rebyu sa progreso ng at salin-suri ng piling dokumento sa ... · pdf filegobyerno ng republika...
Post on 17-Feb-2018
426 Views
Preview:
TRANSCRIPT
1 sa 21
Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa Usapang
Pangkapayapaan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National
Democratic Front of the Philippines (NDFP): Tungo sa Tagumpay ng Usapang
Pangkapayapaang Nakabatay sa Pagkakaisa Para sa Pambansang Kaunlaran
ni John Kelvin R. Briones
(sanaysay na nagwagi ng Ikatlong Gantimpala sa
Gawad Komisyon sa Wikang Filipino/KWF sa Sanaysay 2014 na may temang
Wikang Filipino: Wika ng Kapayapaan)
~~~
“Lupa nating hati-hati/Pag-isahin nating muli.”
– mula sa awiting “Kapayapaan” ng Tropical Depression
~~~
Popular na awitin sa buong Pilipinas ang tunog-reggae na “Kapayapaan,” senyales
ng matinding uhaw ng sambayanang Pilipino sa pagkamit ng tunay na kapayapaan sa
bansang deka-dekada nang pinagod at pinaluha ng mga digmaang walang katapusan –
isang trahedyang dinanas at dinaranas pa rin ngayon ng maraming bansa gaya ng
pinatutunayan sa ulat Global Peace Index 2014 ng Institute for Economics and Peace,
isang respetadong global na think tank sa mga usaping pang-ekonomya at
pangkapayapaan. Ayon sa ulat na ito, pang-29 ang Pilipinas sa pinakamagugulong (o
di mapayapang) bansa sa buong mundo, at South Sudan naman ang pinakamagulong
bansa. Humigit-kumulang 100 bansa ang nakakuha ng mababang marka sa nasabing
2 sa 21
sukatan ng kapayapaan na sumasaklaw sa iba’t ibang aspekto tulad ng pag-iral ng
domestiko at internasyonal na digmaan; seguridad at kaligtasang panlipunan; at
militarisasyon. Samantala, Europa ang itinuturing na pinakamapayapang kontinente (na
coincidentally ay siya ring pinakamaunlad sa antas ng kita, kalusugan, edukasyon at iba
pang salik na sosyo-ekonomiko). Samakatwid, binibigyang-diin ng ulat na kabi-kabilang
umiiral ang digmaan at kapayapaan sa daigdig.
Ang pagiging global ng trahedya ng digmaan – na pinagkagastahan ng mga bansa
tinatayang $9.8 trilyon noong 2014, ayon sa Global Peace Index Report 2014 – at sa
pag-asang dulot ng kapayapaan ay napakasalimuot kaya’t nangangailangan ng
matamang pagsusuri at paglalagay sa akmang konteksto. Sa pananaw ng mga
gobyernong totalitaryan, ito ang kawalan ng oposisyon sa kanilang paghahari. Sa
pananaw naman ng mga non-government organizations (NGO), walang kapayapaan
kung walang katarungan; may rebelyon sapagkat hindi lahat ay nakikinabang, at sa
halip ay napagsasamantalahan o kaya’y inaapi ng/sa status quo. Alinsunod naman sa
pananaw ng mga rebelde ang kapayapaan ay sinonimo ng pagkawasak ng poder-
imprastraktura ng kinamumuhiang reaksyunaryong gobyerno na hindi nakatutupad sa
nakatalang kasunduang panlipunan (karaniwang nasa Konstitusyon ng alinmang
bansa). Bahagi ng poder-imprastrakturang ito ang monopolyo ng maliit na porsyentong
elite sa resorses ng bansa. Samakatwid, malinaw na may dimensyong ekonomiko ang
pag-iral ng digmaan, at ang paghahangad na makamtan ang kapayapaan sa
pamamagitan ng rebolusyon at/o negosasyon. Alinsunod sa mga teorista sa agham
pampolitika, ang mga isyu ng politikal na ekonomya ay mahalaga sa “porma at paggana
3 sa 21
ng mga prosesong pangkapayapaan” na pawang sumasaklaw sa mga usaping gaya ng
kontrol sa likas na yaman, kahirapan at iba pang isyung pangkaunlaran (Selby, 2011).
Bilang kontribusyon sa pagpapalawak ng diskursong Filipino hinggil sa mga
usapang pangkapayapaan, babaybayin ng papel na ito ang progreso ng usapang
pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at ng
National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na kumakatawan sa Communist
Party of the Philippines (CPP1) at New People’s Army (NPA). Sa praktikal na antas,
ilalahad din sa sanaysay na ito ang salin-suri ng dokumentong “NDFP 10-Point
Proposal for a Concise Agreement for an Immediate Just Peace” (2011), tungo sa
ikapagtatagumpay ng usapang pangkapayapaang nakabatay sa pagkakaisa para sa
pambansang kaunlaran.
Ilang Tala Hinggil sa Mga Kontemporaryong Rebeldeng Grupo: Anim na Blokeng
Di Matinag-tinag
Sa buong daigdig, anim na aktibong makakaliwang rebeldeng grupo na lamang ang
natitira: ang Sendero Luminoso (Landas na Kumikinang) sa Peru, Fuerzas Armadas
Revolucionarias de Colombia-Ejercito del Pueblo/FARC-EP (Armadong Pwersang
Rebolusyonaryo ng Colombia-Hukbo ng Bayan) sa Colombia, Communist Party of
India-Maoist/CPI-M (Partido Komunista ng India-Marxista-Leninista-Maoista) o kilusang
Naxalite sa India, Unified Communist Party of Nepal-Maoist/UCPN-M (Pinag-isang
Partido Komunista ng Nepal-Maoista) sa Nepal, Kurdistan Workers’ Party/PKK (Partido
1 Ginamit sa sanaysay na ito ang Ingles na CPP sa halip na Filipinong PKP sapagkat ang isa pang partido komunista
sa Pilipinas na itinayo noong 1930 ay higit na kilala bilang PKP, bagamat ang CPP na itinatag naman noong 1968 ay ginagamit din ang pangalang PKP sa mga dokumento nito sa Filipino. Sa mga dokumento ng CPP na masisipat online, ang 1968 ay itinuturing na taon ng “muling pagtatatag” ng kanilang partido na ang bulto ng mga unang kasapi ay galing sa PKP na itinatag noong 1930.
4 sa 21
ng Mga Manggagawa sa Kurdistan) sa Kurdistan o bahagi ng Turkiya, at Communist
Party Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the
Philippines/CPP-NPA-NDFP (Partido Komunista ng Pilipinas-Bagong Hukbong Bayan-
Pambansa-Demokratikong Prente ng Pilipinas). Ang anim na pangkat na ito ay
naghahangad na wasakin ang mga umiiral na reaksyunaryong gobyerno sa kani-
kanilang bayan upang makapagtayo ng mga sosyalista, komunista, o malasosyalistang2
gobyernong sekular, kaiba sa mga teroristang grupo (ayon sa malawak na konsensus
ng maraming bansa), gaya ng Jemaah Islamiyah, Al Qaeda at Islamic State in Iraq and
Syria (ISIS)3 na walang malinaw na alternatibong nais ipalit sa umiiral na sistemang
sosyo-ekonomiko. Sa anim na aktibong makakaliwang kilusang rebeldeng nabanggit,
iba’t iba rin ang antas ng pag-iral (o kawalan) ng usapang pangkapayapaan.
Sisinghap-singhap na ang kilusang Sendero Luminoso sa Peru dahil ang mga
pinuno nito’y nakabilanggo (Switzer, 2007), at walang nagaganap na usapang
pangkapayapaan sa kasalukuyan dahil itinuturing na terorista ng gobyernong Peruviano
ang nasabing grupo kahit na may mga indikasyon na handang makipagnegosasyon ang
mga natitira pa nitong pinuno (BBC News Online, 2014). Samantala, ang usapang
pangkapayapaan naman sa pagitan ng FARC-EP at ng gobyerno ng Colombia ay nasa
huling bahagi na. Ang bansang Cuba na pinamumunuan ng Partido Comunista de Cuba
(PCC) mula pa noong dekada 60, ang nagbroker ng nasabing usapang
pangkapayapaan. Tatlong mahalagang usapin na ang natalakay at napagkasunduan ng
2 Malasosyalista lamang ang PKK sapagkat wala na itong tahas na pagyakap sa ideolohiyang sosyalismo bagamat
ang baseng masa o mass base nito ay mga manggagawang karaniwan ding baseng masa ng mga tipikal na sosyalista at komunistang kilusang rebelde sa maraming panig ng mundo, at Marxista-Leninista rin ang orihinal nitong oryentasyon hanggang noong madakip ang lider nito noong 1999 (Ocalan, 2007). 3 Ang tatlong grupong ito’y nagtatangkang bumuo ng mga estado o kaya’y supra-estadong Islamiko sa
pamamagitan ng paggamit ng mga pamamaraang itinuturing na teroristiko ng mga gobyerno ng mga bansang Kanluranin sa Hilagang Amerika at sa Europa, at maging sa malaking bahagi ng Third World.
5 sa 21
FARC-EP at ng gobyerno ng Colombia, batay sa mga communique na nakapaskel sa
opisyal na website ng FARCP-EP Peace Delegation (2013 at 2014): una, hinggil sa
paglaban sa trafficking ng droga; ikalawa, tungkol sa pagpapatupad ng reporma sa lupa
(redistribusyon ng lupa sa mga magsasaka na baseng masa ng mga rebelde); at ikatlo,
tungkol sa pagbubuo ng truth commission na mag-iimbestiga sa mga paglabag sa
karapatang pantao ng mga aktor sa gera-sibil na kumitil na ng 250,000 Colombiano
mula 1964 (Watts at Brodzinsky, 2014). Muntik nang malagay sa balag ng alanganin
ang usapang pangkapayapaan sa Colombia dahil bago ang eleksyon, liyamado sa
eleksyong presidensyal noong Hunyo 2014 ang ultrakonserbatibong kandidato na
nangakong ibabasura ang pakikipag-usap sa FARC-EP na itinuturing niyang teroristang
grupo4. Samantala, wala pang pormal na usapan sa pagitan ng CPI-M at ng gobyerno
ng India (Banerjee, 2014). Katunayan, tila walang tsansa ang anumang pagtatangkang
diyalogo sa pagitan ng dalawang entidad na ito dahil sa marahas na kampanyang anti-
insurhensya ng India at sa marahas ding pamamaraan ng mga rebelde na hindi
nangingiming targetin ang mga publikong imprastraktura gaya ng tren na
pinaniniwalaang ginagamit ng pulisya at militar ng India, bagay na karaniwang
nagreresulta rin sa mga kaswalting sibilyan. Gayunman, lumalawak naman ang suporta
para sa mga Naxalite sanhi ng malawakang diskriminasyon laban sa at dislokasyon ng
mga Adivasi na nakatira sa mga kagubatang balak gawing minahan ng gobyerno at ng
mga dambuhalang korporasyong Indian at dayuhan, bagay na tinatalakay na maging ng
mga mainstream na pelikulang Bollywood gaya ng “Chakravyuh5” (2012).
4 Idineklarang nagwagi sa eleksyon noong Huntyo 15, 2014 ang kandidato na nagsimula ng usapang
pangkapayapaan at ngayo’y nasa ikalawa na niyang termino. 5 Ipinakete ng pelikulang ito ang pagtalakay sa pakikibaka ng mga Naxalite sa tipikal na Bollywood film na lunod sa
usaping romantiko/romantisista at musika. Gayunman, matagumpay ang nasabing pelikula sa makatotohanan at
6 sa 21
Sa Nepal naman, may truce sa pagitan ng gobyerno at ng UCPN-M dahil kasama sa
malawak na kilusang anti-monarkiya ang mga komunista, at mula noong 2008 ay
bahagi na ng gobyerno ang mga kasapi ng UCPN-M. Anu’t anuman, tila hindi pa ganap
na tapos ang gera-sibil doon sapagkat may paksyon sa loob ng UCPN-M na hindi pa
ganap na kumbinsido sa kakayahan ng kanilang hanay na pangibabawan ang umiiral
na gobyernong koalisyon. Katunayan, hindi pa nadidisbando ang lahat ng kasapi ng
hukbong sandatahan ng UCPN-M, at tila naghihintay ang marami sa kanila ng
kautusang muling isulong ang armadong rebolusyon, sakaling lumihis ng landas ang
gobyernong koalisyon na inaasahang magpapatupad ng malawakang repormang
panlipunan upang maiahon sa kahirapan ang mga mamamayan ng Nepal. Noong 2012,
pumaksyon mula sa UCPN-M ang isang bloke na naniniwalang rebolusyon pa rin at di
parlamentaryong pakikibaka ang mapagpasya sa pagkamit ng tagumpay. Itinayo nila
ang Communist Party of Nepal-Maoist (CPN-M). Samantala, nakabilanggo rin ang
pinuno ng PKK na si Abdullah Ocalan, ngunit may usapang pangkapayapaan sa
pagitan ng kanyang liderato at ng liderato ng gobyerno ng Turkiya (Letsch, 2013).
Kapansin-pansin ng lahat ng usapang pangkapayapaan ng mga ito’y isinasagawa
gamit ang kani-kanilang wika (na pawang di Ingles), di gaya sa Pilipinas na English ang
default language ng dalawang pangkat. Lahat ng mga dokumentong napirmahan ng
Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The Hague Joint
Declaration” (1992) hanggang “Comprehensive Agreement on Respect for Human
Rights and International Humanitarian Law Between the Government of the Republic of
humanistikong paglalarawan sa puno’t dulo ng rebelyong komunista sa India na mahigit apat na dekada na ring naglalagablab dahil sa kabiguan ng gobyernong sentral na paunlarin ang buhay ng mayorya ng mga mamamayan.
7 sa 21
the Philippines and the National Democratic Front of the Philippines6” o “CARHRIHL”
(1998), Ingles ang orihinal na wika ng mga dokumento at ng mga negosasyon. Maging
ang mga press release at ang mga website ng dalawang panig ay nasa Ingles. Sa
unang sipat, tila etse-pwera ang mga ordinaryong mamamayan sa diskurso ng
kapayapaan, kung paanong etse-pwera rin ang mga ordinaryong mamamayan sa
diskurso ng pagpaplanong pangkaunlaran7 sa bansa. Katunayan, sa aklat na “Costly
Wars, Elusive Peace: Collected Articles on the Peace Processes in the Philippines,
1990-2007” (2013) ni Miriam Coronel Ferrer, mahihinuhang ang mga usapang
pangkapayapaan sa bansa ay kontrolado ng elite at ng paggitnang uri sa bansa, batay
na rin sa komposisyon ng mga panel ng gobyerno at ng mga rebelde, at ng mga NGO
at iba pang pormasyong nagtaguyod at nagtataguyod sa mga negosasyon. Kung
makalahok man ang masa sa mga negosasyon, karaniwang sa mga konsultatibong
forum lamang, sa halip na sa mga aktwal na negosasyong pinangingibabawan ng mga
uring may mataas na edukasyon at karaniwang Ingles ang default na wika ng
komunikasyon. Sa ganitong diwa, mahalagang sipatin ang mga pagsisikhay ng
magkabilang panig sa Filipinisasyon ng usapang pangkapayapaan.
6 Sa aktwal, ito na ang pinakamakabuluhang kasunduan na pinirmahan ng GRP at ng NDFP sa isyu ng paggalang sa
karapatang pantao ng mga kombatant sa magkabilang panig. Sa konteksto ng NDFP, itinuring nila ang paglagda rito ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada bilang isang pagkilala sa estadong belligerent ng NDFP. Sa konteksto naman ng gobyerno, diumano’y pagpapatunay ito ng kanilang komitment sa internasyunal na mga kasunduan sa karapatang pantao. Anu’t anuman, ang dalawang panig ay regular na nagbabatuhan ng putik hinggil sa mga paglabag sa kasunduang ito. Mas masininsin ang dokumentasyon ng NDFP kaya’t sa ngayon, mas maraming nakatalang paglabag ang panig ng GRP. Sa kasamaang-palad, hindi pa napagagana ang mekanismo ng pagsasakdal at pagbibigay-diin sa pananagutan ng mga nasa likod ng mga paglabag sa kasunduan, sapagkat hindi pa rin muling umuusad ang usapang pangkapayapaan bunsod ng mga prekondisyong inihahapag ng magkabilang panig. 7 Katunayan, mula noong panahon ng Komonwelt, hanggang sa panahon ng makawikang Filipinong administrasyon
ni Noynoy Aquino (batay lamang sa paggamit niya nito, at hindi sa pangkalahatang polisiya ng kanyang gobyerno na mapatutunayang taliwas sa personal na adbokasi ng pangulo), Ingles ang wika ng pagpaplanong ekonomiko sa bansa. Halimbawa, ang “Philippine Development Plan 2011-2016” ng kasalukuyang administrasyon ay nasa Ingles at ni walang salin o buod man lamang sa wikang Filipino.
8 sa 21
Mga Pagsisikhay sa Filipinisasyon ng Usapang Pangkapayapaan
Sa pangkalahatan, minimal ang pagtatangka ng dalawang panig hinggil sa
Filipinisasyon ng usapang pangkapayapaan. Sa panig ng mga rebelde, inilathala ng
NDFP ang salin sa Filipino ng orihinal na Ingles na teksto ng CARHRIHL noong 2005.
Ayon sa isang liham sa madla (29 Agosto 2008) ni Fidel V. Agcaoili, tagapangulo ng
NDFP Human Rights Monitoring Committee, nirebisa at muling inilimbag ang salin ng
nasabing dokumento noong 2008, batay sa “mga puna at feedback na tinanggap mula
sa mga indibidwal at mga samahan,” na may pasubaling tumatanggap pa rin sila ng
puna para sa panibagong rebisyon, kung kinakailangan. Noong 2006 naman ay
inilathala ng NDFP ang ikalawang edisyon ng 105-pahinang “Praymer Hinggil sa
CARHRIHL” sa Filipino at Ingles. Naglalaman ito ng mga makabuluhang tanong-sagot
hinggil sa pinakakomprehensibong kasunduang nilagdaan ng GRP at ng NDFP. Ang
nasabing praymer ay inilathala na rin ng NDFP sa Bisaya, Ilocano, at Hiligaynon. Bukod
dito, naglabas na rin ang NDFP ng isang-pahinang pamphlet na nagbubuod sa mga
mahahalagang probisyon ng nasabing dokumento sa Ingles at sa Filipino. Bukod sa
mga printed na mga materyal na nabanggit, inilathala na rin ng NDFP sa pamamagitan
ng padepaonline.com (website na minamantine ng Pambansang Kawanihan sa
Edukasyon ng CPP) ang mga sumusunod na dokumento: “Mga Panayam at Pahayag
Hinggil sa Usapang Pangkapayapaan sa Pagitan ng GPH at NDFP” ni Jose Maria
Sison; “Talumpati ni Senador Benigno Aquino III sa Forum sa Kapayapaan at
Seguridad” at artikulong “Hinggil sa CARHRIHL.”
Sa perspektiba ng NDFP, batay sa mga publikasyon nito, ang Filipinisasyon ng
kanilang ideolohiya at politika sa pamamagitan ng pagsasalin ng iba’t ibang
9 sa 21
makabuluhang dokumento ay katumbas ng pagbibigay-lakas o empowerment sa mga
ordinaryong mamamayan na pinapangarap nitong imulat, organisahin, at pakilusin para
sa isang radikal na adyendang sosyo-ekonomiko na magpapalaya sa sambayanan
mula sa tinagurian nitong “tatlong salot na imperyalismo, burukrata-kapitalismo, at
pyudalismo” (Sison, 2013). Para sa NDFP at mga kagaya nitong rebeldeng grupo, ang
pagpapalaganap ng kanilang programa ay magiging mabisa lamang sa wika ng mga
ordinaryong mamamayan. Samakatwid, imperatibo sa konteksto ng mga rebelde ang
magsalin nang magsalin ng mga teksto na magiging kapaki-pakinabang sa paglilinaw
ng kanilang paninindigan at plataporma hinggil sa iba’t ibang suliraning panlipunan, lalo
na yaong may kinalaman sa kabuhayan ng sambayanan. Sa ganitong sitwasyon,
malinaw ang kabuluhan ng winika ng mga teoristang gaya nina Paoli at Da Silva sa
mga kilusang panlipunan na “...nagmomobilisa para sa kapayapaan, sa layuning
ilangkap sa publikong arena ang mga grupong dating nasa laylayan lamang ng lipunan,
at labanan ang mga diskursong nagpailalim sa kanila sa isang makapal na sapot ng
diskriminasyon at eksklusyon” (Mouly, 2011). Sa konteksto nito, lohikal na magsikhay
ang NDFP na itaguyod ang Filipinisasyon ng mga dokumento ng usapang
pangkapayapaan para lalong bigyang-diin ang representasyon nito ng “mga tinig mula
sa ibaba” – alinsunod sa pariralang nilikha ni Gimenez Maceda8 (1996) – na hindi Ingles
o anupamang wikang dayuhan ang sinasalita.
Samantala, wala ni isa mang dokumento ng usapang pangkapayapaan ang
isinalin ng GRP. Ang mga publikasyon ng Office of the Presidential Adviser on the
Peace Process (OPAPP) na siyang nangungunang ahensya ng gobyerno sa lahat ng
8 Ang kanyang nalathalang disertasyon ay isang detalyadong dokumentasyon at historisasyon ng mas naunang
kilusang komunistang itinatag noong 1930, sa pamamagitan ng mga awit ng Partido Socialista ng Pilipinas (PSP) at Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na naisalba niya mula sa muntik nang kolektibong pagkalimot.
10 sa 21
usapang pangkapayapaan, ay pawang nasa Ingles, pati ang buong website nito. Sa
kabutihang-palad, may pagtatangka ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na
itaguyod ang wikang Filipino bilang wika ng pagkakaisa at kapayapaan sa buong
kapuluan. Nooog Pebrero 13-15, isinagawa ng KWF ang aktibidad na may temang
“Wika ng Kapayapaan: Pambansang Summit at Palihan” na ginanap sa Malaybalay,
Bukidnon at nagbuklod sa mga “kinatawan ng mga pangkat etniko” sa buong bansa
(Añonuevo, 2014). Sa nasabing summit, pinagtibay ng mga delegado ang isang
resolusyon na nagrerekomenda kay Pangulong Benigno S. Aquino III na gamitin “...ang
wikang Filipino sa mga kasunduang pangkapayapaan at iba pang kaugnay na batas.”
Ayon sa nasabing resolusyon, “...ang kaganapan ng kapayapaan ay matatamo lamang
sa paggamit ng wikang pambansang Filipino—katuwang ang mga katutubong wika sa
buong Filipinas9 — na magbibigay ng nagkakaisang lakas, talino, at ambag ng lahat ng
mamamayang Filipino, anuman ang lipi, paniniwala, at uring pinagmulan.” Sa nasabing
summit, nanawagan din ang mga delegado “...na dibdibang harapin ng pamahalaan,
lalo na ng mga kinauukulang ahensiya o sangay nito, na ang mga balangkas ng
Kasunduang Pangkapayapaan at ang mga batas na ipinaiiral sa bansa ay dapat isulat
sa wikang Filipino nang may katumbas na teksto sa mga katutubong wika ng mga
pangkat etniko, at kaugnay nito, isangkot ang Komisyon sa Wikang Filipino sa
mabilisang pagsasalin sa wikang Filipino ng mga batas na kasalukuyang pinaiiral para
sa Kasunduang Pangkapayapaan at para sa kapakanan at karapatan ng mga pangkat
etniko.” Lagpas pa sa ganitong panawagan, ang mga delegado, sa pamamagitan ng
naturang resolusyon ay nagpanukala rin ng pagsasagawa ng mga malawakang
konsultasyon sa mga pangkat etniko ng bansa “sa pamamagitan ng wikang
9 Pinanatili ang orihinal na baybay nito sa pinagkunang blog ng direktor-heneral ng KWF.
11 sa 21
mauunawaan ng lahat, bago magsagawa ng mga proyektong pangkaunlaran sa mga
lupain at tubigan, gaya ng impraestruktura at pagmimina, na makaaapekto sa kanilang
kultura at pag-iral; at kaugnay nito ay gamitin ang Filipino sa antas ng barangay.”
Walang dudang isang panandang bato sa kasaysayan ng bansa ang ganitong
pagsisikhay ng KWF na pagkaisahin10 ang iba’t ibang pangkat-etniko sa ilalim ng
bandila ng wikang Filipino bilang pangunahing wika ng mga konsultasyon at
negosasyong pangkapayapaan sa buong bansa. Kung tutuusin, maituturing ito na isang
pagsalubong sa mga paralel na pagsisikhay ng NDFP na magsalin ng mga teksto ng
usapang pangkapayapaan sa Filipino at sa iba pang wika ng Pilipinas. Ang ganitong
salubungan ay maaaring magluwal ng mas malawak na baseng masa ng mga usapang
pangkapayapaan, sapagkat ang parehong panig ay makapagsasalita na bilang mga
tunay na kinatawan ng “mga tinig na mula sa ibaba.” Susi sa pagpapatupad ng ganitong
ambisyosong proyekto ang binabanggit ng resolusyon na paggamit ng wikang Filipino
sa mga konsultasyong kaugnay ng mga proyektong pangkaunlaran na makaapekto sa
mga komunidad na pinangyayarihan din ng digmaan sa pagitan ng gobyerno ng bansa
at ng mga rebeldeng grupo gaya ng CPP-NPA na kinakatawan ng NDFP sa mga
negosasyong pangkapayapaan. Ang mga ganito mismong konsultasyon ang hinihingi at
hangad isagawa ng mga pangkat na simpatetiko sa mga baseng masa ng mga rebelde
na pinakaapektado ng mga proyektong pangkaunlaran ng gobyernong sentral. Kung
maisasakatuparan ang Filipinisasyon ng mga konsultasyon sa mga proyektong
10
Nagaganap ito sa panahong may mga mangilan-ngilang tinig pa ring maririnig na kumokondena sa wikang Filipino bilang diumano’y “Tagalog lamang din” o yaong mga nagsasabing “Ingles ang mainam na lingua franca dahil comparative advantage natin iyon” o kaya’y ang claim na “hindi gumagamit ng wikang pambansa ang mga lumad.” Samakatwid, napakahalaga ng ginawang pagsisikhay ng KWF na tipunin ang mga kinatawan ng iba’t ibang pangkat etniko mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao upang ipakita na ang wikang Filipino ay functional o gumagana nang lingua franca ng mga Pilipino, taliwas sa mga walang batayang patutsada ng mga nabubulagang maka-Ingles at/o rehiyonalista.
12 sa 21
pangkaunlaran, tiyak na ang Filipino rin ang wikang magiging tulay para sa pagbubuo
ng konsensus sa mga usaping pangkapayapaan sa mga pamayanan.
Sa implementasyon ng ganitong proseso, mahalaga ang papel na gagampanan ng
mga NGO, ng midya at ng akademya. Ang tatlong blokeng ito’y may sapat at aktwal na
karanasan sa paggamit ng wikang Filipino at ng iba pang wika ng mga mamamayan.
Sila ang mga tinig na maaaring magsilbing tagapagtaguyod ng mga panawagan ng mga
komunidad na marginalized. Dahil may mas mataas na edukasyon, ang mga nasa
NGO, midya, at akademya ay mabisang kaalyado ng mga komunidad sa pagsusulong
ng panawagang Filipinisasyon ng mga negosasyon at konsultasyong pangkapayapaan.
Ang mga NGO ang mangangalampag at magpapasimuno sa mga konsultasyon at
impormal na negosasyon. Ikokober naman ito ng midyang bihasa sa mga wikang
sariling atin. Samantala, ang akademya naman ang magpapadala ng mga eksperto sa
larangan na babad sa realidad na kinikilusan ng mga tinig mula sa ibaba. Bilang mga
kaalyado ng mga ordinaryong mamamayan sa komunidad, ang tatlong blokeng ito ang
magtitiyak na ang gobyernong sentral ay makikinig at makikilahok sa mga konsultasyon
at negosasyon sa mga komunidad.
Tungo sa Tuwid na Landas ng Kapayapaan: Elaborasyon at Pagpapalaganap ng
Filipinisadong Kasunduan sa Mga Usaping Sosyo-Ekonomiko
Isa sa mga dokumento na maaaring maging sentro ng talakayan, konsultasyon
at negosasyon ang “NDFP 10-Point Proposal for a Concise Agreement for an
Immediate Just Peace” (2011). Bagamat hindi gaanong napagtuunang-pansin ng
madla, napakamakabuluhan ng paglilimbag ng nasabing dokumento. Ito ang isa sa
13 sa 21
pinakamabisang pagtatangka ng NDFP na ipakita ang kahandaan nitong pabilisin ang
daloy ng usapang pangkapayapaan na nabalaho sa usapin ng pagpapatupad ng mga
repormang sosyo-ekonomiko na nakatuon sa pagresolba sa ugat ng digmaan (Sison,
2005 sa post-scriptum ng nasabing dokumento). Upang lalong maging malinaw ang
ganitong pagtataya, mahalagang sipatin ang nilalaman ng nasabing napakaikli ngunit
napakalamang dokumento11. Kung pakasusuriin, ang mga nilalaman ng proposal ng
NDFP ay mga patakarang alingawngaw rin ng mga probisyon sa Konstitusyong 1987
hinggil sa karapatang pantao, karapatan ng mga manggagawa, katarungang
panlipunan, ekonomyang nagsasarili at nasyonalista, edukasyong makabayan at
makamasa, mabuting pamamahala at iba pa. Para mapatunayan ito, inilagay ng may-
akda sa panaklong ang probisyon sa Konstitusyong 1987 na maaaring maging batayan
sa pagtanggap ng mga partikular na proposal ng NDFP:
Ang 10-Puntong Proposal ng NDFP Hinggil sa Isang Maikling Kasunduan Para sa
Agarang Makatarungang Kapayapaan
1. Pag-isahin ang mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng malawak na alyansa ng
mga makabayan at progresibong pwersa at isang malinis at tapat na gobyernong
koalisyon para sa tunay na pambansang kasarinlan at demokrasya laban sa anumang
11
Ingles ang orihinal, at ang salin sa sanaysay na ito ay sariling salin ng akda. Wala pang opisyal na salin na inilalabas ang NDFP. Ang nasabing dokumento ay resulta ng analisis ng NDFP hinggil sa isolasyon ng rehimeng Macapagal-Arroyo noong 2011 bunsod ng mga kontrobersyang kaugnay ng korapsyon at pandaraya sa eleksyon na nagbunsod ng mga dambuhalang kilos-protesta na nananawagan ng pagbibitiw o pagpapatalsik sa pwesto ng noo’y presidenteng si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo. Ni hindi tinugon ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang paulit-ulit na hiling ng NDFP na pag-usapan ang nasabing dokumento upang muling sumulong ang usapang pangkapayapaan. Sa kasalukuyan, sa ilalim ng ikalawang administrasyong Aquino ay patuloy na nananawagan ang NDFP na pasimulang muli ang usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng pagtalakay sa nasabing dokumento. Sa kasamaang-palad, hindi pa rin nagpapasya ang gobyerno ng Pilipinas hinggil sa pagtalakay nito. Sa aktwal ay “mahimbing na natutulog” ang negosasyon sa pagitan ng NDFP at ng GRP, bagamat pana-panahong may balita hinggil sa overture o minsan nama’y pagpapatutsadahan ng magkabilang panig.
14 sa 21
dayuhang dominasyon o pagkontrol at laban sa pagpapaalipin. (Artikulo II, Seksyon 1,
5, at 9)
2. Palakasin ang uring manggagawa at magsasaka sa pamamagitan ng pagrespeto sa
kanilang demokratikong karapatan at pagtatakda ng makabuluhang representasyon sa
mga organo ng gobyernong koalisyon at pagtulong sa mga organisasyon, programa at
proyekto ng uring anakpawis. (Artikulo XIII)
3. Pangalagaan ang ekonomikong soberenya, magsagawa ng nasyonalistang
industriyalisasyon at reporma sa lupa at tuligsain ang imperyalistang pandaramdong at
korapsyong burukratiko at militar, upang mapaunlad ang pambansang ekonomya.
(Artikulo II, Seksyon 19; Artikulo XIII; Artikulo XIV, Seksyon 11)
4. Kanselahin ang dayuhang utang at paliitin ang pondo para sa militar at iba ang
armadong organisasyon ng GRP upang makapaglaan ng sapat na resorses at salaping-
impok para sa kaunlarang ekonomiko, pagpapabuti sa pamamaraan ng paghahanap-
buhay, pagbura sa kahirapan, pagpapatupad ng pagkakapantay-pantay sa kasarian,
pagtataguyod sa karapatan ng mga kabataan at malusog na kapaligiran. (Artikulo XIII)
5. Itaguyod at suportahan ang makabayan, siyentipiko at makamasang kultura sa
pamamagitan ng sistemang pang-edukasyon, mass media at organisasyong masa,
pahalagahan ang pamanang kultural ng bansang Pilipinas at lahat ng etno-
linggwistikong komunidad sa bansa. (Artikulo XIV)
6. Kilalanin ang karapatan sa determinayon sa pagsasarili at awtonomiya ng mga
pambansang minorya, tiyakin ang proposyonal na representasyon sa gobyernong
koalisyon at mga institusyon at magtakda ng positibong aksyon upang baliktarin ang
15 sa 21
matagal nang umiiral na diskriminasyon at inhustisya. (Artikulo II, Seksyon 10; Artikulo
XIII)
7. Imbestigahan at litisin ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa pagtataksil sa
bayan, korapsyon at paglabag sa karapatang pantao. (Artikulo XI)
8. Bumuo ng ganap na malayang patakarang panlabas para sa pandaigdigang
kapayapaan at ekonomikong pag-unlad, tuligsain ang mga imperyalistang hakbang at
pandayuhang agresyon at pakikialam, at hadlangang ang pananatili sa bansa ng mga
dayuhang tropa at armas na pamuksa sa madla. (Artikulo II, Seksyon 7 at 8)
9. Magmantini ng normal na pakikipagkalakalan at diplomatikong relasyon sa lahat ng
mga bansa at linangin ang pinakamalapit na relasyon sa iba pang bansang ASEAN,
China, South at North Korea, Japan, at Russia, na nagbibigay diin sa patas na
pagpapalitan ng mga produkto, pagbili ng mga produkto para industriyalisasyon at
paggarantiya sa suplay ng enerhiya. (Artikulo II, Seksyon 7)
10. Magbigay-daan sa kasunduan sa pagitan ng magkalabang pwersa ng GRP at
NDFP para sa pakikipag-alyansa at iba pang mga konstruktibong layunin gaya ng
nabanggit sa itaas. (Artikulo II, Seksyon 2)
Kongklusyon: Kapayapaan, Katarungang Panlipunan, Liberasyon at Edukasyon
Bakit kailangang puspusang gamitin ang wikang pambansa sa elaborasyon ng
mga ganitong programang ekonomiko na makalulutas sa mga ugat ng digmaan? Ang
sagot ay nasa kalikasan ng politika ng wika sa bansa. Marami nang sanaysay at pag-
aaral gaya ng kay Agcaoili (2007) at San Juan (2009) ang nagbigay-diin sa dalawang
blokeng pangwika na sumasalamin din sa mga blokeng sosyo-politikal at ekonomiko sa
16 sa 21
bansa. Ang kawalan ng akses ng mga ordinaryong mamamayan sa sapat na
edukasyong makapagbibigay sa kanila ng kakayahan at kasanayang makabahagi sa
resorses ng bansa ay hinahadlangan ng patuloy na pangingibabaw at “salamangka ng
Ingles” na sumusuhay sa status quo na “nagtitiyak ng benepisyo” para sa mga
naghaharing uri na gumagamit at nagpapanatili ng wikang iyon (Agcaoli, 2006) na
nagluluwal na isang huwad na demokrasya. Ang pag-iral ng ganitong “demokrasyang
piramidikal” mula noong 1900s hanggang sa kasalukuyan na pinatutunayan ng
paghahari ng iilang dinastiya sa politika na nabigo sa pagpapabuti ng buhay ng mga
mamamayan at sa halip ay nagmistulang mga entidad na “walang silbi, inutil at hadlang
sa pagbabago” bunsod na rin ng kanilang “edukasyong kanluranin sa wika, kultura at
sensibilidad na malayung-malayo sa katutubong wika, kultura at sensibilidad ng
sambayanang naghihikahos” (San Juan, 2012). Kung gayon, ang pagtalakay at
masinsinang konsultasyon hinggil sa mga patakarang sosyo-ekonomiko – na
naglalayong basagin ang paghahari ng iilan sa lipunan upang mapakinabangan ng
madla ang yaman ng bansa – at inihahapag sa mga kasunduang kapayapaan ng mga
grupong gaya ng NDFP, ay mahalagang sangkap sa pagpapataas ng lebel ng
kamalayan ng mga mamamayan tungo sa hinahangad na mga repormang makalulutas
sa kahirapan at malawak na agwat ng mayayaman at mahihirap sa bansa.
Anu’t anuman, lohikal ang pagpapataw ng hegemonya ng Ingles, alinsunod sa
perspektiba ng mga nagbabalangkas ng patakarang pangwika ng bansa, dahil malaki
pa rin ang pangangailangan ng mga dayuhan sa mga manggagawa at propesyunal na
skilled at marunong mag-Ingles, gaya rin ng pinatunayan sa mga naunang pag-aaral
nina Campoamor (2007) at Abad (2007). Dikta ng global job market ang K to 12 at ang
17 sa 21
patakarang pangwika nito, kaya kasabay ng panawagang Filipinisasyon ng mga
konsultasyon sa mga komunidad “sa ibaba” at mga negosasyong “mula sa itaas” para
sa mabilis na diseminasyon nito sa sambayanan, lohikal na panawagan din ang pag-
apuhap sa isang patakarang pangwika at sistemang pang-edukasyong progresibo,
makamasa at mapagpalaya sa mga tanikalang ekonomikong ipinapataw ng mga
mauunlad na bansa sa inang bayan. Kailangang tahakin ng mga Pilipino ang isang
bagong landas tungo sa isang mapagpalayang patakarang pangwika na lumalabas sa
kahong nilikha para sa pangangailangan ng elite at ng mga dayuhan. Sa ganitong diwa,
kailangang tutulan ng madla ang pagbura sa Filipino sa mataas na antas ng edukasyon,
bagay na nilalaman ng Commission on Higher Education Memorandum Order (CMO)
No. 20, Series of 2013 na nagpaliit sa bilang ng mga asignatura sa bagong General
Education Curriculum (GEC) at tuluyang nagtanggal ng espasyo para sa wikang
pambansa sa kolehiyo at unibersidad. Kailangan ng mga Pilipino na gamitin at
paghusayin ang saklaw ng intelektwalisasyon ng wikang pambansa upang maging
episyente ang pagsusulong nito bilang wika ng kapayapaan, bilang wika ng mga
komunidad, bilang wika ng pagkakaisa, bilang wika ng pambansang diskurso sa mga
repormang sosyo-ekonomiko gaya ng hangad ng KWF at ng NDFP.
Kailangan ng mga Pilipino na pag-aralan ang kanilang lipunan at iakma sa mga
realidad ng kanilang bansa at ng pangangailangan ng kanilang bansa ang sistemang
ekonomiko, sistemang pang-edukasyon, at ang patakarang pangwika. Isang
patakarang pangwika na magbubuklod sa mga Pilipino, isang patakarang pangwikang
magpapaliit ng komunikatibong gap sa pagitan ng Ingleserong mayaman at di
Ingleserong mahirap, isang patakarang pangwikang magbibigay-pagkakataon sa bawat
18 sa 21
mamamayan na maging “subject” na may kakayahang suriin at baguhin ang kanyang
lipunang ginagalawan sa halip na mga simpleng “object” na inaaksyunan ng iba pang
“subject” sa lipunan, batay sa mga kaisipan ni Paulo Freire. Ang hegemonya ng mga
dayuhan at elite sa ekonomya ng bansa ay mawawasak lamang kung ang ating
sistemang pang-edukasyon ay huhubog ng mga mamamayang nagmamalasakit sa
kanilang bansa at handang gamitin ang kanilang mga kasanayan para sa pag-unlad ng
bayan at hindi ng mga dayuhan. Mga mamamayang aral sa sariling wika at marunong
tumuklas ng solusyon sa mga problema ng bayan ang hangad nating hubugin sa ating
sistemang pang-edukasyon. Sinasalamin ito ng panawagan ni Jose (2005) sa panahon
ng globalisasyon tungo sa pagpapatibay ng “kapangyarihang lumikha at mamatnugot
nang puspusan sa ating kapalaran sa pamamagitan ng paradaym na Filipino – ang
sama-sama nating talino, lakas at determinasyon pambansa – batay sa master na
salaysaying makasaysayan at pagmamahal sa pambansang komunidad. Kapag nabuo
ang ganitong kaapasyahan at disiplina, at sama-sama tayong nagsikilos, meron pa
kayang layunin at gawain na di magagawa ang ating bayan para abutin ang bagong
kaluwalhatian?” Sa madaling sabi, ang ekonomikong liberasyon ay magsisimula sa
pagpapalaya ng sistemang pang-edukasyon na magiging posible lamang sa paglinang
ng isang makabayang patakarang pangwika, ng paglinang natin ng sariling padrong
pang-edukasyon para sa at mula sa mga mamamayan. Samakatwid, ang daan tungong
kapayapaan ay daan tungo sa kaunlaran na mararating lamang sa progresibong
Filipinisasyon ng diskursong pambansa at makabansa sa bawat sulok ng Pilipinas mula
Batanes hanggang Jolo.
19 sa 21
Mga Sanggunian:
Agcaoili, Aurelio. “Linggwistik na Demokrasya, Mapagpalayang Wikang Pambansa,
Panlipunang Katarungan at Dibersidad ng Wika at Kultura,” sa Ani ng Wika 2006.
Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino. (p.41-52)
Arnett, George. “Global peace index 2014: every country ranked.” 18 June 2014.
http://www.theguardian.com/news/datablog/2014/jun/18/global-peace-index-2014-
every-country-ranked
Añonuevo, Roberto. “Filipino ang Wika ng Kapayapaan.” 20 February 2014.
http://alimbukad.com/2014/02/20/filipino-ang-wika-ng-kapayapaan/
Banerjee, Ankita. “Maoist Truce Offer: Disrupting Political Discourse.” 10 April 2014.
http://www.security-risks.com/security-trends-south-asia/naxalism/maoist-truce-offer-
disrupting-political-discourse-2607.html
BBC News Online. “Peru Shining Path arrests: 24 seized.” 10 April 2014.
http://www.bbc.com/news/world-latin-america-26969355
Coronel Ferrer, Miriam. “Costly Wars, Elusive Peace: Collected Articles on the Peace
Processes in the Philippines, 1990-2007.” University of the Philippines Press: Quezon
City. 2013. (p.190-241)
FARC-EP Peace Delegation Online. “Communiques.” 2013 and 2014. http://farc-
epeace.org/index.php/communiques.html
Freire, Paulo. Pedagogy of the Oppressed. 2002. New York: Continuum.
Gimenez-Maceda, Teresita. Mga Tinig Mula sa Ibaba: Kasaysayan ng Partido
Komunista ng Pilipinas at Partido Sosialista ng Pilipinas sa Awit, 1930-1955. 2006.
Quezon City: University of the Philippines Press.
20 sa 21
Jones, Sarah. “Global peace index charts 'staggering' $9.8tn cost of war.” 18 June
2014. http://www.theguardian.com/global-development/2014/jun/18/global-peace-index-
2014-cost-of-war
Jose, Vivencio. “Wika at Globalisasyon: Kalakaran, Pagtanggi, at Pag-aangkin” sa
Filipino at Pagpaplanong Pangwika: Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL. Pamela
Constantino (ed). 2005. Quezon City: SANGFIL, NCCA at UP-SWF.
Letsch, Constanze. “Kurdish leader Abdullah Ocalan declares ceasefire with Turkey” 21
March 2013. http://www.theguardian.com/world/2013/mar/21/pkk-leader-ocalan-
declares-ceasefire
NDFP Human Rights Monitoring Committee. “NDFP 10-Point Proposal for a Concise
Agreement for an Immediate Just Peace.” Quezon City. April 2011.
____________________________________. “Praymer Hinggil sa CARHRIHL.”
Quezon City. 2006.
Mouly, Cecile. “Peace Constituencies in Peacebuilding The Mesas de Concertacion in
Guatemala” in Whose Peace?: Critical Perspectives on the Political Economy of
Peacebuilding.” Pugh, Michael et al. (eds). Palgrave Macmillan. 2011. (p.311).
National Democratic Front of the Philippines. “The GRP-NDFP Peace Negotiations:
Major Written Agreements & Outstanding Issues.” Quezon City. 2006.
Ocalan, Abdullah. “Prison Writings: The Roots of Civilisation.” Pluto Press. 2007. (p.
243-277)
Poli, Maria Celia and Vera da Silva Telles. “Social Rights: Conflicts and Negotiations in
Contemporary Brazil,” in Culture of Politics/Politics of Culture: Re-visioning Latin
21 sa 21
American Social Movements. Sonia E. Alvarez et al. (eds). 1998. Westview: Boulder,
Co. (p. 64-92)
Selby, Jan. “The Political Economy of Peace Processes” in Whose Peace?: Critical
Perspectives on the Political Economy of Peacebuilding.” Pugh, Michael et al. (eds).
Palgrave Macmillan. 2011. (p.13).
San Juan, David Michael. “Pedagohiyang Mapagpalaya at Makabansa sa Wikang
Filipino: Pagpapatatag ng Kaakuhang Pilipino Tungo sa Bansang Ating Pinapangarap,”
sa Souvenir Program ng Araw ng Gawad 2012. Komisyon sa Wikang Filipino.
Sison, Jose Maria. “Foreword” ng Salita ng Sandata: Bonifacio’s Legacies To The
People’s Struggles. 2013. Quezon City: IBON Books. i-vi
Switzer, Jr. Russell W. “Sendero Luminoso and Peruvian Counterinsurgency.”
Unpublished Masteral Thesis. University of the State of New York. 2007.
Watts, Jonathan at Sibylla Brodzinsky. “Colombia closes in on a peace deal that could
end world's longest civil war.” 16 March 2014.
http://www.theguardian.com/world/2014/mar/16/colombia-brink-ending-civil-war-farc
top related