sawikaan 2014-pdaf pork barrel-proposal

Upload: jonathan-vergara-geronimo

Post on 18-Oct-2015

94 views

Category:

Documents


6 download

DESCRIPTION

Abstrak ng papel para sa SAWIKAAN 2014

TRANSCRIPT

PDAF: Panukalang Salita ng Taon 2014 Jonathan Vergara Geronimo

Fakulti, Unibersidad ng Santo Tomas

Kung may salitang higit na pumukaw ng pambansang kamalayan at nagbunsod ng malawakang pakikisangkot sa politikal na diskurso sa lahat ng antas ng tao sa lipunang Pilipino sa taong 2013, ang salitang PDAF ang higit na naitampok sa lahat. Bagamat ipinalalagay na 1922 pa nang maipakilala sa bansa ang konseptong ito sa kolokyal na katawagang Pork Barrel sa pamamagitan ng patronage system o paglustay ng mga politiko sa kaban ng bayan kapalit ng suportang politikal mula sa mga botante. Kamakailan lamang nabigyan ng bagong bihis at pagpapakahulugan ang salitang ito sa anggulo ng bagong anyo ng katiwalian sa bansa. Ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na mas popular sa tawag na pork barrel ay maanomalyang ginamit ng ilang senador at mga kongresista sa mga pekeng non-government organizations (NGOs) at proyekto sa ilalim ng pamamahala ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles. Sa talumpati ng pangulong Benigno Simeon Aquino III bilang tugon sa isyung 10-billion pork barrel scam na ito, marangal ang disenyong layunin ng PDAF na binuo noong 1990 na: Bigyang-lakas ang inyong mga Kinatawan sa Kongreso, upang tumukoy ng mga proyektong hindi kayang pondohan ng mga local government units. Wala pong mali o masama sa polisiyang ito. Ang mali, ang masama, at ang siya ngang ikinagagalit ng taumbayan, ay ang pagsasabwatan sa pagitan ng isang pangulong handang makipagtransaksyon para manatili sa kapangyarihan; mga mambabatas (na) handang makipagkuntsabahan; at kung nariyan ang kooperasyon ng burukrasya. Sa pag-aaral naman ni Bayan Muna partylist Rep. Neri Colmenares hindi lamang mga kongresista at senador ang saklaw ng ganitong mekanismo, sapagkat maging ang pangulo mismo ay nakikinabang din sa ganitong kalakaran sa paraan ng di-tiyak na alokasyon ng badyet sa tinatawag na special at unprogrammed funds na nagkakahalaga ng halos 1 trilyon sa ilalim ng ehekutibong tanggapan nito. Dagdag pa ni Colmenares sa isang panayam ng ABS-CBN, "Ang definition ng pork is may discretion ang isang public official. Sa ganitong pagpapakahulugan, mapatutunayan na gaya sa ibang bansa, ang salitang PDAF ay sumibol sa atas ng kapangyarihang retorikal at disenteng gamit ng wika upang ikubli ang kababuyang proseso at layunin sa pagbuo nito. Makapagpapalawak ang sumibol na salitang PDAF bilang ambag hindi lamang sa pambansang diskurso bagkus maging sa pandaigdigang pagpapakahulugan. Pagtatangkaang talakayin sa papel ang historikal at kultural na konstekstwalisasyon at pag-ugat sa mala-pyudal at mala-kolonyal na karanasan ng bansa sa paggamit ng salitang PDAF. Maidaragdag ito sa pag-aanyo ng termino upang maglawaran ng umiiral na kalagayan ng politika sa ibang bayan gaya ng siltarumpupolitiikka/culvert politics (Finland); porcovani/portioning the bear (Czech Republic); podela kolaca/cutting the cake (Serbia) at Wahlgeschenke/election gifts (Germany). Sa taong 2013, mayamang ginamit ang PDAF sa mga seryosong talakayan sa ibat ibang porma ng Pamamahayag, namutiktik din ng PDAF ang mga banner sa protesta noong Million People March sa Luneta (Abolish Pork/PDAF that breeds corruption CBCP-NASSA/ holDAP ito! Akin na ang Buwis nyo!/ KUNG WALANG PDAF, WALANG MAHIRAP) at kumiliti rin sa pagkamalikhain ng mga Pilipino sa paraan ng siste/ sarkastikong biro bilang pagdiskurso sa isyu ng korapsyon (PDAF-Perang Di Aabot sa Filipino/ HOLDAF- Holistic Lawmaking for Development of All Filipinos/ BADAF-Benigno Aquino Development Assistance Fund/ CORAF-Countrywide Outreach and Rehabilitation Assistance Fund). Ipinapanukalang maging Salita ng Taon ang PDAF upang magsilbing kritika sa kapangyarihan ng wika at politikal na papel nito sa pagbuo ng pekeng imahe ng isang bansang tumatahak sa pangakong tuwid na daan. Itanghal ang PDAF kasabay ng pag-asang buhayin ang diwa ng mapagmatyag, kritikal at nagkakaisang sambayanan para sa isang tunay na demokratikong lipunan na walang pagpapanggap!