walang imik ang mga puno ng saging -...
TRANSCRIPT
1 | P a g e
WALANG IMIK ANG MGA PUNO NG SAGING
Mula sa Buwang na Wika o ang wika bilang inidorong ihian, taehan, sukahan at tamuran ng naglalagalag na
pagkatha, Short Stories, UngazPress, 2015
Ronaldo S. Vivo Jr.
1
Kakaba-kaba n'yang sinuyod ang daan pauwi. Ilang bloke bago marating ang bahay,
naulinigan n'ya ang mga nagkaingay na tao. Umeeko na ang sabog na tunog ng videoke na
nalulunod sa putik ng baho, matinis ang tilian ng mga nanay na kulang sa kantot ng mga
asawang stay-in sa site kaya pinapatos kahit mga tambay na walang ligo. Binilisan n'ya ang
lakad.
Pagdating sa bahay, bumungad sa kan'ya ang mga taong nagdiriwang. Pumasok s'ya at
naro'n sa hapag si Marife, kandong ng Hapon na si Akinobu.
"O, sa'n ka ba galing dong?" bungad ni Marife kay Ador.
"Ahhh. Nagsigarilyo lang d'yan sa labas." sagot n'ya.
"Ang sarap nitong mga ulam a. Tsaka buti nakahanap ka ng dahon ng saging?"
"Salamat at nagustuhan mo. Sa bukid ako nagtabas. May mga puno na ng saging doon
ngayon... Welcome home pala."
"Wala pa si Marla a? Naaalala ko, nagbilin akong dapat pagdating ko narito na s'ya a, di
ba?"
"Dong, di ba't ikaw dapat ang magsusundo?" bato ni Marissa kay Ador habang
naglalagay ng mga plato, platito, kubyertos sa hapag.
2 | P a g e
Bantulot si Ador. Umaapuhap ng idadahilan, kakamot-kamot sa ulo.
"Ahh. E, di ba nagpaalam s'ya kagabi sa inyo na dadaanan ang mga kaibigan doon sa
likod ng eskwela para isama rito?" pagdadahilan n'ya.
"May nasabi ba s'ya kagabi?" paniniguro ni Marissa.
"Oo. Kay Marta s'ya nagpaalam, alam ko."
"Hindi naman nagsabi ang batang 'yon sa'kin. Kagabi, kausap ko pa sa skype e." ani
Marife na iiling-iling. "Parang di ako namiss, di man lang ako sinalubong." hinimas-himas ni
Akinobu ang makinis n'yang hita.
"Iyon ang akala mo." sabi ni Ador sa sarili.
Bumulong si Akionobu kay Marife, saglit na nagtanguan ang dalawa habang
nakatanghod naman si Ador sa kanila.
"Marissa, ang kwarto ba nalinis na?" tanong ni Marife.
"Oo naman. Kagabi pa!" listong sagot nito.
"Gusto raw magpahinga ni Aki. Akyat muna kami."
"O, s'ya. May jetlag pa kayo ano? Tama ba, jetlag?"
"Hehe, oo 'te."
Nagbaling ng tingin si Marissa kay Ador. "O, pakitulungan muna sila na mag-akyat ng
gamit." gumanti ng tango si Ador at dagliang dinampot ang mga bagahe't umakyat sa taas.
"Sige 'te, ikaw na munang bahala dito a?" pailalim na inabutan ni Marife si Marissa ng
mga nakatiklop na tigliliman'daan.
3 | P a g e
"O sige na, magpahinga na muna kayo at mas maraming bisitang darating bukas."
umakyat na sa kwarto ang dalawa.
Sa itaas, inabutan nilang nagwawalis pa si Ador sa kwarto.
"Dong, okay na 'yan, naglinis naman na raw kagabi." awat ni Marife kay Ador.
"Ahh.. Medyo maalikabok, winalisan ko lang nang kaunti."
"O, sige na. Magpapahinga si Aki."
"Ahhh. Oo. sige, sige." pumihit si Ador sa direksyon ng pinto at lumakad papalabas.
Pagdaan n'ya sa harap ni Marife, saglit s'yang huminto. "Fe, hanggang kailan ba ito?" pailalim
n'yang sabi. Bumuntong hininga si Marife at nagbaling ng tingin kay Akinobu.
"Aki, neru.." sabay nguso sa kama.
"Hai! Hai!" matigas na sagot ni Akinobu. Dumiretso ito sa kama. Naiwan si Marife at
Ador sa pintuan.
"Ubos na pera mo, no?" anas ni Marife habang dumudukot ng kung ano sa bag. "Putsa,
'pag nalaman kong dumudurog ka na naman, palalayasin kita dito." may halong panggigigil ang
tono.
"Di ko kailangan ng pera mo, Fe." matigas na sagot ni Ador.
"Sus... E, ano?" singhal ni Marife. "Yung bata, pakihanap mo naman. Hindi ko pa
nayayakap ang anak ko, e bilin ko sa'yo sunduin mo nang maaga sa eskwela di ba?"
"Pakasaya kayo n'yang sakang mo. Alis na'ko." tumalikod si Ador at lumakad pababa na
may bigat bawat paglapat ng paa sa sahig.
Umingit ang pinto at naulinigan n'ya ang kalabog ng pagsara, napahinto s'ya at lumingon
4 | P a g e
sa direksyon ng kwarto. Nagpunas ng luha't sipon.
2
Matapos ihiwalay ang purong karne sa mga buto-buto, sinimulan na n'yang linisin ang
mga laman-loob habang pinakukuluan naman ang ibang bahagi. Dama n'ya ang labis na
pangangalay ng mga bisig at paglulusak ng magkabilang kili-kili. Sobra sa isang batsa ang dami
ng pinaglamayan n'yang karne, taba, laman-loob at iba pang bahagi. Sa dami ng bisita ng
balik-bayan, na kadalasa'y paglamon at take-out lang talaga ang intensyon at hindi ang makita
at makamusta ang msimong balik-bayan, ay malamang mahiya ang mga kawa't kalderong
paglalagyan ng ulam mamaya.
Limang putahe ang hinahabol n'yang matapos ngayon. Limang putaheng ibinilin ng
big time na balik-bayang kasama ang boypren n'yang hapon dahilan ng kan'yang pagiging big
time. Shanghai, Igado, Relyenong Bangus, Lechong Kawali at ang paborito ng balik-bayan,
kalderetang baka.
Naghihilik pa ang iba, kumikilos na s'ya. Sa katunayan, sinulyapan na s'ya ng liwanag sa
kusina. Dahil s'ya ang maalam sa pagluluto, sa kan'ya ang pinakamabigat na gawain, at dahil
s'ya rin ang dakilang atsoy sa bahay, sa kan'ya pa rin ang mga sumunod na mabigat [rin] na
gawain tulad ng pagarkila ng videoke, pagpick-up ng mga inorder na sopdrinks at beer,
pagdidibuho sa bahay. Kumbaga, isang pirasong tutsang na lang ang natira sa ilong ng pagasang
may makakatuwang s'ya sa paggagayak. Tanggap n'ya ang bagay na iyon. Tanggap n'ya iyon,
matagal na. Pangilang uwi na rin ito ng balik-bayan na s'ya ang tumatayong punong abalang
hindi man lang nakatatanggap ni kalahating palakpak.
Matapos linisin ang mga laman-loob, isinunod na n'ya itong pakuluan. "Hay, salamat."
5 | P a g e
sabi n'ya sa sarili. Kinuha n'ya ang stash na lata ng sprite na ipinatong n'ya sa ibabaw ng ref
kanina. Tumungo s'ya sa banyo. Ikinandado ang pinto. Inilabas n'ya ang palara, ga-hinliliit na
sachet, tuter at lighter. Siniguradong tuyo ang lababo. Inilatag n'ya ang mga gamit at sinimulang
iporma ang palara. Tinanggalan n'ya ng laman ang timba at saka binuksan ang gripo. Nilamon
ng ugong ng tubig na sumasargo sa lalamunan ng timbang walang laman ang sunod-sunod na
tsk ng lighter.
Bawat higop sa puting-puting usok, natutubos n'ya ang lakas na inagaw ng puyat, pagod
at sama ng loob. Bawat kumekendeng na usok sa kulob na banyo ay biyayang kaloob. Palaging
may bagong lakas na hatid ang bato, palaging may regalong pagasa, paglaya. Shabu ang sagot sa
kahit na anong tanong. Lalong nagpapapintig sa kan'yang dibdib ang imaheng nakikita sa
salamin, ang repleksyon ng sariling kumakawala sa lahat ng banil at libag ng mga alaala ng
kahapon, kasalukuyan at ng pilit na tinakasang bukas.
Natauhan s'ya nang madinig ang nangangalit na tsk ng lighter. Umaapaw na ang tubig
sa timba. Natataranta n'yang binitawan ang hawak. Binuhat ang timbang puno ng tubig at
ibinuhos sa inidoro. Binuksan n'yang muli ang gripo. Muli, nilamon ng ugong ng tubig na
sumasargo sa lalamunan ng timbang walang laman ang sunod-sunod na tsk ng ligther.
3
Alas tres ng madaling araw, naggagayak na si Ador para mamalengke sa pasig. Shanghai,
Igado, Relyenong Bangus, Lechong Kawali at s'yempre, ang paborito ni Marife, kalderetang
baka ang mga putaheng lulutuin n'ya.
Sinuyod n'ya ang daan papuntang sakayan. Kumukumot sa kan'ya ang lamig ng hininga
ng madaling araw. Kinuha n'ya ang kaha ng fortune na nakaipit sa maluwag na garter ng syorts.
Nagsubo ng isa at nagsingit sa magkabilang tenga, nagsindi at nilabanan ng usok ang ginaw.
Pagdating sa sakayan, dalawang magkasunod na dyip ang dumating. May sakay na sa unahan
6 | P a g e
ang nauna kaya't ang pangalawa ang sinakyan n'ya.
"Boss, p'wedeng magyosi?" tanong n'ya sa tsuper. Sinipat ng drayber ang salamin sa
harap n'ya, puro espasyo ang nasa repleksyon.
"O, bilisan mo totoy habang kaunti ang pasahero." sagot nito.
Kinuha n'ya ang nasa kanang tenga at iniabot sa tsuper ang nasa kaliwa.
"Salamat, totoy." anang tsuper.
Nagsindi s'yang muli at sinabayan ang tambutso ng dyip sa pagbuga. Habang b'yahe,
naiisip n'ya - ito na ang pang-limang uwi ni Marife. Dalawang taon kada bago ito umuwi.
Samakatuwid, isang dekada na buhat noong pumayag s'ya sa isang kasunduang magtatapon sa
kan'ya sa balon ng mga bangungot.
Taong 2004 nang lumipad si Marife papuntang Japan. Doon ay naghihintay sa kan'ya
ang isang matandang hapon na nagngangalang Akinobu Fokuhara na kapitbahay ng kan'yang
tiyahin na s'yang naging daan para makilala n'ya ito. Noong mga panahong iyon, halos
mag-ulam sila ng imaginary chicharon at magsawsaw sa imaginary suka. Ang noo'y isang taong
gulang pa lamang na si Marla, ay dumedede ng tubig at hindi am dahil bihira rin naman silang
makapag-saing. Suki sa barangay dahil sa patong-patong na reklamo ng mga inutangan, kasama
na ang ilang kamag-anak. Sa madaling sabi, todas ang kabuhayan. Dahil lunod sa bisyo
(hanggang ngayon) at walang ibang dahilan ang paghinga kundi ang pagpapagulong ng mga
kristal sa palara, ay hindi na s'ya nakatutol pa nang buksan sa kan'ya ng asawa ang planong
pagpapakasal sa hapon para lang maisalba ang kanilang buhay.
Ang mga unang linggo ni Marife sa poder ni Akinobu ay nagdulot ng ginhawa kay Ador
at sa kanilang nagiisang anak na babae, at sa mga kapatid na rin ni Marife na bigla'y bumait sa
kan'ya. Buhay prinsipe si Ador, lahat ng umpukan sa kanila, nailibre na n'ya ng bato. Iba't ibang
7 | P a g e
puke na rin ang natikman n'ya at ng titi n'ya. ang kanilang anak, hindi na kilala ang bear brand
at nido dahil lumalaki itong branded ang dinededeng gatas.
Labis-labis ang tulong na natanggap nila mula sa hapon at sa isip ni Ador, isa s'yang
inutil na lumalangoy sa karagatan ng luho habang ang asawa n'ya ay nalulunod naman sa
maanghang na tamod ng hapon. Sa loob ng isang taon, nakapagpagawa sila ng disenteng bahay.
Nakapagpundar ng maaayos na gamit at matatawag na ngang bahay ng tao ang kanilang
tinitirhan. Unang dalawang taon at umuwi si Marife kasama si Akinobu, si Ador ang nagayos at
asikaso ng lahat. Pagluluto, pagdidibuho sa bahay, mga bisita, arkila ng videoke, pati na ang
kwartong tutulugan ng dalawa. Magtatatlong taon pa lamang noon ang anak nilang si Marla.
Malaki ang pinagbago ng lahat. Marami nga talagang nabibili ang pera. Pagdating ni
Marife, napakainit ng salubong sa kan'ya ng mga walanghiyang kamag-anak at kapitbahay na
noo'y madalas silang paliguan ng masasakit na salita. Pero nagiba ang ihip ng hangin. Lahat,
naghihintay ng biyaya mula sa kan'ya. Dahil likas namang mabuti ang kalooban, hindi n'ya
nagawang magtanim ng sama ng loob sa mga hudas at pinaulanan naman ng balato ang mga ito.
Unang gabing muling makakapiling ang asawa, hindi sila magkatabi, kapatid ang
pakilala sa kan'ya. Unang hatinggabi, habang himas-himas n'ya ang pasalubong na sapatos ni
Marife ay himas-himas naman ni Akinobu ang mga kurbadang dapat ay s'ya ang humihimas.
Bato ang sagot sa lahat ng tanong. Puting usok ang naging karamay n'ya sa mga pagkakataong
masahol pa ang kalagayan n'ya sa isang presong paulit-ulit na tinuturbo ng mas malalakas na
preso.
Unang dalawang taon, halos sukuan n'ya ang ganoong kalagayan. Ngunit sa tuwing
maalala n'ya ang dating buhay, wala s'yang ibang mapagbatuhan ng sisi kundi ang sarili, at sa
tuwing mapagtatanto n'ya na ang anak na babae'y nagkahugis ang kinabukasan, wala s'yang
ibang magawa kundi ipagwalang-bahala ang sakit na nararamdaman. Sa isip n'ya, ang
8 | P a g e
karapatang masaktan ay para lamang sa mga taong nagsakripisyo, hindi s'ya kasama sa mga
iyon.
Ngayon, ika-limang uwi na ni Marife. Isang dekada na ang lumipas. Wala pa ring
pamamanhid sa bahagi ng utak n'yang nagsasabi na mahal n'ya ang asawa at nagsisisi na s'ya.
Ngunit tulad ng dati, kailangan n'yang itapon sa bahagi ng utak na nangangasiwa sa paglimot
ang pinakamatingkad na alaalang dahilan ng kan'yang paghinga at hindi. Pakiramdam n'ya,
guminhawa man ang buhay, ay tila wala nang natira sa kan'ya. Si Marife, na ang burat ni
Akinobu na nagpuputok ng sagu-sagong lapad ang sinasamba. Habang ang kaisa-isang anak na
si Marla ay lumaking hindi s'ya ang kinikilalang ama.
"Boss, para..."
"Dun lang sa unahan, bawal dito."
Huminto ang jeep sa tapat ng Antonio's Meat Shop. Bumaba s'yang bitbit ang isang
dekadang pagluluksa. Sinalubong s'ya ng mga bangaw at malansang amoy ng dugong naglawa
sa malagkit na tiles ng entrada.
4
Alas singko-y-medya. Inabutan n'yang papalabas na ng bahay si Marla. Sinalubong n'ya
ito at kinuha ang bitbit na bag.
"Ang tiya Marissa mo?" bungad n'ya kay Marla.
"Tulog pa po." sagot nito. Nailing na lang si Ador.
"Hintayin mo ako d'yan, ipapasok ko lang itong mga 'to."
9 | P a g e
"Sige po."
Pagpasok ni Ador ay sumilip ito sa kwarto bago inilagak ang mga pinamalengke sa
kusina. Nagkokoro ang hilik ng mga kapatid ni Marife. Sinilip n'ya ang hapag. Malinis. Ganoon
din ang lababo. Hindi nakapagalmusal si Marla.
Naalala n'ya ang bilin ni Marife, ang gusto nito ay kumain sa dahon ng saging. Kumuha
s'ya ng garbage bag at itak at saka lumabas para balikan si Marla.
"Hindi ka nagalmusal?" pangungumpirma n'ya.
"Hindi po, tito." sagot ni Marla sa nagsusumbong na tono.
"O, s'ya, Sumaglit tayo kina Tentay. Mag-champorado ka."
"E, male-late po ako, tito. Sa school na po ako kakain."
"Ganun ba? O sige. Tara na."
Lumakad sila patungong pilahan ng traysikel. Wala pang bumabalik na traysikel. Ilang
minuto rin silang tumanga doon. Mailap ang traysikel at kung meron man ay may sundo ang
mga ito.
"Dapat po, nag-motor na tayo tito e." anas ni Marla.
"E, hindi kase ako marunong mag-motor. Pasensya ka na." kakamot-kamot s'ya sa ulo.
"Pag matagal pa tito, maglakad na lang po tayo."
"Magsimula na kaya tayong maglakad? Dadaan pa kasi ako ng bukid, magtatabas ako ng
mga dahon ng saging."
"Edi sasamahan ko na lang po kayo tito."
10 | P a g e
Nangiti na lang si Ador. "E, sabi mo male-late ka tapos sasamahan mo pa ako sa bukid?"
"Male-late na rin naman po ako. Ikaw na lang ang pumirma ng excuse letter ko tito.
Ganun nga ginagawa ng mga kaklase ko e."
"Ha? Edi, pagtapos ko magtabas sasamahan na lang kita sa titser mo, magpapaliwanag
ako para di na gagawa ng excuse letter. Di ako marunong gumawa nun e. Huehuehue!"
"Naku, anong idadahilan mo tito?"
"E, sasabihin ko masakit ang t'yan mo. Pinilit mo lang na pumasok."
"O, sige tito! Ganun nga!"
Sinuyod ng dalawa ang daan papuntang bukid. Pagdating nila doon, sakto at wala pa ang
bantay, walang sasaway sa kanila. Tinungo ni Ador ang pinakamababang puno at nagsimulang
magtabas habang patakbo-takbo naman si Marla. Magkahalong tuwa't pangungulila ang
nadama n'ya habang pinanunuod ang kamusmusan ng anak.
"Marla, baka naman pagpawisan ka nang husto, madumihan pa 'yang uniporme mo.
Hindi maniniwala sa'tin ang titser mo na masakit ang t'yan mo! Hehe!" paalala n'ya dito.
"Hindi 'yan titoooo!" sige pa rin ito sa pagtakbo, habang ang magkabilang braso ay
pumapagaspas na parang isang agila.
Pinapaspasan n'ya ang pagtatabas, 'pag nagkataon kasi wala s'yang mabibilhan o ibang
mapagkukunan ng dahon ng saging. Baka pati iyon, maisumbat sa kan'ya ni Marife - na
simpleng bagay, di magawan ng paraan at magaling lang kung may kailangan.
Nang halos makalbo na ang mababang puno ng saging, nagpasya si Ador na magpahinga
muna. Umupo s'ya't sumandal sa punong wala nang liilim.
11 | P a g e
Masaya n'yang pinanunuod ang paglalaro ni Marla. Magsasampung-taong gulang na rin
ito. Isang malaking tinik ang nabunot sa kan'yang lalamunan nang magkahugis ang
kinabukasan nito ngunit sa kabilang banda'y labis na nawawasak ang kalooban n'ya bilang ama.
Pero maswerte pa nga s'yang kasama at nakikita ang anak, dahil kung tutuusin ay p'wede na
s'yang kalasan ni Marife dahil may mga kapatid naman itong titingin sa bata, lalo ngayon na iba
na ang takbo ng mga pangyayari. May pera na si Marife, ang dating patay-gutom ay
nagpapalamon ngayon sa mga taong nagbansag sa kanila ng patay-gutom noon. At s'ya,
nananatiling alagad ng bato. Kung noon, nakiki-ambag lamang s'ya at nakikihigop, ngayon
maaari na s'yang tumakbong kagawad sapagkat malaking bahagi ng populasyon ng mga adik sa
lugar nila ay napatira na n'ya nang libre buhat nang mag-japan si Marife. Pero dahil malaki pa
rin ang kunsiderasyon ni Marife sa pinagsamahan nila at sa bata ay nanatili s'yang bahagi ng
pamilyang pinatag at binuklod ng pera.
"Arayyyyyy!!!" magaspang na sigaw ni Marla nang matisod ng nakausling bato.
"O, naku po!" balikwas ng tayo si Ador at tumakbo papunta kay Marla. Itinayo n'ya ito
mula sa pagkakasubsob sa lupa. Biglang kutim ang kanina'y puting-puting uniporme nito.
Napansin n'ya ring may gasgas ang kanan nitong tuhod, nagdudugo.
"Tsk tsk tsk! Kaya mong maglakad?"
"Hi--hindiii p-ppo. Uhghuhughmm!" hihikbi-hikbi nitong sagot.
Tumalikod si Ador paupo, sumalabay si Marife. Dinala n'ya sa inupuang puno kanina.
"Ano'ng nararamdaman mo? Baka napilayan ka." nagaalala n'yang usisa dito.
"Dddiii-ko po alam, tito. Uhmghhh." baka sa mukha n'ya ang iniindang sakit at pinipigil
na iyak.
"Sige, saglit lang. Ililigpit ko lang 'tong mga dahon at dadalhin kita d'yan sa center."
12 | P a g e
natatarantang nagligpit si Ador ng mga pinagtabasan.
Matapos isilid ang mga tinabas na dahon sa garbage bag. Muli n'yang ipinasan si Marla
at lumakad. Habang naglalakad, dama n'yang namamasa ang kan'yang batok. Luha iyon ni
Marla.
"Tahan na Marla, gasgas lang 'yan. Kayang kaya mo 'yan. Ughhm.." nagtutubig na rin
ang mga mata n'ya. Huminto s'ya sa paglalakad. Iniupo si Marla.
"Tito, bakit?" pansin ni Marla na umiiyak si Ador. Sisinghot-singot ito habang
nagpupunas ng luha.
Hinugot ni Ador ang itak na nakasukbit sa kan'yang baywang. Tinaga sa leeg si Marla.
Talsikan ang dugo. Sa purol ng itak, hindi agad naputol ang ulo nito. Pansin n'yang naghahabol
pa rin ito ng hininga sa kabila ng tinamong pinsala sa leeg. Ilang segundo ang pumitik,
humandusay si Marla sa lupa at nangisay.
5
Matapos lutuin ang limang putahe. Nagmamadaling lumabas si Ador at sumuyod
papuntang bukid. Ipinagpatuloy ang pagpupuno ng lupa sa ginawang hukay. Nakabaon na ang
mga damit at ulo ni Marla kanina bago n'ya iwanan ang hukay habang ang ibang parte ng
katawan ay sahog ngayon sa mga putaheng inihanda n'ya na pagsasaluhan ni Akinobu, Marife at
mga kaibigan at kamag-anak nito.
Maya-maya pa'y dumating ang isang matandang lalake, ang bantay ng bukid. "Iho, ano
ba 'yang tinatabunan mo d'yan?" usisa ng bantay sa kan'ya.
"Namatay ho ang aso namin, dito ko na lang po inilibing." bantulot n'yang sagot.
13 | P a g e
"Ganoon ba? Sumalangit nawa ang kaluluwa n'yang aso mo, ano."
"Salamat ho." nagtuloy s'ya sa pagtabon ng lupa sa hukay.
Pagtapos tabunan ang ginawang hukay. Kakaba-kaba n'yang sinuyod ang daan pauwi.
Ilang bloke bago marating ang bahay, naulinigan n'ya ang mga nagkaingay na tao. Umeeko na
ang sabog na tunog ng videoke na nalulunod sa putik ng baho, matinis ang tilian ng mga nanay
na kulang sa kantot ng mga asawang stay-in sa site kaya pinapatos kahit mga tambay na walang
ligo. Binilisan n'ya ang lakad.
Pagdating sa bahay, bumungad sa kan'ya ang mga taong nagdiriwang. Pumasok s'ya at
naro'n sa hapag si Marife, kandong ng Hapon na si Akinobu.
"O, sa'n ka ba galing dong?" bungad ni Marife kay Ador.
"Ahhh. Nagsigarilyo lang d'yan sa labas." sagot n'ya.
"Ang sarap nitong mga ulam a. Tsaka buti nakahanap ka ng dahon ng saging?"
"Salamat at nagustuhan mo. Sa bukid ako nagtabas. May mga puno na ng saging doon
ngayon... Welcome home pala."
"Wala pa si Marla a? Naaalala ko, nagbilin akong dapat pagdating ko narito na s'ya a, di
ba?"
"Dong, di ba't ikaw dapat ang magsusundo?" bato ni Marissa kay Ador habang
naglalagay ng mga plato, platito, kubyertos sa hapag.
Bantulot si Ador. Umaapuhap ng idadahilan, kakamot-kamot sa ulo.
"Ahh. E, di ba nagpaalam s'ya kagabi sa inyo na dadaanan ang mga kaibigan doon sa
likod ng eskwela para isama rito?" pagdadahilan n'ya.
14 | P a g e
"May nasabi ba s'ya kagabi?" paniniguro ni Marissa.
"Oo. Kay Marta s'ya nagpaalam, alam ko."
"Hindi naman nagsabi ang batang 'yon sa'kin. Kagabi, kausap ko pa sa skype e." ani
Marife na iiling-iling. "Parang di ako namiss, di man lang ako sinalubong." hinimas-himas ni
Akinobu ang makinis n'yang hita.
"Iyon ang akala mo." sabi ni Ador sa sarili.
wakas