varayti ng wika sa pelikulang indie

10
Pahina | 1 PASADO-PAMBANSANG-SEMINAR WORKSYAP ’12 Jonathan Vergara Geronimo “Varayti ng Wika sa Pinoy Indie: Isang Mungkahing Balangkas sa Pedagohiyang Kritikal Tungo sa Adhikain ng Filipinismo ni Jonathan Vergara Geronimo Introduksyon Sa pagsibol at pamamayagpag ng huwad na disposisyong malaya sa kalakarang pampelikula na ‘indie’ (pagpapaikli sa independent films), napapatindi ang pagtataguyod sa mga kampanyang neoliberalismo at globalisasyon na nagsisilbing pakete at pangunahing politikal na interes ng pambansang larangan ng sining pampelikula sa Pilipinas. Magkaugnay ang pagpapakahulugan sa neoliberalismo at globalisasyon sa layunin nitong mapanatili ang pagiging alipin ng pambansang kalakaran alinsunod sa dikta ng mga pandaigdigang multilateral na organisasyon sa kumpas ng mga imperyalistang bansa gaya ng US. Sa pamamagitan ng neoliberalismo bilang ideolohiya ay naitataguyod nito ang liberalisasyon ng pambansang ekonomiya na nakakiling sa interes ng mga dayuhang korporasyon para sa tagumpay ng globalisasyon. Ang kultura na pangunahing salik sa pagtataguyod ng pambansang kamalayan ang isa rin sa pangunahing pinapanday ng mga salot na kalakarang ito upang mapanatili ng mga imperyalistang bansa ang kanilang paghahari at kontrol sa sistema ng mga bansa sa ikatlong daigdig. Hindi mapigil ang paglaganap at impluwensiya ng kalakarang ito sa mga institusyong panlipunan lalo sa akademya na pinagmumulan ng mga gitnang-uring manonood o kabataang filmmaker mismo na pangunahing tagatangkilik ng popular na kulturang ito. May nakababahalang epekto sa mga Pilipinong tagatangkilik ang kawalan ng malinaw na adyenda sa mga itinatanghal na pelikulang indie para sa alternatibong adhikain nito sa pangakong pagpapalaya. Sa ganitong sitwasyon, kinakailangan ang mahigpit na pagtugon ng akademya na magsisilbing gabay sa pagpanday ng kamalayang at oryentasyong makabansa. Malaki ang maiaambag ng akademya sa pagbubukas ng mga posibilidad na makaalinsabay sa panlipunang krisis at hamon sa pagtangan ng gampanin sa pagsusulong ng Filipinolohiya bilang isang aspekto ng pagpapalaya na nakaugat sa lokal na kultura at sining. Layunin ng papel na ito na talakayin ang katangian ng Pinoy Indie alinsunod sa pagkakalikha ng konseptong ito sa kasaysayan at masuri ang potensyal ng makabagong kalakaran sa pagtuturo ng mga varayti ng wika. Gayundin, nilalayon ng papel na makapagmungkahi ng pedagohiyang balangkas na ilalapat sa ilang piling pelikulang indie tungo sa pagsusuri ng mahahalagang papel ng akademya na magsisilbing katuwang na puwersa sa pagsusulong ng Filipinismo bilang isa sa mga panimulang hakbang sa pambansang pagpapalaya. Pagbaklas Tungo sa Malayang Identidad: Pagbanghay sa Maikling Kasaysayan ng Pelikulang Indie sa Pilipinas Simula’t sapul nang maisilang ang konsepto ng alternatibong pelikula sa laylayan ng pelikulang komersiyal sa kalagitnaan ng dekada ’70 at malaon ay tinawag na independent film sa kasalukuyan, kakambal na nito ang pagpapakahulugan sa pagbalikwas sa sistema ng kapital na nagdidikta sa kategorisasyon ng kalakarang pampelikula sa labas ng naglalakihang istudyo ng Lebran, Premiere Productions, Sampaguita at LVN. Hanggang sa tuluyang nagkahugis ang pormulang ‘avant-grande’ sa pagsasapelikula, na tumutukoy sa tuluyang pagbukod ng likhang

Upload: jonathan-vergara-geronimo

Post on 18-Apr-2015

841 views

Category:

Documents


14 download

DESCRIPTION

Tinatalakay ng papel na ito ang pedagohikal na potensyal ng mga pelikulang indie sa kritikal na pagtalakay ng mga konsepto sa varayti ng wika na nagsasangkot sa mga mag-aaral ng wika at sining sa magkasabay na paglinang ng disiplinang ito.

TRANSCRIPT

Page 1: Varayti ng Wika sa Pelikulang Indie

P a h i n a | 1

PASADO-PAMBANSANG-SEMINAR WORKSYAP ’12

Jonathan Vergara Geronimo

“Varayti ng Wika sa Pinoy Indie: Isang Mungkahing Balangkas sa Pedagohiyang Kritikal Tungo sa Adhikain ng Filipinismo ni Jonathan Vergara Geronimo Introduksyon

Sa pagsibol at pamamayagpag ng huwad na disposisyong malaya sa kalakarang pampelikula na ‘indie’ (pagpapaikli sa independent films), napapatindi ang pagtataguyod sa mga kampanyang neoliberalismo at globalisasyon na nagsisilbing pakete at pangunahing politikal na interes ng pambansang larangan ng sining pampelikula sa Pilipinas. Magkaugnay ang pagpapakahulugan sa neoliberalismo at globalisasyon sa layunin nitong mapanatili ang pagiging alipin ng pambansang kalakaran alinsunod sa dikta ng mga pandaigdigang multilateral na organisasyon sa kumpas ng mga imperyalistang bansa gaya ng US. Sa pamamagitan ng neoliberalismo bilang ideolohiya ay naitataguyod nito ang liberalisasyon ng pambansang ekonomiya na nakakiling sa interes ng mga dayuhang korporasyon para sa tagumpay ng globalisasyon. Ang kultura na pangunahing salik sa pagtataguyod ng pambansang kamalayan ang isa rin sa pangunahing pinapanday ng mga salot na kalakarang ito upang mapanatili ng mga imperyalistang bansa ang kanilang paghahari at kontrol sa sistema ng mga bansa sa ikatlong daigdig.

Hindi mapigil ang paglaganap at impluwensiya ng kalakarang ito sa mga institusyong panlipunan lalo sa akademya na pinagmumulan ng mga gitnang-uring manonood o kabataang filmmaker mismo na pangunahing tagatangkilik ng popular na kulturang ito. May nakababahalang epekto sa mga Pilipinong tagatangkilik ang kawalan ng malinaw na adyenda sa mga itinatanghal na pelikulang indie para sa alternatibong adhikain nito sa pangakong pagpapalaya. Sa ganitong sitwasyon, kinakailangan ang mahigpit na pagtugon ng akademya na magsisilbing gabay sa pagpanday ng kamalayang at oryentasyong makabansa. Malaki ang maiaambag ng akademya sa pagbubukas ng mga posibilidad na makaalinsabay sa panlipunang krisis at hamon sa pagtangan ng gampanin sa pagsusulong ng Filipinolohiya bilang isang aspekto ng pagpapalaya na nakaugat sa lokal na kultura at sining.

Layunin ng papel na ito na talakayin ang katangian ng Pinoy Indie alinsunod sa pagkakalikha ng konseptong ito sa kasaysayan at masuri ang potensyal ng makabagong kalakaran sa pagtuturo ng mga varayti ng wika. Gayundin, nilalayon ng papel na makapagmungkahi ng pedagohiyang balangkas na ilalapat sa ilang piling pelikulang indie tungo sa pagsusuri ng mahahalagang papel ng akademya na magsisilbing katuwang na puwersa sa pagsusulong ng Filipinismo bilang isa sa mga panimulang hakbang sa pambansang pagpapalaya.

Pagbaklas Tungo sa Malayang Identidad: Pagbanghay sa Maikling Kasaysayan ng Pelikulang Indie sa Pilipinas Simula’t sapul nang maisilang ang konsepto ng alternatibong pelikula sa laylayan ng pelikulang komersiyal sa kalagitnaan ng dekada ’70 at malaon ay tinawag na independent film sa kasalukuyan, kakambal na nito ang pagpapakahulugan sa pagbalikwas sa sistema ng kapital na nagdidikta sa kategorisasyon ng kalakarang pampelikula sa labas ng naglalakihang istudyo ng Lebran, Premiere Productions, Sampaguita at LVN. Hanggang sa tuluyang nagkahugis ang pormulang ‘avant-grande’ sa pagsasapelikula, na tumutukoy sa tuluyang pagbukod ng likhang

Page 2: Varayti ng Wika sa Pelikulang Indie

P a h i n a | 1

PASADO-PAMBANSANG-SEMINAR WORKSYAP ’12

Jonathan Vergara Geronimo

pelikula sa pagiging komersiyal nito. Pinangunahan nito (avant-grande sa pelikula) ang modernistikong kilusan ng mga film maker sa pagtuklas ng sari-saring posibilidad sa midyum ng pelikula na kaiba sa kumbensyon ng pelikulang komersiyal. (De Ocampo, 1985). Naipamalas sa igpaw ng ideyang avant-grande sa pelikula ang maagang pagkamulat sa limitadong potensyal ng midyum pampelikula. Napabantog ang baguhang pangalan na Kidlat Tahimik sa pelikulang Mababangong Bangungot (Perfumed Nightmares) noong 1977 na lumikha ng ingay lalo nang magwagi ng International Critic’s Prize sa Berlin Film Festival. Dumaluyong ang kanlurang estetika ng ideyang art film at naibandila ang eksperimental, abstrakto at malaswang tipo ng panoorin upang mapagtakpan at makalimutan ang mga panlipunang kapansanan at pambansang paniniil sa panahong ambisyosong itinatayo ng diktadurang rehimen ang kanyang “Bagong Lipunan.” Itinayo ang Experimental Cinema of the Philippines (ECP) ng diktadurang Marcos noong 1982 upang hindi lubusang malantad ang panunupil nito. Nagpondo ito ng mga pelikulang de-kalidad, at mga obrang ibinunga ay gamit na pantapal sa mga pilat ng panunupil sa industriya. (Lumbera, 2005). Pinasimulan ng ECP ang pagtatayo ng mga arktibong pampelikula para sa lokal na industriya, naipakilala ang sensura sa porma ng “film rating” at itinaguyod ang alternatibong pelikula. Naipamana ng ECP ang mga obrang Oro Plata Mata (1982) ni Peque Gallaga, Himala (1982) ni Ishamael Bernal, Misteryo sa Tuwa (1984) ni Abbo de la Cruz at Soltero (1984) ni Pio de Castro III. Nagpanibagong-hubog sa porma at paghahain ng bagong panlasang pang-estetika ang mga pelikula na nagbihis naman sa katawagang “alternatibo” na sinasabing malaki ang naging igpaw sa larangan ng kasiningan kung ihahalintulad sa pelikulang komersiyal (Reyes, 1996). Liban sa pamantayan at panlasang estetikal, nagkaroon din ng espasyo ang panawagan sa pagiging alternatibo sa punto ng nilalaman. Namayani sa ikalawang gintong panahon ng pelikulang Pilipino ang mga obra na may sosyo-politikal na temang umuusig sa naghaharing katiwalaan sa kalakarang panlipunan tulad ng isyu ng kawalan ng reporma sa lupa na sentral na tinatalakay sa Sakada (1975) ni Behn Cervantes, isyung ploretaryado at lumalalang kahirapan ang itinampok sa Maynila sa Kuko ng Liwanag (1976) ni Lino Brocka at kritisismo sa hipokrasya sa mga programang pangkagandahan at displina ni Imelda Marcos ang itinampok sa Manila by Night (1980) ni Ishmael Bernal na pagkaraan ay pinalitan ng pamagat na City After Dark upang ikubli ang identidad ng Maynila na tagpuan at sentro ng negatibong paglalarawang ipinapamalas ng pelikula. Sa pamamayani ng mga kalakarang virtual gaya ng internet at iba pang teknolohiyang digital kasabay ng pagtindi ng mga sensitibong isyung panlipunan na naging potensyal na sabjek ng mga baguhang film maker, at penomenal na pagsulpot ng mga festival sa lokal at internasyunal na arena ay nagkaroon ng bagong pamantayan sa pagsasapelikula na tinawag na “independent films” at naideklara na gintong panahon ng alternatibong pelikula ang dekada ‘90. Tumataas taun-taon ang pampublikong interes sa independent films lalo sa hanay ng gitnang-uring mamamayan at mga akademista na pangunahing tumatangkilik batay sa prinsipyo ng popularidad at layunin ng intelektwal na ornamental. Pinanday ang bagong mukha ng independent filmmaking sa imbitasyon ng mga kapitalista na sinakyan ang init ng gitnang-uring aspirasyon para sa pangako ng kalayaan sa kapwa porma at nilalaman na bumabaklas sa karaniwang tipo ng komersyalisadong pelikula ng mainstream. Itinatag ang Cinemalaya Film Festival noong 2005 na isang kompetisyong pampelikula ng mga independent films na naglalayong maipamalas ng mga baguhang direktor ang kanilang pagkamalikhain sa paggawa ng pelikula. (Cabagnot, 2006). Kapansin-pansin na taun-taon ay matagumpay na nakapagpapamalas ng varyasyon ng panlasang artistiko ang mga lahok na pelikula sa nasabing festival ngunit ang

Page 3: Varayti ng Wika sa Pelikulang Indie

P a h i n a | 1

PASADO-PAMBANSANG-SEMINAR WORKSYAP ’12

Jonathan Vergara Geronimo

pinakamalaking hamon dito na makatakas sa anino ng kapitalistang pamantayan at pangako ng mapagpalayang oryentasyon ng progresibong sipat sa lipunan ay higit pang pinababaw ng abstraksyon at binigo ang manonood sa aliw ng pagtakas/eskapismo. Sinang-ayunan ang ganitong ideya ng huwad na kalayaan sa espasyo ng Pinoy indie sa nosyon na ang tunay na indie filmmaking ay hindi umaasa sa film festival circuit at basbas ng institusyong kultural para makagawa ng pelikula, ang politikal na kolektibong pampelikula ang nagpapaiba sa moda ng produksyon at resepsyon ng pelikula (Tolentino, 2009). Sa obserbasyon naman ni Guieb (2009), bihirang makapanood ng indie films na may malinaw, lapat-sa-lupa at alternatibong kamalayang politikal kung kaya’t masasabi na hindi alternatibo ang diskurso ng kalakhan sa binabansagang pelikulang indie. Sa kabilang banda, malaki naman ang ambag ng mga pelikulang indie sa pagsusulong ng wikang Filipino na pangunahing gamit na midyum sa paglalahad nito at munting kontribusyon din sa unti-unting pagpapalaya. Ang kakapusan sa lantarang pagtalakay sa politikal na konteksto sa kalakhan ng mga Pinoy indie na binigyang-diin nina Guieb at Tolentino ay maaaring punan ng kritikal na pagsusuri ng mga manonood sa anumang institusyong panlipunan para sa pansamantalang pagtatasa ng tunggalian sa nasabing kalakaran at panghinaharap na pagpapaunlad ng lumalaganap na larangan. Binigyang-diin ni Jose (1996) na, ang wika ay isa lamang sa mga instrumentong ginagamit sa pagpapalaya. Ibigsabihin ang Filipinismo bilang isang kilusan sa pelikula ay munting ambag lamang sa matagalang adhikain ng pagpapalaya ngunit gaya ng ibinubukas na posibilidad ni Jose na malaon ay instrumentong makapanggigiit ang hakbang na ito sa mas mataas na kahingian sa politikal na kalakaran sa paglikha ng independent film sa bansa. Kung lalagumin ang naging depenisyon ng Pinoy indie sa kasaysayan, makikita na nakaugat sa hangarin ng paglaya ang panig ng mga manlilikha nito, paglaya sa dikta ng malalaking produksyong komersyal, paglaya sa kumbensyunal na porma ng paglalahad at paglaya para sa indibidwalistang ekspresyon ngunit katotohanang hindi tinutugon ng umiiral na kalakarang ito ang usapin ng pananagutan sa pagpapalaya at pagbuo sa kolektibong identidad na mapagpalaya bilang karakterisasyon ng tunay na independent film. Sa ganitong mga kabatiran ukol sa depekto ng isang lumalaganap na kalakarang pangkultura sa bansa, mahalaga ang papel na ginagampanan ng akademya sa pangunguna ng mga mapanuring guro na makapagtasa sa itinatakbo ng namamayaning kilusang pansining na may malaking impluwensya sa pagpanday ng makabansang kamalayan ng ating mga mag-aaral. Sa ating pagiging malikhain at mapanuring pag-iisip, magagawa nating balangkasin ang mga kahinaan ng isang materyal upang bumuo ng positibong silbi at makabuluhang gamit sa ating krusada para sa pambansang pagpapalaya. Ang unang manipestasyon tulad ng umuunlad na wikang Filipino sa larangan ng Pinoy indie halimbawa ay munting ambag na rin sa matagalang proseso ng pagpapalaya sa nalalapit na hinaharap. Pinilakang Pisara: Potensyal ng Pelikulang Indie sa Pagtuturo ng mga Varyati ng Wika Malalim ang relatibong ugnayan ng edukasyon at pelikula bilang makapangyarihang larangan sa paghubog ng kaisipan ng mga mamamayan ng isang bansa. Ayon na rin kay Remollino (2007), “Education is one of the mos powerful tools for the molding of minds.” Maaaring sabihin na may malaking epekto ang mapagpalayang edukasyon sa paglikha ng mapagpalayang pelikula. Hindi maitatanggi na kapwa nagtataglay ng pananaw sa paghubog ng pambansang kasaysayan ng isang lahi ang pelikula at edukasyon sa katangian ng akademya.

Page 4: Varayti ng Wika sa Pelikulang Indie

P a h i n a | 1

PASADO-PAMBANSANG-SEMINAR WORKSYAP ’12

Jonathan Vergara Geronimo

Binigyang-kahulugan ang pelikula na isang kulturang nagtataglay ng salik na minsa’y makabayan at kung minsan nama’y kolonyal samantala, ang akademya ay itinuturing na makapangyarihang pwersa na nagtatatak sa pelikulang Filipino (Lumbera, 2005). Kung susuriin ang inihahatag na ugnayan ni Lumbera, mababalangkas ang ideya na ang edukasyon at pelikula ay nagtataglay ng pananaw na kapwa hinubog sa pangkasaysayang danas nito, mula sa panahon ng kolonyalismo hanggang sa kasalukuyang kalakaran ng neoliberalismo at panliligalig ng globalisasyon. Sa ganitong kaayusan mapatutunayan ang obserbasyon ni Tolentino (2009) na integral ang kolonialisasyon ng Pilipinas sa transformasyon ng tunguhin ng pelikula (maging ng akademya). Sa patuloy na siklong ito ng pakikipagtunggali ng pelikula at akademya sa kolonyal na kamalayan at adhikain ng neutralisasyon nito, mahigpit na maimumungkahi ang pagsasanib ng dalawang larangan sa pagsusulong ng kolektibong tunguhing pambansa higit sa aspekto ng pagsusulong ng Filipinismo bilang isa hakbang at ambag sa matalagang proseso ng pagpapalaya sa independent film sa bansa. Nilalayon ng pambansang kurikulum sa Filipino sa buong kapuluan ang pagtuturo ng wika sa paglinang ng kakayahang pangkomunikatibo upang magamit sa realidad at pagtatamo ng pambansang kamalayan. Gayundin, inaasahan ang kalinangan ng mga makrong kasanayan kabilang ang panonood na nagmumungkahi ng mga klasiko at alternatibong pelikula bilang batayan sa kritikal na pagsusuri at pagpapahalagang pangkultura. Kung mapagsasanib ang dalawang disiplina sa akademya ay epektibo nitong mapapalakas ang identidad ng pagiging Pilipinong mag-aaral at proyekto ng pagsasabansa ng mga pelikulang indie na umaayon sa diktum ng pagiging malaya at mapagpalaya nito sa kontekstong Pilipino. Kaalinsabay sa pagkakagawad ng kalayaan sa porma ng paglikha ng Pinoy indie at pagpapalitaw ng realistikong naratibo sa abstraktong paraan, nagagawang pataasin ang eksperimental na dating ng isang independent film na nagbubukas sa posibilidad ng varyasyon sa estilo ng paglalahad maging ng makapangyarihang wika na ginagamit sa pagpapalitaw ng karakterisasyon, malayang diskurso at itinatampok na politikal mensahe sa isyu ng pagkakagamit sa wika. Malinaw sa ganitong estado ng paggamit ng wika sa kalakarang eksperimental ang pagsulpot ng varyasyon ng teknik sa pagtuturo ng mga aralin na may kaugnayan sa diskurso at komunikasyong Filipino, gaya ng pagsusuri sa mga varayti ng wika sa awtentikong sitwasyong panlipunan na itinatampok sa Pinoy indie. Ipinaliwanag ni Constantino (1996), ang wika ay isang panlipunang penomenon. Ibig sabihin, nililinaw na mahalaga ito hindi lamang sa indibidwal kundi lalo na sa lipunang kanyang kinabibilangan. Sa ganyang paglalahad, nililinaw ang kahalagahan ng awtentikong biswalisasyon ng mag-aaral sa realistikong papel ng wika at indibidwal nitong tungkulin bilang entidad ng lipunan. Mahalaga ang malinaw na pagsasalin ng akademikong konsepto sa proseso ng reyalisasyon sa mga ideya na posibleng mag-udyok sa makabuluhang partisipasyon nito sa lipunang sinasalamin ng kanyang pinapanood. Ang talakayan sa mahahalagang konsepto, teorya at batayan sa pagdevelop ng mga varayting pangwika sa Filipino ay epektibong maisasagawa sa tulong ng awtentikong materyal tulad ng Pinoy indie na kalakhang ginagamit ang wika sa naturalistikong paraan at lumilinang hindi lamang sa kakayahang komunikatibo bagkus posible rin na makapagbunsod ng kritikal na pag-iisip at pagpapahalaga sa panig ng mga mag-aaral sa kultura at lipunang kinabibilangan.

Page 5: Varayti ng Wika sa Pelikulang Indie

P a h i n a | 1

PASADO-PAMBANSANG-SEMINAR WORKSYAP ’12

Jonathan Vergara Geronimo

Filipinismo sa Pagpapalaya: Mungkahing Balangkas sa Pagtuturo ng Varayti ng Wika Gamit ang Pelikulang Indie Ang mahabang krusada sa paghahanap ng pambansa at bukod na identidad ng pagiging Pilipino ang isa sa pinakamakabuluhang katwiran at adhikaing inaasahan na mababalangkas sa isang Pinoy independent film. Sa pagpapakahulugan ni Valerio (2010), ang tunay na alternatibong pelikula ay isang sandata sa paglaya mula sa kanluraning gahum. Samakatuwid, para kay Valerio, walang saysay ang alternatibong pelikula na hindi nakatutugon nabubukod na pagsasalarawan ng buhay, aspirasyon, interes at pakikibaka ng sambayanang Pilipino na tanging daan para sa pagpapalaya ng kanilang kaalipinan sa ilalim ng kanluraning impluwensiya. Sa ganitong pananaw, marapat na sipatin at suriin na ang pagiging malaya ng isang pelikula ay hindi lamang nakakulong sa kuwadradong paninindigan nitong bumaklas sa komersyalisadong dikta ng mainstream, gayundin hindi natatapos sa abanteng persepsyon sa kumbensyon at elementong estetika sa paglikha, bagkus ang pagiging malaya sa konteksto ng Pelikulang indie ay ang pagbuo nito ng katutubong panlasa na nakasalig sa itinatakbo ng pambansang kultura, politika at ekonomiya nagpapabagsak sa kanluraning dominasyon/paghahari. Ipinapakita ng pigura sa itaas ang proseso ng pagtuturo ng varayti ng wika gamit ang Pinoy indie, sisimulan ito ng mapanuring pagpapasya ng guro sa independent film na angkop na magagamit sa pokus na nais bigyang-diin sa pag-aaral ng varayti ng wika. Susuriin ang mga ginamit na varayti ng wika batay sa uri, dimensyon ng varyabilidad at mga tiyak na batayan o pamamaraan ng varayting pangwika (depende sa nais bigyang-pokus). Sa layuning mapalalim ang pag-unawa ng mga mag-aaral, impormal na susuriin ang mga isyu at politikang itinatampok ng pelikula na nakasentro sa paggamit ng wika (o maaari din naman sa iba pang diskursong pambansa). Lilikha ng maikling pelikula bilang paglalapat ng mga natutuhan at pagpapahalaga sa napanood ang mga mag-aaral. Magsasagawa ng pagtataya at pamantayan sa pagbuo ng Pinoy

Pinoy Independent

Film

Pagsusuri ng Ginamit na Varayti ng

Wika

Paglikha ng

Maikling Pelikula

Uri ng Varayti ng Wika

Dimensyon ng Varyabilidad

Batayan/Pamamaraan ng varayting pangwika

Politika/Isyung Itinatampok

Pagtataya at Pamantayan

sa Pagbuo ng Pinoy Indie

Page 6: Varayti ng Wika sa Pelikulang Indie

P a h i n a | 1

PASADO-PAMBANSANG-SEMINAR WORKSYAP ’12

Jonathan Vergara Geronimo

indie bilang paglalahat sa katapusan ng sesyon. Tatalakayin sa mga susunod na paglalahad ang mga batayang teorya sa binuong balangkas kabilang ang detalyadong proseso ng paglalapat nito sa kontekso ng silid-aralan. Bago ang proseso ng aktwal na pagtuturo ng varayti ng wika gamit ang Pinoy indie, kinakailangan ang kahandaan ng guro at ang kasapatan ng kanyang kaalaman ukol sa tatlong mahahalagang konsepto na saklaw sa pagtuturo ng varayti, kabilang ang pagtukoy sa dalawang uri ng varayti sa pagpapakahulugan ni Catford na tumutukoy sa permanente at pansamantalang katangian sa pagkakagamit ng isang indibidwal o grupo ng tao ng wika alinsunod sa panlipunang salik nito. Pangalawa, ang pagkakahati ni Eastman, 1971 (sa Constantino, 2002) sa dalawang dimensyon ng varyabilidad o pagkakaiba-iba ng wika batay sa heograpiko at sosyo-ekonomikong batayan, ipinaliliwanag ng una na ang pagkakaiba-iba ng wika ay bunga ng kalat-kalat na lokasyon ng gumagamit habang iba’t ibang estado sa lipunan ang diin ng ikalawang dimensyon. Sa panghuling konsepto, ang pag-iisa-isa sa mahahalagang batayan/pamamaraan na inilahad ni Ocampo (2002) kung paano nalilinang ang varayti ng wika sa konteksto gaya ng Filipino gaya ng paglilinaw sa kahulugan ng istandard na wika, aksent, continuum na pandiyalekto,pidgin,creole,idyolek,sosyolek, rejister at iba pa batay sa pangangailangan ng kurso.Samantala, kinakailangang taglay ng isang Pinoy indie na gagamitin sa pagtuturo ang mga sumusunod na mungkahing katangian: 1) Angkop na nagtataglay ng mahahalagang aralin na nais talakayin at bigyang-diin sa pagtuturo; 2) may sapat na haba na sasapat sa naitakdang panahon ng pagsusuri at pagtalakay sa klase; 3) nagtataglay ng temang panlipunan o politikal (hayag man o hindi hayag) na potensyal na maiuugnay sa usaping pangwika; at 4) malinaw na sumasalalim sa pambansang kalagayan at kamalayan. Masaklaw ang pagtuturo ng varayti ng wika kung kaya kinakailangang pagpasyahan ng guro ang pokus sa pagtalakay na nais niyang surii, gayundin sa praktikal na seting ng pagtuturo na halos dalawa hanggang tatlong pagkikita (2-3) ang karaniwang inilalaan sa pagtuturo ng araling ito ay makatutulong ang paglalapat ng maikling pelikula sa pagpapadali ng pag-unawa sa mga konseptong kailangang ituro. Gayundin, sa prinsipyo na rin ng pananaw na ang wika bilang isang panlipunang penomenal, ang aktwal na pagsasalarawan ng Pinoy indie ay makatutulong sa pagpapaunawa sa mga mag-aaral ng praktikal na manipestasyon at kahalagahan ng itinuturong aralin. Sa aktwal na pagtuturo, iminumungkahing pasimulan ang talakayan para sa unang araw ng mahahalagang konsepto ukol sa varayti ng wika na naglilimita sa mga nais bigyang-diin o napagpasyahang pokus sa pagtalakay. Sa layuning mapalalim ang pagtalakay ay lilinangin sa ikalawang araw ang kasanayan ng panonood para sa malalim na pag-unawa ng mga konsepto ng varayti gamit ang napiling Pinoy indie. Pasisimulan ang pagtalakay sa pagbibigay ng maikling bakgrawnd sa pelikula habang proseso ng panonood ay itinatala ng mga mag-aaral ang mahahalagang konsepto ng varayti ng wika na kanilang nasasaksihan sa pelikula. Sa pagtatapos ng panonood, isasagawa ang pagtalakay sa tatlong mahahalagang konsepto ng varayti ng wika (Uri, dimensyon at pamamaraan) na napanood sa pelikula. Bigyan ng kalayaan ang mga mag-aaral na magbahagi at magpahayag ng kanilang mga obserbasyon at magaganap lamang ang interbensyon ng guro kung may nabanggit na konsepto na kailangang iwasto. Mahalaga na matapos talakayin ang mahahalagang konsepto ang paglinang sa kritikal na pagkatuto sa politika at isyung tinatalakay ng pelikula kabilang ang usaping nakapaloob sa pagkakagamit ng wika sa pelikula. Sa pananaw ni Tolentino (2004), “…sa pamamagitan ng kritikal na pagkatuto, kinakailangan nagkakaroon ng ngalan ang mga karanasan, nagkakaroon ng kabuuan ang artikulasyon ng historikal at pang-araw-araw.” Hayaang makapag-ugnay ang mga mag-aaral sa

Page 7: Varayti ng Wika sa Pelikulang Indie

P a h i n a | 1

PASADO-PAMBANSANG-SEMINAR WORKSYAP ’12

Jonathan Vergara Geronimo

kanilang mga sariling pagtingin, pagsusuri at pagtataya sa mga kawalan at kalabisan sa kanilang nasaksihan sa pelikula tungo sa konstruksyon ng lipunang nais nilang baguhin. Pagkatapos ng pagsusuri ng Pinoy indie sa pagpapalalim ng pag-unawa sa mahahalagang konsepto ng varayti ng wika, bigyan ng panahon ang mga mag-aaral sa pagbuo ng isang maikling pelikula bilang aktwal na paglalapat ng mga natutuhang konsepto at pagsasalin ng pagpapahalagang napagtibay sa proseso ng panonood. Alinsunod ang mungkahing gawain na ito sa pananaw ni Hornedo (2004) na, ang pagtatanghal/perpormatibo ang pinakamataas na pagpapahalaga. Ang malilikhang maikling pelikula ay isasagawa sa pagtataya na tutungo sa reyalisasyon ng pagbuo ng mga pamantayan sa pagbuo ng isang tunay na Pinoy indie. Sipat sa Danas ng Filipinismo: Pahapyaw na Pagsusuri sa Paggamit ng Wikang Filipino sa Piling Pinoy Indie Sari-saring karakterisasyon ng wikang Filipino ang itinatanghal sa mga Pinoy indie na may nakapaloob na rasyunal sa pagtatampok ng realidad at politisasyon ng pagkakagamit nito sa layunin ng malayang diskurso at sentral na paghahatid ng kabuluhan at buhay sa naturalistikong paglalahad. Itinanghal sa pelikulang Engkwentro (2009) sa panulat at direksyon ni Pepe Diokno ang kalakaran ng buhay sa pusod ng lalawigan na hindi nalalayo sa estado ng pakikipagsapalaran sa urban na nagdaranas ng kahirapan. Nagawang maibukod ang seting ng pelikula sa paggamit ng bernakular na wika na may dimensyong heograpiko at nagtampok ng eksotikong lunan ng pelikula. Epektibong naipamalas ang matatag na ugnayang sosyal ng isang mukha ng mardyinalisadong lipunan dahil sa dayalekto na ginamit. Hindi naiwasang gumamit ng wikang balbal ang pelikula na uminog sa kuwentong ‘gang war’ ng mga kabataan na nagtulak upang maging makatotohanan at awtentiko ang gampanin ng mga karakter. May katangian ng pananalitang espontanyo sa palitan ng diskurso. Ang brutalidad sa paggamit ng wika ay hindi lamang ginamit sa layunin ng naturalisasyon sa paglalahad kundi isang di-hayag na protesta sa kabiguang makatugon ang gobyerno sa isyu ng edukasyon ng mga kabataan at tuluyang pagpatay sa munting pag-asa ng aandap-andap na lipunan. Pinatunayan naman sa obra at lahok na Dinig Sana Kita (2009) ni Mike Sandejas ang kabisaan ng ibang kaparaanan kung paano makapangyarihang ipapahayag ang pag-ibig sa wika ng kumpas at senyas. Uminog ang pelikula sa pagtatagpo ng isang lalaking pipi at babaeng hilig ang maingay na musika sa daigdig ng damdaming walang kinikilalang ingay at musika liban sa hipo ng pag-ibig. Itinampok ang kumbinasyon ng wikang Filipino at Ingles sa pelikulang ito na pawang ginamit sa paghahatid ng kahulugan o mensahe sa tulong ng mga kumpas at senyas. Ang di-berbal na uri ng komunikasyon at moda ng pagpapahayag gamit ang musika at senyas ay nagsisilbing tulay sa politikal na panawagan ng paghingi ng pantay na karapatan at panawagan sa pagsasabatas ng proteksyon para sa isang mardyinalisadong sektor ng may mga kapansanan. Matingkad na ginamit sa pelikulang Kubrador (2006) ni Jeffrey Jeturian ang wikang urban sa kanyang pelikula na nangahas talakayin ang isyu ukol sa iligal na porma ng sugal sa bansa na nagsangkot sa mga politiko, kapulisan at ilang kilalang tao sa lipunan na binigyang katauhan at kaluluwa sa daloy ng kuwento at tinukoy bilang mga ‘mastermind’ sa kabuuan ng itinuturing na krimen ng estado. Ang wikang urban na ginamit sa pelikula ay deklarasyon din ng sosyo-ekonomikong kalagayan ng pangunahing tauhan na isang kubrador at biktima ng mapanggipit na kalagayan ng kahirapan at walang mapagpilian sa buhay. Gumamit ng espesyal na rejister ang pelikula sa pagsasapubliko

Page 8: Varayti ng Wika sa Pelikulang Indie

P a h i n a | 1

PASADO-PAMBANSANG-SEMINAR WORKSYAP ’12

Jonathan Vergara Geronimo

ng iligal na kalakaran ng sugal. Nagsilbing bukas na midyum at instrumento ang paggamit ng wikang Filipino upang mapatindi ang pagiging realistiko ng pelikula sa paglalantad ng mga parikalang taglay ng mga suliraning panlipunan na kapos sa mga kalutasan. Mayamang ginamit ang wika ng mga eskinita at lansangan bilang pagsasalin ng katangian nagtatampok sa mga kabulukan at kapansanan ng pambansang kalagayan. Ginamit na makabuluhang anyo ang sining ng pagsasayaw at panitikan bilang hulmahan ng matalinghagang mensahe ng di-kumbensyunal na pananaw ng pag-ibig sa pelikulang Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa (2011) ni Alvin Yapan. Ang ganitong eksperimental na pagsasanib at pagsusulong ng iba pang anyo ng sining sa pagsasapelikula ay maituturing na malaking igpaw ng pelikulang indie sa pagsasatinig ng malikhaing wika nito sa layuning mapagtagpo ng mga panloob na isyu ng indibidwalidad tungo sa malawak na karanasang panlipunan. Ang mga isyu ng sekswalidad, komplikasyong pag-ibig at konserbatismo sa propesyong pangguro na gasgas nang tinatalakay bilang paksaing pampelikula ay nabigyan ng mapanghamong bihis sa pamamagitan ng matulaing wika na ginamit sa pelikula. Higit na napalalim ng ganitong matalinong paggamit ng wika ang sensibilidad na nais ikintal ng pelikula sa mga manonood. Bagama’t ang hindi naiwasang abstarksyon na idinulot marahil nang labis na talinghaga sa takbo ng mga pahayag ay maituturing din na sagabal sa pagbuo nang malinaw na komentaryo at paninindigang inaasahan sa alternatibong pelikula sa pagpapakilos. Kapansin-pansin sa mga sinuring pelikula ang pagkakagamit ng wikang Filipino sa rasyunal na lampas sa pagpapalitaw ng natural at realistikong kalakarang panlipunan. Bagkus, ibinubukas ng isinagawang pagsusuri ang potensyal na makapagtalakay ng mga napapanahong isyu at komentaryong pampolitika mula sa simpleng pagbalangkas sa disposisyon ng wika sa pelikula tungo sa pagpapatanaw ng malawak na pananaw. Pinatunayan din ng isinagawang pagsusuri sa mga pelikula ang konteksto ng pagpapakahulugan sa wika bilang kasangkapang panlipunan ni Constantino (1996) na isang kasangkapan kapwa ng eksploytasyon o pagsasamantala at liberasyon o pagpapalaya. Mapapansin ang ganitong argumento sa sari-saring paraan ng pagtatanghal sa pananaw ng mga pelikula gamit ang wikang Filipino na di-hayagang tumutuligsa, matalinghaga sa pakikipagdiskurso, may lantarang bumabalikwas sa status quo at panawagan ng pagkilos. Akademya sa Pelikula at Pelikula sa Akademya: Sanib-Puwersa sa Adhikaing Filipinismo Tungo sa Mapagpalayang Lipunang Pilipino Inihain ni Valeriano (2010), isang makabayang kritiko ng sining sa komunikasyon ang kanyang mga punto ukol sa katangiang dapat taglayin ng isang tunay na makabayan at malayang pelikulang Pilipino na inaasahan sa mga makabagong film maker na may hipo ng Filipinismo: (a) Ang produksyon ay malaya sa komersyalismong gawi; (b) diretsahan man o hindi, tinatalakay o ipinakikita ng pelikula ang masamang epekto ng globalisasyon, imperiyalismo at kaisipang kolonyal; at (c) higit sa lahat, ang pelikulang alternatibo ay isang instrumento tungo sa dekolonisasyon ng ating kamalayan. Tunay nga na isang aspekto lamang ng adhikaing Filipinismo at pagpapalaya ng lipunan ang kilusan sa pagsusulong wikang Filipino sa Pinoy indie, ngunit ang panimulang igpaw na ito ay may malaking ambag sa tinutukoy na dekolonisasyon ng kamalayan at kung progresibong hihimayin sa silid-aralan ay potensyal na lilikha ito ng malalim na ugnayang sosyal na magbubunsod ng pagpapakilos sa Pilipinong mag-aaral at sambayanan. Malaki ang maitutulong ng patuloy na inbensyon ng mga pedagohiyang

Page 9: Varayti ng Wika sa Pelikulang Indie

P a h i n a | 1

PASADO-PAMBANSANG-SEMINAR WORKSYAP ’12

Jonathan Vergara Geronimo

kritikal sa mga aralin sa wika at komunikasyon na nagsasangkot sa gawain ng pagpapahalagang kultural gaya ng pelikula, na magkasabay na nililinang ang mga inaasahang kasanayan at malalim na pag-unawa para sa pagtatamo ng makabayang paninindigan. Ayon na rin sa artikulong “Ang Wika ng Pagpapalaya at ang Papel ng Akademya” ni Vicencio R. Jose (1996) na, “Napalaki ng magagawa ng akademya sa pagpapaunlad ng Filipino bilang wika ng pagpapalaya”, samantala ipinalalagay din niya na kinakailangan ang pagpapaunlad sa iba pang larangan para magkaroon ito ng kaganapan. Kaugnay rin nito ang dilema sa kilusang pagpapalaya sa industriya ng pelikula na ihinatag ni Bienvenido Lumbera (2005) sa pagsasabing “Isa lamang anyong pangkultura ang pelikula, at kung mag-isa lamang ito, wala itong kakayahang magbunsod ng pagpapalaya.” Mapaghihinuha sa tinatakalay na kondisyon nina Jose at Lumbera ang pangangailangan ng pagsasanib-pwersa ng dalawang larangang panlipunan upang mapalakas ang kilusan para sa adhikaing Filipinismo na daan sa pambansang pagpapalaya. Kinakailangang magkasabay na mapalakas ng guro ang kanyang identidad hindi lamang bilang kritiko ng pambansang kultura at intektwal na akademista kundi dapat niyang taglayin ang pagiging progresibong mamamayan at makabayang Pilipino na tagapagsiwalat ng tunay na kalagayang panlipunan at kasaysayang Pilipino na nakikisangkot sa adyenda ng pagpapalaya sa ganid na sistema ng kapitalismo, bumabalikwas sa pambansang pagsasamantala at tumututol sa dikta ng imperyalismo at kanluraning ideya. Sa ganyan, ang pagiging artista at guro ng bayan ay napalalakas at napagkakaisa sa tunguhin ng ganap na pagpapalaya. Bibliograpiya Arrogante, J., et al. (2009). Sining ng Komunikasyon sa Akademikong Filipino. Navotas City: National Bookstore, Inc. Constantino, P. at Atienza M. (Ed) (1996). Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan. Quezon City: University of the Philippines Press. De Ocampo, N. (1985). Short Film: Emergence of a New Philippine Cinema. Manila City: Communication Foundation for Asia. Guieb III, E. (2009). Mula Indio Hanggang Indie: Kakaibang Kaindiehan. (masisipat sa http://yccfilmdesk.blogspot.com/2011/12/critic-of-the-month-eulalio-r-gueib-iii-on.html) Infante, E. (1991). Inside Philippine Movies 1970 – 1990: Essay for students of Philippine Cinema. Quezon City: Ateneo De Manila University Press Peregrino, J., et al. (2002). Minanga: Mga babasahin sa varayti at varyasyon ng wikang Filipino. Quezon City: Unibersidad ng Pilipinas –Surian ng Wikang Filipino. Reyes, M. (1996). Malikhaing Pelikula: Mga Sanaysay tungkol sa Pelikulang Pilipino kasama ang iskrip ng Dream Filipinos at Swapings. Makati City: Media Plus Publishing Lumbera, B. (2007). Mula Tore Patungong Palengke. Quezon City: Ibon Foundation Inc.

Page 10: Varayti ng Wika sa Pelikulang Indie

P a h i n a | 1

PASADO-PAMBANSANG-SEMINAR WORKSYAP ’12

Jonathan Vergara Geronimo

__________(1992). Pelikula: An Essay on the Philippine Film: 1961 – 1992. Pasay City: Cultural Center of the Philippines Tolentino, R. (2009). Politikal na Filmmaking. Bulatlat.com (masisipat sa http://rolandotolentino.wordpress.com/2012/03/02/politikal-na-filmmaking/) _____________ (2004). Paghahanap ng Virtual na Identidad. Pasig City: Anvil Publishing Inc. _____________ (2004). Ang Bago, Bawal, at Kasalukuyan. Pasig City: Anvil Publishing Inc. Valerio, E. Ang Pelikulang Bukod na Bukod: Ang Pelikulang Alternatibong Pelikula Bilang Mapagpalayang Sining. DALUMAT Ejournal. Volume 1, Number 1 (2010): 7; 15.