan ng anak sa hinaharap: “Ibig

kong huwag kang maging damong-parang / Na ayaw abutin ng sikat ng

Araw; / Nais ko ay maging baging ka ng buhay / Na laging may

katas ng kadakilaan; / Huwag kang tumulad / Sa batong nagkalat...

/ Na gayong may tigas at kahalagahan, / Nananayag siklutin at

tisurin lamang; / Ang ibig ko bunso’y iyong matutuhan / Sa

pagkalalaki, ikaw ay igalang... //” (1984:3).

Na siya ngang nangyari dahil isa si Teo T. Antonio sa

iginagalang ngayong makata ng bayan. Katunayan ang pagiging

tanyag ni Antonio sa maliit na sirkulo ng panitikan sa bansa.

Kinakatawan ng pagkilala at paggalang na ito ang impluwensiya at

kakinatalang natamo ng mga iginagalang na nakababatang makata sa

kasalukuyan buhat kay Antonio tulad ng binanggit Louie Jon

Sanchez, premyadong makatang tatlong ulit nang itinanghal bilang

Makata ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino, na nagwika na:

“Mangingibig ng anyo si [Sir] Teo, bagay na kahanga-hanga sa

panulaan, at bagay na agad-agad na pumukaw sa akin sapagkat

kalkulado ang himig at pahayag. Mahusay ang kaniyang pandinig sa

5

tugma at sadyang napakadalisay ng kaniyang salita.” (email sa

mananaliksik, 10 Disyembre 2012)

Ganito rin halos ang kakintalan ng mga tula at buhay ni

Antonio kay Prop. Romulo Pascual Baquiran ng Unibersidad ng

Pilipinas: “[ang kakintalang naiiwan] ay isang daigidig na

pamilyar sa atin. Narito ang mabuti at nariyan ang masama. Sa mga

tula ni G. Antonio, malinaw ang tunggalian ng dalawang ito. At

ibig ng mga tula, na maabot ng makata at ng mambabasa ang

kalugurang hatid ng pagpapanatili ng kaayusang bumubukal sa

kabutihang loob ng tao.” (email sa mananaliksik, 10 Disyembre

2012)

Samantala, inihayag ni Enrique Villasis, makatang tatlong

magkakasunod na taong nagtamo ng unang gantimpala sa pagtula sa

Gantimpalang Carlos Palanca ang “saligan” niya sa pagtula na

nagbuhat kay Antonio: “Bilang makata, saligan ko ang mga tula ni

Ser Teo kung papaano hahalughugin ang mga talinghaga sa mga

karaniwang karanasan. May higit siyang nasasabi ukol sa pag-aani,

o kahit ang simpleng pag-inom ng serbesa.” (email sa

mananaliksik, 11 Disyembre 2012)

6

Sa labas ng sirkulo ng panitikan sa bansa, tanyag ang

kaniyang akda dahil sa makailang ulit na pagkatawan sa mga

bigkasan sa mga mababa at mataas na paaralan. Napakaraming

pagkakataon na ginagamit at pinagkakakitaan ang tula ni Antonio

(na minsa’y walang paalam at walang pakundangang ilalathala) sa

mga batayang aklat ng mababa at mataas na paaralan. Ang

pinakamalaking dahilan ng popular na pagtanggap na ito ay ang

malinaw niyang kakayahang kilatisin ang mga pangyayari na ayon

muli kay Baquiran ay

“Madalas na ang kabatiran (insight) ay

hindi kahindik-hindik. Hindi ito ibig sabihin

na payak ang pagtula ni G. Antonio kung hindi

isang estilong malapit sa pabigkas at folk na

sensibilidad. Bahagi ng komunidad ang makata

at tagapakinig at ang konteksto ng teksto ay

‘batid natin kapuwa ang sinasabi ko’ at

‘nagbabahagihan tayo ng matulaing

pagpapahayag ngayon’ ang nasa likod ng

pahayag.”

Bukod sa kakayahang paigitingin ang pagkilatis ni Antonio sa

karaniwan, na sinasabi naman ni Sanchez na “naglarawan sa7

panulaan niya (Antonio) bilang ‘kombersasyonal’ at nakatanim sa

danas-kalye at pang-araw-araw na buhay,” taglay din ng kaniyang

tula ang hapdi ng katotohanan ng buhay-buhay. Ngunit ang

karamihan sa kaniyang pagsipat na ito ay nagagawa niya sa

pamamagitan ng siste.

Pansinin ang pamagat ng una niyang kalipunan: Biro-biro kung

sanlan. Taglay ang “patama” lalo’t, ayon sa uugod-ugod na

karunungang-bayan, “totoo kung tatamaan” ngunit sa kawili-wiling

danas ng tula, ang siste, na binigyang diin ni Villasis bilang

“[ang] himig na may kintal ng pagpapatawa ngunit umuukit sa

dibdib at kamalayan.”

Maraming ulit na makakaengkuwentro ng sinumang may mataos na

pagmamahal sa panitikang Filipino ang mga maparikalang tulang

tulad ng “Barong Tagalog” na tumatalakay sa kasuotang ayon kay

Antonio ay “...dapat tangkilikin, / barong noo’t ngayo’y damit

din ng taksil.” (1991:10) at ang “Doon po sa amin” na tula batay

sa tradisyon ng awiting-bayang “Doon po sa amin, bayan ng San

Roque.” Ilan lamang ang tulang itong kumakatawan sa kaniyang

8

mabisang panggagagad sa mga pangyayari sa lipunan na inilalahad

sa atin ng kaniyang tulang may saltik ng hapdi.

At bilang pagbibigay-diin sa bukana ng kaniyang huling

koleksiyon, na pinarangalan bilang natatanging kalipunan ng tula

sa pamamagitan ng National Book Awards nitong 2012, kailangang

ulitin ko ito: “Habang gumugulang ang karanasan at inuunawa ang

kahulugan at kabuluhan ng buhay, lalong sumusugat sa puso’t diwa

ang mga nakaligtaang isagawa o ipahayag.”

Maging kasangkapan nawa ang riserts na ito sa nais niyang

ipahayag, sa mga madudukal pang kaalaman mula sa makatang

nakasisigurong tatawid sa imortalidad ng Panitikang Filipino. At

para sa kabatiran ng lahat ng mambabasa, tumatangkilik mang lubos

o bantulot sa pagtangkilik ng Panitikang Filipino, tandaan ang

sinabi ng yumaong makatang Mike Bigornia: “Memorable at

napakagandang karanasan ang pagbasa sa mga tula ni Antonio; bawat

tula’y isang abentura, isang kabayanihan, isang pag-ibig.”

(1982:14)

Layunin ng Riserts

9

Pangunahing layunin ng riserts na ito na ipakilala sa

pamamagitan ng biyograpiya ang makatang si Teo T. Antonio sa

pamamagitan ng patalakay sa kaniyang mga tulang kumakatawan sa

iba’t ibang panahon ng kaniyang buhay bilang makata.

II. Mga Kaugnay na Pag-aaral at Literatura

Naratibo ng Biyograpiya Bilang Pundasyon ng Riserts

Prominenteng binanggit na ito ni Cristina Pantoja-Hidalgo sa

kaniyang akdang Creative Nonfiction, A Manual for Filipino Writers. Ang ibang

unibersidad sa Estados Unidos at Gran Britanya ay kumikilala na

sa genre ng pagsulat ng biyograpiya sa ilalim ng rubrics ng

creative nonfiction. Nag-aalok na ang mga unibersidad sa lupalop na

iyon ng daigdig ng mga kurso tulad ng “Literary Biography and

Autobigraphy” at “Writing Lives: Literary Biography and

Autobiography in Theory, History and Practice.” Katunayan, ang

mga unibersidad na ito ay nagbibigay ng pagkakataon sa kanilang

mag-aaral na sumulat ng isang critical study o “exercise in

writing biography.” (2005:8-9)

10

Ayon pa rin kay Hidalgo, ang Texas A&M University sa Estados

Unidos ay nagdaos na ng kumperensiyang may tuon sa

“Autobiography, the Scholar, and the Essay” hinggil sa pagtanggap

ng akademiya sa riserts na may tuon sa pagsulat ng talambuhay.

Tinalakay dito ang mga kakaharaping suliranin sa pagsulat ng

naratibo sa larang ng biograpiya. Sa ganitong linyang tinatahak

ng riserts sa akademiya sa ibayong dagat, marapat lamang na

pagsimulan ito ng mga nangungunang unibersidad sa bansa tulad ng

Pamantasang De La Salle at Unibersidad ng Santo Tomas na mayroong

maringal na kasaysayan ng riserts at inobasyon sa riserts bilang

rekisito sa mga guro.

Hindi na bago ang biyograpiya bilang mulaan ng pagkilala sa

isang “bantog” na tao sa larang ng nakalathalang pamamahayag.

Nariyan sina Nick Joaquin na nagsulat hinggil sa buhay ng

bayaning sina Gregorio Del Pilar at Antonio Luna. Sumulat din si

Joaquin ng kasaysayan ng pamilyang Aquino ng Tarlac. Sa larang ng

akademiya, may mangilan-ngilang pag-aaral na inilahad batay sa

biyograpiya tulad ng pag-aaral at pagtitipon ni Almario sa mga

tula ni Jose Rizal, Jose Corazon De Jesus at Lope K. Santos.

11

Ngunit ito man ay hindi maipapaloob sa kategorya ng biyograpiya,

sa halip, dapat tingnan ang mga pag-aaral at riserts na ito

bilang insidental na biyograpiya tungo sa paglalahad ng kabuuan

ng mga tula ng mga makatang nabanggit, dahil ito naman talaga ang

unang dahilan kung bakit ito isinulat at inilathala.

Idagdag pa sa mga halimbawa ng kalipunan/biyograpiya ang

katotohanang mga yumao na ang mga makatang paksa ng biyograpiyang

ito. Malungkot isiping kailangan pang yumao ang makata/manunulat

upang kilalanin at parangalan ng isang biyograpiya. Ganito rin

ang kaso sa manunulat/makata sa Ingles, lalo na ang sa mag-

asawang Tiempo ng Silliman University sa lungsod ng Dumaguete.

Kung kailan sumakabilang-buhay saka pa lamang nabibigyan ng

atensiyong gawan ng biyograpiya. O sadyang ito ang napapanahon?

Sa bilis ng pagpapalit ng impormasyon sa panahon ng

internet, may malaking tsansang malimot agad ng mambabasa ang

isinulat at iniwang bakas ng mga manunulat at makata. Dapat, at

bilang susog sa mungkahi ni Hidalgo, ngayon pa lamang ay sumabay

na ang nasa akademiya sa pagpapakalat ng kaalaman hinggil, hindi

lamang sa naisulat kung hindi maging sa buhay ng manunulat.

12

Ang Biograpiya ng Ibang Makata-Manunulat Bilang Gawaing Akademiko

Malinaw ka Jun Cruz Reyes na ang maging paksa ng riserts ay

pagkakahon. Malupit itong parusa sa sinumang magiging bilanggo ng

kahong ito. Mapaniil ito lalo pa’t pinag-ukulan ng mahabang

panahon upang mabuo ang kahon, upang maging depinitibo ang kahon

na siyang sisisiil sa paksa. Taglay ng kapangyarihan ng kahong

ito ang maparikalang kulungan upang maitanghal. Ikinukulong ang

anuman at sinuman sa kahon upang kaipala’y maitanghal sa madla,

sa mambabasa: saksihan ninyo, ito ang kaniyang buhay, ito ang

kung anumang mayroon siya.

Nauunawaan ni Jun Cruz Reyes, iginagalang na manunulat at

propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, ang kapangyarihan ng kahong

ito. Dito niya sinimulan ang kaniyang pagkakahon, ang ilatag muna

ang nilikhang kahon ng iba, na sinundan ng kaniyang nililikhang

kahon na pamamahayan ni Ka Amado V. Hernandez, Pambansang Alagad

ng Sining sa Panitikan at primera-klaseng lider-manggagawa kung

kaya ibinunsod ang “Ka Amado”.

13

Sa kahong nililikha niya para kay Ka Amado, ipinaliwanag ni

Reyes na isa lamang siyang “kuwentista na umaastang investigative

journalist, na laging naghahanap ng clue para lamang may

maidugtong pa sa nalalaman na.” (xiii) Ang mga nalalamang ito ay

ang mga nauna ngunit “kulang” sa kabuuang kahon na binuo ng mga

Almario, Lumbera, at Torres-Yu. Mga kahong sa unang malas ay

malalaki, mabubulas, kumpleto ngunit ayon sa riserts ni Reyes, ay

“kulang na kulang” dahil ang mga naunang kahon ay nagtatanghal

lamang kay Hernandez sa isang makitid na paksa, makata halimbawa,

o lider-manggagawa. Wala ang Hernandez na tao, ordinaryong tao na

may mga kaibigan, makatang mayroong impluwensiya, ang kaniyang

kakayahang ekonomiko, sa madali’t salita, mumunting detalyeng

hindi itinatanghal ng mga naunang bumuo ng kahon.

Diumano, nabuo ni Reyes ang kahon ni Ka Amado sa pamamagitan

ng “paghahalungkat, pangangapa, at pagkakalkal.” (xvii) Ang mga

gawaing ito ay malayong matawag na istandard ng pagbuo ng riserts

lalo pa’t ang batayan ay ang riserts na mahigpit na itinatakda ng

akademiya. Pero iba si Reyes bilang akademiko. Iba ang kaniyang

sinuong, isang maparikalang kurso: doktorado sa malikhaing

14

pagsulat. Iba ang unibersidad na tuntungan niya, Unibersidad ng

Pilipinas.

Gayung iba ang paraan niya ng pagbuo ng tanghalan—hindi ang

katulad ng inirereseta ng ibang akademiko—pareho pa rin ang

pinaghuhugutan ni Reyes ng itatanghal sa pagbuo ng talambuhay ni

Ka Amado: “ano ang sinabi ng mga tala ng mga nakakakilala sa

taong ginagawan ng pag-aaral na nasa anyo ng isang kritisismo? O

mga biyograpi na ikinomisyon ng isang pamilya. Pangalawa, ano ang

isinulat niya tungkol sa sarili? Pangatlo, ano ang sinasabi mismo

ng kanyang mga akdang pangliteratura.” (xiii)

Pero dahil ang kay Reyes ay biyograpiya sa ilalim ng rubriks

ng Malikhaing Pagsulat, hindi dapat asahang nakapaloob lagi ang

biyograpiya ni Ka Amado itinakda niya mismong paghuhugutan ng

materyal upang mabuo ang kahon. Dapat asahang kagila-gilalas ang

panulat, kathang-isip man, hinugot sa tunay-na-buhay, o

kombinasyon ng mga ito.

Dahil tumatalakay ang “Ka Amado” sa buhay, natural—at inamin

ito ni Reyes—na may simula at wakas: Kung kailan unang huminga sa

labas ng sinapupunan at kung kailan nalagutan ng hininga. Ito,

15

kasama pa ang ibang detalyeng pang-curriculum vitae ang mga

Google-material, na dapat asahan sa isang talambuhay. Sino ang

kaniyang magulang at nuno? Saan siya nag-aral? Nasaan siya ng mga

panahon ng bansang inihilera ni Reyes? Anong pangyayaring

makasaysayan sa bansa ang kaalinsabay ng pangyayari sa buhay at

naging papel ni Ka Amado? Anong relasyon higit sa mag-asawa ang

namagitan kina Ka Amado at Honorata “Atang” de la Rama, ang

“Reyna ng Kundiman at Reyna na rin ng Tanghalan” (151) upang

madagdagan—at ito ang terminong ekstensibong ginamit ni Reyes—ang

leyenda ni Ka Amado? Ano ang masasabi ng maraming tao—buhay,

patay, nakasaksi man o hindi, naimpluwensiyahan—hinggil sa buhay

at naisulat ni Ka Amado?

Dahil makata si Ka Amado, rekisito ang pagsusuri sa kaniyang

mga tula, pagkakatalogo batay sa panahon, impluwensiya at paksa

at pagkakalathala. Dahil nobelista si Ka Amado, ilalapat ang

kaniyang mga pamosong nobela sa nangyari at nangyayari noon sa

bansa pati na ang paglalapat ng “realidad” na tinugis ni Reyes sa

kahabaan ng kaniyang riserts. Dahil lider-manggagawa si Ka Amado,

may ekstensibong talakay hinggil sa kaniyang mga gawaing may

16

kinalaman sa kaniyang bokasyong isulong ang kapakanan ng

manggagawang noong panahon ng kaniyang mortal na pag-iral ay

bago-bago pa lamang kinikilala sa ating bansa kung kaya may hibo

ng radikal na pagsulong mula sa makalumang paraan ng pagkilala sa

mga obrero. Dahil bilanggong-politikal si Ka Amado, naroon din,

at marapat na naroon din, ang hinggil sa kaniyang buhay sa

piitan, ang kaniyang mga iconic na tulang naisulat sa bawat

panahong inilagi sa bilibid at kung paano ito naipupuslit

palabas. Dahil mamamahayag si Ka Amado, ilalangkap ang milieu

nito sa riserts. Dahil guro si Ka Amado, taglay ng kahon ang

buhay niya sa akademiya hanggang sa huling sandali, totoong

huling sandali, ng kaniyang buhay na nagnais matsekan ang mga

papel sa pagsusulit ng kaniyang mga prominenteng mag-aaral tulad

nina Rose Torres-Yu at Lilia Antonio. At ito sa kabuuan ang laman

ng riserts. Ngunit masasabing karaniwan kung ito lamang. Kaya

higit pa rito ang halos buong buhay na pagtugis ni Reyes sa

buhay, tula, at leyenda ng makatang taga-Tundo at Hagunoy.

17

18

III. Metodolohiya at Limitasyon

Naratibo at Diakronikong Sampling

Kinikilala na ng akademiya ang dulog-riserts gamit ang

metodolohiyang naratibo o narrative sa Ingles sa ilalim ng mas

malawak na kategorya ng qualitative research. Sa mas tiyak na

pagtukoy, papailalim ang pagtatangkang pagsulat ng biograpiya sa

sinasabi ni Christine Bold (2012) na temang biographical data.

Ayon kay Bold, dapat intensiyon ng mananaliksik ang pagkolekta ng

biographical data bilang realistiko sa konteksto (9). Maaaring

maging kasangkapan sa riserts na ito ang pakikipamuhay sa sabjek

bilang ethnographic replication upang mabuo ang biyograpiya.

Sa riserts na ito, may dalawang landas na magkasabay na

tatahakin: una ang representasyon ng mga tula ni Antonio bilang

panulukan ng kaniyang buhay na lilimiin at ihahayag sa

pamamagitan ng diakronikong pagpili ng kaniyang mga tulang

kakatawan sa bawat panahon. Ikalawa, ang mismong pagsasalaysay ng

buhay ng makata na maaaring katawanin ng insidental na pagtula.

Sa ganoong pagtahak nang sabay sa dalawang landas, matatamo ang

19

daynamiks ng paglikha at buhay ng makata sa loob at labas ng

panitikan.

Gayunman, ayon kay Bold, ang paraan ng riserts gamit ang

naratibo bilang dulog ay mayroong kahinaan. Sinabi ni Bold, batay

sa kaniyang pagsipi kay Donald Polkinghorne, na ang naratibo ay

“always tentative and cannot provide certainties.” Sa kabila

nito, binanggit din naman ni Bold ang mahabang kasaysayan ng

naratibo sa riserts na ginagamit na sa larang ng kasaysayan at

teolohiya (17). Dagdag pa ni Bold tungkol sa bisa ng naratibo

bilang riserts:

“Narrative is central to human

experience and existence, providing

opportunity to share the nature and order of

events at a particular time of history. It

helps to define self and personal identity.”

(17-18)

Mahalagang punto ring binanggit ni Bold ang naratibo bilang

salaysay ng prosesong kung ihahakab sa mungkahing riserts hinggil

sa Tulambuhay ni Antonio, maisisiwalat ang proseso ng kaniyang

paglikha (19). Ang prosesong ito ay may lubos na pakinabang naman20

hindi lamang sa tumatangkilik sa kaniyang tula at buhay

(Tulambuhay) kung hindi maging sa mga nagnanais tumula. Maaaring

i-approximate ng mga nagnanais tumula ang anumang maisisiwalat na

proseso ng pagkatha ni Antonio. Bagay na makatutulong ng lubos sa

pagyabong ng nananamlay na larang ng panitikan sa bansa sa

pamamagitan ng pag-usbong ng iba pang makatang gagamit sa padron

ng paglikha ni Antonio.

Sa ikalawang landas na tatahakin naman, mariing

iminumungkahi ni Edel Leon (1973) ang kahalagahan ng higit na

deretsahang Literary Biography upang ayon sa kaniya ay “to restore

the very sense of life to the inert materials that survive an

individual’s passage on this earth,” na tumutukoy sa mga kathang

tiyak na maiiwan ng makata/manunulat sa kaniyang pagyao.

Idinagdag pa niya na ang biographical process ay “civilizing—a

humanizing—process.” Pinatingkad pang lalo ni Edel na ang

biyograpiya ay isang tala (record sa Ingles) gamit ang mga salita

na “...of something that is mercurial and as flowing, as compact

of temperement and emotion, as the human spirit itself. (1)

21

Mabigat na katangiang dapat taglayin ng mga nagnanais

sumulat ng biyograpiya na maging masinop, organisado at lohikal

sa paglalarawan ng “elusive flamelike human spirit” ng sinumang

ginagawan ng biyograpiya. May mahalagang pansin din si Edel

hinggil sa pagsulat ng biyograpiya na ang saligan ay buhay at

hindi lamang ang walang-buhay na katha (inert materials, ayon kay

Edel), na lalong nagpaningning sa pangangailangang isulat ang

buhay ng makatang patuloy na humihinga. Sabi ni Edel,

“The biographer that works from life...

has an extraordinary advantage over the

biographer who works from the document... He

ha seen his man in the flesh, he has been

aware of a three-dimensional being, drawing

breath and sitting in the midst of an age

they both share. In his mind he retains a

sharp image of his subject. He has heard the

voice and seen the gesture.” (23-24)

Sa ganitong linya ng pagbibigay ng dahilan sa pagsulat ng

biyograpiya, mangangailangan ng pagmamadali upang hindi abutin,

muli, ayon kay Edel, ng “[The latecoming biographer] hears only

the rustle of the pages amid the silence of the tomb.” (24) Isa22

pa ring malinaw na puntong mapanghahawakan na dapat isulat ang

biyograpiya hangga’t naririto sa daigdig ang paksa. Hangga’t wika

nga’y kapiling ng mananaliksik o biyograpo.

Samantala, batay pa rin sa proposisyong iminumungkahi ni

Edel ang prosesong dapat isakatuparan ng sinumang susulat ng

biyograpiya na inilahad niya sa pagkakasunod na kabanata ng

kaniyang aklat/manwal sa pagsulat ng biyograpiya. Una ang

pamimili ng sabjek na sa papel na ito ay nakatuon sa dakilang

makatang si Teo T. Antonio. Ikalawa, matapos ang rekisito ng

pagpili ng sabjek ay ang pangangalap at paghahanap ng materyal:

nalathala at hindi nalathalang tula, sanaysay, liham, at sa

kasalukuyan, komento at istatus sa social networks. Sa puntong

ito, papasok ang diakronikong pagpili ng kakatawang tula sa bawat

panahong isasalaysay ng mananaliksik hinggil sa buhay ni Antonio

bilang makata ng bayan: ang tradisyon ng nakamihasnan niyang

pagtula; mga tula sa panahon at matapos ang Batas Militar; at ang

kaniyang mga tula sa panahon ng Internet.

Ikatlo, at ang sinasabi ni Edel na pinakakritikal ay ang

kritisismo ng mga sampling ng akda ng sabjek na nakapaloob sa

23

labindalawang aklat, mangilan-ngilang publikasyong hindi pa

nakabibilang sa alinmang kalipunan, at mga tulang titipunin pa

lamang sa hinaharap. Tandaan na prolipiko si Antonio na gumagamit

na rin ng social media sa paglalathala ng kaniyang tula lalo’t

nakatira na siya, sana’y pansamantala, sa Estados Unidos.

Gayunman, upang higit na umakma sa kontekstong Filipino ang

riserts, tutumbasan ng maka-Filipinong panunuri ang mga sampling

na tula batay naman sa proposisyong pangkritika ni Virgilio S.

Almario, ang Bagong Pormalismong Filipino na

Ikaapat ang Psychoanalysis bilang paraan upang lubos na

makilala ang sabjek. Ayon sa mungkahi ni Edel, mabisang paraan

ang psychoanalysis upang bigyang kahulugan ang mga simbolong

nakapaligid sa buhay at pagkatha ng sabjek. Sinabi pa ni Edel na

“The psychoanalyst, reading the pattern

of the work, can attempt to tell us what was

wrong with the artist’s mental or psychic

health. The biographer, reading the same

pattern in the larger picture of the human

condition, seeks to show how the negatives

were converted to positives...” (95)

24

Ilang halimbawang ibinigay ni Edel ang transpormasyon ng

paglikha ni Proust buhat sa kaniyang dinaramdam na allergy at

“withdrawal from the pain of experience” tungo sa bagong mundo ni

Combray; si Virginia Woolf buhat sa kaniyang kalungkutan tungo sa

paglikha ng makatotohanang tauhan sa kaniyang akda. Dahil totoong

hindi naman talaga nagkakalayo ang sikolohiya at panitikan. Ayon

pa rin kay Edel, matagal nang ginagamit ang pag-unawa sa takbo ng

isip ng tao na inilalapat sa mga tauhan halimbawa sa dula ni

Shakespeare tulad ng Hamlet.

Sa bahaging ito, sisipatin ang mga detalye hinggil sa

panipat-sikolohiya na ipinapanukala nina Virgilio Enriquez na

Sikolohiyang Filipino. Naniniwala ang mananaliksik na higit na

liliwayway ang kahulugan ng kaniyang mga tula kung kikilanin ang

mga salik sa maka-Filipinong pagsusuri ng kaisipan.

Ikalima sa prosesong dapat daanan ng sumusulat ng

biyograpiya ang konsiderasyon sa oras, ang kulminasyon ng

kaniyang gawain bilang biyograpo kung kailan nagsasama-sama ang

katangiang kumilala, imbestigador, kritiko, at sikologo. Sinasabi

ni Edel na kritikal ang pagtimbang sa tanong na “kailan”.

25

Nakasalalay sa kamay ng biyograpo ang kaniyang isusulat: kung

kailan, at anong bahagi ng buhay magsisimula at magtatapos. (123)

Upang matugunan ang kahingiang ito, sasaklawin ng riserts

ang panahon buhat nang siya ay unang maglathala ng tula—o

bumigkas ng tula kung mayroong mapanghahawakang katibayan hinggil

dito—hanggang sa taong 2013, na malaking tsansang kabilang ang

mga tulang isinulat ni Antonio sa social network.

Tulambuhay

Masinop si Antonio. May mataos na paniniwala ang

mananaliksik na ang mga kalipunan niya ay sumasagisag sa bawat

bahagi ng kaniyang buhay kung kaya nga diakroniko. Taglay halimbawa

ng ilang mga tula sa kalipunang Taga sa Bato ang ilang detalye ng

kaniyang kabataan sa Bulacan, Bulacan. Kung paano ang danas ng

pangingisda at paglalaro sa mga pilapil ng palaisdaan. Nilalaman

din ng Taga sa Bato ang ilang dated na isyung panlipunan noong

panahong iyon na maaaring magkaroon ng panibagong sipat kung

ilalapat sa kasalukuyang isyung panlipunan.

26

Kaalinsabay nito, batay sa mungkahing proseso ng pagsulat ni

Edel, maraming kakaharaping hamon ang mananaliksik. Maaaring sa

kahabaan ng proseso, at bagay namang inaasahan ng mananaliksik,

ay tumining ang pangangailangang tumutok lamang sa isa o ilang

facet ng buhay ni Antonio bilang tao at makata. Maaari rin, at

malinaw itong posibilidad, na kailangang sipatin sa malayuan o

makrong pagtanaw ang pagsulat ng biyograpiya ng isang dakilang

makatang tulad ni Antonio. Sa kasalukuyang estado ng riserts na

ito, mahalagang ituon ang pansin at ikawing sa mabuting hangarin

ni Edel ang pagsulat ng biyograpiya ni Antonio: na isang

humanizing o pagsasataong proseso ang pagsulat ng biyograpiya.

Dahil bukod sa dakilang makata, mahalagang makilala si Antonio

bilang tao habang kapiling pa natin siya.

Batayang Konseptwal

27

Sanggunian

Aklat

Almario, Virgilio S. “Balagtasismo Versus Modernismo”. Ateneo De Manila University Press. Lungsod Quezon. 1984.

---. “Mutyang Dilim Ang Bagong Pormalismong Filipino sa Pagbasa ng Tula” Talingdao Publishing. Lungsod ng Marikina. 2001.

Antonio, Emilio Mar. “Ang Nayon Ko at iba pang tula”. Ateneo De Manila University Press. Lungsod Quezon. 1999.

Antonio Teo T. “Biro-biro Kung Sanlan”. Tagak Series. Kamuning, Lungsod Quezon. 1982.

---. “Taga sa Bato Mga Piling Tula 1973-1988.” Ateneo De Manila University Press. Lungsod Quezon. 1991.

---. “Distrungka.” University of Santo Tomas Publishing House. Manila. 2011.

28

PAGSUSURI SA MGA KUMAKATA WANG TULA AT PAG NG MAKATANG SI TEO T. ANTONIO

SIMULA NG PAGTULA

PANAHON NG BATAS MILITAR

MATAPOS ANG BATAS MILITAR

PANAHON NG INTERNET

LIPUNANG PILIPINO

Bigornia, Mike. Balani at Birtud ng Tula ni Teo T. Antonio. nasa “Biro-biro Kung Sanlan”. Tagak Series. Kamuning, Lungsod Quezon. 1982.

Bold, Christine. “Using Narrative in Research.” Sage PublicationsLtd. London. 2012.

Edel, Leon. “Literary Biography.” Indiana University Press. Bloomington. 1973.

Pantoja-Hidalgo, Critina. “Creative Nonfiction, A Manual for Filipino Writers.” The University of the Philippines Press. Quezon City. 2005.

Reyes, Jun Cruz. “Ka Amado.” The University of the Philippines Press. Quezon City. 2012.

Tesis

Delos Reyes Joselito D. “Sa Mataas na Upuan: Kasaysayan at Poetika ng High Chair” M.A. Thesis. De La Salle University, 2011.

Email

Baquiran, Romulo Pascual. Email sa mananaliksik. 11 Disyembre 2012.

Sanchez, Louie Jon. Email sa mananaliksik. 10 Disyembre 2012.

Villasis, Enrique. Email sa mananaliksik. 11 Disyembre 2012.

29