agapito: unang trahedya (nobela) sa panulat ni jose a ... · hindi ko alam kung muli makakarinig pa...
TRANSCRIPT
Agapito: Unang Trahedya (Nobela)
Sa panulat ni Jose A. Duro Jr.
KABANATA I
“NATATAKOT AKO. Hindi ko alam kung makikita ko pa siya sa mga darating na araw.
Hindi ko alam kung muli makakarinig pa ako ng mga kwento niya.”
Pinagtitinginan na siya ng mga tao, walang may alam kung ano ba ang laman ng isipan ng
babaeng nakatayo sa harap ng monumento ni Rizal at umiiyak.
“Miss, anong nagyari? Napano ka ba? Kanina ka pa nandiyan, bakit ka ba umiiyak?”
tanong ng isang matandang Photographer na kanina pa nakatingin sa kanya.
“Miss, may bumastos ba sayo? Pwede nating isumbong sa Pulis ‘yan.” sabay sabat naman
ng isa pang Photographer na mas mukhang bata.
Dumarami na ang mga taong nakakapansin at nakikiusyoso sa nangyayari. Likas na sa mga
Pinoy ang pagiging “usi”, akala mo may shooting at nagkukumpulan ang mga tao na animo’y mga
langgam na pinagpipyestahan ang nahulog na piraso ng matamis na pagkain.
Pinahid ni Charlotte ang mga luha sa mukha at mabilis na naglakad habang nakayuko
papalayo sa harap ng monumento ni Rizal. Patuloy ang pagsunod ng tingin ng mga usi sa
pupuntahan niya, halata ang pagtataka sa mukha kung ano ba talaga ang nangyari. Ano nga ba ang
nangyari kay Charlotte? Bakit sa harap pa ng monumento ni Rizal siya nagdrama? Pagpapakita ba
‘yun ng pagkamakabansa o sadyang may naalala lang siyang isang malungkot na tagpo habang
nakaharap kay Pepe? Saka ilan na kaya ang naging costumer nung dalawang Photographer na
lumapit sa kanya at nagtanong? Sa panahong halos lahat may Smartphone na, may nagpapa-picture
pa kaya sa kanila?
Patuloy ang paglalakad ni Charlotte na parang walang nangyari, di niya rin napansin na
pinagtitinginan siya ng mga tao sa paligid. Wala siya sa sarili, lutang at mabigat ang loob. Halos
mapudpod na ang suot niyang Converse kakalakad sa bangketa ng Maynila. Malalim ang iniisip,
binabalikan ang lahat ng nangyari nung mga panahong masaya silang naglalakad ni Agapito
kasama ang buong CAT Officers at mga COCC papuntang Quirino Grand Stand para sa
selebrasyon ng Alay Lakad. Alam niya na wala na siyang magagawa para muling makita at
makasama si Agapito, tinanggap na niya ito kung kaya’t inuubos nalang niya ang lakas at oras para
alalahanin at balikan ang mga lugar na nagpapatunay na hindi parin nabubura sa ala-ala niya ang
taong nagturo kung paano takasan ang realidad upang maka-survive sa adventure na inihain ng
tadhana.
Napadaan siya sa gilid ng Chinese Garden sa Luneta. Doon sa garden na 'yun, kung saan
minsan naging makasalanan si Agapito. First time masisilip ni Charlotte ang loob ng garden. Sa
halagang limang piso malilibot na ang buong lugar at makakatambay na ang sinuman buong araw.
Medyo luma na ang garden at talagang kapos sa maintenance. Makalat at masukal na sa ibang
bahagi gawa ng mga damong hindi na natatabas, dahilan para dumami ang lamok at iba pang
insekto sa paligid ng garden. Panay ang hawi ng mga kamay ni Charlotte kaliwa’t kanan sa dami
ng lamok na humahalik sa balat niya. Iba’t ibang uri ng mga tao ang nakita niyang nakatambay
‘dun. Mas marami ang volume ng mga middle class at syempre ng mga low class. Limang piso
lang naman ang entrance fee kaya afford na afford ng mga urban poor ang accommodation ng
garden na hango ang disenyo sa mga garden na naitayo sa China.
Umupo siya sa upuang gawa sa konkreto sa ilalim ng luma at kinakalawang na waiting
shed at pinagmasdan ang paligid ng garden. Pumukaw sa atensyon niya ang magkasintahang
nagtatalo ilang hakbang ang layo sa kinauupuan niya. Pilit na sinusuyo ng lalaki ang babae, ang
dami niyang sinasabi, mga paliwanag na tinalikuran lang lahat ng babae.
“Bakit ba niya pinipilit yung babae? Kung ayaw niya ng paliwanag mo eh di ‘wag. Bakit
ba kailangang ipilit ng tao ang ideya niya o ang sarili niya sa iba?” tanong ni Charlotte sa sarili
habang nakakunot ang noo na nakatingin sa magkasintahang gumagawa ng eksena sa loob tahimik
na garden.
Si Charlotte ang tipo ng tao na hindi marunong magpumilit at mangulit para lang
maintindihan siya ng iba. Nakukuntento na siya sa kung ano ang pananaw ng mga tao sa kanya.
Ayaw niya ng nagpapaliwanag sa iba, ayaw niya ng mahabang diskusyon at usapan. Kung kaya’t
napaka-weak niya sa pakikipag-usap sa iba. Mas madalas pa ang paghawak niya sa suot niyang
baller sa kaliwang kamay kesa sa pagbukas ng bibig niya sa tuwing may kakausap sa kanya.
Maraming nakakapansin sa kaweirdohan at kakaibang mannerism ni Charlotte. Ang
biglang paghampas ng dalawang palad niya sa magkabilang pisngi habang nakikinig sa klase,
pagpahid ng kamay sa palda habang nagrerecite at ang pagtanggal-suot niya sa baller niya sa
tuwing may kumakausap sa kanya. Napakaconsistent niya sa mga mannerism na ‘yun kung kaya’t
mabenta siya sa mga mapang-asar na estudyante sa school nila. Buti nalang ni minsan hindi pa
napikon at pumatol si Charlotte sa mga malokong kaklase, at wala ring pagkakataong napaiyak
siya dahil sa pang-aasar na ginagawa nila. Kahit na binansagan siyang “the walking sad face” ng
isa sa mga classmates niya, never pa siyang nagpakitang umiiyak sa klase.
“Ano bang gusto mo?” pagalit na sigaw ng lalaki sa kasamang babae na pilit niyang
sinusyo. Patuloy parin ang pagtatalo ng dalawa. Tahimik lang na nakatingin si Charlotte sa dalawa.
“Gusto ko? Magtigil na kayo.” pabulong na sabat ni Charlotte habang nakangiting binaling
ang tingin sa kalsadang matatanaw sa harapan niya.
Naiirita na siya sa magkasintahang gumagawa ng eksena sa garden. Makalipas ang ilang
minuto tuluyan nang lumabas ng garden ang dalawa at sabay naman ang paglipat ni Charlotte ng
pwesto sa mas mataas na bahagi ng garden na may mga nakapilang bato bilang disenyo o nagsisilbi
naring bakod. Nandun ang isang pahabang upuan na sinabi ni Agapito na tinambayan niya kasama
si Kaila, ang estudyante ng PNU na nakilala niya matapos samahan si Reycel na magparehistro
bilang botante sa Quezon City hall. Si Kaila yung tinukoy ni Agapito na dahilan kung bakit siya
nakagawa ng kasalanan. Dala ng kapusukan, curiousity sa buhay at makamundong pagnanasang
maranasan ang pansamantalang tamis ng makasalanang buhay. Kung anuman ang mga naganap
sa upuang ‘yun, hindi na niya inusisa kay Agapito.
Bilang babae, alam ni Charlotte na sa mga ganung usapan sila ang mas dehado. Kaya’t
ganun nalang ang inis nito sa tuwing maaalala ang ginawang kalokohan ni Agapito. Ngunit hindi
'yun naging dahilan para layuan niya ang lalaking nagpapangiti sa kanya at nagbago sa paniniwala
niya sa relasyong pwedeng mabuo sa pagitan ng babae at lalaki.
Alas-syete na nang tumayo sa pagkakaupo si Charlotte at nagbalak lumabas sa Chinese
Garden. Bukod sa kinakagat na siya ng lamok, dumidilim narin at iniiwasan niyang mabiktima ng
mga nagkalat na kawatan na lumalabas sa gabi. Dati pa man, mag-isa na siyang gumagala dahil
narin sa hindi siya komportableng may kasa-kasama sa tuwing lalayas ng bahay at maglalakwatsa.
Pero nabago ‘yun mula nung napilit siya ni Agapito na sumama sa galaan. Sa kakulitan ni Agapito,
hindi magawang tumanggi ni Charlotte kapag nag-aaya itong pumunta sa kung saan-saan. Ulti mo
pagbili ng gamit sa bookstore nagpapasama pa si Agapito. Kaya’t sa biglang paglaho ni Agapito,
nagbalik sa dating trip si Charlotte, ang mag-solo flight.
Mag-isa na ulit siyang naglalakad at gumagala para maglibang at maglabas ng inis sa
mundo. Nasaan na nga ba si Agapito? Anong relasyon ang nabuo sa kanila ni Charlotte? Talaga
nga kayang nawala siya? Sino ba si Agapito? Anong kinalaman niya sa silver bullet ni Potocki?
Totoo bang pumunta siya sa valley of the unrest?
KABANATA II
“AYOKO NG GANITO LOTTY. Ayoko nang sumabay sa daluyong ng kapangkaraniwan.
Natututo akong buksan ang isip ko sa mga bagay na taliwas sa pananaw ng ordinaryong tao.
Sintomas ba to ng Einsteinian Disorder? Yung teoretikal na karamdaman na nagaganap sa tuwing
nagnanais ang isang tao na makatakas sa norm ng buhay at yakapin ang bakas ng mga batikang
radikal na patuloy na nakikipaglaban. Nakikipaglaban para ipagtulakan sa mundo ang sinisigaw
ng kanilang isipan.”
“Lagi kong iniisip na dapat na akong magbago, kailangan ko nang kumilos nang makita ko
ang hinahanap kong pagbabago. Pero sa tulad kong bilanggo ng sarili kong subconscious, parang
suntok sa buwan nalang ang pagbabagong ‘yon. Nagmamasid nalang ako sa paligid at pinapanuod
ang mabilis na metamorposis ng mundo.”
Nakabibinging katahimikan ang dumaan. Natulala si Charlotte habang pilit na ina-absorb
ang mga sinabi ni Agapito.
Magtatatlong oras na silang nakaupo sa gilid ng parking lot ng isang grocery store malapit
sa kanilang school at nagpapalipas ng oras. Walang balak si Charlotte iwanan si Agapito roon kahit
inip na inip na at pinagppiyestahan na ang kanyang hita.
“Nawawala na ako sa balanse, hindi ko makontrol ang sarili ko Lotty. Procrastination!
Ang hirap tanggalin! Ang hirap lubayan!” inis na wika ni Agapito sabay tingin kay Lotty.
“Lalabanan ko nalang ang temptasyon ng buhay, ang pleasure na naidudulot sakin na ang
hirap pigilan. Pilit na pumapasok sa isip ko, ang hirap na burahin. Kinikilala ko pa…”
Biglang tumunog ang alarm clock na nasa ulunan ni Charlotte. Tuluyang nagising ang diwa
niya at dali-daling bumangon sa kama, habang naglalakad papuntang banyo paulitulit niyang
binubulong sa sarili ang mga katagang “Panaginip na naman.”.
Ilang sunod na gabi naring paulit-ulit siyang nananaginip ng tungkol kay Agapito. Pitong
taon na ang nakalilipas matapos ang pangyayaring iyon, malinaw pa sa ala-ala ni Charlotte ang
mga sinabi sa kanya ni Agapito. Kahit hanggang ngayon hindi parin niya alam kung bakit nga ba
umabot sa ganun ang usapan nila, ang malinaw lang sa kanya ay may dinadalang problema si
Agapito ng mga panahong iyon na maaaring patungkol sa sarili niya, sa ugali niya, at sa paligid
niya. Palaging tinatanong ni Charlotte ang sarili kung bakit ba hindi niya nagawang magsalita at
magbigay ng payo kay Agapito. Hirap si Charlotte sa pagbibigay ng payo at opinion sa mga
sinasabi sa kanya ni Agapito. Alam naman niya ang tama at mali, pero wala siyang lakas ng loob
ilabas sa mundo ang nasasaloob niya. Punung-puno ang isip niya ng mga idea na dapat binibigkas
ng mga bibig niya ng mga sandaling iyon ngunit wala man lang siyang nasabi ni isa. Nanatili lang
siya sa nakasanayang gawain, ang pakikinig at pagtanggap ng mga salitang naririnig niya mula
kay Agapito. Naghahalo ang pagsisisi at pagkainis ni Charlotte sa sarili tuwing naaalala niya ang
kaduwagang nagawa niya noon. Pakiramdam niya wala siyang nagawang maaari sana’y
nakatulong kay Agapito para gumaan ang loob nito. Alam niya na hindi sapat ang pakikinig lang
sa problemang gustong ibahagi ng ibang tao sa kanya.
“Sana nagsalita ako nung mga panahong kailangan niya ng makakausap, sana pinayuhan
ko siya at binigyan ko man lang ng reaksyon ang lahat ng sinabi niya sakin. Hindi sana ako
tumahimik lang at nakinig sa kanya. Wala akong lakas ng loob para sabihin ang mga naiisip ko.
Hindi ko alam kung paano at kung kelan ko ba dapat sabihin ang mga 'yun. Nakakainis!” wika ni
Charlotte habang naiinis na kinakausap ang sarili.
Bago maglahong parang bula si Agapito, binigyan niya si Charlotte ng isang lumang libro.
Masaya si Charlotte dahil kahit papano may isang bagay siyang hawak na makakatulong para mas
maintindihan niya ang mundo ng lalaking noon pa man ay gusto na niyang kilalanin. Madalas
nakatambay sa backpack niya ang libro at dala-dala sa tuwing maglalakad-lakad siya sa maingay
at maruming bangketa ng Maynila.
Kinuha ni Charlotte ang libro sa drawer ng lamesa sa gilid ng higaan niya at tinitigan. Hindi
parin niya magawang buklatin ang librong iyon, ni hindi pa nga niya natatanggal ang abakang
lubid na nakatali sa libro. Aminado si Charlotte na hindi pa siya handa sa mga pwede niyang
malaman tungkol kay Agapito. May katanungan siya na tila iniiwasang mabigyan ng kasagutan
dahil sa posibilidad na hindi niya ito matanggap o maging dahilan para masaktan lang siya. Nag-
flashback sa kanya ang mga sinabi ni Agapito nung araw na ibinigay nito sa kanya ang libro.
“Sayo na yan. Wala akong maisip na ibibigay sayo. Ikaw na bahala kung gusto mong
basahin ang laman niyan o itapon mo nalang kung di ka interesado. ‘Yan nalang ang remembrance
ko sayo, hindi mo man ako ma-miss alam kong hindi mo naman ako makakalimutan.” Bigkas ni
Agapito sabay abot ng isang lumang librong may tali ng abakang lubid sa palibot nito. Napaisip si
Charlotte ng mga sandaling 'yun,
“Teka, nagpapaalam na ba ‘to? May nalalaman pa siyang remembrance.” sabi niya sa isip
niya habang inuusisa ang balot ng libro.
Gusto niyang magpasalamat kay Agapito ngunit agad naman itong tumalikod at naglakad
papalayo. Binalak niyang sundan si Agapito pero halos ayaw kumilos ng mga paa niya sa
pagkakatayo matapos marealize na baka iyon na nga ang kinakatakutan niya, ang tuluyang paglayo
ni Agapito sa kanya. Walang nagawa si Charlotte kundi pagmasdan si Agapito habang papalayo
sa kinatatayuan niya. Naging bato siya sa ibabaw ng lupang saksi sa lahat ng pangyayari.
“Gusto kong magreact, gusto kong magpasalamat sa kanya pero hindi ko magawa.
Tinanggap ko nalang 'yun nang walang tanung-tanong at pag-uusisa? Magulo ang utak ko ng mga
panahong iyon dahil katatapos lang naming mag-exam sa Math. Mahina talaga ako pagdating sa
Math, kaya pakiramdam ko lutang na ako habang kasabay siyang naglalakad papunta sa tindahan
nila Nanay Dina para bumili ng Banana con Yelo. Pero ngumiti naman ako sa kanya pagkabigay
niya sakin ng libro, at siya ‘tong tumalikod nalang bigla sakin. Ngiti naman kasi ng pasasalamat
'yun, kung alam mo lang Agapito.” paliwanag ni Charlotte sa sarili sabay lapag ng libro sa lamesa.
Wala paring lakas ng loob na naipon si Charlotte sa mga panahong iyon para basahin ang
libro, marahil naghihintay siya ng hudyat ng pagtulak ng kamay ng orasan para buklatin ito at
simulang basahin. Kaya’t humiga na lang siya sa kanyang kama at nagtalukbong ng kumot.
Pipilitin niyang makatulog ng maaga dahil kapag inabot ng alas dose at gising pa ang diwa niya
ay siguradong mahihirapan na naman siyang makatulog. Hindi na niya binuksan ang radyo tulad
ng nakasanayan niyang gawin bago matulog. Gusto niyang gawing blangko ang utak habang
nagpapaantok. Pumikit siya at hindi na nag-isip ng kung anu-ano, tinigil niya ang gabi-gabi niyang
pag-iisip kay Agapito. Niloloko niya ang sarili niya.
Alas tres na pero gising parin si Charlotte, paikut-ikot, kung anu-anong pwesto at ritwal na
ang ginawa niya para makatulog pero hindi parin siya dinadalaw ng antok. Bumangon siya saglit
at binuksan ang radyo. Nang walang mahanap na istasyong nagpapatugtog ng mga kantang
nagpapatulog sa kanya pinatay nalang niya ito at umupo sa upuan. Hinarap niya muli ang librong
tahimik na nakalapag sa lamesa, tahimik ma’y dala nito ang mapang-akit na pwersang humahatak
sa kamay niya para buksan ito. Pero kulang parin, maging lakas ng mga tilaok ng manok ng
sandaling iyon ay walang maiambag na tapik para makalas ang abakang lubid na ilang taon nang
nakagapos sa libro.
Hanggang sa kusang kumilos ang mga kamay ng nilalang na may nagtatalong kaisipan.
Dumating ang hudyat na hinihintay para sa librong dapat nang talupan, hudyat sa mga pahinang
sabik nang mabuklat.
KABANATA III
BUO NA ANG LOOB NI CHARLOTTE at handa na niyang buksan at alamin ang
nilalaman ng librong bigay sa kanya ni Agapito. Maingat niya munang tinanggal ang tali na gawa
sa abaka at itinabi sa drawer kasama ang maliit na pendant na gawa sa plastic na nakasabit sa dulo
ng tali. Luma at halos humihiwalay na ang ilang pahina ng libro, pudpod narin ang mga kanto nito
at hindi na pino ang pagkakatiklop ng bawat pahina. Sa gitnang bahagi niya binuklat ang libro,
pakay lang muna niyang silipin kung anong klaseng libro ba 'yun. Isang mahabang sulat ang nakita
niya, nakilala niya agad ang penmanship na iyon, sulat iyon ni Agapito. Napansin ni Charlotte na
medyo magulo at halatang minadali ang pagkakasulat, ganun pa man tiyak parin siya na si Agapito
mismo ang may nagsulat niyon.
“Parang ayaw niyang itong ipabasa sa iba ah, mas magulo pa sa doctor ang sulat niya.”
Nasabi ni Charlotte matapos makita ang laman ng pahina sa bahagi kung saan niya nabuklat ang
libro at matapos ang isang makasaysayang pag-angat ng kanyang balikat, paglalim ng kanyang
tiyan at ang isang payapang pagbuga ng malalim na buntung hininga, sinimulan niyang basahin
iyon…
“Walang sinuman sa mundo ang may kakayahang maramdaman ang
tunay at eksaktong nararamdaman mo ngayon kaya 'wag kang humanap ng
taong makakaintindi sayo... subukan mong alamin sa sarili mo kung nasaan ka
at kung bakit nandiyan ka sa sitwasyong kinalalagyan mo.” - Silverscratch
“Ako si Agapito at masyadong active ang imagination ko. Epekto ata ‘to ng panunuod ko
ng mga pelikula. Buti nalang wala pa akong napapanuod na Star Wars movie at buti nalang
hindi ako fan ng Harry Potter series. Nakakadiring isipin na magmumula ‘dun ang
inspirasyon sa pagpapatakbo ng imahinasyon ko sa buhay.”
“Kung nabigyan lang sana ako ng pagkakataong maisabuhay lahat ng eksena sa isang
pelikula, kahit yung konsepto lang niya. Nakakatuwa sigurong maranasan 'yun, sobrang
kapana-panabik ang bawat eksena. Umaapaw na kalokohan at kasinungalingan ang sirkong
napakasayang puntahan. Minsan ko naring binalak, minsan nga ata ay nagawa ko na (hindi
ko sigurado, unconsciously!).”
“Ugali ko nang gawin yung mga bagay na hango sa pelikulang napanood ko. Ginagawa
kong chapseuy ng mga mababangis na pelikula ang buhay ko. Sa bawat interaksyon ko sa
mga tao sa paligid ko hindi ko nakakaligtaang isipin kung sa anong eksena ba ng pelikula
ang pwede kong ihalintulad ang kasalukuyang sitwasyon.”
“Madalas pinangungunahan ko na, parang plot ng isang pelikula na scripted at may
sequence. Bakit nga ba ako nalulong sa ganitong gawain? Simple lang, ayoko maging
mediocre! Ayoko ng paulit-ulit lang ang nangyayari sa paligid ko. Madali akong magsawa,
madali akong maburyo sa isang bagay o sitwasyong kinasasangkutan ko. Inakala ko dati
na may sira ako sa pag-iisip. Inisip ko na Schizophrenic ako dahil sa bilis ng transisyon ng
mga ideya at mood ko. Napakabilis, nagmistulang pader na humaharang sakin para
magkaroon ako ng permanenteng koneksyon sa iba. Dahilan para masabi kong marami
akong nasayang dati (balik-tanaw lang), nagpadala ako sa nararamdaman kong kasiyahan
dahil sa excitement na dala sakin tuwing ginagawa kong mala-pelikula ang koneksyon ko
sa ibang tao. Ang tingin ko dati kailangan ko ‘yun para mabuhay, para sumaya, para isiping
nasa tamang posisyon ako. Hinahayaan kong pangunahan ako ng boses sa isip ko na
nagdedesisyon sa halos lahat ng bagay na pinagsisisihan ko ngayon. Ang hirap niyang
talunin, parang parasite na nabubuhay sa utak ko. Mula nung nakilala ko ang salitang
masukista, inisip ko na baka ganun narin ako. Pero mukhang malayo sa kahulugan nun ang
pagiging Ako nung mga panahong iyon. Hindi pa naman ako umabot sa puntong pisikal
ko nang sinasaktan ang sarili ko, emosyonal siguro pwede pa kaso di naman sa lahat ng
pagkakataon. Uso pa ba ang magpakamartir ngayon?”
“Madalas ding pumasok sa isip ko na sinasadya ko lang ba talagang gawin ‘'yun, kung
sinasaktan ko lang ba ang sarili ko kaya hinahayaan kong maging unstable ang lahat ng
ginagawa ko? Tingin ko hindi, marahil may mas malalim na dahilan at pakiramdam ko
may mga bagay akong nagagawa na lingid sa kamalayan ko, mga desisyon na galing sa
parasite na gumagawa ng sariling sibilisasyon sa isip ko. Sino ba siya? Nakakatakot
kilalanin, hindi ko rin talaga malaman. Minsan sa utak ko bigla nalang siyang sisigaw...
“Sigurado ka ba?!”, mga katagang laging pumipigil sa mga pagbabagong gusto kong
gawin, inuupos ang bwelong binuo ko para itama ang mga nagawang kamalian sa buhay.
Bakit siya laging nandun? Hindi na ba kami mapaghihiwalay? Hindi ako Schizophrenic
pero bakit laging salungat ang mga nagagawa at nasasabi ko sa mga iniisip ko. Gusto kong
alamin, gusto kong kumausap ng ibang tao pero parang iba lang ang magiging persepsyon
nila kaya maaaring hindi rin nila ako maiintindihan. Naramdaman mo narin ba minsan sa
buhay mo na parang walang gustong umintindi sayo? Diba ang lakas makaloko ng ganun?
Hindi ko masisisi ang mga Introvert kung bakit sila nagkaganun. Hindi sila galit sa mundo
tulad ng mga Goth. Hindi rin naman sila galit sa mga sarili nila tulad ng mga Emo. Sadyang
alam lang talaga nila ang kahalagahan ng pagiging solitario. Kaya nilang kontrolin ang
sarili nila at limitahan ang pagmamanipula ng society sa kanila. Isa lang ang kinahahangaan
ko sa mga Introvert, at ito ay ang katotohanang ni minsan hindi mo sila maaaring gawing
puppet at manipulahin.”
Pansamantalang natigil si Charlotte sa pagbabasa dahil sa pagkahulog ng nakatuping papel
na nakaipit sa libro. Pinulot niya ito at binuklat. Sandali niyang nilapag sa mesa ang libro at
sinimulan namang basahin ang nakasulat sa nakaipit na papel. Sulat parin 'yun ni Agapito, ngunit
mas maayos na at hindi minadali kumpara sa pagkakasulat niya sa libro.
KABANATA IV
“Nagsisisi ako kung bakit ko ‘to pinasok, sa kabila ng katotohanang hindi rin naman ako
magtatagal. Gusto kitang tulungan. Magulo ang sitwasyon mo, miserable at masalimuot at
'yun ang naging dahilan para maakit akong lapitan ka, naakit ako sa pagkamiserable ng
kondisyon mo sa buhay. Parang may tumutulak sakin papunta sa tabi mo. Kung bakit ba
kasi hinahayaan mo lang na lamunin ka ng sistema, mangmang ka sa laro ng buhay at
palagi kang natatalisod sa paghakbang. Hindi man ako angkop sa panahon mo, ngunit
kailangan kong sabihin sa iyo na sa larong ito, ang matitira lang ay ang mga matitibay.
Kung hindi ka makikipagsabayan walang mangyayari at paulit-ulit ka lang babagsak at
mabibigo sa inaasam mong pagkakabuo mo at pananatili ng pagkatao mo. Handa kitang
alalayan ngunit ang oras na pinaniniwalaan ng mundo mo na nag-eexist ang siyang naging
dahilan para mabilis na mabura ang tulad ko, naglakbay ako sabay sa bilis ng pagtama ng
liwanag sa balat ng kasalukuyan at pinagsisisihan kong ginawa ko ‘yun dahil ngayon sa
bawat galaw ng kamay ng orasan, kasabay nito ang pagkaupos ng pagkatao ko na naging
silo para tuluyan akong maglaho at hindi na kita matulungan pa. Nilimbag ko na sa isipan
ko ang pangkalahatang serye ng paglapat ng hakbang ko sa bawat bakas ng nilakaran mo,
isang pagkakamali na pinangunahan ko ang likaw ng silo na nakahanda na noon pang
maisipan kong lapitan ka kaya’t madali rin akong napalupot sa lingkis ng karanasan.
Nilubayan na ko ng lakas at hindi na ito maalpasan. Marahil hanggang dito nalang nga
talaga ako, Rebecca.”
* Mensahe para kay Rebecca [1944]
LALONG NAGULUHAN SI CHARLOTTE matapos basahin ang laman ng nakatuping
papel. Nagtatakang sinabi sa sarili,
“Sulat ba talaga ni Agapito 'to? Sino si Rebecca?”
Narealize ni Charlotte kung gaano ka-misteryoso ang pagkatao ni Agapito. Hindi niya alam
kung maniniwala ba siya at magpapadala sa mga nabasa niya sa librong ‘yon. Kung kaya’t
nagdecide siya na simulan sa unang pahina ang pagbabasa sa laman ng libro para mas maunawaan
niya kung ano ba talaga ang dahilan kung bakit binigay ni Agapito sa kanya iyon at kung ano nga
ba ang ibig sabihin ng nilalaman ng nahulog na papel na nakaipit sa libro.
Lumipas na ang isang oras, tuluyang hindi na dinalaw ng antok si Charlotte. Kaya’t
nagsimula na siyang buklatin ang unang pahina ng libro at dito inumpisahan ang pagbabasa. Nag-
iingay na ang mga manok sa labas, dumaraan narin ang mga batang naglalako ng pandesal sa
kalsada. Mugto ang mga mata ni Charlotte gawa ng puyat, ngunit wala nang makakapigil sa
kanyang pagbabasa.
KABANATA V
“ETO ANG MAHIRAP SA PAGSUSULAT, ‘di ko alam kung paano ako magsisimula.
Ang daming laman ng isip ko, ‘di ko alam kung paano ko iaayos dito. Pumunta ako sa
National Bookstore, nagbasa-basa ng mga libro. Tinitingnan ko kung paano ba sila
magsulat ng isang libro, kung ano ang format,kung saan sila nagsisimula. Kung ano ang
mga salitang ginagamit nila at kung sa paanong atake sila nakakabuo ng isang pyesa.”
“Baka magmukhang awtobayograpikal ‘tong gagawin kong journal, at mukhang ‘yun nga
talaga ang bagsak nito. Balak kong ikwento ang ilan sa mga karanasan ko, at karanasan
narin ng mga nakahampasan ko ng opinyon sa kung anu-anong topic sa buhay sa loob ng
anim na taon kong pamamalagi sa modernong yugtong ito.”
“Nabasa ko ang ilan sa mga akda ng isang manunulat na nagngangalang Lualhati Bautista
at pati narin yung iba pang mga libro ng iba’t ibang manunulat (banyaga at lokal) na
maaaring mabuklat ko sa National Bookstore. Hindi ko naman sila binasa ng buo, hinayaan
ko lang kung saang bahagi makarating ang pagbuklat ko at doon ko nasilayan ang iba’t
ibang atake sa pagsusulat. Hindi ko kayang gumawa ng tuluy-tuloy, laging may
interapsyon kaya biglang nawawala ang pokus ko sa mga naiisip kong ilagay at itype dito.
Natitigilan din ako dahil hindi ko alam kung hanggang saan ba ang mga dapat kong itala
ngayon. Patuloy parin ako sa pagtatago ng tunay kong katauhan. Sadyang may mga bagay
na hindi na siguro mahalagang ipaalam pa sa iba, mga bagay na kailangang malimitahan
sa iba.”
“Masyado na kong makakalimutin, saglit na bagay lang lumilipas na agad sa memorya ko.
Kaya kumuha muna ako ng tatlong piraso ng tinapay at inilagay sa tupperware, walang
plato o platito, nasa hugasan lahat. Maingay kung huhugasan ko pa. Ilang half-step lang
kasi ng kusina ang tulugan namin, kaharap lang pala mismo. Sa tupperware binuhos ko ang
puting asukal. Walang palaman kaya asukal nalang, pangit naman kasi ang lasa ng tinapay
na ‘to. Nakuha ko lang ang idea kay Lawliet, ang mahika ng matatamis na pagkain.
Nakakatulong daw ito para gumana ang critical thinking mo, kaya kahit halos wala nang
tulog si Lawliet napakatalas parin ng isip niya. Gusto kong gayahin ang paraan ng pagiisip
niya kahit alam kong kathang-isip lang mismo si Lawliet. Kapani-paniwala naman ang
nadudulot ng asukal sa utak, siyensya ang makakapagpatunay kaya’t doon nalang ako
kakapit. Kumuha rin ako ng tubig. Bawal ang kape sakin, napakataas sa acid ng katawan
ko kaya dapat umiwas sa mga antioxidant na inumin. Epektib daw na pampagising ang
tubig, sabi nga ni Selena, pag-inom ng tubig ang gawain niya kapag nagpupuyat siya dahil
sa pagka-cram sa mga projects niya sa school. Napakadali ko talagang maimpluwensyahan
ng mga ideya ng iba, basta alam ko namang makatarungan ‘yun kakagatin ko agad at i-
aapply sa buhay ko.”
“Next paragraph! Madalas nabubuo ang isang nobela sa pagkuha ng awtor ng isa sa mga
‘di malilimutang bahagi ng buhay niya, bahagi kung saan maaaring nagpabago sa pananaw
niya sa buhay, nagpatunay sa mga bagay na pinaniniwalaan niya o sadyang gusto lang
niyang ipagyabang sa iba. Pakiramdam ko ang dami kong dapat ikwento, nainspire ako
after kong mabasa yung ilang part ng libro ni Lualhati Bautista. Gusto kong sabihin lahat
kaso di ko na maalala yung iba. Nainterrupt na naman ang pagsusulat ko, mahirap pigilan
kapag tungkol sa mga pelikula ang usapan. Kakapanuod ko lang ng pelikula, ang ganda ng
istorya. Di ko hilig manuod ng mga pelikulang masyadong pinag-uusapan o yung popular
sa mainstream. Ayokong madisappoint, nagkalat ang mga overrated na pelikula ngayon.
Mga mainstream films na pumapatay sa tunay na kultura ng bansa, bakit hindi nalang
suportahan ang mga Independent Films na mas nagpapakita ng tunay na kulay ng mundo
ngayon. Mahirap nang gamutin ang sakit ng mga taong nalulong sa naghihimulmol na
tabing na patuloy ang pagkonsumo ng oras ng mga hayok sa basura.”
“Naisip kong gawin nalang tong Memoir, ang hirap naman kasi gumawa ng nobelang
maihahanay sa mga gawa nila Bautista, Landicho at Lee. Kapag nakakabasa ako ng salitang
Memoir si John Malkovich ang pumapasok sa isip ko. Sino siya? Kung adik ka sa mga
pelikulang banyaga dapat kilala mo siya. Oo, nahumaling ako sa mga banyagang pelikula.
Nakakasawa na kasing manuod ng mga pelikula dito sa Pinas, puro nalang kalandian at
pagpapatawa ang ginagawa nila. Mga likhang ginagamit ng iba upang makatakas sa
makatotohanang kapaitan ng buhay na siya namang nakikita ko sa mga banyagang pelikula
ngayon. Sayang, kung masusundo ko lang sila Manong Ishmael at Tatang Lino baka
mailigtas pa nila ang kulturang nasimulan.”
(Masyadong random ang isip ko kaya magbibigay ako ng babala sa biglang pagtalon ng
mga paksa ko)
“Napapanaginipan ko parin sila, madalas ‘kong tanong sa sarili ko kung bakit nga ba
nagkakaganun ang ending ng bawat kwento namin, napalapit ako sa tragic type na eksena
at paulit-ulit nalang na ganun ang pangyayari sa buhay ko. Hindi naman ako takot maattach
sa ibang tao, pero sa tuwing makakaramdam ako ng disappointments mula sa kanila
umaandar nalang bigla ang makinaryang pangdepensa sa utak ko. Mag-aactivate at bigla
nalang gagawa ng kung anu-anong bagay para lang makaiwas sa kanila. Parang isang
Schizophrenic na kasa-kasama ni Irene habang tumatakas sa mga pulis (ironically, pulis
yung kasama ni Irene).”
“Isang defense mechanism na mas matindi pa sa mabahong utot na biglang sumabog sa
loob ng kulob na kwarto at handang magbura ng mababangong ala-ala sa memorya ko.
Eternal Sunshine of the Spotless Mind, nang dahil sa “Despair” at iba pang negatibong
damdamin na mag-uudyok sa tao para gawin ang isa sa pinaka masalimuot na desisyon ng
buhay, ang lumimot. Kakaibang paraan ng paglimot. Limitado, nakadepende sa range o
perimeter na sakop ng baho ng utot na sumabog, este ng isipan pala na nakatuon lang ang
paglimot sa isang specific na part. Kumbaga sa mga naunang nabasa mong paragraph,
pumili ka dun ng gusto mong maalis. Subukan mong burahin gamit ang pambura ng lapis.
Goodluck!”
“Hindi mo gustong kalimutan ang lahat, at hindi mo rin naman talaga kayang kalimutan
ang lahat. Isang irony ng buhay, mas naaalala natin ang mga bagay na gusto na nating
kalimutan. Mga ala-alang naging dahilan ng mga kapaitan natin sa mundo. Hindi natin ‘to
matatakasan, maaari nating balewalain pero naiipon lang ito, parang sa science, hindi
nawawala ang enerhiya, nalilipat lang ito at nagbabago ng anyo (Law of Conservation of
Energy). Ganun din ang ala-ala natin, kung inaakala natin ay nalimutan na natin ito
nagkakamali tayo, dahil ang mga bagay na pilit nating iniiwasan sa ating isipan ay naiipon
lamang at kahit anong oras maaaring sumabog at magbunga ng ibang anyo ng emosyon.
Positibo man o negatibo, pero tingin ko mas lamang ang negatibong bunga ng ala-alang
yun.”
KABANATA VI
“…biglang natulala, nakakatakot, sino ba Ako? Naglaho ang pahinang nagbibigay
deskripsyon sa aking pagkatao...” – The Earlysevens
“HIGH SCHOOL AKO ‘NUN, may acitivity kami kaya buong araw ako sa school.
Katatapos ko lang kumain ng tanghalian sa karinderia nila Nanay Dina, oras ng siesta at
pakiramdam ko naglalaro sa gitna ng initan ang mga di ko nakikitang nilalang sa parallel
universe, na-curious ako. Sinubukan ko kung magagawa ko bang mawala sa mundo kahit
ilang segundo lang... alam kong imposible pero sa kalikutan ng isip ko ‘nun sinubukan ko
parin. Kahit hindi ko alam kung paano, sinimulan kong kalimutan lahat. Habang paulit-ulit
kong binibigkas sa isip ko ang tanong na “Sino ba Ako?” sabay tingin sa mga kamay ko,
sa mga paa ko at sa iba pang parte ng katawan ko. Unti-unti kakaiba na nararamdaman ko,
pakiramdam ko may isang wormhole na humihigop sakin. Ilang segundo ang lumipas,
nawawala na... lumulutang na ko, di ko na alam kung sino ako. Nakakatakot pero tinuloy
ko parin. Iniisip ko kung ako ba talaga ito? Paano ako naging Ako? Bakit ako
nakakaramdam? Bakit Agapito ang pangalan ko? Paano kaya kung nasa ibang katauhan
ako? Parang nabubura na lahat ng laman ng isip ko sa ilang segundo ng paulit-ulit kong
pagtatanong ng mga bagay na ‘yun. Nakakatakot, inisip ko ang mga bagay na pwedeng
mangyari sakin… na baka ‘di ko na makilala ang sarili ko pagkatapos nito, baka tuluyan
na akong lamunin ng naaaninag kong wormhole. Kaya tinigil ko na. Binaling ko agad ang
atensyon ko sa mga bagay sa paligid ko. Pakiramdam ko sumakay ako sa kung anong
sasakyan at lumipad, lumutang ako ng mga ilang segundo, ‘yun ang pakiramdam ko ‘nun.”
“Nakakakilabot. Inuulit ko parin ‘yun minsan kapag wala akong magawa, kaya lang iba na
ngayon kasi alam ko na kung anong pakiramdam at kung ano bang pakay ko kung bakit ko
ginagawa iyon. Napatanong tuloy ako, hindi kaya mismong isip natin ang sagot sa matagal
nang pangarap ng lahat na Time Travelling? Kailangan muna siguro nating patunayan kung
totoo ang parallel universe, at ang koneksyon ng black hole sa pagtuklas ng mga sagot
tungkol sa time machine...”
“Nung mga panahong iyon hindi pa ako mulat sa tunay kong pagkatao. Inakala ko na
imahinasyon lang ang mga naramdaman ko, tulad ng paglabas ng isang imahe ng wormhole
sa harapan ko. Mahirap ipaliwanag, ngayong alam ko na ang lahat sa tingin ko kailangan
ko nang ingatan ang bawat galaw at desisyon ko. Kaya ko binahagi rito ang pangyayaring
‘yun para kung sakaling may makabasa man nito, maiintindihan nila na lagpas ako sa
kanormalan ng mundo.”
“Nakatali sa upuan at naliligo sa sariling dugo. ‘Yan ang
naiimagine ko pag pinapakinggan ko ang kanta ng bandang Epica.
Parang isang bahagi ng tulay ang bawat nota ng musika nila na
binibigyan ako ng pagkakataong makarating sa isang madilim at
maingay na kwarto, rakrakan na!” - Apeng
“Alam mo na ba kung saan ka pupunta? Lahat tayo gustong malaman ‘yan. Sa tingin ko
‘di masasagot ‘yan kung babasahin mo ‘tong sinulat ko, dahil kung ako man hindi sigurado
sa kahihinatnan ko sa mga darating na taon.”
“Dati ang tingin ko sa mga rakstar ay mga kenkoy at adik na walang ibang alam gawin
kundi ang mag-ingay at gumawa ng mga kantang walang kakwenta-kwenta. May
pagkakataon pa na mga halimaw na ang tingin ko sa kanila, iniiwasan kong marinig ang
musika nila. Naiinis ako kapag nakikita ko ang weirdong larawan nila sa songhits. Di ko
makakalimutan yung kantang “Kisapmata” ng Rivermaya, sa tuwing naririnig ko yang
kantang yan parang nagkukulay sepia ang paligid ko at pakiramdam ko ‘yun na ang huling
pagtunganga ko sa mundo.”
“Hanggang ngayon di ko parin alam kung bakit ganun ang pakiramdam ko pag naririnig
ko ‘yun. Siguro nga dahil sa takot ko noon sa tugtugan nila. Buti nalang nagbago na ‘yun,
at nung taong 2004 nagsimula ulit akong mamulat sa tugtugang maingay na may mga lyrics
na nagpapakadeep, yung iba mukha lang deep pero wala naman talagang kwenta.
Nagsimula sa foreign band, salamat sa bandang Dashboard Confessional at sa kanta nilang
“Screaming Infidelities” na naging pambansang awit sa school ko nung Second Year High
School ako. Hanggang sa unti-unti na kong nakasunod sa tugtugan nila...”
“Marami na akong nagustuhang rock band ng mga panahong iyon kahit na nung una nga
ay ayaw ko sa kanila. Lamang ang foreign band, nandyan ang Panic at the Disco, The All
American Rejects, Weezer, Jimmy Eats World, Hawk Nelson, Epica, at The Killers. At
ganun na nga, wala nang ibang kahahantungan ‘to kundi ang pagsisimula ng panibagong
obsesyon, panibagong instrumento ng istimulasyong susulitin hanggang sa tangayin at
gumunin ng sariwang sistema. Habang tumatagal yata ako dito sa normal na mundo patuloy
din ang pagdaragdag ng mga eskinitang iikutan ng gulong ng obsesyon ng buhay ko.”
“Sugal ang buhay. Kung hindi ka marunong tumaya malamang hindi ka parin natututong
mabuhay. Sa pagsusugal, walang kasiguraduhan kung saan tayo mananalo, matatalo, o
kung kelan darating ang Fugazi at sasabihing oras na para itigil ko ang pagtakwil sa genre
ng maiingay na tugtugan. Sumugal ako sa pakikinig ng musika nila, tulad ng pagsugal ko
sa bawat desisyon ko sa buhay. Malayo man sa kinagisnan kong komunidad, natuto narin
akong makiangkop sa mga taong nasa paligid ko. Marami man akong hindi gusto sa sistema
nila, unti-unti kailangan ko paring matuto at sumunod hindi para matanggap ng iba kundi
para maranasan ang sitwasyong kinabibilangan nila.”
“Ilang roll pa ba ng dice? Ilang hagis pa ba ng barya? Ilang balasa pa ng baraha? Hanggang
kailan kayo susugal sa buhay? Hanggang kailan kayo tataya? Aasa pa ba kayong manalo
kapag dumating na ang ilang bugso ng pagkatalo? Sa pagpasok ko sa mundong limitado sa
dalawampu’t apat ang oras ng pananatili ng isang talulot ng buhay, nasilayan ko na ang
hangganan ng lahat ay maaaring maibatay sa bawat butil ng kapanglawan na nililikha ng
bawat pagbagsak sa kailalimang bahagi ng kasawian. Siguro nga, hangga’t kaya pa nilang
punasan ang mga luha sa mga mata nila, tingin ko kaya nilang sumugal. Kaya nilang
magkaroon at mawalan, manatili at maghanap, magbigay at tumanggap.”
Sa pagpapatuloy ni Charlotte sa pagbabasa, may bagay ang sumagi sa isip niya na naglagay
sa kanya ng mga sandaling iyon sa estado ng pagsiyasat sa mga pagkakataong nasusulyapan niya
si Agapito na nag-iisa at nakatunghay sa kawalan. Sinusubukan niyang pirmihin sa iisang bugkos
ang bawat lipi ng mga natitirang imahe ng nakaraan niya na naglalaman ng ilang detalye ng
karakter na mayroon si Agapito, malabo man ay pilit niya itong inaaninag at pinagtatagpi-tagpi.
Kung anuman ang nabuo sa bugkos na iyon ay hindi na niya muna inusisa upang hindi maabala
ang kanyang pagbabasa. Nagpatuloy si Charlotte sa pagbabasa at tuluyang hindi na nakatulog.
KABANATA VII
“MAHILIG AKONG TUMAMBAY SA LIBRARY ng school namin. Hindi para magbasa
ng libro at maghanap ng magagandang babaeng tahimik na nagbabasa sa mga suluk-sulok
ng library. Nandun ako para gawin ang isang ritwal na magpapakalma ng imahinasyon ko
sa buhay – ang matulog.”
“May pagkakataong gusto kong humanap ng magiging kaibigan... maraming kaibigan!
Pero bigla siyang darating, sasabihing wala akong mapapala sa mga kaibigang ‘yon, mas
sasaya ako kung mag-isa lang ako at lalayo sa kanila. Tulad ng mga nangyari noon, wala
akong nagawa kundi sundin siya. Binalaan ko ang sarili ko na pagsisisihan ko rin ang mga
desisyon ko, pero sinasagot lang niya ako ng mga katagang “...hindi yan tulad ng oras na
irreversible, maibabalik mo rin ‘yan, maibabalik mo rin sila kung gugustuhin mo. Nandiyan
lang sila, wag kang mag-alala, mas matibay ka! Mas malakas ka, wag kang umasa at
magpatali sa takot na iwan ka nila...walang mali sa gagawin mo...” Isang pag-uudyok na
hirap akong labanan at wala akong lakas na tanggihan. Sa panahong hindi ko pa kayang
ilabas ang buong salungat ng ugali ko, mga asal na hindi tanggap ng nakararami, stigma na
mahirap burahin sa isip ng iba. Sa panahong iyon ko siya unang nakilala. Isa siyang
Payasong nagtatago sa katawa-tawang imahe, nagpakita siya sakin at nagbigay ng isang
regalo. Si Jenna, isang babaeng matagal kong inasam. Nabubuhay lang siya sa musikang
dulot ng mundo, kasabay ng pagpikit ng mga mata ko ang papunta sa imahinasyong walang
limitasyon. Nagtagpo ang landas namin. Isang sequence sa direksyon ng isipang hitik sa
kagustuhang makagawa ng perpektong larawan ng masayang tagpo.”
“Ilang buwan ko rin siyang kinilala at inaninag sa maulap na mundo ng imahinasyon. Sa
tulong ng mapagpanggap na Payaso, nakilala ko si Jenna sa anyong akma sa kagustuhan
ko. Halos buong araw siya ang iniisip ko. Pakiramdam ko unti-unti siyang nabubuhay sa
mundo ko at parang nandyan lang siya naghihintay at kumakausap sa isipan kong punung-
puno ng imahe niya. Kahit alam kong ilusyon lang ‘yun na gawa ng Payaso, hinayaan ko
parin ang sarili kong sulitin ang bawat eksena. Sa huli, tuluyan ‘din siyang nawala. Hindi,
tingin ko hindi siya nawala. Kilala ko parin siya, nandiyan parin si Jenna. Nagbago nga
lang ang lahat, hindi ko na siya maaninag at parang wala na akong lakas para panatilihin
siyang buhay sa isipan ko. Minsan nakakalimutan ko na siyang isipin, pero hindi siya
mabubura, si Jenna na kaloob ng isang Payaso.”
“Maraming taon narin ang lumipas, at ‘yung nakilala kong Payaso ay tila hindi na isang
payaso, kung ano man siya ngayon, ‘yun ang hindi ko alam. Nasa isip ko parin siya,
bumubulong at kung minsa’y sumisigaw. Pero walang kahit anong klaseng panlabas na
pagpaparamdam tulad ng dati na sobrang aktibo niya sa isip ko. Ako na ba to? O siya parin?
Inalala ko, parang na-adopt ko na ang paraan ng pag-iisip niya, mga desisyon niyang
bumubuo ng isang temporary universe. Mahirap ipaliwanag ang nararamdaman kong
ginhawa habang iniisip na marahil wala na nga ang Payaso sa isipan ko. Ngunit tuluyan
kong nakuha at natutunan sa kanya ang ganung paraan ng pag-iisip. Madalas nabubuhay
parin ako sa ilusyon. Gumagawa ng mundong ako lang ang may alam, mundong spoiled
ako, nakukuha ko ang gusto ko, at nasusunod ang mga hilig ko. Sa una akala ko normal
lang at dulot lang ‘yun ng kalikutan ng imahinasyon ko, hanggang sa nararamdaman ko
nang may mali.” “Gusto ko mang itama pero umusbong ang panibagong anyo niya at
nanatili siya para itali ako at pigilang itama ang mali. Minamanipula parin pala ako ng
Payasong nakilala ko, hindi siya nawala tulad ng iniisip ko. Hindi na siguro ako muli pang
sasaya ng totoo dahil ramdam kong hanggang sa mga oras na ‘to nakakulong parin ako sa
kanya.”
“Alam ko sa sarili kong hindi ako Schizophrenic, pero sinabi ko parin sa iba na may ganun
akong sakit dahil hindi naman nila ‘yun alam. Akala nila simpleng mood swing lang ‘yun
kaya napaniwala ko sila. Mabilis magbago ang mood ko nung mga panahong iyon, hindi
normal na pagbabago. Madalas hindi ko namamalayan ang nangyayaring pagbabago, bigla
nalang akong mawawala sa normal na ugali ko. Sa pagsisimula ng araw, makikita ang
maayos at orihinal kong ugali, pero matapos lang ang ilang oras makikitaan na nila ako ng
pagbabago sa mga kilos at sa pagnanalita ko. Nakikita nila ‘yon, nakikita ko rin kaya ‘yun?
Hindi ko alam, may pagkakataong alam kong nagbabago na ako pero siya parin ang
kumokontrol sakin. Sinubukan kong labanan pero mahirap. Sa isang salita lang, kaya nang
ilabas sakin ang kakaibang sakit na lumalamon sa isipan ko. Inalam ko kung ano ba ang
epekto ng mabilis na pagbabagu-bagong ‘yun, konektado kaya ‘yun sa mga nangyari sakin
at sa babaeng inakala kong mapapasakin? Babaeng malayo sa anyo ni Jenna, babaeng hindi
saklaw ng manipulasyon ng imahinasyon ko.”
“Nung mga panahong ‘yun, masyado akong nalulong sa isang babaeng inakala kong
makakatuluyan ko na. Dahil sa mga sinasabi nilang mga signs na ‘yun kaya ko nasabing
siya na nga siguro. Yung mga signs na nagsilbing bitag para magkaroon ako ng unstable
na mundo. Ang mga signs na ‘yun ang bumasag sa salaming nagkukulong sa unstable side
ko. Sa pagnanais kong paniwalain ang sarili kong siya na ang babaeng hinahanap ko, sa
pag-aakalang siya na ang huling Rebecca na dahilan ng pagsibol ko sa kasalukuyang siglo.
Hindi ko namalayan na nababasag na pala nito ang salamin. Inabot ng apat na taon ang
matibay na paniniwala kong siya na nga ang pakay ng misyon kong ito. Nabasag na ang
salamin at wala na akong magagawa para itago pa at labanan ang pagiging unstable ko.
Isa-isang nilamon ng pangyayaring ‘yon ang mga kaibigan ko, nawala na ang payapang
pagtitimon ko sa katauhan ko kaya’t tuluyan ko silang winasak gamit ang mga bahagi ng
nabasag na salamin. Wala akong nagawa kundi sumunod na lamang sa ganung eksena,
nanuod lang ako habang unti-unting lumalabo ang mga repleksyon ng pagkakakilanlan nila
sa bawat piraso ng salamin na ginamit ko para wasakin sila, at inalala ang mga katagang
binanggit sakin ng Payaso.”
“Hinayaan ko lang ang lahat. Pinanood ko lang sila habang patuloy na hinahatak ng tali
papalayo sakin. Sa huli ko lang naunawaan ang lahat matapos akong matauhan sa mga
nangyari, ang mga signs na pinahalagahan ko dati ay wala pala talagang silbi. Kung may
pagsisisihan ako sa mga nangyari, higit sa pagtitiwala ko sa mga pinapahiwatig ng signs
ang pagsisising dulot ng mga paniniwalang sinabi sakin ng Payaso.”
“Hindi ko pala kayang mawala sila, mahina ako. Pero sa kabila ng nasiwalat na kahinaan
ko, hinubog nito ang panibagong haligi ng aking pagpapanggap. Sa panahong alam ko na
ang pakiramdam ng mawalan, parang nawala narin sa akin ang takot na mawalan pa ulit
ng kaibigan. Kaya't pinagpatuloy ko ang sirkus na sinimulan ng Payaso at tuluyang nasanay
sa scenario na ayaw maranasan ng lahat, ang mawalan ng kaibigan.”
Tuluyang pumutok ang liwanag at sumigaw ang mga sikat ng araw sabay sa pagsampal
nito sa mga pisngi ni Charlotte na hindi na namalayan ang oras dahil sa pagkakalublob niya sa
nakapa-random na entry ni Agapito sa journal niya. Gustuhin man niyang magpatuloy sa
pagbabasa, kailangan niyang mabuhay sa araw na iyon sa kasalukuyan. Kaya’t tinigil muna ni
Charlotte ang pagbabasa at nagsimulang asikasuhin ang sarili at ihanda ang mga gagawin niya sa
araw na iyon.
“Napakarandom talaga niya. Tinawag pa niya na journal ‘tong librong ‘to. Hindi naman
‘to mukhang journal o memoir na sinasabi niya. Walang kaingat-ingat sa gamit, kung journal ang
tingin niya dito sana man lang inalagaan niya.” inis na wika ni Charlotte makaraang bumalik sa
kwarto at magpahinga matapos gawin ang mga nakatakda niyang gawin sa araw na iyon.
Humiga siya at pumikit, hinayaan niya ang katahimikan sa kwarto na gambalain ang
imahinasyon siya para lumukso sa nakaraan, gusto niyang gamitin ang sandali para alalahanin ang
mga maiiksing linyahan na binabato sa kanya ni Agapito sa tuwing sila ay magkakasalubong sa
hallway ng paaralan.
“Lotty, may tanong ako.” sabi ni Agapito kay Charlotte habang nakaharang sa daraanan
niya nang minsan silang nagkasalubong sa hallway katapat ng kanilang room.
“Ano ‘yun?” mahinang sagot ni Charlotte na napahinto sa paglalakad at halatang gulat at
nanginginig ang mga labi dahil sa hindi niya napaghandaan ang eksenang iyon lalo pa’t nasa
harapan niya si Agapito.
Hindi niya napansin na papasalubong si Agapito sa kanya dahil sa ugali na niya ang
maglakad ng nakayuko, maaaninag nalang niya na may makakasalubong siya pero wala siyang
interes alamin kung sino iyon kaya walang halaga sa kanya na sumulyap sa kasalubong sa halip
magpapatuloy lang siya sa paglalakad.
“Paano kung ‘yung ikukwento ko sayo ay nasa loob ng isa pang kwento? Tapos ‘yung
kwento na nasa loob ng isang kwento naglalaman din iba’t ibang kwento na may kanya-kanya ring
kwento? Papakinggan mo kaya?” nakangiting tanong ni Agapito.