sagisag kultura.person

32
Nicanor Abelardo (7 Pebrero 1893-21 Marso 1934) Kinikilala si Nicanor Abelardo (Nikanór Abelárdo) bilang isa sa “Tatlong Haligi ng Musikang Filipino.” Kasama sa tatlo sina Francisco Santiago, unang Filipinong Direktor ng UP Konserbatoryo ng Musika, at Antonio Molina na ginawaran ng Gawad sa Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1973. Si Abelardo ang unang Filipinong kompositor na lumikha ng Concerto in B Flat Minor para sa piyano at orkestra noong 1923, na gumamit ng mga temang batay sa awiting-bayan. Higit na kilala si Abelardo sa kaniyang mga likhang awit na kadalasan ay siyá rin ang sumulat ng titik. Kabílang sa mga awit sa estilong kundiman na kaniyang nilikha ang Nasaan ka Irog? (titik: Nemesio Asistio), Kung Hindi Man , Magbalik Ka Hirang (titik: Filomena Alcanar), Himutok, Paghanga, Sa Libingan ng Irog (titik: Pedro Icasiano), at Kundiman ng Luha (titik: Jose Corazon de Jesus). Ang kundiman ayon kay Abelardo, ay “isang awit na nagtatampok sa isang lalaking nagmamahal na nagdedeklara ng pagkakait sa sarili upang sundin ang nasa ng babaeng minamahal.” Ang halimbawa naman ng mga awit na may makabayang titik na nilikha niyá ay Ang Aking Bayan at Ultimo Adios (titik: Jose Rizal). Lumikha rin siyá ng musika para sa mga sarsuwelang Tagalog. Kabílang dito ang Sumilang ni Basilio Lanuza at Dakilang Punglo ni Servando de los Angeles. Ang kilalang awit na Bituing Marikit ay nilikha ni Abelardo para sa sarsuwelang Dakilang Punglo. Tinagurian din siyáng “Ama ng Filipinong Sonata” para sa kaniyang mga obrang Sonata in G Major (1921), Sonata for violin and piano (1931), at Sonata for String Quartette (1932). Isinilang siyá sa San Miguel de Mayumo, Bulacan noong 7 Pebrero 1893. Ang bulto ng komposisyon niyá ay nasa anyo ng awit. Marahil, dahil kabataan pa siyá’y mang-aawit na at piyanista. Noong 1931-1932, nag-aral siyá bilang pensionado sa Chicago Musical College at dito’y lumikha siyá ng mga komposisyong pang-instrumento. Nagtangka rin siyáng lumikha ng Symphony na hindi natapos dahil sa kaniyang maagang pagkamatay noong 1934. Bukod sa pagiging mahusay na kompositor ay kinikilala rin si Ablelardo bilang mahusay na guro sa UP Konserbatoryo ng Musika. Namatay si Nicanor Abelardo noong 21 Marso 1934 nang hindi natapos ang operang Florante at Laura, Concerto para sa biyolin at piyano, at ang nabanggit nang Symphony. (RCN) (ed GSZ) Ramón Valéra (31 Agosto 1912-Setyembre 1972) Kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Disenyong Pangmoda si Ramón Valéra noong 2006. Tinagurian siyang “Dekano ng Moda sa Filipinas.” Ang paggawa ng kasuotan ay iniangat ni Valera sa antas ng sining na nagbigay ng inspirasyon sa ilang henerasyon ng manlilikha at nag-ambag sa pagkakaroon ng natatanging disenyo at moda ng mga Filipino. Itinuturing na ambag sa mga pambansang simbolo ang kaniyang likhang terno. Noong dekada 1940, lumikha ng pagbabago si Valera sa baro’t saya, ang kinikilalang pambansang kasuotan ng mga Filipina. Ang nakasanayang apat na pirasong kasuotan na binubuo ng baro, saya o tapis, naguwas, at panuwelo o alampay ay kaniyang pinag-isa. Itinampok niya ang manggas at pinahapit ang baywang. Tinanggal din niya ang kalawit sa likod at pinalitan ng zipper upang isara ang kasuotan. Isinantabi rin niya ang mahabàng alampay na dati’y nakasampay sa balikat at nakatakip sa dibdib. Para sa marami, ito ay mapangahas. Ngunit dahil sa mga kabiyak ng mga prominenteng politikong tumangkilik nitó, gaya nina Gng. Claro M. Recto at Gng. Primitivo Lovina, naging bukás ang bansa sa bagong estilo—ang térno. Natatangi ang mga obra ni Valera sa kahusayan at kasiningan ng pagkakalikha. Bukod sa pagpili ng materyal, pagsasáma-sáma ng kulay, detalyadong beadwork, paggamit ng sequin at iba pang palamuti, elemento, namumukod din ang kaniyang mga likha dahil sa tabas at tahi ng mga kasuotan. Kailangan lámang niyang tingnan at sukatan ang bibihisan at kahit walang padron ay alam na niya ang babagay dito. 1

Upload: maria-vanessa-jimenez-resullar

Post on 19-Jan-2016

556 views

Category:

Documents


13 download

DESCRIPTION

sagisag kultura

TRANSCRIPT

Nicanor Abelardo (7 Pebrero 1893-21 Marso 1934)

Kinikilala si Nicanor Abelardo (Nikanór Abelárdo) bilang isa sa “Tatlong Haligi ng Musikang Filipino.” Kasama sa tatlo sina Francisco Santiago, unang Filipinong Direktor ng UP Konserbatoryo ng Musika, at  Antonio Molina na ginawaran ng Gawad sa Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1973.

Si Abelardo ang unang Filipinong kompositor na lumikha ng Concerto in B Flat Minor para sa piyano at orkestra noong 1923, na gumamit ng mga temang batay sa awiting-bayan. Higit na kilala si Abelardo sa kaniyang mga likhang awit na kadalasan ay siyá rin ang sumulat ng titik. Kabílang sa mga awit sa estilong kundiman na kaniyang nilikha ang Nasaan ka Irog? (titik: Nemesio Asistio), Kung Hindi Man , Magbalik Ka Hirang (titik: Filomena Alcanar), Himutok, Paghanga, Sa Libingan ng Irog (titik: Pedro Icasiano), at Kundiman ng Luha (titik: Jose Corazon de Jesus).  Ang kundiman ayon kay Abelardo, ay  “isang awit na nagtatampok sa isang lalaking nagmamahal na nagdedeklara ng pagkakait sa sarili upang sundin ang nasa ng babaeng minamahal.” Ang halimbawa naman ng mga awit na may makabayang titik na nilikha niyá ay Ang Aking Bayan at Ultimo Adios (titik: Jose Rizal).

Lumikha rin siyá ng musika para sa mga sarsuwelang Tagalog. Kabílang dito ang Sumilang ni Basilio Lanuza at Dakilang Punglo ni Servando de los Angeles. Ang kilalang awit na Bituing Marikit ay nilikha ni Abelardo para sa sarsuwelang Dakilang Punglo. Tinagurian din siyáng “Ama ng Filipinong Sonata” para sa kaniyang mga obrang Sonata in G Major (1921), Sonata for violin and piano (1931), at Sonata for String Quartette (1932).

Isinilang siyá sa San Miguel de Mayumo, Bulacan noong 7 Pebrero 1893. Ang bulto ng komposisyon niyá ay nasa anyo ng awit. Marahil, dahil kabataan pa siyá’y mang-aawit na at piyanista. Noong 1931-1932, nag-aral siyá bilang pensionado sa Chicago Musical College at dito’y lumikha siyá ng mga komposisyong pang-instrumento. Nagtangka rin siyáng lumikha ng Symphony na hindi natapos dahil sa kaniyang maagang pagkamatay noong 1934.

Bukod sa pagiging mahusay na kompositor ay kinikilala rin si Ablelardo bilang mahusay na guro sa UP Konserbatoryo ng Musika. Namatay si Nicanor Abelardo noong 21 Marso 1934 nang hindi natapos ang operang Florante at Laura, Concerto para sa biyolin at piyano, at ang nabanggit nang Symphony. (RCN) (ed GSZ)

Ramón Valéra(31 Agosto 1912-Setyembre 1972)

Kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Disenyong Pangmoda si Ramón Valéra noong 2006. Tinagurian siyang “Dekano ng Moda sa Filipinas.” Ang paggawa ng kasuotan ay iniangat ni Valera sa antas ng sining na nagbigay ng inspirasyon sa ilang henerasyon ng manlilikha at nag-ambag sa pagkakaroon ng natatanging disenyo at moda ng mga Filipino.

Itinuturing na ambag sa mga pambansang simbolo ang kaniyang likhang terno. Noong dekada 1940, lumikha ng pagbabago si Valera sa baro’t saya, ang kinikilalang pambansang kasuotan ng mga Filipina. Ang nakasanayang apat na pirasong kasuotan na binubuo ng baro, saya o tapis, naguwas, at panuwelo o alampay ay kaniyang pinag-isa. Itinampok niya ang manggas at pinahapit ang baywang. Tinanggal din niya ang kalawit sa likod at pinalitan ng zipper upang isara ang kasuotan. Isinantabi rin niya ang mahabàng alampay na dati’y nakasampay sa balikat at nakatakip sa dibdib. Para sa marami, ito ay mapangahas. Ngunit dahil sa mga kabiyak ng mga prominenteng politikong tumangkilik nitó, gaya nina Gng. Claro M. Recto at Gng. Primitivo Lovina, naging bukás ang bansa sa bagong estilo—ang térno.

Natatangi ang mga obra ni Valera sa kahusayan at kasiningan ng pagkakalikha. Bukod sa pagpili ng materyal, pagsasáma-sáma ng kulay, detalyadong beadwork, paggamit ng sequin at iba pang palamuti, elemento, namumukod din ang kaniyang mga likha dahil sa tabas at tahi ng mga kasuotan. Kailangan lámang niyang tingnan at sukatan ang bibihisan at kahit walang padron ay alam na niya ang babagay dito.

Isinilang siya noong 31 Agosto 1912 sa isang nakaririwasang pamilya. Ang amang si Melecio Valera na tubòng Abra ay kasosyo ng milyonaryong negosyanteng si Vicente Madrigal. Ang inang si Pilar Oswald ang unang nakapansin sa likas na talino ni Valera. Nag-aral siya sa De la Salle University at Far Eastern University. (RVR) (ed GSZ)

Jose R. Velasco(4 Pebrero 1916-24 Enero 2007)

Si Jose Velasco (Ho·sé Ve·lás·ko) ay kilalá sa kaniyang husay sa larangan ng pisyolohiya ng halaman. Ang walang pagod niyang paghahanap ng lunas upang malipol ang sakit na pumapatay sa punò ng niyog ang isa sa pinakamahalagang ambag niya sa siyensiyang pang-agrikultura at botaniya. Malaki ang naging kontribusyon niya sa paglinang ng siyensiya at teknolohiya sa pamamagitan ng kaniyang mga pananaliksik at bilang edukador at administrador. Kayâ noong 24 Marso 1998, iginawad kay Velasco ang Pambansang Alagad ng Agham.

Ang paghahanap ni Velasco ng lunas sa sakit ng niyog na kadang-kadang ang isa sa pinakamalaking pag-aaral na kaniyang ginawa. Noong 1958, nagimbal ang mga magsasaka ng niyog dahil pinapatay ng kadang-kadang ang kanilang tanim. Halos lahat ay naniniwalang ang naturang sakit ay dulot ng isang uri ng virus. Subalit hindi kumbinsido si Velasco. Naniniwala siyá na ang kadang-kadang ay mula sa isang elemento sa lupa na nakalalason sa punò ng niyog. Batay sa kaniyang obserbasyon,

1

hindi kumakalat ang sakit nang itanim niya ang isang apektadong punò sa lupang malusog. Napagtibay niya na ang sakit na kadang-kadang ay maaaring bunga ng abnormalidad sa kalidad ng lupa o dulot ng isang rare-earth na nakalalason.

Isinilang si Velasco noong 4 Pebrero 1916 sa Imus, Cavite. Natapos niya ang Batsilyer sa Siyensiya ng Agrikultural na Kemistri sa UP noong 1940. Nag-aral siyá sa University of California Berkeley at nakuha ang doktorado sa Pisyolohiya ng Halaman noong 1949. Kaagad siyáng bumalik sa UP Los Baños upang manungkulan bilang propesor sa pananaliksik, direktor sa pananaliksik, direktor sa instruksiyon, tagapangulo ng Kagawaran ng Botaniya, at patnugot ng The Philippine Agriculturist. Naging komisyoner siyá ng National Institute of Science and Technology at aktibong itinaguyod ang produksiyon ng de-latang gatâ ng niyog gamit ang mga katutubong materyales. Namatay siya noong 24 Enero 2007. (SMP) (ed VSA)Si Jose Velasco (Ho·sé Ve·lás·ko) ay kilalá sa kaniyang husay sa larangan ng pisyolohiya ng halaman. Ang walang pagod niyang paghahanap ng lunas upang malipol ang sakit na pumapatay sa punò ng niyog ang isa sa pinakamahalagang ambag niya sa siyensiyang pang-agrikultura at botaniya. Malaki ang naging kontribusyon niya sa paglinang ng siyensiya at teknolohiya sa pamamagitan ng kaniyang mga pananaliksik at bilang edukador at administrador. Kayâ noong 24 Marso 1998, iginawad kay Velasco ang Pambansang Alagad ng Agham.

Ang paghahanap ni Velasco ng lunas sa sakit ng niyog na kadang-kadang ang isa sa pinakamalaking pag-aaral na kaniyang ginawa. Noong 1958, nagimbal ang mga magsasaka ng niyog dahil pinapatay ng kadang-kadang ang kanilang tanim. Halos lahat ay naniniwalang ang naturang sakit ay dulot ng isang uri ng virus. Subalit hindi kumbinsido si Velasco. Naniniwala siyá na ang kadang-kadang ay mula sa isang elemento sa lupa na nakalalason sa punò ng niyog. Batay sa kaniyang obserbasyon, hindi kumakalat ang sakit nang itanim niya ang isang apektadong punò sa lupang malusog. Napagtibay niya na ang sakit na kadang-kadang ay maaaring bunga ng abnormalidad sa kalidad ng lupa o dulot ng isang rare-earth na nakalalason.

Isinilang si Velasco noong 4 Pebrero 1916 sa Imus, Cavite. Natapos niya ang Batsilyer sa Siyensiya ng Agrikultural na Kemistri sa UP noong 1940. Nag-aral siyá sa University of California Berkeley at nakuha ang doktorado sa Pisyolohiya ng Halaman noong 1949. Kaagad siyáng bumalik sa UP Los Baños upang manungkulan bilang propesor sa pananaliksik, direktor sa pananaliksik, direktor sa instruksiyon, tagapangulo ng Kagawaran ng Botaniya, at patnugot ng The Philippine Agriculturist. Naging komisyoner siyá ng National Institute of Science and Technology at aktibong itinaguyod ang produksiyon ng de-latang gatâ ng niyog gamit ang mga katutubong materyales. Namatay siya noong 24 Enero 2007. (SMP) (ed VSA)

Sharif Kabungsuwan

Kinikilálang tagapagtag ng sultanatong Magindanaw si Sharif Kabungsuwan (Syá·rif Ka·bung·sú·an). Ayon sa isang tarsila, ama niya ang Arabeng si Sharif Ali Zein ul-Abidin at ina ang isang prinsesa sa Johore, Malaysia. Sharif Muhammad Kabungsuwan ang buong pangalan niya. May salaysay na nang sakupin ng mga Portuges ang Malacca ay iniwan niya ang Johore, kasáma ang maraming tauhan. Sakay ng mga paraw, nagdaan silá sa Brunei, at napadpad sa baybayin ng ngayo’y Malabang, Lanao del Sur noong bandáng 1515. Ayon sa isang tarsila, dumaong si Kabungsuwan sa Natubakan, bunganga ng Ilog Pulangi at sinalubong nina Tabunaway at Mamalu. Niyayà ni Tabunaway si Kabungsuwan na pumasok sa Magindanaw. Pumayag lámang si Kabungsuwan pagkatapos maging Muslim sina Tabunaway at Mamalu. Nag-iwan siyá ng ilang tauhan sa Malabang at ginalugad ang Matampay, Slangan, Simway, Katitwan, at ibang mga pook sa paligid ng Ilog Pulangi. Pinakasalan niya ang anak ng pinunò ng mga Iranum at iyon ang simula ng angkan na humawak sa sultanatong Magindanaw. Isa siyáng masugid na tagapagpalaganap ng Islam. Bahagi ng kaniyang pamamahala ang pangangaral upang maging Muslim ang pangkating Magindanaw. Matigas  naman ang trato niya sa mga ayaw sa Islam. Itinaboy niya sa kabundukan  ang mga ayaw sumampalataya, at gayon ang naging kapalaran ng mga pangkating Tiruray at Manobo sa silangang kabundukan ngayon ng Cotabato.  

Gayunman, maaaring gayon kagaan ang pagpapalaganap ni Sharif Kabungsuwan sa Islam at sa sultanato dahil may nauna sa kaniya. Ayon kay Cesar Adib Majul (1973), may tarsila na nag-uulat sa pagdating ng isang Sharif Awliya sa Magindanaw, nag-asawa, nagkaroon ng anak na babae, at umalis. Tinawag na “Paramisuli” ang anak kayâ nagpapahiwatig na iginagálang siyá o anak ng maharlika. Pagkaraan, dalawang magkapatid mulang Johore, sina Sharif Hasan at Sharif Maraja, ang dumating. Isa ang tumira sa Sulu at isa ang tumahan sa Slangan, isang bahagi ng Pulangi, at napangasawa ang anak ni Sharif Awliya. Sakâ dumating si Sharif Kabungsuwan. (VSA)

Jose Abad Santos(19 Pebrero 1886-2 Mayo 1942)

Si Jose Abad Santos (Ho·sé A·bád Sán·tos) ay isang kagawad ng gabinete, estadista, at ang ikalimang punòng mahistrado ng Korte Suprema. Nagsilbi rin siyáng Acting President ng bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at naging martir sa kamay ng mga Hapones.

Ipinanganak si Abad Santos noong 1886 sa San Fernando, Pampanga, at pampito sa sampung anak nina Vicente Abad Santos at Toribia Basco. Nagaral siyá bilang pensiyonado sa Estados Unidos, nagtapos ng abogasya sa Santa Clara College at Northwestern University sa Illinois noong 1908 at master sa batas sa George Washington University nang sumunod na taon. Napangasawa niyá si Amanda Teopaco noong 1918 at lima ang naginganak nilá: Jose, Jr., Osmundo, Luz, Amanda, at Victoria.

Naging instrumental si Abad Santos sa pagsulat ng mga tuntunin at konstitusyon ng Philippine Women’s University, ang unang pribado at sektaryong pamantasan para sa kababaihan sa buong Asia. Siyá rin ang naging unang Filipinong abogadong pang-korporasyon ng Philippine National Bank. Naging tagapayong teknikal siyá ng misyong pangkasarinlan ng Filipinas sa Estados Unidos noong 1919, humawak ng iba pang mga tungkulin sa pamahalaan gaya ng  abogado ng Manila Railroad Company noong 1920, punò ng misyong pang-edukasyon sa Estados Unidos noong 1926, kalihim ng katarungan noong 1931.

2

Noong 1942, isinasáma siyá ni Pangulong Manuel Quezon sa paglikas ng pamahalaang Komonwelt sa Australya ngunit pinili niyáng manatili sa Filipinas. Inatasan siyá ni Quezon na maging Acting President at mangasiwa sa mga bahagi ng bansa na hindi pa nasasakop ng mga Hapones.

Nahúli siyá ng mga Hapones sa Cebu, kasáma ang anak na si Jose Jr. o Pepito, noong 11Abril 1942.   Hinatulan siyá ng kamatayan dahil ayaw makipagtulungan sa mga mananakop. Bago siyá barilin noong 2 Mayo 1942 sa Malabang, Lanao (Lanao del Sur ngayon), sinabi niyá kay Pepito: “Huwag kang umiyak. Ipakita mo sa mga táong ito na matapang ka. Isang karangalan ang mamatay para sa iyong bayan.”

Ilang pangunahing lansangan sa mga lungsod ng bansa ang ipinangalan sa kaniya; kabílang dito ang isang abenida sa Maynila na kinatitirikan ng Abad Santos LRT Station. (PKJ) (ed VSA)

Pédro Abád Sántos (31 Enero 1876-15 Enero 1945)

Si Pédro Abád Sántos ay isang doktor, abogado, at lider manggagawa. Itinatag niya ang Partido Sosyalista ng Pilipinas noong 1929 at ang Aguman Ding Maldang Talapagobra noong 1930.

Isinilang siyá noong 31 Enero 1876 sa San Fernando, Pampanga, panganay sa sampung anak nina Vicente Abad Santos at Toribia Basco. Kapatid siyá ni Jose Abad Santos na naging punong mahistrado ng Korte Suprema ng Filipinas. Nagtapos siya ng sekundarya sa Colegio de San Juan de Letran. Nag-aral siya ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas. Matapos ang ilang taón, nag-aral naman siyá ang abogasya. Siyá ay naging medyor ng hukbong Filipino, sa ilalim ni Hen. Maximino Hizon, noong Digmaang Filipino-Amerikano. Nahúli siyá at nahatulan ng 25 taóng pagkabilanggo dahil sa kaniyang pagkakasangkot sa gerilya. Nakalaya siyá sa tulong ng Amerikanong abogado na si John Haussermann.

Noong 1906, pumasá siyá sa bar examination at nagsimula ng kaniyang karera sa politika: naging justice of the peace ng kaniyang bayan mula 1907 hanggang 1909; konsehal ng kaniyang bayan mula Enero 1910 hanggang Marso 1912; kinatawan ng

ikalawang distrito ng Pampanga sa Philippine Assembly noong 1916-1922; miyembro ng Philippine Independence Mission sa Estados Unidos, sa pamumunò ni Sergio Osmeña, noong 1922. Noong 1926, naging undersecretary ng Department of Justice ang kapatid niyang si Jose hábang natalo naman siyá sa pagkagobernador sa Pampanga. Mula noon ay hindi na siyá naglingkod bilang opisyal ng pamahalaan.

Sa mga panahong iyon, sumama siyá sa mga kaibigang sina Crisanto Evangelista, Antonio de Ora, at Cirilo Bognot para mag-aral sa Moscow, Russia. Noong ika-26 ng Oktubre 1932, itinatag niya ang Partido Sosyalista ng Pilipinas. Nang sumunod na taón ay itinatag naman niya ang Aguman Ding Maldang Talapagobra na naglayong humingi ng reporma sa lupa at proteksiyon laban sa abuso ng mga nagmamay-ari ng lupa. Noong 7 Nobyembre 1938 itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas at naihalal siyá bilang bise presidente hábang si Crisanto Evangelista ang naging pangulo at si Guillermo Capadocia naman ang naging pangunahing tagapangasiwa.

Noong 25 Enero 1942, hinúli siyá ng mga Hapon kasama ang ibang lider ng bansa. Ikinulong siya sa Fort Santiago hábang ang kaniyang kapatid na si Jose, na naging Punòng Mahistrado ng Korte Suprema noong Disyembre 1941, ay pinatay ng mga Hapon. Pinakawalan siyá dahil sa sakit sa tiyan noong 1944. Sumama naman siyá sa Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) na itinatag ni Luis Taruc. Noong 15 Enero 1945, ikinamatay niya ang kaniyang sakit sa tiyan sa isang base ng gerilya sa Minalin, Pampanga. (KLL)

Alejandro G. Abadilla(10 Marso 1906-26 Agosto 1969)

Si Alejandro G. Abadilla (A·le·hán·dro A·ba·díl·ya) ang kinikilalang “Ama ng Modernistang Pagtula sa Tagalog.” Bukod sa pagiging makata, isa rin siyáng nobelista at kritikong pampanitikan.

Sa kaniyang mga akda, hinahamon at sinasalungat ni Abadilla ang dekahong paggamit ng tugma at sukat sa tula at ang labis na romantisismo sa panitikang Tagalog. Isa siyá sa mga tagapagtatag ng Kapisanang Panitikan, at editor-tagapaglathala ng magasin nitóng Panitikan upang isulong ang pagpapaunlad ng di-lumalagong panitikang Tagalog. Itinuturing ang tula niyang ”Ako ang Daigdig” na hudyat ng pagsilang ng Modernistang pagtula sa Tagalog bukod sa lumikha ito ng malaking kontrobersiya sa nilalaman at sa anyong may malayang taludturan.

Ang kaniyang mga aklat ng tula ay Ako ang Daigdig at Iba Pang Tula (1955), Piniling mga Tula ni AGA (1965), at Tanagabadilla (1964, 1965); ang kaniyang mga nobela ay Sing-ganda ng Buhay (1947) at Pagkamulat ni Magdalena (1958). Siyá ang editor ng mga antolohiyang Parnasong Tagalog, ang unang pagtitipon sa isang aklat ng mga pangunahing tula ng mga makatang Tagalog mula 1800 hanggang 1940s, Mga Kuwentong Ginto (1936, kasama si Clodualdo del Mundo Sr.), Ang Maikling Kathang Tagalog (1954, kasama si Federico Sebastian at A. D. G. Mariano), at Maikling Katha ng 20 Pangunahing

Awtor (1957, kasama si Ponciano B. P. Pineda).

Nagsimula siyáng makilála bilang kontrobersiyal na manunulat noong buksan niya ang isang kolum sa pamimilì ng mahuhusay na maikling kuwento at tula. Pinamagatan niya ang kolum na Talaang Bughaw at minarkahan sa pamamagitan ng isa hanggang tatlong asterisko ang ipinalalagay niyang husay ng isang nalathalang akda. Maraming nagalit na katandaan at popular na manunulat dahil malimit na mababà ang kanilang markang asterisko. Sinundan ito ng pagtatatag niya ng Kapisanang Panitikan, na binubuo ng mga kabataan noong manunulat, at nagsimula ng mga gawaing tahasang sumasalungat sa panitikang popular noon.

3

Isinilang siyá sa Salinas, Cavite noong 10 Marso 1906 sa isang simpleng pamilya. Nagtapos siyá sa Mababang Paaralan ng Baryo Sapa at sa Mataas na Paaralan ng Cavite. Pagkatapos ay lumipad siyá sa Seattle, Washington sa Estados Unidos upang magtrabaho sa isang maliit na palimbagan. Naging patnugot siyá roon ang seksiyong Filipino ng Philippine Digest, naging tagapangasiwang editor ng Philippine American Review, at itinatag ang Kapisanang Balagtas na “naglalayong paunlarin ang wikang Tagalog.” Pagbalik sa Filipinas, nakamit niya ang titulong Batsiler sa Sining ng Pilosopiya mula sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1931. Nagsilbi siyáng konsehal sa munisipyo ng Salinas hanggang 1934, at pagkaraan ay naglako ng seguro para sa Philippine-American Life Insurance. Nagkaroon siyá ng walong anak sa asawang si Cristina Zingalava. Pumanaw siyá noong 26 Agosto 1969. (PKJ)

Napoleon V. Abueva (26 Enero 1930—)

Itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining para sa Eskultura noong 1976 si Napoleon V. Abueva (Na·pol·yón Vi Ab·wé·va). Sa edad na 46, siyá ang pinakabatang nagkamit ng parangal na ito. Kinikilala rin siyáng Ama ng Makabagong Eskultura sa Filipinas.

Bihasa si Abueva sa iba’t ibang larangan ng eskultura. May kakayahan din siyáng gamitin ang iba’t ibang uri ng materyales tulad ng kahoy, metal, at bato. Ilan sa mga obra ni Abueva na matatagpuan sa mga espasyong publiko ay ang sumusunod: Transfiguration (1979), isang matayog na pigurang Kristo sa Eternal Gardens Memorial Park sa Caloocan; magkabilaang krusipiho, altar (1957) at busto ni Padre Delaney  sa Chapel of the Holy Sacrifice sa kampus ng UP Diliman;  labing-apat na estasyon ng krus ng Kapilya ng Paaralang Claret sa Teacher’s Village, Diliman at ng EDSA Shrine;   Siyam na Musa sa UP Faculty Center (1994);  rebulto ni Teodoro M. Kalaw sa harap ng Pambansang Aklatan; marmol na miyural sa Bantayog ng mga Bayani sa Bundok Samat, Bataan; at Sunburst sa Peninsula Manila Hotel (1994).

Maibibilang naman sa kaniyang mahahalagang obra ang mga sumusunod: Allegorical Harpoon, kabílang sa limang gawa niyá na lahok ng Filipinas sa XXXII Venice Biennale noong 1964; Kaganapan (1953), itinuturing na pinakamaestilo sa kaniyang mga likha; Halik (adobe), nagtamo ng ikalawang gantimpala sa ika-4   taunang eksibisyon ng Arts Association of the Philippines, 1951;  lumulutang na eskulturang Moses (1951); Kiss of Judas (kahoy), nagwagi ng unang gantimpala sa Eksibisyon ng mga Relihiyosong Likhang Sining sa Detroit, Michigan, USA (1955); Water Buffalo (Marmol),  itinanghal sa St. Louis , Missouri, USA (1956); at Unknown Political Prisoner, ginawaran sa Internasyonal na Patimpalak sa Eskultura ng Institute of Contemporary Arts, London (1953).

Maaga siyáng naulila ng mga magulang na sina Kongresista Teodoro Abueva ng Tagbilaran, Bohol at Purificacion Veloso ng Cebu na pinaslang ng mga Hapones noong 1944 dahil sa pagiging mga gerilya. Nakapagaral siyá at nagtamo ng digri sa Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas sa pamamagitan ng iskolarship mula kay Pura Villanueva Kalaw.

Nagtapos siyá ng Master sa Sining sa Cranbrook Academy of Art  sa Michigan, USA noong 1955 bilang iskolar ng Fulbright/Smith-Mundt. Nagpatuloy pa siyá ng pag-aaral ng Ceramics sa University of Kansas at Kasaysayan ng Sining sa Unibersidad ng Harvard sa Estados Unidos. Noong 1978, hinirang si Abueva bilang Dekano ng College of Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas, at nanatili sa posisyong ito hanggang 1989. Naging kabiyak niyá si Sergia Valles na naging Kalihim ng National Center for Mental Health. May tatlo silang anak, sina Amihan, Mulawin at Duero.

Kabílang sa iba pa niyáng nakamit na parangal ang mga sumusunod: mga gawad mula sa Art Association of the Philippines (1951, 1952, 1953, 1954,1958, 1974 at 1977); Natatanging Alumnus ng School of Fine Arts, UP Golden Jubilee (1958); Republic Award para sa Eskultura (1959); Ten Outstanding Young Men of the Philippines (1959); Cultural Heritage Award (1966). (RVR) (ed GSZ)

Gregorio Aglipay(5 Mayo 1860-1 Setyembre 1940)

Si Gregorio L. Aglipay (Gre·gór·yo El Ag·lí·pay) ay isang makabayang lider ng mga paring Filipino at unang Obispo Maximo ng Iglesia Filipina Independiente, ang simbahang kilalá ngayon sa tawag na “Simbahang Aglipay.”

Ipinanganak si Aglipay noong 5 Mayo 1860 sa Batac, Ilocos Norte. Sa muràng edad ay naulila siyá at lumaki sa mga sakahan ng tabako. Sa edad katorse, nakulong siyá dahil hindi nakamit ang takdang dami ng aning tabako. Nag-aral siyá ng pagpapari sa seminaryo ng mga Agustino sa Vigan at ng mga Dominiko sa Colegio de San Juan de Letran sa Maynila. Nang sumiklab ang rebolusyon laban sa mga Espanyol, isa na siyáng kura paroko at hindi ito nakasagabal para kumilos siyá at tumulong sa mga Katipunero.

Noong 1898, hinirang siyá ni Hen. Emilio Aguinaldo na Vicario General Castrense ng rebolusyonaryong pamahalaan. Ibig sabihin, siyá ang pinunòng espiritwal ng mga Filipino at doon nagsimula ang tinatawag ngayong rebolusyong panrelihiyon sa bansa. Nang panahong iyon, nakita niyá na walang karapatan ang mga paring Filipino, hawak ng mga fraile ang malalaking lupain, at walang hinihirang na obispong Filipino ang Papa. Dahil dito, siyá at ang iba pang paring Filipino ay humiwalay sa Simbahang Katoliko. Itinatag nilá noong 26 Oktubre 1902 ang Iglesia Filipina Independiente. Noong Enero 1903, hinirang siyá bilang Obispo Maximo ng bagong simbahan ng mga obispo ng Maynila, Cavite, Nueva Ecija, Isabela, Cagayan, Pangasinan, at Abra.

Tatlumpu’t walong taon niyáng pinamunuan ang simbahang ito. Bago namatay, kumandidato siyáng presidente sa eleksiyon ng Komonwelt (kasama si Norberto Nabong ng Partido Komunista bilang bise-presidente) pero natalo kina Manuel L. Quezon at Sergio Osmeña.

Noong 1939 ikinasal siyá kay D. Pilar Jamias y Ver. Namatay siyá noong 1 Setyembre 1940. Hanggang ngayon, ang simbahang itinatag niyá ay nananatiling simbolo ng pagnanais ng mga Filipino na maging malaya mula sa mga dayuhan. (PKJ) (ed VSA)

4

Emilio F. Aguinaldo (26 Marso 1869-6 Pebrero 1964)

Si Emilio Famy Aguinaldo (E·míl·yo Fá·mi A·gi·nál·do) ang una’t hulíng pangulo ng Unang Republika ng Filipinas. Ipinanganak si Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong 26 Marso 1869 kina Carlos Aguinaldo at Trinidad Famy. May kabuhayan ang pamilya niyá, ngunit tumigil sa pag-aaral sa Aguinaldo noong nása ikatlong taon ng segunda enseñanza at tumulong sa negosyo ng mga magulang. Noong 1895, nahalal siyá ng Kawit na capitan municipal, ang binagong tawag sa gobernadorsilyo o punò ng bayan sa ilalim ng Batas Maura. Ikinasal din siyá kay Hilaria del Rosario. Nang mabalitaan ang Katipunan, nagpunta siyá ng Maynila at nanumpang kasapi. Pagsiklab ng Himagsikang 1896, nakilála siyá sa mga matagumpay na labanan sa Cavite. Nang magkaroon ng halalan sa Tejeros noong 22 Marso 1897, siyá ang nahalal na pangulo ng binagong pamahalaang mapanghimagsik.

Inilipat niyá ang himpilan ng pamahalaang mapanghimagsik sa Biyakna-bato,San Miguel de Mayumo, Bulacan. Doon din siyá lumagda sa kasunduan, ang Kasunduang Biyak-na-bato noong 14-15 Disyembre 1897, na pansamantalang nagtigil sa himagsikan hábang kusa siyáng nadestiyero sa Hong Kong kasáma ang iba pang lider rebolusyonaryo. Pagkaraan ng ilang buwan, bumalik si Aguinaldo sa Filipinas, ipinahayag ang kasarinlan ng Filipinas noong 12 Hunyo 1898 mula sa kaniyang tahanan sa Kawit, at sinimulan ang ikalawang yugto ng Himagsikang Filipino. Noong 23 Enero 1899, pormal na ipinahayag ang Unang Republika ng Filipinas sa Malolos, Bulacan. Halos kasunod nitó ang pagsiklab din ng Digmaang FilipinoFilipino noong Pebrero 1899 na nauwi sa pag-urong ng hukbong Filipino pa-Hilagang Luzon. Nadakip si Aguinadlo sa Palanan, Isabela noong 23 Marso 1901 at tuluyang bumagsak ang Republikang Malolos.

Nabiyudo siyá noong 1921 at pinakasalan si Hilaria Agoncillo noong 1930. Kumandidato siyáng pangulo ng pamahalaang Komonwelt ngunit tinálo ni Manuel L. Quezon. Namatay siyá noong 6 Pebrero 1964 ngunit naabutan pa niyáng ipinahayag ni Pangulong Diosdado P. Macapagal ang Hunyo 12 bilang Araw ng Kalayaan ng Filipinas. (VSA)

Arturo Alcaraz(22 Marso 1916-10 Marso 2001)

Si Arturo Alcaraz (Ar·tú·ro Al·ka·ráz) ay isang bulkanólogó  (volcanologist) na kinikilála bilang “Ama ng Pagsulong ng Enerhiyang Heotermal” ng Filipinas. Ang kaniyang mga pag-aaral sa mga bulkan ng kapuluan at ang enerhiya na maaaring makuha mula sa mga ito ang pumukaw sa pambansang interes hinggil sa geothermal energy. Malaki ang ginampanan niya sa pagtitirik ng mga plantang heotermal sa buong bansa, tulad sa Tiwi, Bundok Makiling, Bundok Banahaw, at Leyte. Masasabing inihanda ng kaniyang pagpupursigi ang bansa laban sa mga krisis enerhiya (i.e., sa krudo) na tumama dito, at nagpasibol sa isang industriyang lumikha ng maraming trabaho. Noong 1942, siyá ang naging Chief Geophysicist ng Philippine Weather Bureau. Noong 1951, hinirang siyáng Chief Volcanologist ng bagongtatag na Commission on Volcanology. Noong 1955, ginawaran siyá ng Guggenheim Fellowship. Noong 1967, kabilang si Alcaraz sa mga nagpailaw ng bombilya gamit ang enerhiya mula sa isang bulkan malapit sa Tiwi; ito ang unang nilikhang heotermal na enerhiya sa bansa. Noong 1968, ginawaran siyá ng Presidential Award of Merit. Noong 1982, hinirang siyáng Ramon Magsaysay Awardee for Government Service. Isinilang siyá noong 21 Marso 1916 sa Maynila kina Conrado Alcaraz at Paz Pineda. Nag-aral siyá ng elementarya sa Lucena, Quezon, at hay-iskul sa Camarines Norte at Baguio. Sa huling lugar, na siyáng nagtatamasa noon ng kasagsagan sa pagmimina, napukaw ang kaniyang hilig sa pagmimina at heolohiya. Nagtapos siyá ng BS Mining Engineering sa Mapua

Institute of Technology noong 1937, at MS Geology sa University of Wisconsin noong 1941. Pagkaraan ay nag-aral din siyá sa University of California at Berkeley at ginawaran ng Certificate in Volcanology. Nagkaroon siyá ng tatlong anak sa asawang si Lilia Salas. Pumanaw siyá noong 10 Marso 2001. (PKJ)

Virgilio S. Almario (9 Marso 1944—)

Si Virgilio S. Almario (Ver·híl·yo Es Al·már·yo) ay isa sa mga  nangungunang makata, iskolar, at kritiko sa bansa, bukod sa pagiging mahusay na propesor, tagasalin, pabliser, editor, leksikograpo, at tagapamahalang pangkultura. Dahil sa mga naiambag niyá sa iba’t ibang larangan ng sining at kulturang Filipino, lalo na sa larangan ng panitikan, kinilala siyáng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 2003.  Bilang makata, kilala siyá bilang si Rio Alma. Inilathala niyá noong 1967 ang kaniyang unang koleksiyon ng mga tula, ang Makinasyon at Ilang Tula. Sinundan ito ng sampu pang koleksiyon. Lahat ng nailathala niyáng tula ay tinipon ng U.P. Press at inilimbag sa dalawang tomong Una Kong Milenyum. Isa rin si Almario sa pinakamasigasig na iskolar at kritiko sa panitikan ng Filipinas, lalo na sa panulaang Tagalog. Noong 1972, inilathala niyá ang Ang Makata sa Panahon ng Makina, isang kalipunan ng mga panunuring pampanulaan. Sinundan pa ito ng mga pag-aaral hinggil sa kasaysayang pampanulaan at mga pananaliksik tungkol sa katutubong tradisyon ng pagtula, kabílang ang Taludtod at Talinghaga (1965; 1991), Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino (1981), Balagtasismo  Versus Modernismo (1984), Kung Sino ang Kumatha Kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera, atbp. (1992), Panitikan ng Rebolusyon (g 1896) (1993), at Pag-unawa sa Ating Pagtula (2006), Mahigit Sansiglo ng Makabagong Tula sa Filipinas (2006). Ang kaniyang pagsubaybay sa wikang Filipino ay makikita sa Filipino ng mga Filipino (1993; 2009) at Tradisyon at Wikang Filipino (1998), Patnubay sa Masinop na Pagsulat (1981), isang manwal sa estilo, at UP Diksiyonaryong Filipino (2001; 2010), ang maituturing ngayong pinakakomprehensibong monolingguwal na diksiyonaryo sa wikang pambansa. Nagsalin din si Almario ng mga halimbawa ng pinakamahuhusay na akda ng daigdig at inilibro sa Makabagong Tinig ng Siglo (1989). Nagsalin din siyá para sa teatro, at isinalin ang Noli at Fili (1999) ni Rizal, na kinilala bilang pinakamahusay sa larangan ng pagsasalin ng Manila Critics Circle. Bukod dito, naging lider siyá sa akademya, at sa mga organisasyong pangkultura, at naging guro ng mga kabataang manunulat gaya sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo). 

5

 Dahil dito, tumanggap siyá ng maraming gawad at gantimpala, gaya ng TOYM para sa panitikan (1983), Southeast Asia Write Award of Bangkok  (1989), Dangal ng Lipi Award (1993; 2008) ng Bulacan; Gawad Patnubay ng Sining (1992) ng Lungsod Maynila; Gantimpalang Quezon (1993) ng Lungsod Quezon. Pinakahuling pagkilalang natanggap niyá ang Gawad Diwa ng Lahi ng Lungsod Maynila (2010). Ipinanganak si Almario sa Camias, San Miguel de Mayumo, Bulacan kina Ricardo Almario at Feliciana Senadren. Nagtapos siyá ng A.B. Political Science sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1963 at naging guro sa San Miguel High School, na kaniya ring pinagtapusan ng kaniyang sekundaryang pag-aaral. Pagkaraan, nagturo siyá sa Department of Philippine Studies ng Pamantasang Ateneo de Manila noong 1969. Nang magturo siyá sa Philippine Science High School, kumuha siyá ng M.A. sa Filipino sa U.P. at natamo niyá ang digri noong 1974. Noong 2009, pinagkalooban siyá ng honoris causa ng University of Regina Carmeli ng Bulacan at sa kasalukuyan, siyá ay professor emeritus sa U.P. Ikinasal siyá kay Emelina B. Soriano at biniyayaan ng tatlong anak, sina Asa Victoria, Ani Rosa, at Agno Virgilio. (GSZ)

Pédro Almazán(namatay 1661)

Si Pédro Almazán ang pinunò ng unang pag-aalsa sa Ilocos laban sa mga Espanyol. Isa siyáng mayamang mamamayan sa San Nicolas, Ilocos Norte ngunit poot sa pang-aapi ng mga Espanyol kayâ nag-isip ng pag-aalsa. Una niyang kasáma sa planong pag-aalsa si Juan Magsanop, isang lider sa Bangui, at nagkasundo siláng ipakasal ang mga anak upang tumibay ang kanilang pagkakaisa. Naging magandang pagkakataón ang pag-aalsa ni Andres Malong sa Pangasinan na ipinroklamang hari noong Disyembre 1660. Dahil natutok ang pansin ng militar kay Malong, hinimok nina Almazan ang mga tao para maghimagsik na rin. Pumayag si Gaspar Cristobal ng Laoag at pati ang mga pinunò ng Kalinga at Isneg hanggang Cagayan. Noong 31 Enero 1661, pinasok ng mga rebelde ang simbahan ng Claveria, binihag ang Dominikong si Fray Jose Santa Maria, at pinugutan. Kinabukasan, nlusob naman ng mga rebelde ang Narvacan, nabihag ang Agustinong si Fray Jose Arias at pinugutan din. Ipinadalá ang ulo ni Arias kay Magsanop, na dinalá naman ito kay Almazan. Nagtipon ang mga pangkat ng rebelde at ipnroklama si Almazan na Hari ng Ilocos. Isang korona, na nakuha sa isang estatwa sa simbahan, ang ipinutong kay Almazan. 

Pagdating ng Pebrero, nagpadalá ng hukbo ang pamahalaang Espanyol sa pamumunò ni Lorenzo Alqueros. Binuo ito ng ilang Espanyol at mahigit sanlibong katutubong sundalo. Hinihintay noon nina Almazan ang malaking pangkat ng mga tagapagtaguyod mulang Ilocos Sur. Subalit mabilis na sumalakay si Arqueros at napilitang tumakbo sa gubat ang nabiglang hukbo ni Almazan. Sa tulong ng mga kolaboreytor na Ilokano, natunton si Magsanop at nagpakamatay ito bago mabihag.

Ipinagpatuloy ni Almazan ang pakikibáka. Nang masusukol na, sinabing sumakay siyá sa kabayo at lumusob sa mga kaaway. Nabihag siyá at binitay sa plasa ng bayan. (VSA)

Teodóra Alónso(9 Nobyembre 1827-23 Agosto 1911)

Napakahalaga ng tungkulin ni Teodora Morales Alonso Realonda y Quintos  o Teodóra Alónso sa paghubog ng kamalayan ng kaniyang anak na siJose Rizal. Sinasabing ang kalipunan ng mga libro ni Donya Lolay ang isa sa pinakaekstensibong  koleksiyon ng kaniyang panahon. Ang kaniyangpagmamahal sa sining at panitikan gayundin ang kaniyang pagiging disiplinado sa pagtupad sa oras ang naipása niyang katangian sa kaniyang mga anak, lalo na sa pambansang bayani. Sa isang liham ni Jose Rizal kay Ferdinand Blumentritt, kaniyang sinabi na ang “Ang nakuha kong edukasyon noong batà ang humubog sa aking mga ugali sa kasalukuyan.”   Ipinanganak si Teodora Alonso sa Meisik, Maynila noong 9 Nobyembre 1827. Bunso sa limang anak nina Lorenzo Alberto Alonso, isang surveyor at dating capitan municipal ng Biñan, Laguna, at ni Brigida de Guintos, si Donya Lolay ay lumaki sa Biñan at nag-aral sa eskuwelahan ng mga pari. Nang magdalaga, pinadalá siyá ng mga magulang sa Maynila upang mag-aral sa Colegio de Santa Rosa. Noong mga panahong iyon, bibihira lámang pag-aralin ang mga babae kayâ masasabing isa sa  iilang edukadong kababaihan ng kaniyang panahon si Donya Lolay.  Ikinasal si Donya Lolay kay Francisco Mercado noong 28 Hunyo 1848. Nagkaroon silá ng 11 anak: siyam na babae at dalawang lalaki. Nanirahan silá sa bayan ni Francisco Mercado sa Calamba. Siyá ang namamahala sa mga itinitindang bigas, mais, at asukal mula sa kanilang lupain kasabay ng pagnenegosyo niya ng tela at paggawa ng arina. Nagbukás din si Donya Lolay ng maliit na tindahan sa ibabâ ng kanilang bahay-na-bato. Mayroon ding puwesto ng tindahan sa palengke ang mag-anak na Rizal na si Donya Lolay mismo ang nagpapatakbo.  May mapait ding karanasan si Donya Lolay sa kamay ng mga Espanyol. Noong 1871, inakusahan si Donya Lolay ng tangkang paglason sa kinakasama ng kaniyang kamag-anak na si Jose Alberto. Kahit na idinulog  at napawalang-sala ang matanda, napiit siyá sa bilinggauan ng Sta.Cruz,  Laguna nang dalawang taón. Matapos ang halos tatlong dekada, muling nasangkot si Donya Lolay sa isang kontrebersiya. Hinúli ang matanda dahil malî ang dalá-dalá niyang sedula. Iba ang kaniyang pangalang nakalagay sa sedula kaysa kaniyang kinagisnang pangalan.  Sa halip na Teodora Alonso Realonda de Rizal, kaniyang ginagamit lámang ay Teodora Alonso. Kahit  na 64 na taóng gulang na, pinalakad pa rin si Donya Lolay mula bayan  ng Calamba hanggang Sta. Cruz. Nahabag ang opisyal ng pamahalaan sa kalagayan ng matanda kayâ ipinag-utos na palayain ito agad.  Bago barilin si Jose Rizal sa Bagumbayan, nagmakaawa si Donya Lolay kay Gobernador Heneral Ramon Blanco. Sinasabing ang malaking hagdanan sa Palasyo ng Malacañang ay inakyat ng matanda nang paluhod upang humingi lamang ng pardon. Ang nasabing kilos ni Teodora Alonso ay siyá ring ginagawa ngayon ng mga bagong halal na pangulo ng Filipinas sa kanilang unang pag-akayat sa Malacañang bilang presidente. Isa itong simbolo ng pagtanggap sa hámon na palayain ang bansa sa kinasasadlakan nitóng hirap. Namatay si Teodora Alonso noong 23 Agosto 1911. (SJ)

6

Fernándo C. Amorsólo

Si Fernándo C. Amorsólo ang pinakaunang ginawaran ng karangalang Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura noong 1972. Si Amorsolo ang pinakamaningning na kinatawan ng panahong klasiko sa sining biswal sa Filipinas.  Kinikilala rin siyáng “Ang Maestro” at “Grand Old Man” ng sining sa Filipinas noong nabubuhay pa.  Ang malikhaing paggamit ng liwanag, sa partikular, ng backlighting, ang pinakamalaking kontribusyon  ni Amorsolo sa pagpipinta sa Filipinas.  Ang tingkad ng maningning na liwanag na nagmumula sa likuran ng kaniyang mga paksa ay nagtatampok sa isang bahagi ng kaniyang kambas—sa mga dahon ng mga punò, tikwas ng buhok, ngiti sa mga labì, at umbok ng dibdib ng dalagang Filipina. Masaklaw ang larangan ng mga obra ni Amorsolo— mula sa mga portrait ng mga kilala at mayayamang tao, larawan ng mga tanawin,  hanggang sa dibuho sa mga pabalat ng libro at magasin. Ngunit naging tatak ng likhang Amorsolo ang pagtatanghal ng mga payak, payapa,  at pang-araw-araw na buhay ng mga naninirahan sa lalawigan. Ang mataas na antas ng kasiningan ay napanatili ni Amorosolo sa kabila ng dalas at dami nitó. Ang mga pinturang oleo pa lamang niyá ay tinatayang  aabot na sa libo. Dahil sa mga tiyak na hagod ay mabilis na natatapos  ni Amorsolo ang kaniyang

mga likha. Ang tatlong malalaking pintura niyá para sa Philippine Pavillion na ginamit sa 1931 Paris Exposition ay natapos niyá sa loob lamang ng isang buwan. Ilan pa sa mga kilalang obra ni Amorsolo ay ang Maiden in a Stream, Dalagang Bukid, Lavanderas, Family in a Banca, Tinikling, Harvest Scene at Barrio Fiesta. Ang Rice Planting na ginawa ni Amorsolo noong 1922 ay naging pinakapopular na hulagway sa panahon ng Komonwelt. Lumikha rin siyá ng mga obrang nagtatanghal sa kasaysayan ng Filipinas  gaya ng Early Filipino State Wedding, Traders, Sikatuna, The First Mass in the Philippines, The Building of Intramuros, at Burning of the Idol.  Isinilang siyá noong 30 Mayo 1892 sa Calle Herran sa Paco, Maynila sa mag-asawang Pedro Amorsolo at Bonifacia Cueto. Ang malaking bahagi ng kaniyang kabataan ay ipinamalagi niyá sa Daet, Camarines Norte. Nagaral siyá sa Unibersidad ng Pilipinas School of Fine Arts na pinagturuan din ng kaniyang tiyuhing pintor na si Fabian de la Rosa. Isa siyá sa mga pinakaunang nagtapos doon at nagkamit pa ng maraming karangalan.  Kabílang sa mga pagkilalang iginawad sa kaniya ang Outstanding UP Alumnus, 1940; Rizal Pro-Patria Award, 1961; Patnubay ng Sining at Kalinangan Award mula sa Lungsod Maynila, 1963; Republic Cultural Heritage Award, 1967; at Gawad CCP para sa Sining, 1972.  Lumikha siyá ng mga obra hanggang sa mamatay noong 24 Abril 1972. (RVR) (ed GSZ)

 Ang Kiukok (1 Marso 1931-9 Mayo 2005)

Si Ang Kiukok (Ang Ki·yú·kok) ay hinirang na Pambansang Alagad ng  Sining para sa Sining Biswal noong 2001. Kinikilala siyáng pangunahing modernistang pintor sa Filipinas.   Ang likhang Kiukok ay may matingkad na partikularidad sa estilo, disenyo, at pamamaran. Mayroon itong tiyak na kaisahan, identidad na biswal, at sistema ng metapora kayâ ang mga obra niyá ay kagyat na nakikilala. Tanyag sa kaniyang mga ekspresyonistang rendisyon ang karaniwang mga bagay-bagay gaya ng aso, pusa, isda, kalansay, tinik, sabong, basurang pabrika, barb wayr, gayundin ang mga kadalasang tema sa sining na magina, magsing-irog, hubad na katawan, at krusipiho.  Sinasabing nagpapahiwatig ng maiigting na damdamin, tulad ng pusok, dahas, hinagpis, pagpapakasakit, at linggatong ang kalakhan ng mga larawang ipininta ni Kiukok. Mga imaheng karima-rimarim at kagila-gilalas ang mahalagang bahagi ng kaniyang mga pinta. Matingkad ang mga kulay, marahas ang hagod ng pinsel, siksik at makipot ang mga espasyo, dinamiko at tensiyonado. Mababanaag ang pagsasanib ng impluwensiyang kubismo, ekspresyonismo, at surealismo sa kaniyang mga likha. Ang mga tauhan sa kaniyang mga pintura ay mga payaso, magbubukid, manggagawa, at mangingisda. Madalas niyáng itinatampok ang tema ng pagkakabitag at pagpupumiglas.   Mahalagang bahagi ng mga obra ni Kiukok ay ang serye ng krusipiho. Malayo sa taimtim o realistikong kopya ng importanteng sagisag na ito ng Katolisismo, sa sining ni Kiukok ay naging mabisang pagpapahayag ng pighati at pagpapakasakit ang krusipiho.  Naging mabisang behikulo ito sa sining na nakagigitla, umaantig, at sa proseso ay nagmumulat. Hagip ng sining ni Kiukok ang konteksto ng pasismo ng batas militar. Sinagisag ito sa kaniyang mga sundalong unipormado at may aserong helmet na mabalasik at sumisinghal. Ipinahihiwatig sa kaniyang mga pigurang hubo’t hubad ang paghuhumiyaw, ang pagkalugmok, at pagalpas. Sina Vicente Ang at Chin Lim, mga migranteng Tsino na nanahanan sa Lungsod Davao, ang kaniyang mga magulang. Nagtapos siyá ng digri sa sining sa UST (1952- 1954). Si Vicente Manansala ay isa sa kaniyang mga naging guro. Kayâ naman mababanaag ang impluwensiya ng kubismo ni Manansala sa kaniyang mga naunang pintura. Kinatawan niyá ang Filipinas sa maraming internasyonal na pagtatanghal pansining sa Asia kayâ naman ang kaniyang mga gawa ay isa sa mga mas kilala sa bahaging ito ng daigdig.  Nagtamo na si Kiukok ng mga gawad mula sa Arts Association of the Philippines (AAP), pambansang patimpalak sa sining ng Shell,  National Museum of Modern

Art sa Hawaii, at Sentrong Pangkultura ng Pilipinas.  Kinilala rin siyáng Outstanding Overseas Chinese (1961) at pinagkalooban ng Araw ng Maynila Award (1976). (RVR) (ed GSZ) Pablo S. Antonio(25 Enero 1901-14 Hunyo 1975) Isang arkitekto si Pablo S. Antonio (Páb·lo Es An·tón·yo) at itinuturing na tagapaghawan ng landas para sa modernong arkitektura na umaangkop sa kaligiran, kaugalian, at pangangailangan ng mga Filipino. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura noong 1976. Sa kaniyang mahigit 43 taon sa larangan ng arkitektura, ang kaniyang mataas na

7

kalidad ng paggawa at walang kapares na pagpapahalaga sa propesyon ay katangi-tangi at nagsilbing inspirasyon sa mga sumusunod sa kaniyang yapak. Pinili niyá na gumawa nang may pagpapahalaga sa kalikasan. Kilalá ang likhang Antonio sa paggamit ng natural na liwanag at bentilasyon at kung gayon ay walang pag-aaksaya sa enerhiya, malilinis at makikinis na mga linya, mga kurbang nakapaloob sa mga estruktura, at malalaking bukás na espasyo at mayayabong na hardin. Naniniwala siyá na ang mga Filipino ay mga bukás na tao, hindi nakagawian ang harang o hanggahan. Kayâ naman ang mga bahay na likha ni Antonio ay may malawak na sala na nakaugnay sa iba pang parte ng bahay nang walang harang o dibisyon.  Binago ni Antonio ang mukha ng Kamaynilaan. Si Antonio ang namahala sa konstruksiyon ng Executive Building sa Taft Avenue kanto ng P. Burgos  St. (ngayon ay National Museum). Siyá ang arkitekto ng maraming gusali ng mga paaralan-Nicanor Reyes Hall, Administration Building, Home Economics Building, at  Girls High School ng Far Eastern University; Auditorium at ExecutiveOffices ng University of the East; at Afable College of Medicine. Itinayô rin niyá ang mga opisina, ospital, at iba pang gusaling pampubliko tulad ng PNB head office at mga branch offices, Singer Sewing Machine Office, mga estasyon at terminal ng Manila Railroad Company, Cartimar Shopping Center, Bel-Air Apartment na matatagpuan sa Roxas Blvd., Taliba-Vanguardia-Times Annex Bldg, Ramon Roces Publications Building (ngayon ay Guzman Institute of Technology), Manila City Hospital (ngayon ay National Children’s Hospital), at De La Salle Chapel.  Ipinanganak siyá noong 25 Enero 1901 sa Balanga, Bataan. Nakaisangdibdib siyá ni Marina Reyes, isang bantog na pangalan sa haute couture noon at biniyayaan ng anim na anak. Tatlo rito ay naging mga arkitekto rin, sina Pablo Jr., Luis, at Ramon. Naging draftsman siyá sa Bureau of Public Works upang matustusan ang sariling pag-aaral sa paaralang sekundarya at sa Mapua Institute of Technology hanggang makatapos ng kursong Arkitektura. Kumuha siyá ng karagdagang pag-aaral sa University of London sa England sa tulong ni Don Ramon A. Arevalo. Sa kompanya ni Don Ramon na Sta. Clara Lumber Company maglilingkod si Antonio bilang ganap na arkitekto hanggang sa maitayô nitó ang sariling kompanya. (RVR) (ed VSA)

Gaspar Aquino de Belen

Itinuturing na unang pangunahing makatang Tagalog sa panahon ng kolonyalismong Espanyol si Gaspar Aquino De Belen (Gas·pár A·kí·no De Be·lén). Kinikilála siyá sa kaniyang Ang Mahal na Passion ni Jesu Christong P. Natin na Tola, ang unang nalathalang pasyong tula sa bansa. Nalathala ang nasabing pasyon bilang bahagi ng kaniyang librong Manga panalanging pagtatagobilin sa caloloua nang tauong naghihingalo (1703), na salin ng  Recomendacion del alma ni Tomas de Villacastin. Naglalaman ito ng mga hakbang sa pagpapahid ng santo oleo sa maysakít at naghihingalo at iba pang ritwal at dasal para sa pagliligtas ng kaniyang kaluluwa. Ito ang dahilan, ayon kay Bienvenido Lumbera, kayâ ang Ang Mahal na Passion ni Aquino de Belen ay sumasaklaw lámang sa hulíng yugto ng búhay ni Hesukristo. Itinatag ng Ang Mahal na Passion ang anyo ng saknong ng pasyón. Binubuo ang saknong ng limang taludtod na may isáhang tugma at ang bawat taludtod ay may súkat na walong pantig. Kinilála rin ni Lumbera ang husay ni Aquino de Belen tungo sa pagsasakatutubo ng ilang diwa ng búhay ni Kristo at nakatulong upang madalî itong maunawaan ng madla. Halimbawa, sinurot ng awtor si Hudas matapos pagtaksilan si Hesus ngunit hindi dahil nagkasála sa Diyos. Sa halip, ang ipinansurot ay ang  katutubong konsepto ng utang-na-loob. Ipinaalaala na lumaki si Hudas na matalik na kaibigan ni Hesus, itinuring siyáng “kasambaháy” sa bahay ni Maria, nagsálo silá sa pagkain, at ipinaghahain ng kahit bahaw kapag naligaw sa tahanan nina Hesus. Sa maikling salitâ, sa hálagáhang Filipino, si Hudas ay walang utang-na-loob: Di  cayo,y, nagsasangbahay,Iysa ang inyong dulang?Cun icao ay longmiligao,May laan sa iyong bahao,Canin, at anoanoman. Walang gaanong ulat sa búhay ni Aquino de Belen. Isinilang siyá sa Rosario, Batangas at naging tagapangasiwa ng imprenta ng mga Heswita sa Maynila mula 1704 hanggang 1716. Bahagi siyá ng principalia at nagkaroon ng edukasyong naghanda sa kaniya bilang isang mahusay na tagapangasiwa ng imprenta. (VSA)

Benigno Aquino Jr.(27 Nobyembre 1932-21 Agosto 1983)

Si Benigno Simeon Aquino Jr. (Be·níg·no Sim·yón A·kí·no), mas kilala bilang “Ninoy,” ay isang Filipinong senador na naging pangunahing kritiko laban kay Pangulong Ferdinand E. Marcos noong panahon ng diktadura. Pinaslang siyá sa Paliparang Pandaigdig ng Maynila pagkauwi mula sa destiyero sa Estados Unidos. Ang kaniyang pagkamatay ang nagsilbing mitsa ng pagkakaluklok ng kaniyang maybahay, si Corazon Cojuangco Aquino, bilang Pangulo na pumalit sa 20 taóng rehimeng Marcos. Isinilang siyá sa Concepcion, Tarlac noong 27 Nobyembre 1932 kina Aurora Aquino-Aquino at Benigno S. Aquino Sr., dating Assemblyman. Ang kaniyang lolo, si Servillano Aquino, ay isang heneral sa hukbong rebolusyonaryo ni Emilio Aguinaldo. Pumasok siyá sa Ateneo de Manila upang mag-aral ng batsilyer sa sining. Hindi niyá ito natapos sapagkat pinilìng maging peryodista. Sa edad 17, si Aquino, para sa pahayagang The Manila Times ni Joaquin “Chino” Roces, ang naging pinakabatàng

korespondent para sa Digmaang Korea, at sinundan niyá doon ang mga gawain ng mga sundalong Filipino (PEFTOK). Natamo niyá dahil sa Korea ang Philippine Legion of Honor na iginawad sa kaniya ni Pangulong Elpidio Quirino sa edad na 18. Kumuha siyá ng abogasya sa Unibersidad  ng Pilipinas, ngunit hindi niyá rin ito natapos. Sa edad na 22, nahalal si Aquino bilang alkalde ng Concepcion, Tarlac. Siyá ang naging pinakabatàng bise-gobernador noon ng bansa sa edad na 27. Dalawang taon lang ang lilipas bago siyá maging gobernador ng lalawigan. Noong 1967, sa edad 34, siyá ang naging pinakabatàng halal na senador sa kasaysayan ng Filipinas. Di malaon ay umusbong si Aquino bilang pangunahing kritiko laban kay Marcos at sa asawa nitóng si Imelda. Nang ipahayag ang Batas Militar noong Setyembre 1972, dinakip si Aquino at nakulong ng maraming taon. Nagkaroon siyá ng sakit sa puso at pinahintulutang lumabas ng bansa upang maoperahan sa Estados Unidos. Sinubok niyáng bumalik sa Filipinas noong 1983, ngunit pagtuntong pa lamang niyá sa paliparan ng MIA, binaril siyá sa ulo. Ang pagpaslang sa kaniya ang isa sa mga pangyayaring nagdulot sa People Power (EDSA) Revolution ng 1986 na nagbalik ng kalayaan sa taumbayan, at sa pagkakaluklok sa kaniyang iniwang maybahay na si Corazon Aquino bilang Pangulo ng bansa. Noong 2010, nahalal din bilang pangulo ang kaniyang anak na si Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III. Bilang pagpapahalaga, ipinangalan ang paliparang tagpo ng kaniyang  kamatayan bilang Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Makikita ang kaniyang imahen sa 500 pisong papel ng Bangko Sentral ng Pilipinas, at matatagpuan ang kaniyang monumento sa sentrong distritong pangkalakaran ng Lungsod Makati. (PKJ) (ed VSA)

8

Benigno Simeon C. Aquino III (8 Pebrero 1960—)

Tulad ng kaniyang inang si Pangulong Corazon C. Aquino, isang “di-akalaing” pangulo ng Republika ng Filipinas si Benigno Simeon C. Aquino III (Be·níg·no Sim·yón Si A·kí·no) nang kumandidato at magwagi sa halalang 2010. Hindi siyá kasáma sa mga pinagpipiliang kakandidato sa simula ng kampanya para sa eleksiyon. Sa gayon, bukod sa nahulí sa pagtakbo ay minaliit ang kaniyang kakayahan, mahiná ang makinaryang pampolitika, at kulang sa pondo. Ngunit sinasabing dinalá siyá sa tagumpay ng bagong silakbo ng “Cory phenomenom” dahil sa pagpanaw ng ina noong 1 Agosto 2009. Isinilang si Noynoy (ang palayaw niyá) o PNoy (ang itinawag sa kaniya pagkaraang manalo) noong 8 Pebrero 1960 sa Maynila at pangatlo sa limang anak nina Benigno (Ninoy) Aquino Jr at Corazon (Tita Cory) Cojuangco Aquino. Ikaapat na salinlahi na siyá ng mga politiko sa pamilya, mula kay Servillano Aquino na delegado sa Kongresong Malolos, lolong si Benigno Aquino Sr. na ispiker sa Mababàng Kapulungan noong 1943-1944, at mga magulang. Nagtapos siyá sa Ateneo de Manila noong 1981 at kasáma ng pamilya nang kusang madestiyero si Ninoy sa Estados Unidos. Nagbalik siyá pagkatapos paslangin si Ninoy noong 1983 at tahimik na nagtrabaho sa pribadong sektor. Nahalal siyá sa Mababàng Kapulungan noong 1998 at muling nahalal noong 2001 at 2004. Kumandidato siyáng senador noong 2007 at nagwagi. Sa panahong ito, sinabi nang dinalá siyá sa tagumpay ng magkatulong na popularidad ng ina at ng artistang kapatid na si Kris. Umugong ang panawagang kumandidato sa pagkapangulo si Noynoy nang mamatay si Pangulong Corazon Aquino, lalo na upang ituloy ang kampanya noon ni Tita Cory laban sa mapagmalabis na gamit sa kapangyarihan ni Pangulong Arroyo. Matagal bago nagpasiya si Noynoy. Kinailangan pa ang kampanyang lumikom ng sangmilyong lagda ng taguyod sa kaniya. Kumonsulta siyá ng mga tao hanggang Mindanao. Nang tanggapin niyá ang nominasyon sa Partido Liberal, ginawa niyang islogan ang paghanap ng “daang matuwid” para sa pagkakaisa at kaunlaran ng bansa. Ipinamalas niyá ang dibdibang pagsunod sa kaniyang islogan nang ipahayag niyá pagkapanumpa bilang pangulo ang kampanya laban sa ugaling “wangwang.” Sinundan ito ng pag-usig sa sari-saring katiwaliang naganap sa nakaraang administrasyon. (VSA)

Maria Corazon C. Aquino(23 Enero 1933-1 Agosto 2009)

Isang “di-akalaing” pangulo si Maria Corazon Cojuangco Aquino (Mar·yá Ko·ra·zón Ko·hwáng·ko A·kí·no) nang iluklok siyá sa Malacañang ng People Power sa EDSA at maging unang babaeng pangulo ng Republika ng Filipinas. Tinapos ng Pag-aalsang EDSA ang mahigit 20 taóng pamumunò ni Pangulong Marcos at ibinalik ng pamumunò ni Pangulong Aquino ang demokrasya sa bansa. “Tita Cory” ang popular na tawag kay Pangulong Aquino. Taglay ng palayaw ang pangyayaring tila isa lámang siyáng tahimik na maybahay ng martir na si Benigno (Ninoy) Aquino Jr. ngunit isinulong sa politika dahil sa pagpaslang kay Ninoy noong 21 Agosto 1983. Isinilang si Tita Cory sa Maynila noong 23 Enero 1933 at anak nina Jose Cojuangco Sr. at Demetria Sumulong na kapuwa mula sa mariwasa at politikong pamilya. Noong 1946, nagpunta sa Estados Unidos ang kaniyang pamilya kayâ doon

siyá nagtapos ng mataas na paaralan at ng kursong Batsilyer sa Sining. Bumalik siyá sa Filipinas at kumuha ng abogasya sa Far Eastern University ngunit hindi nakatapos dahil ikinasal kay Ninoy. Nagkaroon silá ng limang anak: sina Maria Elena, Aurora Corazon, Victoria Eliza, Benigno III (Noynoy) na naging pangulo ng Filipinas, at Kristina Bernadette (Kris) na isang popular na artista. Bago ang 1983, isang tapat na maybahay at mapagmahal na ina ang tungkulin ni Tita Cory. Kailangan iyon upang maitaguyod ang masiklab na karera ni Ninoy bilang politiko. Si Ninoy ang itinuturing na nag-iisang tinig ng oposisyon sa panahon ng pamumunò ni Pangulong Marcos. Sa eleksiyong 1967, si Ninoy lámang ang nagwaging kandidatong senador ng tiket Liberal. Si Ninoy din ang patuloy na tumuligsa at nagbubulgar ng mga anomalya sa administrasyon. Nang pairalin ang Batas Militar, isa si Ninoy sa unang-unang dinakip at ipiniit. Pinawalan lámang siyá dahil sa karamdaman at sa kondisyong magtitira sa Estados Unidos. Saksi at nása likod ni Ninoy si Tita Cory sa buong pangyayari. Nang tumawag ng Snap Elections si Pangulong Marcos noong 7 Pebrero 1986, napagkaisahang ilaban ng oposisyon si Tita Cory. Napasalin sa kaniya ang paghanga kay Ninoy. Nang magwagi ang protesta ng taumbayan sa pamamagitan ng mapayapang na People Power (tinatawag ngayong Pagaalsang EDSA) at mapatalsik si Pangulong Marcos noong gabi ng 25 Pebrero 1986 ay nanumpa na sa umaga ng araw na iyon si Tita Cory bilang pangulo. Bumuo ng Komisyong Konstitusyonal si Tita Cory upang bumuo ng bagong Saligang-Batas. Sa kabilâ ng mga kudeta, isa-isang ibinalik ng kaniyang administrasyon ang mga demokratikong institusyon. Sinunod din niyá ang bagong 1987 Konstitusyon na bumabâ sa tungkulin pagkatapos ng anim na taón. Ngunit patuloy siyáng pumatnubay sa takbo ng politika at hindi lumipas ang kaniyang pambihirang popularidad hanggang igupo ng karamdaman noong 1 Agosto 2009. (VSA)

Francisco Arcellana (6 Setyembre 1916-1 Agosto 2002)

Isang manunulat ng maikling kuwento at sanaysay, peryodista, kritiko, at guro si Francisco Arcellana (Fran·sís·ko Ar·se·lyá·na). Zacarias Eugene Francisco Quino Arcellana ang buo niyáng pangalan. Si Arcellana, na kilala rin bilang Franz, ay isa sa mga tagapanguna sa pagsusulat ng maikling kuwento sa Ingles. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 1990. Nakilála ang kahusayan ni Arcellana sa pagsusulat noong 1932 at estudyante pa lámang sa Torres High School dahil sa pagkakalathala sa Graphic ng kaniyang kauna-unahang katha, “The Man Who Could Be Poe.” Ang kaniyang inilathalang Expression (1934) ay pagsisimulan ng kanilang mahabàng panahon ng pagsusulatan at samahan ni Jose Garcia Villa, isa ring Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan sa wikang Ingles. Bahagi siyá ng Veronicans na binubuo ng 13 manunulat bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig na sumasalungat sa tradisyonal na porma at paksa sa panitikang Filipino.  Ang mga akda ni Arcellana ay naisalibro sa The Francisco Arcellana Sampler (1990). Kabílang sa mga kuwento niyáng malimit isáma sa

mga antolohiya ang “Divide by Two,” “Flowers of May,” at “The Mats.” Isa namang kuwento niyáng ekperimental ang “Trilogy of Turtles.” Hinahangaan siyá ng maraming kritiko dahil sa masinop at disiplinadong gamit ng wika.

9

 Isinilang sa Sta. Cruz, Maynila noong 6 Setyembre 1916, si Arcellana na tinatawag sa pamilya na Paking, ay ikaapat sa 18 mga anak nina Jose Arcellana at Epifania Quino. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Pilosopiya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1939. Naging kagawad din siyá ng Philippine Collegian. Ikinasal siyá kay Emerenciana Yuvienco, na professor emeritus sa UP at may-akda ng The Relevance of Recto Today, at nagkaroon silá ng anim na anak. (1996). Mula 1979-1982, nagsilbing guro si Arcellana sa UP Department of English and Comparative Literature, tagapayo ng  Philippine Collegian, direktor ng UP Creative Writing Center, at nagpatuloy magturo hanggang magretiro at sumakabilang-buhay noong 1 Agosto 2002.  (RVR) (ed GSZ)

Deodato Arellano(26 Hulyo 1844-7 Oktubre 1899)

Si Deodato Arellano (De·yo·dá·to A·rel·yá·no) ay isang patriyotang Filipino, isa sa mga tagapagtatag ng Katipunan, at naging pangulo nitó. Ipinanganak siyá sa Bulacan kina Juan at Mamerta de la Cruz. Pinalitan ng pamilya ang kanilang apelyido bilang Arellano nang ideklara ng pamahalaang Espanyol noong 1849 na palitan ng mga katutubo ang kanilang apelyido alinsunod sa mga nakalagay sa direktoryo ng Madrid. Nag-aral siyá ng bookkeeping sa Ateneo Municipal de Manila at kalaunan ay nagtrabaho bilang katulong na klerk sa Maynila. Ikinasal siyá kay Hilaria del Pilar, kapatid ni Marcelo H. del Pilar. Kasáma ng mga del Pilar, siyá ay naging aktibong mason. Naging tagakalap siyá ng salapi para sa mga Filipino sa Espanya nang kinailangan ni Marcelo H.del Pilar na tumakas patungong Espanya dahil sa pinaghihinalaang mga subersibong artikulo na lumabas sa

Diariong Tagalog. Noong 1892, sumama siyá sa La Liga Filipina, na itinatag ni Jose Rizal nang magbalik sa bansa. Naging kalihim siyá ng samahan. Noong 7 Hulyo 1892, nang ideklara ang pagpapatápon kay Rizal sa Dapitan, itinatag niya kasáma sina Andres Bonifacio, Ladislao Diwa, Teodoro Plata, Valentin Diaz, at Jose Dizon ang Katipunan. Inihalal siyá bilang unang pangulo ng Katipunan. Nang sumiklab ang Himagsikan noong Agosto 1896, nagpunta si Arellano sa Bulacan upang sumáma sa brigada ni Gregorio del Pilar. Nakipaglaban din siyá sa Bulacan noong Digmaang Filipino-Amerikano. Nagkaroon siyá ng tuberkulosis hábang nakikipagdigma sa Cordillera. Inilibing siyá sa La Trinidad, Benguet. (KLL)

Gloria M. Macapagal-Arroyo(5 Abril 1947—)

Nang patalsikin ng Pag-aalsang EDSA II noong 20 Enero 2001 si Pangulong Estrada, pumalit ang kaniyang pangalawang-pangulo na si Gloria M. Macapagal-Arroyo (Glór·ya Em Ma·ka·pa·gál Ar·ró·yo). Tinapos ni Pangulong Arroyo ang natitirang panahon ni Pangulong Estrada, muling kumandidato at nagwaging pangulo ng Republika ng Filipinas sa eleksiyong 2004. Isinilang si Gloria noong 5 Abril 1947 sa San Juan, Rizal (Lungsod San Juan ngayon) at panganay sa dalawang anak ni Pangulong Diosdado Macapagal kay Evangelina Macaraeg. Taga-Pampanga din ang Macaraeg ngunit nagkaroon ng bahay at ari-arian sa Lungsod Iligan. Malaking bahagi ng kamusmusan ni Gloria ang ginugol sa Lungsod Iligan. Bumalik sa Maynila si Gloria noong 1957, nag-aral sa Assumption College, nag-aral sa Georgetown University noong 1964, nagtapos sa Assumption College ng Batsilyer sa Komersiyo magna cum laude noong 1968, at napangasawa si Jose Miguel (Mike) Tuazon Arroyo. Tatlo ang anak nilá: sina Juan Miguel na naging kongresista, Evangeline Lourdes, at Diosdado Ignacio Jose Maria na naging kongresista din. Nag-Master sa ekonomiks si Gloria sa Ateneo de Manila, at nagdoktorado sa Unibersidad ng Pilipinas. Maligalig ang panunungkulan ni Pangulong Arroyo. Una, marami ang naniniwala na hindi makatarungan at labag sa Konstitusyon ang pagtanggal kay Pangulong Estrada, bukod sa naging biktima lámang ang pinaalis ng sabwatan ng mariwasa’t makapangyarihan sa lipunan. Noong 2003, isang pangkat ng sundalo ang nagsagawa ng Makati Mutiny bilang pagtutol kay Pangulong Arroyo. Nangako siyáng hindi na kakandidato noong 2002 ngunit biglang nagpahayag ng kandidatura para sa eleksiyong 2004. Nilabanan siyá ng popular na artistang si Fernando Poe Jr. Nanalo man si Pangulong Arroyo, lumitaw pagkuwan ang kasong “Hello Garci” at kaugnay ng sinasabing malawakang dayaan sa eleksiyon upang manalo si Pangulong Arroyo at mga kaalyado. Noong 2003, inimbestigahan ng Senado ang kasong “Jose Pidal” at bahagi ito ng mga akusasyon hinggil sa malakihang korupsiyon at pagnanakaw na pinayagan ni Pangulong Arroyo at nagsasangkot sa kaniyang asawa. Ang malawakang pagkatálo ng mga kandidato ni Pangulong Arroyo sa eleksiyong 2010 ay itinuturing na katibayan ng pagbagsak ng kaniyang pangalan sa tingin ng taumbayan. Gayunman, tumakbo siyá at nagwaging kongresista ng Pampanga. (VSA)

Daisy Hontiveros-Avellana (26 Enero 1917—)

Tinaguriang “Unang Ginang” ng Teatrong Filipino si Daisy Hontiveros-Avellana (Déy·si On·ti·vé·ros-A·vel·yá·na). Isa siyáng aktres, direktor, prodyuser, at manunulat para sa teatro, radyo at pelikula. Lourdes Genoveva Dolores Pardo Hontiveros-Avellana ang kaniyang buong pangalan. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro noong 1999. Walang katulad sa husay ang pagganap niyá bilang Candida Marasigan sa dula at pelikulang Portrait of the Artist as Filipino ni Nick Joaquin. Binigyang-buhay rin ni Daisy sa entablado ang tauhang si Doña Lupe (1978) ni Nick Joaquin sa Tatarin; sina Lady Macbeth (1959) at Desdemona (1953) ni William Shakespeare; si Bernarda Alba (1967) ni Federico Garcia Lorca; si Joan of Lorraine (1954) ni Maxwell Anderson; si Mary Tyrone (1958) ni Eugene O’Neil; sina Medea, Eleanor of Aquitaine, Sarah Bernhardt; at, marami pang karakter ng mga dulang lokal at inangkat.   

 Katuwang siyá ng kaniyang asawa na si Lamberto Avellana at may limampung kapanalig sa pagtatatag ng Barangay Theatre Guild (BTG) noong 1939. Ang BTG ang unang organisasyong panteatro sa Filipinas. Itinanghal ng BTG sa kanilang ang unang produksiyon ang Women are Extraordinary ni Wilfrido Ma. Guerrero, The Potboiler ni Gerstenberg, Nerves ni Farrar, at sa mga sumunod ay mga orihinal niyáng akda gaya ng And One was Valiant.    

10

Ang una niyáng akda para sa pelikula ay ang Sakay, na ginarawang pinakamahusay na iskrip noong 1939. Sumulat din siyá ng mga pinaikling dula na halaw mula sa Wuthering Heights, Joan of Lorraine, at Cradle Song na isinahimpapawid sa mga programa ng DZPI, DZHF at DZRP. Idinirihe para sa teatro ni Daisy ang Diego Silang (1968), at Walang Sugat (1971-1972). Ang pagtatanghal ni Daisy ng dula ni Severino Reyes na Walang Sugat noong kapanahunan ng pagkakasuspinde ng writ of habeas corpus ay tumugon sa pangangailangang buhayin ang kaisipan laban sa panunupil.  Tubòng-Lungsod Roxas, Capiz, ipinanganak siyá noong 26 Enero 1917 at panganay sa magkakapatid na walong lalaki at dalawang babae nina Huwes Jose Hontiveros, huwes ng Korte Suprema, at Vicenta R. Pardo-Hontiveros. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Pilosopiya sa Unibersidad ng Pilipinas (1937), Master sa Sining sa UST (1938). Nagsanay siyá ng mga estudyante ng drama at nagdirihe ng mga dula sa Centro Escolar University (1938), St. Paul College (1949-1961), St. Theresa’s College, Assumption Convent, St Scholastica’s College, Holy Ghost College, FEU, at UST College of Medicine.(RVR) (ed VSA)

Lamberto V. Avellana(12 Pebrero 1915-25 Abril 1991)

Si Lamberto V. Avellana (Lam·bér·to Vi A·vel·yá·na) ay isang mahusay na direktor sa teatro at pelikula. Makabuluhan ang kaniyang mga ambag sa pagpapaunlad ng anyo at laman ng pagtatanghal sa entablado at pinilakang tabing. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro at Pelikula noong 1976. Sa pelikula, tagapanguna siyá sa sinematikong paraan ng punto-de-bista at mise-en-scene sa paggamit ng kamera. Sa bawat kuwadro ng pelikula at kabuuang eksena ay napapatampok ang damdamin sa pamamagitan ng anggulo ng kamera at komposisyon. Inihatid din niyá sa iskrin ang mga imahen at naratibo ng tunay na buhay ng pangkaraniwang tao, ang kanilang realidad at pagsisikap mabuhay, at sa gayong paraan ay naghandog siyá ng salungat na tunguhin laban sa purong komersiyalismo ng pelikula. Kinilála ng mundo ang kaniyang mga pagsisikap: ang Anak Dalita (1956) ay nagkamit ng Grand Prix bilang pinakamahusay na pelikula

sa Asian Film Festival sa Hong Kong; ang Badjao (1957) ay nagbigay sa kaniya ng gawad para sa pinakamahusay na direktor at tatlo pang medyor na parangal sa Asian Film Festival sa Tokyo; nagwagi ng Conde de Foxa Award sa Bilbao, Spain, ang El Legado (1960); ang, La Campana de Baler (1961) ay nagwagi rin ng Conde de Foxa Award, medalyang pilak; at, noong 1969, nakamit niyá ang gawad para sa pinakamahusay na dokumentaryo para sa The Survivor, sa Cambodian Film Festival. Si Avellana rin ang unang Filipinong nagtanghal ng obra sa Cannes International Film Festival, Ang Kandelerong Pilak (1954). May mga pelikula si Direktor Avellana na para sa pangdaigdigang pagtatanghal tulad ng Sergeant Hasan (1967), Destination Vietnam (1969), at The Evil Within (1970). Tampok sa kaniyang mga obra maestra ay ang pagsasapelikula ng ilang mga klasikong dula: ang A Portrait of the Artist as Filipino (1965) ni Nick Joaquin at Walang Sugat ni Severino Reyes.   Ipinanganak siyá noong 12 Pebrero 1915  kina  Dr. Jose Avellana at Rita Vera. Napangasawa niyá ang Pambansang Alagad ng Sining din na si Daisy Hontiveros at may tatlo siláng anak—Jose Mari, Marivi, at Lamberto Jr. Ang marubdob na pag-ibig sa dulaan ni Avellana ay nagsimula noong estudyante pa lámang siyá ng Ateneo. Siyá ang gumanap na Joan of Arc noong 1935 para sa Diamond Jubilee ng Ateneo sa direksiyon ni Fr. Henry Lee Irwin, S.J. Siyá rin ang katulong na direktor ni Fr. Irwin hábang gumanap na bida sa dula. Sa Ateneo siyá nagtapos ng Batsilyer sa Sining, magna cum laude.  Panandang-bato sa teatro sa bansa ang 1 Marso 1939, nang itinatag ng mag-asawang Lamberto at Daisy  at ng may 50 kapanalig na mga aktor, musiko, mananayaw, manunulat, pintor, arkitekto, eskultor, at propesor  ang Barangay Theater Guild (BTG). Nagkamit siyá ng maraming parangal bago sumakabilang-buhay noong 25 Abril 1991. (RVR) (ed GSZ)

Azím ud-Din I

Si Muhámmad Azím ud-Din I, isinusulat ding Muhámmad Alimuddín, ay sultan ng Sulu at Sabah sa panahong 1735-1748 at panahong 1763-1773. Anak siyáni Sultan Badar ud Din I at nag-aral sa Batavia (Djakarta ngayon). Doon siyá natuto ng Arabe at Malay at naging dalubhasa sa Koran. Bumabâ ng trono para sa kaniya ang kaniyang ama dahil sa katandaan noong 1732 ngunit pormal siyáng kinilala bilang sultan noong 1735 nang umatras ang kaniyang pinsang si Nasar ud-Din. Sinasabing isa siyáng matalinong pinunò at alagad ng kapayapaan. Mahalaga siyá sa mga pinunò ng Sulu dahil lahat halos ng datu ngayon ay nakaugnay sa kaniyang angkan. Nagkaroon ng malaking intriga nang diumano’y pahintulutan niyang makapasok sa kaniyang teritoryo ang mga misyonerong Heswita. Nag-alsa ang mga pandita. Sapilitan siyáng pinalitan ng kapatid na si Bantilan bilang sultan at umalis siya ng Jolo kasama ang pamilya at ilang alagad. Dumating siyá sa Cavite noong 2 Enero 1749 at pinarangalan ng mga Espanyol. Noong 1750, nakumbinsi siyá ni Gobernador Juan de Arechederra, na obisbo din ng Nueva Segovia, na magpabinyag. Naganap ito noong 29 Abril 1750. Pinangalanan siyáng Fernando de Alimuddin I, at maituturing na unang sultan ng Sulu na naging Kristiyano. Nagpabinyag din ang mga anak niyang sina Israil at Fatimah. Pinangakuan siyá ng mga Espanyol na ibalik sa kapangyarihan, ngunit pinaghinalaan ang katapatan kayâ ipiniit noong 1751 sa kasalanang pagtataksil. Sa isang bersiyon, nabilanggo siyá  hanggang sakupin ng mga Ingles ang Maynila. Tinulungan siyá ng mga Ingles na mabawi ang kapangyarihan noong 1763. Sa ikalawang bersiyon, nagpalit diumano ng gobernador noong 1754. Higit na mabuti ang ginawang trato ni Gobernador Pedro Manuel de Aranda kay Azim ud-Din. Binigyan pa siyá ng pensiyon at pinayagang makabalik sa Jolo. Noong Nobyembre 1773, iniwan niya ang trono para sa kaniyang anak na si Israil. Hindi maliwanag kung tunay siyáng nagpalit ng relihiyon. Nang bumalik siyá sa Sulu ay masayáng tinanggap siyá ng mga sákop at namuhay nang isang Muslim hanggang mamatay. (VSA)

Juan Abad(8 Pebrero 1872-24 Disyembre 1932)

11

Sina Amado Alvarez bilang K. Ulayaw at Casiana de Leon bilang Liwanag sa unang pagtatanghal ng Ang Tanikalang Guinto.

Si Juan Abad (Hu·wán A·bád) ay isang makabayang mamamahayag at mandudula. Naging mahalaga siyá sa teatrong Filipino dahil sa kaniyang mga patriyotikong dula na Ang Tanikalang Guinto at Isang Punglo ng Kaaway. Isinilang siyá noong 8 Pebrero 1872 sa Sampaloc, Maynila kina Ambrosio Abad, isang bookbinder, at Bonifacia Domingo. Ang kaniyang unang dulang Suenos dela mala fortuna ay itinanghal sa Dulaang Arevalo sa Sampaloc noong 1895, noong siya ay 23 taóng gulang.  Kompositor siyá sa isang palimbagan ng mga Heswita nang magsimula ang Himagsikang 1896. Noong 1898, naging kasapi siyá ng La Independencia sa Malolos, Bulacan at ng La Republica Filipina sa San Fernando, Pampanga. Bago matapos ang 1899, bumalik siyá sa Maynila, at naging kasapi ng Ang Kapatid ng Bayan. Noong 30 Disyembre 1899, kasáma sina Jose Palma, Faustino Salomon, Emilio Reyes, at Felipe Mendoza, inilathala niya ang Laong-Laan. Siyá at si Palma ay inaresto nang lumabas ang Laong-Laan. Pinalaya rin silá at isinailalim sa probasyon.  

 Nagsulat muli si Abad ng dula. Binuo niya, kasáma sina Mariano Sequera at Honorio Lopez, ang organisasyong La Juventud Filipina na naglayong paunlarin ang patriyotikong drama at kontrahin ang komedya. Inimbestigahan ang ilang

miyembro ng Juventud, kasáma si Abad na inaresto rin dahil sa hindi nitó pagsasagawa ng oath of allegiance sa Estados Unidos. Ipinatapón siyá sa Olongapo kasáma si Honorio Lopez. Ang mga naging karanasan niya sa Olongapo ang naging materyales sa kaniyang Manila-Olongapo na itinanghal sa Teatro Zorrilla noong Hunyo 1901. Noong 7 Hulyo 1902, umani ng papuri at pagkilála si Abad dahil sa naging matagumpay na pagtatanghal ng kaniyang Ang Tanikalang Guinto sa Teatro Libertad. Noong 10 Mayo 1903, nang itanghal ito sa Batangas, inakusahan siyá ng sedisyon. Nahatulan si Abad ng dalawang taóng pagkabilanggo at minultahan ng dalawang libong dolyar. Nang makapagpiyansa, at hábang naghihintay ng desisyon sa kaniyang kaso, isinulat niya ang Ang Punglo ng Kaaway na itinanghal sa Teatro Rizal, Malabon noong 8 Mayo 1904. Muli siyáng dinakip. Nailathala lámang niya ang Ang Tanikalang Guinto noong 1907. Naging editor siyá ng Araw, ang diyornal ng Legionarios del Trabajo, at noong 1928 ay ipinadalá sa China para sa isang misyon. Ilang kaibigang Tsino ang nag-imbitang muli sa kaniya sa China. Hindi na siyá nakauwi dahil nagkaroon ng problema sa kaniyang pasaporte. Namatay siyá noong 24 Disyembre 1932 sa Xiamen. (KLL)

Bonifacio Abdon (14 Mayo1876-23 Abril 1944)

Si Bonifacio Abdon (Bo·ni·fás·yo Ab·dón) ay isang mahusay na biyolinista, konduktor, kompositor, at guro ng musika at kinikilála bilang “Ama ng Makabagong Kundiman.” Ang kaniyang komposisyon na “Kundiman” ang unang kundiman na nakalimbag sa papel. Binigyan niya ng pormal na estruktura ang kundiman bilang isang anyo ng komposisyong itinatanghal at higit sa kalagayan nitó noon bilang popular na awiting-bayan. Karamihan sa mga komposisyon ni Abdon ay ginamit sa mga sarsuwela sa wikang Tagalog. Lumikha siyá ng musika para sa kaniyang bayaw na si Patricio Mariano, na sumusulat ng mga dula para sa mga teatro sa Maynila noong unang bahagi ng dekada 1900. Nagdirihe rin siyá ng orkestra. Sinulat niya ang musika para sa mga dula ni Aurelio Tolentino na La Rosa (1908), La Boda Maldita (1908), Manila Cinematografica (1908), at Crimen sobre Crimen (1909). Itinatag niya ang Orchestra Oriental noong 1910 at naging unang direktor ng musika ng Asociacion Musical de Filipinas noong 1912. Nagturo siyá ng biyolin sa kaniyang bahay sa Quiapo, Maynila na magiging Escuela de Violin kinalaunan. Hinirang siyá bilang guro ng biyolin sa Konserbatoryo ng Musika ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1920. Noong sumunod na taón, isa siyá sa mga naging kasaping tagapagtatag ng Manila Chamber of Music. Isinilang siyá noong 14 Mayo 1876 sa Santa Cruz, Maynila kina Gregorio, isang karpintero at panday ng ginto, at Juliana Abdon. Sa kaniyang kabataan, tumira si Abdon kasáma ang kaniyang lolo sa Pandacan, na tinatahanan ng ilan sa mga tanyag na musikero noon. Nag-aral siyá ng solfeggio sa isang bulág na guro na kilalá bilang Mandong Bulag. Pagkaraan, nag-aral siyá sa Ateneo Municipal de Manila at naging bahagi ng koro nitó. Sa edad trese, natuto siyáng tumugtog ng biyolin, at pagkaraan, komposisyon, kay Ladislao Bonus. Nagprisinta siyá bilang valet sa mga bumisitang pangkat ng opera mula Italya upang matuto mula sa mga maestro nitó. Nagkaroon siyá ng limang anak sa asawang si Felisa Mariano. Pumanaw siyá noong 23 Abril 1944 at inilibing sa Manila North Cemetery. (PKJ)

Manuel Abella(1828-4 Enero 1897)

Isa sa mga “Martir ng Bikol” at binitay noong 4 Enero 1897, si Manuel Abella (Man·wél A·bél·ya) ay isang eskribano (klerk sa hukuman) at mariwasang magsasaka at hinahangan sa kaniyang katapatan sa tungkulin at kaisipang liberal. Isinilang siyá sa isang mariwasang pamilya noong 1828 sa Cayanauan, Tayabas (Quezon ngayon) at nag-aral ng pagpapari sa Naga. Umalis siyá sa seminaryo at noong 1875 ay isa nang eskribano sa Naga. Bukod doon, nagsaka siyá ng palay at abaka at naging isa sa pinakamayaman sa Bikol. Ngunit kinainggitan siyá, lalo na ng mga Espanyol, na natatákot din sa impluwensiya at ng kaniyang mga edukadong anak. Nang sumiklab ang Himagsikang 1896, dinakip siyá at mga anak na Ramon na isa ring malaking may-ari ng lupain; Domingo na isang surveyor at totoong kasapi sa Katipunan; at Mariano na isang abogado, kaibigan ng mga Luna, at hukom sa Naga. Dinakip din noong 16 Setyembre ang pari ng Naga na si Padre Inocencio Herrera, Padre Gabriel Prieto ng Malinao, Albay, potograpong si Camilo Jacob, parmasyutikong si Tomas Prieto, hepe ng mga guwardiyang panggabi na si Macario Valentin, Cornelio Mercado, Mariano Melgarejo, at Mariano Ordenanza. Si Tomas Prieto diumano ang may sinumpaang pahayag sa gobernador hinggil sa pagpupuslit ng armas mulang

Cavite at  ipinamahagi sa mga dinakip. Noong 20 Setyembre, dinalá ang mga bilanggo sa Bilibid, Maynila at nilitis. Kahit hindi napatunayang sangkot silá sa Katipunan, hinatulan silá ng bitay sa pamamagitan ng pagbaril. Noong 4 Enero 1897, binitay sina Manuel at Domingo Abella, Padre Herrera, Padre Prieto, Padre Severino Diaz, Camilo Jacob, Tomas Prieto, Florencio Lerma, Macario Valentin, Cornelio Marcado, at Mariano Melgarejo. Nahatulang mabilanggo ang iba. Si Leon Hernandez ay namatay si piitan sa Naga noong Oktubre 1897. Si Mariano Ordenanza, na nahatulang ng 20 taóng bilanggo, ay namatay si Bilibid. Sina Ramon Abella at Mariano Araña ay ipinatápon sa bilangguang Fernando Po sa Afrika at dahil sa dinanas na sobrang pahirap ay nangamatay  sa sakit noong 1897 o 1898. Pinakamasuwerte si Mariano Abella, na isang abogado, at hindi binitay,  naging delegado sa Kongresong Malolos, naging gobernador ng Camarines Norte noong Disyembre 1898 hanggang Pebrero 1900, isa sa nagtatag ng Partido Federal, dalawang ulit pang nahalal na gobernador sa ilalim ng mga Amerikano. (GSV)

12

Marcelo Q. Adonay (6 Pebrero 1848-8 Pebrero 1928)

Kilalang musiko sa pagtatapos ng siglo 19, si Marcelo Q. Adonay (Marsélo  Kyu Adónay) ay isang kompositor, organista, direktor pangmusika, at guro.  Noong 1856, walong taon lamang si Adonay nang dalhin siyá ng kaniyang tiyuhin sa Maynila upang pag-aralin sa kumbento ng Simbahang San Agustin. Sa kumbento ay pormal niyáng natutuhan ang pagtugtog ng piyano, organo, at kaalaman tungkol sa mga pangunahing tuntunin ng armonya.   Noong 1870, bukod sa pagiging organista ng Simbahang San Agustin, ay iginawad kay Adonay ang titulong “Maestro di Capella.” Ang responsabilad na ito ay ginampanan niyá hanggang 1914. Noon ding 1870 ay binuo niyá ang orkestra ng kumbento na may kabuoang 20-25 miyembro, bukod pa ito sa orkestra ng Katedral na lingguhan niyáng ineensayo. Bukod sa mga gawaing pansimbahan, nagturo rin si Adonay sa mga paaralang Colegio de Santa Catalina, Colegio de Santa Rosa, Colegio de San Sebastian, at La Campañia de Jesus. Nagturo rin siyá ng solfeggio, armonya at komposisyon sa Centro de Bellas Artes.  Kinikilala si Adonay bilang prinsipe ng musikang pansimbahan ng Filipinas. Panrelihiyon ang tuon ng kaniyang musika, ngunit mayroon din siyáng mga likhang sekular na musika. Narito ang ilang likhang musikang pansimbahan ng maestro: Benedictus, para sa tenor at orkestra; Libera Me Domine, para sa mga boses at doble bajo; Gazos a la Santissima Virgen (a Nuestra Sra. de la Consolacion), para sa koro at organo o harmonium; Gazos a la Santissima Virgen de Remedios, para sa koro at orkestra; Pequeña Misa Solemne sobre Motivos de la Missa Regia del Canto Gregoriano , para sa koro at orkestra; Rosario Difunto, para sa koro at maliit na orkestra; Salve Regina, para sa isang boses at piyano. Narito naman ilang musikang sekular: Martsa, alay kay Anotnio Luna; Rizal Glorified, unang itinanghal noong 30 Disyembre 1911 sa Manila Grand Opera House para sa paggunita ng kamatayan ni Dr. Jose Rizal (kinomisyon ang musikang ito ni Pablo Ocampo para sa nasabing okasyon); La Procesion de Turumba en Pakil, para sa banda at mga boses; Ang Querot ng Reuma, na nilikha niyá noong 1912 marahil bilang pag-aalaala sa sariling karanasan sa sakit; Tocata para sa organo, ibinigay niyá kay Col. Walter Loving nang dumalaw ang koronel sa kaniyang bahay at humingi ng orihinal na komposisyon para sa nabanggit na instrumento. Noong 1983, bilang pag-alaala sa ika-135 kaarawan ni Maestro Marcelo Q. Adonay, ay nagtayo ng isang panandang paggunita sa Pakil, Laguna bilang pagkilala sa kontribusyon ng maestro sa pagpapayaman ng musikang pansimbahan ng Filipinas.  Ipinanganak siyá noong 6 Pebrero 1848 sa Pakil, Laguna at yumao noong 8 Pebrero 1928 sa kaniyang tahanan sa Malate, Maynila. Panganay na anak sa labing-isang magkakapatid. Ang kanyang mga magulang ay sina Mariano Adonay at Prudencia Quinteria na pawang magsasaka. (RCN) (ed GSZ)

Macario G. Adriatico(10 Marso 1869-14 Abril 1919)

Si Macario Gonzales Adriatico (Ma·kár·yo Gon·zá·les Ad·ri·yá·ti·ko)  ay isang iskolar, peryodista, manunulat, at politiko na kinikilála bilang “Ama ng City Charter ng Maynila.” Lumaban si Adriatico noong Himagsikang Filipino, at pagkaraan ay naging Comandante de Estado Mayor ng hukbong Filipino sa Panay noong Digmaang Filipino-Amerikano. Naging abogado si Adriatico pagkatapos pumasá sa bar exam noong 1902. Noong panahong iyon, hindi pinahihintulutang magtatag ng mga pahayagan o samahang pampanitikan ang mga Filipino, ngunit binuo pa rin niya ang isang lihim na samahan ng mahigitkumulang 50 kasapi, ang Akademya ng Wika at Panitikang Espanyol. Bilang manunulat, naging patnugot siyá ng Diario de Filipinos ng Partido Conservador at nagkapag-ambag din sa mga pahayagang La Moda Filipina, La Independencia, El Renacimiento, La Cultura Filipina, El Ideal, at Domus Aurea. Bilang pagkilála sa kaniyang panulat at pagkabihasa sa wikang Espanyol, nagwagi siyá ng ilang akademikong karangalan at naging miyembro sa Real Academia ng Madrid.

 Bilang mambabatas, naging kinatawan siyá ng Mindoro sa Asemblea ng Filipinas noong 1907. Siyá ang may-akda ng unang charter ng Maynila, at isa sa naghain ng panukalang gawing dalawang distrito ang lungsod. Hinirang siyá ng pamahalaan bilang unang Filipinong direktor ng Pambansang Aklatan at Museo (ngayon ay hinati na bilang Pambansang Aklatan, Pambansang Museo, at Pambansang Sinupan), isang posisyong hinawakan niya noong 1917-1919. Isinilang siyá noong 10 Marso 1869 sa Calapan, Mindoro kina Luciano Adriatico, isang empleado ng pamahalaan, at Natalia Gonzales. Nag-aral siyá sa pribadong eskuwelahan ni Hipolito Magsalin sa Maynila bago pumasok sa Instituto Burgos ni Enrique Mendiola. Noong 1889, nagtapos siyá ng Batsilyer sa Arte sa Colegio de San Juan de Letran nang may pinakamataas na karangalan. Sa Unibersidad ng Santo Tomas, kumuha muna siyá ng medisina bago lumipat sa abogasya, pilosopiya, at letra. Nagkaroon siyá ng sampung anak, walong babae at dalawang lalaki, sa asawang si Paula Lazaro ng Bocaue, Bulacan. Pumanaw siyá noong 14 Abril 1919. Bilang pagkilála, ipinangalan sa kaniya ng Lungsod ng Maynila ang Kalye Dakota sa Ermita. (PKJ) ed VSA

Felipe Agoncillo (26 Mayo 1859-29 Setyembre 1941)

Si Felipe Agoncillo (Fe·lí·pe A·gon·síl·yo) ang abogadong kumatawan sa Filipinas sa talakayan sa Paris, Pransiya na nagwakas sa Kasunduang Paris noong 1898 na tumapos sa Digmaang Espanya-Amerika. Inatasan siyá ng Republikang Malolos noon na itaguyod ang pagkilála ng ibang bansa sa kasarinlan ng Filipinas. Dahil dito, itinuturing siyá ng marami bilang unang natatanging diplomat ng bansa.

 Isinilang siyá noong 26 Mayo 1859 sa Taal, Batangas kina Ramon Agoncillo at Gregoria Encarnacion. Nag-aral siyá sa Ateneo Municipal de Manila bago lumipat sa Unibersidad ng Santo Tomas, na pinagtapusan niya ng abogasya at ginawaran ng lisensiya sa hurisprudensiya nang may pinakamataas na grado. Bumalik siyá sa kinalakhang bayan ng Taal, Batangas at naghandog ng libreng serbisyong legal sa mga

13

dukha at aping kababayan. Dahil sa kaniyang mga makabayang gawain, inakusahan siyáng filibustero ng kura paroko. Napilitan siyáng lumisan patungong bansang Japan bago tumuloy sa Hong Kong at nakiisa sa iba pang mga makabayang Filipino. Pagkatapos malagdaan ang Kasunduang Biak-na-Bato, pinangunahan ni Agoncillo ang komite sentral ng rebolusyon at nangasiwa sa tanggapan ng propaganda ng pamahalaan ni Heneral Emilio Aguinaldo. Inatasan  siyáng maging embahador na maglulunsad ng mga tratado sa ibang bansa. Lumisan siyá patungong Estados Unidos kasáma si Sixto Lopez upang ipaglaban ang kasarinlan ng mga Filipino, ngunit hindi silá hinarap ngPangulong William Mckinley. Sumubok muli siyáng ipaglaban ang kaniyang bansa sa pagpupulong sa Pransiya para sa magiging tadhana ng Kuba at Filipinas. Hindi siyá binigyang ng kaukulang pansin ng mga Europeo. Dalawang araw pagkatapos ang paglagda sa Kasunduang Paris, bumalik si Agoncillo sa Amerika upang subuking harangin ang pagpapása ng tratado ng Amerikanong Senado. Naghain siyá ng pormal na protesta na pinamagatang Memorial to the Senate. Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, ipinagpatuloy niya ang pagiging abogado sa Maynila. Kinuha niya ang bar exam noong 1905 at pumasá sa markang 100 porsiyento, na hindi pa napapantayan hanggang sa kasalukuyan. Noong 1907, inihalal siyá bilang kinatawan ng Batangas sa Asamblea ng Filipinas. Naglingkod siyá bilang Kalihim Panloob (Secretary of the Interior) sa pamahalaan ni Gobernador-Heneral Leonard Wood, at ipinaglaban niya ang Filipinasyon ng serbisyo sibil. Nagkaroon siyá ng anim na anak sa asawang si Marcela Mariño. Pumanaw siyá noong 29 Setyembre 1941 sa Manila Doctors Hospital, Lungsod Maynila. (PKJ)

Marcela M. Agoncillo(24 Hunyo 1860-30 Mayo 1946)

Si Marcela Mariño de Agoncillo, o mas kilalá bilang Marcela Agoncillo  (Mar·sé·la A·gon·síl·yo) ang pangunahing tagahabi ng una at opisyal na watawat ng Filipinas. Dahil dito, binansagan siyá bilang “Ina ng Watawa ng Filipinas.” Sa gulang na 30, ikinasal siyá kay Felipe Agoncillo, ang abogadong kakatawan sa Filipinas sa Kasunduang Paris noong 1898 na tatapos sa Digmaang Espanyol-Amerikano. Nang nadestiyero si Felipe sa Hong Kong pagsiklab ng Himagsikang Filipino, sumáma sa kaniya si Marcela at kanilang mga anak. Habang naroon, pinakiusapan ni Heneral Emilio Aguinaldo si Marcela na humabi ng watawat na sasagisag sa bansang Filipinas at ayon sa disenyo ni Aguinaldo. Gamit ang sedang binili niya sa Hong Kong, hinabi ni Marcela, kaniyang anak na si Lorenzana, at kaibigang si Delfina Herbosa de Natividad (na pamangkin ni Jose Rizal sa kapatid niyang si Lucia) ang watawat sa loob ng limang araw. Noong Mayo 1898, inihatid ni Agoncillo ang watawat kay Aguinaldo, na siyá namang nagdalá nitó pabalik ng Maynila. Ito ang bandilang iwinagayway mula sa kaniyang bahay sa Kawit, Cavite sa pagpapahayag ng kasarinlan ng Filipinas noong 12 Hunyo 1898 sa saliw ng Pambansang Awit. Hindi nga lamang ito nasaksihan ni Agoncillo, na nanatili sa Hong Kong kasama ang kabiyak. 

Isinilang siyá noong 24 Hunyo 1860 sa Taal, Batangas kina Francisco Mariño at Eugenia Coronel. Nag-aral siyá sa Colegio de Sta. Catalina, isang ekslusibong paaralan para sa mga babae, sa Intramuros, Maynila. Nagkaroon siyá ng anim na anak, pawang mga babae, kay Felipe Agoncillo. Pumanaw siyá noong 30 Mayo 1946 at inilagak kasáma ang mga labi ng kaniyang asawa sa Sementeryong La Loma sa Maynila. Sangayon sa kaniyang hulíng hiling, ginawang museo ang kanilang bahay sa Taal, na ngayon ay nakapangalan sa kaniya. Tampok din ang larawan ni Agoncillo sa sining biswal; dalawang mahusay na halimbawa nitó ay ang pinturang “The Making of the Philippine Flag” ni Pambansang Alagad ng Sining Fernando Amorsolo, at ang eskulturang “Three Women Weaving the Filipino Flag” sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman ni Pambansang Alagad ng Sining Napoleon V. Abueva. (PKJ) ed VSA

Teodoro A. Agoncillo (9 Nobyembre 1912-14 Enero 1985) Pambansang Alagad ng Agham, si Teodoro Agoncillo (Tyo·dó·ro A·gon·síl·yo) ang kinikilálang ama ng makabansang pananaw sa pagsulat ng kasaysayan. Iginiit niyá na dapat sulatin ang kasaysayan ng Filipinas ng isang Filipino at sa pananaw na Filipino at ipinakita ito sa kaniyang mga aklat, upang matigil ang lubhang pananalig noon sa historyang likha ng mga dayuhan. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist), postumo, noong11 Hulyo 1985.   Si Agoncillo ang pangunahing may-akda ng History of the Filipino People. Ito ay naging pamantayang sanggunian sa pag-aaral ng kasaysayan ng Filipinas.  Bahagi ng kaniyang umaabot sa 22 aklat ang Filipino Nationalism 1872-1971, Malolos: The Crisis of the Republic, The Fateful Years: Japan’s Misadventure in the Philippines, at The Burden of Proof: The Vargas-Laurel Collaboration, na kinikilala ngayon bilang mga saligang babasahin upang maunawaan ang naratibo ng bansang Filipinas sa modernong panahon.  Ang librong The Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan ang itinuturing na pinakamahalagang akda ni Agoncillo sa larangan ng makabayang historyograpiya.  Umani ito ng maraming papuri ngunit binatikos ng mga konserbatibong historyador ang kaniyang makabayan at radikal na naratibo ng kasaysayan.  Dahil sa mga kontrobersiya, ipinatigil ni Pangulong Ramon Magsaysay noong 1948 ang pagpapalimbag sa aklat.  Nalathala lámang ito noong Pebrero 1956. Nagkamit si Teodoro Agoncillo ng mga parangal, at tampok sa mga ito ang Republic Cultural Award (1967), UNESCO Prize for Best Essay (1969), at ang Diwa ng Lahi (1982) -- ang pinakamataas na parangal na iginagawad ng Lungsod ng Maynila. Ipinanganak si Agoncillo noong 9 Nobyembre 1912 sa Lemery, Batangas. Nagtapos siyá ng batsilyer sa pilosopiya (1934) at masterado sa sining (1935) sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagsimula siyáng makilála bilang makata at kritiko sa panitikan, naging pundador na kasapi ng Kapisanang Panitikan, ngunit higit na natuon ang isip sa kasaysayan nang magturo sa UP. Naging punò siyá ng Kagawaran ng Kasaysayan sa UP at naging University Professor, pinakamataas na ranggong akademinko sa UP. Namatay siyá sa sakít noong 14 Enero 1985. (SMP) (ed VSA) 

Faustino Aguilar(15 Pebrero 1882-24 Hulyo 1955)

Itinuturing na haligi ng panitikang Tagalog bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, si Faustino Aguilar (Faws·tí·no  A·gi·lár) ay isang nobelista, peryodista, at lider-manggagawa. Ipinanganak siyá noong 15 Pebrero 1882 sa Malate, Maynila at anak nina Claro Vergara Aguilar at Juana Ongjoc de los Santos. Sa gulang na 14 taón, nasaksihan niyá ang pamamalò ng mga fraile sa kaniyang ama at sinasabing may malaking impluwensiya sa kaniyang pakikibáka laban sa kolonyalismo.    

14

Nagsimulang maging bahagi ng Katipunan si Aguilar bilang mensahero ni Vicente Fernandez, isang Katipunerong kinupkop ng kaniyang pamilya. Pagkaraan, naging kawani siyá ng Kalihim ng Digmaan at naging Kalihim Panloob ng Republika ng Malolos noong 1899. Napiit siyá noong 1899. Nalingkod din siyá laban sa mga Amerikano sa Digmaang FilipinoAmerikano at ipinagpatuloy ang pakikibáka sa larangan ng peryodismo. Naging editor siyá ng seksiyong Tagalog ng pahayagang La Patria noong 1902; pangkalahatang editor ng pahinang Tagalog ng El Renacimiento. Siyá ang kahuli-hulihang editor ng pahayagang Muling Pagsilang at naging unang editor ng pumalit na pahayagang  Taliba. Naging aktibo si F. Aguilar sa mga usaping pangmamagawa kayâ naging pangalawang direktor siyá ng  Bureau of Labor noong 1913 at pagkaraan ay naging direktor nitó sa panahong 1918-1923. Naging kalihim siyá ng Senado mula Enero 5, 1923 hanggang  mabalik siyá sa Kagawaran ng Paggawa at maging pangalawang kalihim sa mga taóng 1933-1939. Nagpakasal siyá kay Isidora Ortiz Alonzo noong 1904 at nagkaroon silá ng apat na anak. 1949 nang muli siyáng mag-asawa at nagpakasal kay Emilia Warren. Yumao siyá noong 24 Hulyo 1954 sa Maynila.  Ang malasákit niyá sa kapakanan ng manggagawa ay nakatampok sa Pinaglahuan (1907), itinuturing na pangunahing nobela niyá at hinggil sa malungkot na kapalaran ng lider-manggagawang si Luis Gatbuhay. Tinalakay pa niyá ang masaklap na búhay ng karaniwang tao sa mga nobelang Busabos ng Palad (1909) na tungkol sa isang anak-mayamang tinakwil ng lipunan nang piliing maging mananayaw; Nangalunod sa Katihan (1911) na ukol kay ni Dimas-ilaw, isang lalaking namunò sa pakikibáka laban sa masamâng pamahalaan at simbahan; Sa Ngalan ng  Diyos (1911) na nagsalaysay naman sa mga paraan ng pamamalakad ng mga Heswita upang magpayaman; at  Kaligtasan (1951) na naglalahad sa mga tunggaliang bunga  ng urbanisasyon ng isang maliit na bayan. Ang Lihim ng Isang Pulo (1927) ay ukol sa alamat ng magkasintahang naging punò ng aguho ngunit katangi-tangi dahil sa ekperimento sa paggamit ng dalisay na wikang Tagalog. (JGP) (ed VSA)

Jose V. Aguilar (23 Marso 1900-31 Enero 1980)

Si Jose Vasquez Aguilar (Ho·sé Vás·kez A·gi·lár) ay isa sa mga unang Filipino na nakatanggap ng Ramon Magsaysay Award for Government Service noong 1959. Ang paggagawad ay pagkilála sa kanyang mga naging kontribusyon sa sistema ng edukasyon sa Filipinas. Pinangunahan niya ang pagsasaayos ng pampublikong edukasyon para umangkop sa pamumuhay ng mga nása kanayunan. Ipinangananak si Aguilar noong 23 Marso 1900 sa baryo ng Caduhaan, Cadiz, Negros Occidental sa mag-asawang Martin Aguilar, Sr. at Sofia Vasquez. Nang magtapos sa Cadiz Central School noog 1915, agad siyáng nagturo sa maliit na paaralan ng baryo sa loob n isang taon. Nagtapos siyá ng edukasyong sekundarya sa Negros Occidental High School noong 1920 at ng batsilyer sa pilosopiya sa Unibersidad ng Denison sa Ohio noong 1925. Tinustusan niya ang sariling edukasyon sa pamamagitan ng pagkuha ng iba’t ibang trabaho. Sa kanyang pagbabalik sa bansa noong 1925, agad siyáng ginawang guro ng Ingles sa Negros Occidental High School. Inihalal siyang academic supervisor ng Masbate noong 1926 at ng Cebu noong 1927. Naging division superintendent siya ng Camarines Norte noong 1928 at ng mga probinsiya ng Antique, Samar, Capiz, at Iloilo sa mga sumunod na taon. Pagkatapos niyang magbigay ng serbisyo sa mga rural na lugar, kinuha siyáng tagapayo ng edukasyong elementarya sa UNESCO Consultative Education Mission sa Filipinas. Pagdating ng 1945, itinalaga siyang kinatawan ng bansa para sa pagsasaayos ng sistema ng pampublikong edukasyon sa Tsina. Nadagdag dito ang mga hinawakan niyang posisyon sa akademya, lalo na sa Unibersidad ng Pilipinas. Ipinakita ni Aguilar ang pagpapahalaga sa mga paaralang rural kahit sa kaniyang mga sinulat, gaya ng “Development of Community School Concepts in Other Countries”at “Community Schools of the Philippines.”  Isinulat rin niya noong 1948 ang nobelang The Great Faith, isang kuwentong umiikot sa pagbabago ng mga tradisyon ng Filipinas sa pagdating ng mga Hapones. Pinasimulan niya ang idea na gawing mas praktikal ang edukasyon depende sa ginagalawang lugar o pamayanan ng paaralan. Noong 1938, bumuo siyá ng isang programang pang-agrikultura sa isang maliit na paaralan sa Aklan, Capiz. Isang magsasaka ang nagkuwento sa kaniya ng mas produktibong pagsasaka ng palay at ito ay itinuro nilá sa buong probinsiya sa tulong ng 1,200 pang mga guro at tagasuporta. Kasabay ng pag-aaral ng mga magsasaka ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Ginamit nina Aguilar ang wikang Hiligaynon na lokal sa lugar ng mga mag-aaral. Ang mga ginawa niya sa sistema ng edukasyon sa Filipinas ay nagsilbing modelo ng iba pang proyekto. Namatay siya noong 31 Enero 1980. (CID) ed VSA

Emilio F. Aguinaldo(26 Marso 1869-6 Pebrero 1964)

Si Emilio Famy Aguinaldo (E·míl·yo Fá·mi A·gi·nál·do) ang una’t hulíng pangulo ng Unang Republika ng Filipinas. Ipinanganak si Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong 26 Marso 1869 kina Carlos Aguinaldo at Trinidad Famy. May kabuhayan ang pamilya niyá, ngunit tumigil sa pag-aaral sa Aguinaldo noong nása ikatlong taon ng segunda enseñanza at tumulong sa negosyo ng mga magulang. Noong 1895, nahalal siyá ng Kawit na capitan municipal, ang binagong tawag sa gobernadorsilyo o punò ng bayan sa ilalim ng Batas Maura. Ikinasal din siyá kay Hilaria del Rosario. Nang mabalitaan ang Katipunan, nagpunta siyá ng Maynila at nanumpang kasapi. Pagsiklab ng Himagsikang 1896, nakilála siyá sa mga matagumpay na labanan sa Cavite. Nang magkaroon ng halalan sa Tejeros noong 22 Marso 1897, siyá ang nahalal na pangulo ng binagong pamahalaang mapanghimagsik.  Inilipat niyá ang himpilan ng pamahalaang mapanghimagsik sa Biyakna-bato, San Miguel de Mayumo, Bulacan. Doon din siyá lumagda

sa kasunduan, ang Kasunduang Biyak-na-bato noong 14-15 Disyembre 1897, na pansamantalang nagtigil sa himagsikan hábang kusa siyáng nadestiyero sa Hong Kong kasáma ang iba pang lider rebolusyonaryo. Pagkaraan ng ilang buwan, bumalik si Aguinaldo sa Filipinas, ipinahayag ang kasarinlan ng Filipinas noong 12 Hunyo 1898 mula sa kaniyang tahanan sa Kawit, at sinimulan ang ikalawang yugto ng Himagsikang Filipino. Noong 23 Enero 1899, pormal na ipinahayag ang Unang Republika ng Filipinas sa Malolos, Bulacan. Halos kasunod nitó ang pagsiklab din ng Digmaang FilipinoFilipino noong Pebrero 1899 na nauwi sa pag-urong ng hukbong Filipino pa-Hilagang Luzon. Nadakip si Aguinadlo sa Palanan, Isabela noong 23 Marso 1901 at tuluyang bumagsak ang Republikang Malolos. Nabiyudo siyá noong 1921 at pinakasalan si Hilaria Agoncillo noong 1930. Kumandidato siyáng pangulo ng pamahalaang Komonwelt ngunit tinálo ni Manuel L. Quezon. Namatay siyá noong 6 Pebrero 1964 ngunit naabutan pa niyáng ipinahayag ni Pangulong Diosdado P. Macapagal ang Hunyo 12 bilang Araw ng Kalayaan ng Filipinas. (VSA)

Larry Alcala(18 Agosto 1926-24 Hunyo 2002)

15

Si Lauro Zarate Alcala (láw·ro zá·ra·té al·ka·lá) o mas kilala bilang si Larry Alcala ay isang nangungunang editorial cartoonist at ilustrador sa Filipinas. Tinatayang nakagawa siyá ng mahigit 500 cartoon characters, 20 comic strips, 6 pelikula, 2 murals, at 15,000 na nailimbag na pahina mula sa kaniyang 56 taon ng pagiging propesyonal na kartunista. Isinilang siyá sa Daraga, Albay noong 18 Agosto 1926 kina Ernesto Alcala at Elpidia Zarate. Nakapagtapos siyá ng kursong Bachelor of Fine Arts in Painting sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1950 sa ilalim ng scholarship mula sa pabliser na si Ramon Roces. Tumanggap din siyá ng Australian Cultural Award kasabay ng isang travel study grant noong 1975. Nagturo siya sa UP mula 1951 hanggang 1981. Nagsimula ang kaniyang karera bilang kartunista noong 1946 habang nag-aaral pa lamang. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nilikha niya ang kaniyang kauna-unahang comic strip na pinamagatang Siopawman na nailimbag sa komiks na Halakhak noong 1947. Sa naturang taon din niya nalikha ang Kalabog en Bosyo na gumamit ng Taglish bilang wika ng mga tauhan. Ito ang pinakamahabang seryeng kartun na ginawa ng isang Filipino. Naisapelikula ito noong 1957 ng Sampaguita Pictures na ginampanan nina Dolphy at Panchito Alba. Ang Slice of Life naman ang pinakasikat na seryeng kartun ni Alcala na sumasalamin sa mga katangi-tanging aspekto sa araw-araw na buhay sa Filipinas. Noong 1988, tumanggap ito ng parangal na Best in Humor dahil sa paglalarawan nito ng kakayahan ng mga Filipinong tawanan ang kanilang sarili anuman ang kanilang danasin sa buhay. Ang Mang Ambo naman, ayon mismo sa kaniya, ay larawan ng isang Filipinong nanatiling tradisyonal kahit na may nagaganap na urbanisasyon sa kaniyang paligid.  Ang ilan pang likha niya ay ang Tipin (1951-1965); This Business of Living (1961-1972); Loverboy (1964-1969); Project 13 (1966-1972); Barrio Pospak (1966-1972); Kongressman Kalog (1966-1972); Kalambogesyons (1966-1972); Smolbateribol (1972-1984); Mod-Caps (1974-2002); Snickerteens (1973-1984); Asiong Aksaya (1976-1984); Bing Bang Bung (19781989); at Laugh and Live, Life Today (1981-2002). Si Alcala ang nagpasimula ng paggamit ng animated cartoons sa mga television commercial gaya ng Caltex noong 1965 at Darigold Milk noong 1957. Dahil sa kaniyang kampanya sa pagpapaunlad ng ilustrasyon at commercial art sa Filipinas, naitatag ang Visual Communication Department sa UP College of Fine Arts noong dekada 50. Isinulong naman niya ang pagbuo ng grupo ng mga ilustrador ng mga pambatang libro at tinawag itong  Ang Ilustrador ng Kabataan (INK) noong 1991. Naging aktibong lider siyá sa mga organisasyong gaya ng Samahang Kartunista ng Pilipinas bilang pangulo 1979-1989 at bilang adviser 1989-2002; Art Directors Club of the Philippines bilang pangulo 1963-1964; Society of Philippine Illustrators and Cartoonists bilang ikalawang pangulo 1962-1963. Dahil sa hindi matatawarang dedikasyon, nakatanggap siya ng maraming parangal mula sa iba’t ibang organisasyon gaya ng UP College of Fine Arts,UP Alumni Association, Philippine Board on Books for Young People (PBBY), Archdiocese of Manila, Komiks Operation Brotherhood (Komopeb), Society of Philippine Illustrators and Cartoonists, Gawad CCP, at iba pa. (KLL) ed VSA

Ramón Alcaráz(31 Agosto 1915-25 Hunyo 2009)

Nitong 6 Mayo 2012, ipinahayag ni Pangulong Benigno Aquino III na pangangalanan ang ikalawang Hamilton Class Cutter ng hukbong dagat na BRP Ramon Alcaraz at marami ang nagtanong. Sino ba si Ramón Alcaráz? Isa siyáng ipinagmamalaking bayani ng hukbong dagat noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at may maningning na rekord ng paglilingkod hanggang magretirong komodor noong 1966. Ipinanganak si Alcaraz noong 31 Agosto 1913 sa Plaridel, Bulacan. Kumuha siyá ng pagsusulit para sa PMA noong 1936, nakapasá, at nagtapos kasáma ng 79 na bumubuo sa Class 1940. Pitó siláng sumapi sa Off-Shore Patrol. Pagsiklab ng digma, nadestino si Alcaraz sa First Q-Boat Squadron na binubuo ng mga torpedo boat. Siyá ang itinalagang komander ng Q-112 (Abra). Noong 17 Enero 1942, nakasagupa ng Q-112 ang siyam na dive bomber ng mga Hapones. Agad nagpaputok sina Alcaraz at tatlo sa mga eroplano ang tinamaan bago lumipad palayô. Dahil sa katapangan, ginawaran si Alcaraz ng Silver Star at itinaas sa ranggong unang tenyente. Nabihag ng mga kaaway si Alcaraz sa Paombong pagkaraang mapalubog ang Q-112 sa baybayin ng Bataan noong 10 Abril 1942. Ipiniit siyá sa Malolos. Nang palayain, sumapi siyá sa Philippine Constabulary ngunit ginamit itong panlilinlang para sa kaniyang pagtulong sa mga gerilya ng Bulacan at Hilagang Luzon. Pagkatapos ng digma, bumalik siyá sa hukbong dagat at ipinadalá sa Estados Unidos noong 1950 upang pag-aralan ang organisasyon ng US Marines. Noong 1952 at sa kainitan ng rebelyon ni Hajji Kamlon, inatasan si Alcaraz magpatrulya sa Dagat Sulu at matagumpay namang napayapa niya ang rehiyon.  Dahil dito, sinabitan siyá ng Military Merit Medal. Noong 1964, hinirang siyáng punò ng Naval Operations Force at nakaharang ng libo-libong pisong halaga ng puslit na sigarilyo. Hindi kinilála sa panahon ni Pangulong Marcos ang kaniyang tagumpay hanggang  magretiro. Naging kritiko siyá ng mga pambansang patakarang militar. Nang ideklara ang Batas Militar, inaresto si Alcaraz at napilitang umalis ng bansa. Namatay siyá noong 25 Hunyo 2009 sa Orange County, Timog California. (EGN ed VSA)

Federico A. Alcuaz(6 Hunyo 1932-2 Pebrero 2011)

Si Federico A. Alcuaz (Fe·de·rí·ko Ey Al·ku·wáz) ay isang prolipikong pintor, eskultor, at tanging Filipinong artista na nagkamit ng pinakamaraming gantimpala at parangal sa internasyonal sa larang ng pintura. Nominado siyá para maging Pambansang Alagad ng Sining sa Sining Biswal noong 2009. Isa siyá sa mga itinuturing na maestro ng abstraksiyon. Kung ang karamihan ng mga artist sa kaniyang panahon ay naging alagad ng modernismo at abstraksiyon dahil sa ito ang napapanahon, si Alcuaz ay nagsimula at nagpakahusay muna sa klasikong estilo bago tuluyang naging bihasa at nakilala sa abstraksiyon.  Una siyáng Filipino na nagwagi ng Prix Francisco Goya (1958). Sa Espanya, natamo rin niyá ang prestihiyosong Premio Moncada (1957), nagkamit siyá ng unang gantimpala sa Pintura Sant Pol del Mar (1961), at ikalawang gantimpala sa Premio Vancell sa Fourth Biennial ng Tarrasa, Barcelona (1964). Dito, gagamitin ni Alcuaz ang apelyido ng kaniyang ina upang makilala siyá sa iba pang Aguilar na kasama niyá sa grupong La Puñalada at apelyido ng karamihan noon sa Barcelona. Sa gulang na 24, itinanghal si Alcuaz na pinakabatang nagkaroon ng eksibit sa prestihiyosong Sala Direccion General, Museum of Contemporary Art sa Madrid. Susundan pa ito

16

sa Galerias Layetanas at Galerias Manila sa Barcelona. Sa Pransiya ay pinarangalan siyá ng Diploma of Honor sa International Exhibition of Art Libre (1961), Decoration of Arts, Letters and Awards na may ranggong Chevalier mula sa pamahalaang Pranses (1964) at Order of French Genius (1964). Si Alcuaz lamang ang tanging Filipino na nagkaroon ng mga pagtatanghal sa Alemanya, Pransiya, Amerika, at Espanya. Bagaman mahabàng panahon naglagi siyá sa Europa, di niyá nalimot bumalik sa Filipinas. Nakamit niyá dito ang maraming karangalan, kabílang ang Republic Cultural Heritage award, 1965; Araw ng Maynila Award, 1966, Outstanding Manileño, 2001; at  Presidential Medal of Merit, 2006. Isang aklat na pinamagatang Parallel Texts sa panulat din ni Alcuaz at Rod Paras-Perez ay inilathala ng Artlink Group Inc. Isinilang siyá sa Santa Cruz, Maynila noong 6 Hunyo 1932 kina Mariano Aguilar, isang abogado at Encarnacion Alcuaz. Layon ng amang maging  isang abogado siyá ngunit nanaig ang hilig sa sining. Ikinasal siyá kay Ute Gisela Schmitz, ang Alemang kumukuha ng kursong business at languages na nakilala niyá sa Barcelona. Nagkaroon sila ng tatlong anak—sina Christian Michael, Andreas Frederic, at Wolfgang Matthias. Pumanaw si Alcuaz noong 2 Pebrero 2011. (RVR) (ed GSZ) 

Jose Alejandrino(1Disyembre 1870-1 Hunyo 1951)

Si Jose Alejandrino (Ho·sé A·le·han·drí·no) ay isang hinahangaang heneral ng Himagsikang Filipino, propagandista, at senador. Naging kasapi siyá ng kilusang propagandistang La Solidaridad hábang nag-aaral sa Espanya. Bilang malapit na kaibigan ni Jose Rizal, siyá ang pinagkatiwalaan nitó na magdalá ng manuskrito ng El Filibusterismo sa palimbagan at mamahagi ng kopya. Noong 1896, naatasan siyáng magtungo sa Hong Kong upang bumili ng mga dinamita at armas para sa Himagsikang Filipino. Pagbalik sa bansa, naglingkod siyá sa Kongresong Malolos at itinalagang direktor ng agrikultura at hepe ng mga inhinyero ng hukbong katihan ng Filipinas.  Pagsiklab ng Digmaang Filipino-Amerikano, hinirang siyáng heneral at namunò sa mga sundalong nakatalaga sa Gitnang Luzon. Naging gobernador-militar siyá ng Pampanga pagkaraan. Nagsilbi rin siyá bilang kalihim ng digmaan ng pamahalaang rebolusyonaryo. Noong 1923, sa panahon ng pananakop ng Amerikano, itinalaga siyáng senador ng Mindanao at Sulu. Noong 1934, nahalal siyá bilang kinatawan ng Pampanga sa Kumbensiyong Konstitusyonal. Sumulat din siyá ng aklat na pinamagatang La Senda del Sacrificio na naglalarawan ng kaniyang mga pakikipaglaban noong Himagsikan. Isinilang siyá noong 1 Disyembre 1870 sa maykayang pamilya sa Binondo, Maynila. Nakamit niya ang Batsilyer sa Arte sa Unibersidad ng Santo Tomas bago nagtungo sa Espanya, at tumuloy sa Belgium upang ipagpatuloy ang pagpapakadalubhasa sa larangan ng chemical engineering sa Unibersidad ng Ghent. Pumanaw siyá noong 1 Hunyo 1951. (PKJ)

Jose Algue(22 Disyembre 1856-27 May 1930)

Si Jose Algue (Ho·sé ál·ge) ay isang Heswitang naging kilaláng meteorologo at siyentista. Naging direktor siya ng Manila Observatory at namunò ng unang Philippine Weather Bureau noong Panahon ng mga Amerikano. Isinulat niya ang Baguios o Ciclones Filipino noong 1897 at La Nubes en el Archipelago Filipino noong 1899, mga unang pag-aaral sa bagyo sa bansa. Kilalá siyá sa kaniyang imbensiyong barocyclonometer noong 1897. Isinilang siyá noong 22 Disyembre 1856 sa Manresa, Espanya, nag-aral sa eskuwelahang Espanyol, at pumasok na Heswita noong 17 Hulyo 1871 sa Andora. Noong 1889, nakilála niya ang Heswitang si Fr. Federico Faura, isa ring siyentista. Noong 1891, ipinadalá siyá sa Georgetown University sa Washington DC para palawakin pa ang kaniyang pagaaral sa meteorolohiya, seismolohiya, at astronomiya. Kasáma si Fr. Faura, pumunta silá sa iba’t ibang obserbatoryo sa Amerika at Europa, at dumating sa Filipinas noong 3 Pebrero 1894. Ang kaniyang Baguios o cyclones Filipinos: Estudio teorico-practico noong 1894 ang unang saliksik hinggil sa mga bagyo sa bansa. Noong 1897, naimbento niya ang barocyclonometer para sa mga bagyo sa Filipinas at Asia. Kinilála ng mga Amerikanong militar ang halaga ng pag-aaral ni Algue kayâ personal siyang dinalá kay Admiral Dewey. Mula noon, si Fr. Algue at ang Manila Observatory ay naging mahalaga sa kolonyalismong Amerikano. Noong 1899, inirekomenda nina Dean Conant Worcester at Charles Denby ng Schurmann Commission ang pagtatayô ng Philippine Weather Service at si Fr. Algue bilang unang direktor nitó. Noong 1900, sa ilalim ng direksiyon ni Algue, inilabas ang atlas ng Filipinas, isang resulta ng maraming taón ng kaniyang pag-aaral. Noong 22 Mayo 1901, sa ilalim ng Act. No. 131 ng Philippine Commission, ang Manila Observatory ay naging Philippine Weather Bureau. Noong 1905, bumalik sa bansa si Algue at nagkaroon ng unang warning system para sa mga bagyo ang Weather Bureau.  Sa mga huling taón ng kaniyang pamamalagi sa bansa, nakapagpagawa siyá ng 159 weather station, pati na ang 2 magnetic and seismic station. Noong 1924, nagretiro siyá sa Manila Observatory, nagbalik sa Tortosa, at namatay noong 27 Mayo 1930. Ang Manila Observatory ay nasira noong World War II. Sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 78 noong Batas Militar ay pinalitan ito bilang PAGASA. (KLL)

Natividad Almeda-Lopez(8 Setyembre 1892-23 Enero 1977)

Kinikilálang “Dekana ng mga babaeng hukom,” ipinanganak si Natividád Alméda sa Maynila noong 8 Setyembre 1892 at panganay sa anim na anak nina Koronel Manuel Almeda y Gomez at Severina Lerma.

Naging lisensiyado siyá sa hurisprudensiya noong 1913 at pumasá sa barsa sumunod na taón, isa sa unang abogadong babae. Limang taón siyá sa pribadong pag-aabogado bago pumasok sa gobyerno noong 1919 nang hirangin siyáng special attorney sa Bureau of Justice. Naharap siyá sa mahigpit na pakikipagkumpetensiyalaban sa mga lalaki. Gayunman, noong 1922, naging assistant attorney siyá sa opisina ni Leonard Wood at patuloy na tinangkilik ng mga sumunod na attorney general hanggang maging assistant attorney general.

Noong 1931, hinirang siyáng acting judge sa hukuman ng Maynila ni Justice Secretary Jose Abad Santos. Naging permanenteng hukom siyá noong 1936 at naglingkod hanggang 1951. Samantala, noong 1937 at 1938 natamo niya ang masterado sa batas at ang doktorado sa batas sibil mula sa Unibersidad ng Santo Tomas. Noong 1952, nahirang siyáng executive judge ng Manila Municipal Courts. Noong 1956, nahirang siyáng presiding judge ng Juvenile and Domestic

17

Relations Court, ang unang babaeng humawak ng posisyong ito sa Filipinas, at maging sa buong Asia. Noong 1961, nadagdagan ang kaniyang rekord nang mahirang siyáng unang babaeng associate justice sa Court of Appeals.

Hindi niya nalimot ang gawaing sibiko sa kabilâ ng mabigat na tungkulin sa hukuman. Naglingkod siyá sa mga samahang nagsusulong sa mga karapatan ng kababaihan. Isang samahan, ang La Proteccion de la Infancia, ang pinaglingkuran niya bílang pangulo sa loob ng dalawang dekada. Isa sa mga proyekto niya dito ang Manila Children’s Lying-In Hospital. Kasal siyá kay Domingo Lopez, dating gobernador ng Tayabas (binubuo ng Quezon at Marinduque noon). Tumanggap siyá ng mga mataas na gawad, kasáma ang presidential award of merit, bago namatay noong 23 Enero 1977. (GVS)

Vicente Alvarez(5 Abril 1862-4 Nobyembre 1943)

Matagumpay na pinunò ng Himagsikang Filipino sa Zamboanga, isinilang si Vicente Alvarez (Vi·sén·te Al·va·réz) noong 5 Abril 1862 kina Alejo Villasis Alvarez at Isidora Solis. Dahil malapit ang ama niyá kay Gobernador Heneral Ramon Blanco ay ginawa siyá nitóng segundo oficial mayor sa Malacañang. Malamit siyáng magbiyahe sa Mindanao at Sulu kayâ naging kaibigan siyá sa mga katutubo doon. Ngunit sanhi din ito ng nasaksihan niyáng pagmamalabis ng mga Espanyol sa mga katutubo, bukod sa mababàng trato sa mga Muslim.

Sumapi siyá sa Katipunan at nagtatag ng sangay nitó sa Zamboanga. Dahil sa pagsiklab ng Himagsikang 1896 ay hinatak ang mga puwersang Espanyol mulang Zamboanga upang idestino sa Luzon. Sinamantala ni Alvarez ang nabawasang puwersang Espanyol at sinimulan ang pag-aalsa sa Zamboanga noong Marso 1898. Nakuha niyá ang buong peninsula maliban sa mabigat na tanggulan ng daungan ng Lungsod Zamboanga at Fuerza Pilar. Dahil sa kaniyang tagumpay, hinirang siyá ni Pangulong Aguinaldo na lider ng gobyerno sa Zamboanga at Basilan.

Pinakamalaking tagumpay niyá ang pagbihag sa 13 bapor pandigma ng mga Espanyol noong 7 Abril 1898. Bahagi ang mga bapor ng plota ni Almirante Patricio Montojo na nakahimpil sa Kipot Basilan. Sa tulong ng dilim, pinangunahan ni Alvarez ang 100 manghihimagsik na lumusob sa mga bapor, pinatay ang mga opisyal, at inilipat ang mga ito sa bayan ng Mercedes. Noong 4 Mayo 1899, kinubkob ng hukbo ni Alvarez ang buong daungan at kuta ng Zamboanga at kinuha ito pagkaraan ng madugong labanan. Dahil dito, iginawad sa kaniya ni Aguinaldo ang ranggong heneral.

Noong 1900, inalok siyá ng mga Amerikano ng P75,000 para sumuko. Tinanggihan niyá ang alok. Nabihag siyá sa kabundukan ng Oroquieta, Misamis Oriental noong Marso 1900, dinalá sa Maynila, at ipiniit hanggang sumumpa ng katapatan sa Estados Unidos noong 2 Agosto 1901. Minahalaga ng mga Amerikano ang kaniyang karanasan kayâ binigyan siyá ng posisyon sa pamamahala ng Moro Province. Noong 20 Oktubre 1904, naging opisyal siyá sa Konstabularya ng Filipinas. Namatay siyá sa panahon ng Hapon noong 4 Nobyembre 1943 sa gulang na 81 taón. (VSA)

Encarnacion A. Alzona(23 Marso 1895-13 Marso 2001)

Pambansang Alagad ng Agham si Encarnacion Alzona (En·kar·nas·yón Al·zó·na) bilang isang pangunahing historyador at mananaliksik sa kasaysayan.  Kilala rin siyáng masugid na tagapagtaguyod ng kagalingan at karapatan ng kababaihang Filipino. Pinangunahan niyá ang paggiit sa karapatan ng kababaihan upang makaboto nang malaya. Bilang pagkilala sa kaniyang natatangi at makabuluhang pag-aambag sa larangan ng historyograpiyang Filipino at paggabay sa mga sumunod na henerasyon ng mga akademiko at historyador, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist) noong 1985.

Nilimbag noong 1932 ang A History of Education in the Philippines 1565-1930. Ito ang kauna-unahang aklat na sinulat ni Alzona. Komprehensibong tinalalakay nitó ang pag-unlad at mga makabuluhang pangyayari sa sistema ng edukasyon at kultura sa Filipinas mula

sa pananakop ng mga Espanyol hanggang sa kolonyal na paghahari ng Estados Unidos.   Ayon sa mga dalubhasa, ang akdang pangkasaysayan ni Alzona ay maituturing na pinakakompleto at lahatang-panig na pananaliliksik hinggil sa kalagayan ng edukasyon.  Naging pangunahin din siyáng tagasalin at tagapagpaliwanag ng mga akda ni Rizal. (SMP) (ed GSZ)

Galicano Apacible(25 Hunyo 1864-2 Marso 1949) Si Galicano Apacible (Ga·li·ká·no A·pa·síb·le) ay isa sa mga tagapagtatag ng La Solidaridad at naging unang pangulo nitó. Naging politiko siyá at kasapi Partido Nacionalista sa panahon ng pamahalaang kolonyal ng Amerika. Naging gobernador siyá sa Batangas at naging representante ng unang distrito ng Batangas. Isinulat niya ang To the American People, an Appeal, isang pangangatwiran sa mga mamamayan at pamahalaan ng Estados Unidos na huwag alisan ng kasarinlan ang Filipinas.

Isinilang sa Balayan, Batangas noong 25 Hunyo 1864, si Kanoy ang bunso sa tatlong anak nina Don Vicente Apacible at Catalina Castillo. Walong taon siyá nang matapos ang elementarya. Itinuloy niya ang pag-aaral sa Maynila—una sa pribadong eskuwelahan ni Benedicto Luna at pagkatapos ay pumasok sa Colegio de San Juan de Letran. Kasama ng nakatatandang kapatid na si Leon at ang pinsang si Jose Rizal, nanirahan silá sa isang paupahan sa 15 Kalye Anda sa Intramuros. Nag-aral siyá sa Unibersidad de Santo Tomas ng medisina. Nakagalit niya ang isang paring Dominiko doon kayâ nagpasiya siyáng ipagpatuloy ang pag-aaral sa Europa. Natapos niya ang kaniyang Bachiller en Artes sa Instituto del Tarragona at ang kaniyang Licenciado sa medisina at pagtistis sa Universidad de Barcelona noong Nobyembre 1889. Itinuloy niya ang kaniyang doktorado sa medisina sa Universidad Central de Madrid. Naging aktibo siyá sa mga kilusang politikal sa Espanya.

18

Nang magbalik sa Filipinas noong 1892, nalaman niyang ipinatapon ang kapatid niyang si Leon sa Lepanto habang si Rizal ay sa Dapitan. Pinagsospetsahan siyá ng pamahalaan dahil sa pagiging aktibo sa mga kilusang politikal sa Espanya at gayundin sa pagiging Mason. Nagpunta siyá sa Hong Kong kasama ang pamilya ni Rizal upang makaiwassa pagdakip. Sa Hong Kong, naging tagapayo siyá ng Alto Consejo de los Revolucionarios at naging tagapamahala ng Comite Central Filipino. Noong 1899, ipinadala siyá sa Estados Unidos kasama si Rafael del Pan bilang kinatawan ng pamahalaang Rebolusyonaryo ng Filipinas upang makipag-usap sa pamahalaang Amerikano. Noong 1903, nagbalik siyá sa Manila at nagsimulang manggamot. Nagtrabaho siyá sa San Lazaro Hospital 1906-1907. Nagsimula rin ang kaniyang karera bilang politiko. Naging gobernador ng Batangas noong 1907, representante ng unang distrito ng Batangas 1909-1912, bise presidente ng Partido Nacionalista, at unang kalihim na Filipino ng departamento ng agrikultura sa ilalim ng pamahalaang kolonyal ng Amerika na iniwan din niya dahil sa karamdaman.

Naaksidente siyá noong 1944 at nabulag noong 1947. Namatay siyá noong 2 Marso 1949 at inilibin

Leon Apacible(25 Oktubre 1861-1901)

Isang katangi-tanging ilustrado at Propagandista, si Leon Apacible (Le·ón A·pa·síb·le), kapatid ng bantog ding si Galicano, ay isinilang noong 25 Oktubre 1861 sa Balayan, Batangas, kina Vicente Apacible at Catalino Castillo na kapuwa mulang mariwasang pamilya. Nag-aral siyá sa Ateneo Municipal, kaeskuwela ni Rizal, at tulad ni Rizal ay sobresaliente o may pinakamataas na marka sa lahat ng klase.

Naging lisensiyado siyá sa hurisprudensiya noong 1886, nag-abogado sa Batangas, nagtatag doon ng Masoneriya, at nahirang na hukom sa Lungsod Batangas. Napangasawa niya si Matilde Martinez ng Taal at nagkaroon silá ng tatlong anak. Kasáma siyá sa mga dinakip pagsiklab ng Himagsikang 1896 at ipinatápon sa Lepanto (Bontoc ngayon). Nakabalik siyá sa Batangas dahil sa Kasunduang Biyak-na-Bato, at lumahok sa ikalawang yugto ng Himagsikan bilang ayudante ni Heneral Malvar. Pinangunahan niya ang salakay sa Lungsod Batangas.

Nahirang siyang kinatawan ng Lepanto sa Kongresong Malolos. Magkasulatan silá ni Galicano, na naging bahagi ng Hong Kong junta. Minsan, naisulat ni Galicano ang kaniyang kabiguan sa Republikang Malolos dahil marami sa mga opisyal ang “inkompetente, tamad, at napakabagal magpasiya sa mabibigatna usapin.” Inalok ni Galicano si  Leon na sumáma sa kaniya sa Hong Kong. Ngunit nanatili si Leon sa Filipinas. Sa Digmaang Filipino-Amerikano, umuwi si Leon sa Taal at nagnegosyo. Namatay siyá noong 1901 sa gulang na 40 taón. Isang marker sa kaniyang alaala ang inilagay ng National Historical Institute sa kaniyang bahay sa Taal noong 1970. Noong 1976, ibinigay ng kaniyang apóng si Meyor Corazon Cañiza ang bahay at mga dokumento ni Leon sa gobyerno. Ipinaayos ng NHI ang bahay bílang memoryal. (GVS)

Cecilio Apostol(22 Nobyembre 1877-17 Setyembre 1938)

Si Cecilio Apostol (Se·síl·yo A·pos·tól) ay isang pangunahing makata, mananaysay, tagasalin, at editor sa wikang Espanyol.

Isinilang siyá sa Santa Cruz, Maynila noong 22 Nobyembre 1877 kina Jose Pablo Apostol, isang bookkeeper, at Marcelina delos Reyes. Nagkaroon siyá ng anim na anak sa asawang si Margarita San Jose. Noong kaniyang kabataan, mahilig siyáng sumulat ng tula at magpinta. Nagtapos ng batsilyer sa Ateneo Municipal de Manila noong 1894 at pagkaraan ay kumuha ng abogasya sa Universidad de Santo Tomas. Inihinto niya ang pag-aaral ng abogasya upang sumama sa Himagsikang 1896.

Nagsimula ang hilig niya sa panitikan sa Ateneo. Sumasama siya sa mga pulong ng mga manunulat sa Intramuros at nahilig magbasá ng panitikang Espanyol. Noong 1899, sumama siya sa La Independencia na itinatag ni Antonio Luna. Nakapagsulat siya sa mga pahayagang nasyonalistiko tulad ng La Patria, La Fraternidad, La Democracia, El Renacimiento, at La Union.

Dahil likás na mapag-isa, pinili niyang magtrabaho na lamang bilang manunulat at tagasalin sa city attorney’s office ng Maynila noong 1903 habang ipinagpapatuloy ang kaniyang abogasya sa UST. Bagaman hindi niya nakuha ang kaniyang degree, nakapasa siyá sa bar exam at nakapagtrabaho sa law office ni Vicente Francisco.

Ang ilan sa mga una niyang tula gaya ng “El tenor de los Mares Indicos” ay lumabas sa El Comercio noong 1895. Ang mga tanyag niyang katha ay mayroong temang patriyotiko gaya ng “Los martires anonimos de la patria,” “Al Yankee,” at “Rizal” noong 1899. Nagkamit ng gantimpala mula sa Club Internacional ang kaniyang mahabàng tula na “Mi raza.” Nagsulat din siyá ng mga tula hinggil sa mga kilalang personalidad gaya nina Marcelo H. del Pilar, Manuel Ravago, at Wenceslao E. Retana. Ang kaniyang “A Emilio Jacinto” ay nanalo sa isang patimpalak para sa naturang bayani noong 1914 habang ang kaniyang “Sobre el pinto” ang pinag-ugatan ng bansag na Dakilang Lumpo kay Apolinario Mabini. Isinalin niya sa iba’t ibang wika ang ilang kathang Filipino, tulad ng D ekalogo ni Andres Bonifacio sa wikang Pranses at ng epikong Lam-ang sa wikang Espanyol. Tinipon ang kaniyang mga tula sa librong Pentelicas na inilabas noong 1940s.

Dahil sa ipinamalas na husay sa pagtula, minsan nang ginamit ang kaniyang mga akda upang ituro ang wikang Espanyol sa ilalim ng Republic Act No 1881 kahanay nina Jose Rizal, Fernando Ma. Guerrero, Jose Palma, Claro M. Recto, at iba pa. Kinikilala din maging sa ibang bansa ang kaniyang husay—isinama ang kaniyang mga tula at talambuhay sa Anthology of Spanish Poetry ni Carl Kjersmeier at sa Enciclopedia España. Namatay siya noong 17 Setyembre 1938 sa Caloocan, Rizal (Lungsod Kalookan ngayon) at ipinangalan sa kaniya ang isang malaking paaralang publiko sa naturang lungsod. (KLL) ed VSA

Melchora Aquino(6 Enero 1812-2 Marso 1919)

Binansagang “Tandang Sora” si Melchora Aquino (Mel·tsó·ra A·kí·no) bilang pagkilala sa kaniyang paglilingkod at pagkakanlong sa mga kababayan noong Himagsikang 1896 kahit na siyá ay nasa katandaang gulang na. Itinuturing siyá bilang “Ina ng Rebolusyong Filipino,” “Ina ng Katipunan,” at “Ina ng Balintawak.”

19

Isinilang siyá sa Balintawak noong 6 Enero 1812 sa bayan ng Kalookan (at ngayon ay matatagpuan sa Lungsod Quezon) kina Juan at Valentina Aquino, pawang mga maralita. Sa kaniyang pagtigulang, ikinasal siyá kay Fulgencio Ramos, isang cabeza del barrio. Nagsilang siyá ng anim na anak. Pumanaw si Ramos noong pitong taon pa lamang ang kanilang bunso. Kahit nag-iisang magulang, naging abala si Aquino sa mga pista, binyag, at kasal bilang hermana mayor.

Nang sumiklab ang rebolusyon laban sa mga Espanyol noong 1896 ay 84 taong gulang na si Aquino. Ngunit hindi naging sagabal ang kaniyang edad upang makapaglingkod sa mga Katipunero. Naging kanlungan ng mga hapo at sugatang mandirigmang Filipino ang kaniyang tahanan at munting tindahan, na ginagamit ding lihim na pulungan ng mga ito. Pinakakain sila ni Tandang Sora at pinapupunta sa lugar na ligtas sa pang-uusig ng mga Espanyol. Nangangalap din siyá ng mga damit at gamot para sa kanila. Nasaksihan niyá at ng kaniyang anak na si Juan Ramos ang pagpunit ng mga sedula sa Unang Sigaw.

Dahil sa pagkakasangkot sa Himagsikan, hinúli siyá ng guwardiya sibil at dumaan sa interogasyon. Tumanggi siyáng magpahayag ng kaalaman ukol sa mga gawain ng Katipunan. Ipinatapon siyá ng mga Espanyol sa Guam sa Islas Marianas. Nang masakop ng mga Amerikano ang Filipinas noong 1898, kasama si Aquino sa mga pinalaya at pinabalik sa bansa. Namatay siyá noong 1919 dahil sa katandaan at inilibing sa sarili niyáng bakuran, na ngayon ay bahagi na ng Himlayang Pilipino Memorial Park. Ipinangalan sa kaniya ang isang distrito, isang barangay, at isang pangunahing daan ng Lungsod Quezon. Siyá ang kauna-unahang Filipina na mailagay sa salaping papel ng Bangko Sentral ng Pilipinas (100 pisong papel mula 1951 hanggang 1966); lumabas din siyá sa 5 sentimong barya mula 1967 hanggang 1992.

Ipinahayag ang taong 2012 bilang Taon ni Tandang Sora bilang paggunita sa ikalawang sentenaryo ng kaniyang kapanganakan; inilipat ang mga labí ni Aquino mula sa Himlayang Pilipino patungo sa Pambansang Dambana ni Tandang Sora sa Banlat Road, Barangay Tandang Sora, Lungsod Quezon. (PKJ) (ed VSA)

Gregorio S. Araneta(19 Abril 1869-9 Mayo 1930)

Si Gregorio Soriano Araneta (Gre·gór·yo Sor·yá·no A·ra·né·ta) ay isang abogado at politikona naging pinakabatàng associate justice sa kasaysayan ng Korte Suprema, at unang Filipino na humawak ng mataas na posisyon noong panahon ng pamahalaang Amerikano.

Pagkatapos pumasá sa pagsusulit sa abogasya, pumasok siyá sa law office ni Don Jose Ycaza bago maging auxiliary register of deeds ng timog distrito ng Maynila (1894-1895) at nanunungkulang piskal (1896). Noong panahon ng Himagsikang Filipino, nanungkulan siyáng kalihim ng Kongreso ng Malolos at Kalihim ng Katarungan ni General Emilio Aguinaldo. Noong 1899, sa panahon ng Amerikano, itinalaga siyá ni Heneral Elwell Otis bilang Associate Justice ng Korte Suprema. Noong 1901, itinalaga naman siyáng Solicitor General, at noong 1906, Attorney General. Noong 1908, hinirang siyáng kasapi ng Philippine Commission at Kalihim ng Katarungan at Kasapian. Pagkatapos ng kaniyang panunungkulan noong 1913, nagtayô siyá ng sariling law office at nagturo ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Tumakbo siyá bilang Senador noong 1916 ngunit hindi pinalad na magwagi. Nang inalok siyá ni Ispiker Sergio Osmeña na maging Punòng Mahistrado ng Korte Suprema, tinanggihan niya ito upang magbigaydaan kay Manuel Araullo, na pakiramdam niya ay mas karapat-dapat sa posisyon.

Isinilang siyá noong 19 Abril 1869 sa Molo, Iloilo kina Felix Araneta at Paz Soriano. Nag-aral siyá sa mga pribado at pampublikong eskuwelahan sa Molo bago mag-aral ng sekundarya sa Ateneo Municipal de Manila. Sa Ateneo din siyá nagtapos ng batsilyer en artes. Noong 1891, nakamit niya ang Licenciado en Derecho sa Unibersidad ng Santo Tomas.      Nagkaroon siyá ng 14 anak sa asawang si Carmen Zaragoza. Pumanaw siyá noong 9 Mayo 1930 sa atake sa puso. Ipinangalan sa kaniya ang isang pangunahing abenida sa Lungsod Quezon at ang De La Salle Araneta University (dating Gregorio Araneta University Foundation). (PKJ) ed VSA

Juan Araneta(13 Hulyo 1852-3 Oktubre 1924)

Si Juan Araneta (Hu·wán A·ra·né·ta), kilalá bilang Don Juan, ay lider sa Rebolusyong Negros. Isa rin siyáng tagapanguna sa pagsasaka dahil sa pagdadalá niya ng mga makabagong pamamaraang agrikultural sa bansa.

Isinilang siyá noong 13 Hulyo 1852 sa Molo, Iloilo kina Romualdo Araneta at Agueda Torres. Lumipat ang mga Araneta sa Negros at doon na namalagi. Nag-aral siyá ng Komersiyo sa Ateneo Municipal de Manila. Nang magbalik sa Molo, hinirang siyá bilang Capitan del Pueblo. Naghinala sa kaniya ang mga fraile noon ngunit dahil sa mataas na respeto sa kaniya ng mga taumbayan ay hindi siya mapatalsik.

Noong 1891, matapos mamatay ng kaniyang asawa, ay nagpunta siyá sa Europa kasáma ang kaibigang si Don Caludio Reina. Nagkaroon siyá ng pagkakataóng makilála ang mga lider na Filipino na nása Madrid, London at Paris. Lalong nag-init ang mga fraile sa kaniya nang siyá ay bumalik sa bansa. Inagaw ang kanilang lupa at kinailangan niyang dalhin sa Bundok Kanlaon ang

kaniyang pamilya upang magsimula ng bagong sakahan.

Ang kaniyang mga paglalakbay sa Europa ang nagbukás sa kaniya sa mga makabagong kagamitang pang-agrikultura tulad ng sugar mill mula sa Inglatera na inilagay niya sa kaniyang asyenda sa Dinapalan, baler para sa abaca, rice thresher at iba pa. Naging mapaghinala ang mga awtoridad na Espanyol sa mga idinedeskarga sa kaniyang lupain sa Lumangub. Dinakip siyá at dinalá sa Concordia noong Enero 1897. Ipiniit siyá sa Himamaylan, sa Ilog, na kabisera noon ng probinsiya, at sakâ sa Bacolod upang doon pakawalan noong Oktubre 1897.

Noong 5 Nobyembre 1898, naging matagumpay ang Rebolusyong Negros. Kasáma si Heneral Aniceto Lacson bilang Presidente, siya ay naging Kalihim ng Digma sa itinatag na Republikang Negros. Nang dumating ang mga Amerikano sa Iloilo, ipinayo niyang sumunod ang Republika sa mga ito. Noong 1904, isa siyá sa mga naging komisyoner sa St. Louis Exposition. Itinanghal niya ang iba’t ibang klase ng bigas, kakaw, abaka, at iba pang ani mula Negros at Panay. Nagpatuloy siyá sa pagpapaunlad ng agrikultura, sa kagamitan man o sa mga itinatanim. Isa siyá sa mga nagtatag ng Ma-ao Sugar Central.

20

Nagkaroon siyá ng 25 anak sa apat na naging asawa na sina Celestina Diaz, Cristeta Sarmiento, Natalia Salsalida, at Juanita Camillarosa. Namatay siyá noong 3 Oktubre 1924 sa Negros Occidental. (KLL)

Liwayway A. Arceo(30 Enero 1920-03 Disyembre 1999)

Si Liwayway Ablaza Arceo (Li·way·wáy A·blá·za Ar·sé·o) ay isa sa mga nangungunang kuwentista, radio scriptwriter, mananaysay, tagasalin, at editor sa wikang Tagalog.

Isinilang siyá noong 30 Enero 1920 sa Tondo, Maynila kina Gregorio Arceo at Amada Ablaza. Nagkaroon siya ng anim na anak sa asawang makatang si Manuel Principe Bautista. Nang makapagtapos sa Torres High school, pumasok siyá sa Balita at naging unang babaeng kawani ng isang pahayagang Tagalog. Gumanap siyá sa pelikulang Tatlong Maria kasama sina Carmen Rosales at Norma Blancaflor noong 1943. Nang muling alukin sa pag-arte, tinanggihan niya ito at mas pinili ang pagsusulat.

Noong dekada 50, nagsulat siyá ng mga script para sa Ilaw ng Tahanan, ang unang radio soap opera sa bansa na nagtagal nang halos 10 taon. Siyá rin ang nasa likod ng mga script na binabasa noon ng mga gaya ni Tiya Dely Magpayo sa programang Ang Tangi Kong Pag-ibig at Kasaysayan ng mga Liham ni Tiya Dely noong mga taóng 1960 hanggang 1990; at Helen Vela sa programang Lovingly yours, Helen noong mga taóng 1970.

Nakapagsulat siyá nang halos 50 nobela, libong maikling kuwento, sanaysay, at dramang panradyo. Naging pinakatanyag ang kaniyang mga nobel- ang Canal de la Reina (1972) at Titser (1995). Ang ilan naman sa kalipunan ng kaniyang mga maiikling kuwento ay: Uhaw ang Tigang na Lupa at Iba Pang Katha (1968); Mga Piling Katha (1984); Ina, Maybahay, Anak, at Iba Pa (1990); Ang Mag-anak na Cruz (1991). Naging editor din siyá ng seksiyong Bagong Dugo sa Liwayway at ng seksiyong pangkonsiyumer sa Balita.

Marami siyáng isinaling akdang relihiyoso sa wikang Filipino. Ang pinakamalaking proyekto na marahil ay ang pagsasalin ng Bibliya kasama ang kaniyang asawa at iba pang kapuwa manunulat. Naisalin din sa iba’t ibang wika ang kaniyang mga akda tulad ng: Canal de la Reina at Uhaw ang Tigang na Lupa sa wikang Nihonggo at Banyaga sa wikang Bulgaryan, Ruso, at Ingles, at umani ng mga parangal mula sa mga pangunahing institusyong gaya ng Katipunang Pambansa ng Alagad ng Sining, Don Carlos Palanca Memorial Awards, Catholic Mass Media Awards, Cultural Center of the Philippines, Linangan ng Wika sa Pilipinas,Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas, Asian Catholic Publishers, University of the Philippines, at iba pa. (KLL) ed VSA

Tomas Arejola(18 Setyembre 1866-Mayo 1926)

Isang makabayang abogado at masipag na Propagandista, si Tomas Arejola (To·más A·re·hó·la) ay isinilang noong 18 Setyembre 1866 sa Nueva Caceres (Lungsod Naga ngayon) sa mariwasang pamilya nina Antonio Arejola at Emeterio Padilla. Nakatapos siyá ng perito agronomo sa Colegio de San de Letran at kumuha ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Ngunit nagpunta siyá ng Espanya noong Agosto 1888 at tinapos ang abogasya sa Universidad Central de Madrid.

Napalahok siyá sa Kilusang Propaganda nang sumapi sa Asociacion Hispano-Filipino na itinatag ni Miguel Morayta noong 12 Hunyo 1889 at lumakad sa Batas Maura noong 1893. Itinatag pagkuwan ni Tomas ang Circulo Hispano-Filipino na siyá ang unang pangulo at si

Mariano Ponce ang kalihim. Naging masipag na manunulat si Tomas sa mga diyaryo sa Espanya at marami sa mga ito ang atake laban sa mga abuso at katiwalaang nagaganap sa Filipinas. Nang sumiklab ang Himagsikang 1896, isinangkot at dinakip siyá at ipiniit sa Carcel Modelo ng Madrid, kasáma ang anim pang miyembro ng Circulo at Mason. Ang kaniyang amang si Antonio Arejola ay dinakip din sa Filipinas at ipinatápon sa Fernando Po sa Kanlurang Afrika. Nang pawalan, ipinagpatuloy ni Tomas ang gawaing propagandista hábang nása Espanya. Nahirang siyáng kinatawan ng Ambos Camarines sa Kongresong Malolos bagaman nása Espanya siyá.

Pumunta siyá sa Singapore at sa Hong Kong upang tumulong mag-organisa ng mga Filipino doon. Noong 1902-1906, kasáma siyá ni Mariano Ponce sa Japan. Nang umuwi siyá sa Filipinas, naging aktibo siyáng kasapi ng Partido Nacionalista sa Bikol at nahalal na kinatawan sa Philippine Assembly. Pinakamahalagang ginawa niya ang pagiging isa sa awtor ng Philippine Public Library Act noong 1908. Kumandidato siyáng senador noong 1916 at nagwagi. Gayunman, di siyá nakaupô dahil pinawalangbisa ang halalan dahil sa mga katiwalaan. Nagretiro sa politika si Tomas at namatay noong Mayo 1926. Napangasawa niya si Mercedes Caldera y Olarte ngunit wala siláng naging anak. (GVS)

Juan M. Arellano(25 Abril 1888-5 Disyembre 1960)

Si Juan M. Arellano (Hu·wán eM A·rel·yá·no) ang isa sa pinakamahusay na arkitekto sa kasaysayan ng Filipinas. Marami sa kaniyang mga gusaling nananatiling nakatayô ang itinuturing na dakilang sagisag ng arkitektura at sining na Filipino. Kilalá siyá sa paggamit ng estilong Neoklasiko at Art Deco sa kaniyang mga obra. Ilan sa mga tanyag na likha ni Arellano ay ang:

Metropolitan Theater (1935), Maynila    Legislative Building (1926; ngayon ay kilalá bilang Old Congress 

Building at tahanan ng Pambansang Museo), Maynila

Manila Central Post Office (1926), Maynila

21

Negros Occidental Provincial Capitol (1936), Bacolod

Cebu Provincial Capitol (1937), Cebu

Bank of the Philippine Islands Cebu Main Branch (1940), Cebu  

Misamis Occidental Provincial Capitol (1935), Oroquieta

Jones Bridge (1916; nawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pinalitan ng bagong Jones Bridge)

Center for West Visayan Studies and Museum, UP Visayas (dating Iloilo City Hall), Iloilo

Jaro Municipal Building (ngayon ay tahanan ng pulisya sa Jaro), Iloilo

Malcolm Hall, UP Diliman (Lungsod Quezon)

Isinilang siyá noong 25 Abril 1888 sa Tondo, Maynila kina Luis C. Arellano at Bartola de Guzmán. Nag-aral siyá sa Ateneo Municipal de Manila. Una niyang hilig ang pagpipinta, at nagsanay siyá sa ilalim nina Lorenzo Guerrero, Toribio Antillon, at Fabian de la Rosa. Pinilì niyang hasain ang talino sa ibang uri ng sining at ipinadala sa Estados Unidos bilang isa sa mga unang pensiyonado sa larang ng arkitektura. Noong 1911, pumasok siyá sa Pennsylvania Academy of the Fine Arts bago lumipat sa Drexel Institute upang tapusin ang kaniyang digri. Nagtrabaho muna siyá sa Lungsod ng New York bago umuwi sa Filipinas. Nanungkulan siyá bilang supervising architect ng Kawanihan ng Pagawaing Bayan kasáma si Tomas Mapua. Bukod sa mga proyektong nakalista sa itaas, lumikha siyá at si Harry Frost ng disenyo para sa Lungsod Quezon, na siyáng magiging bagong kabisera ng bansa. Nagkaroon siyá ng isang anak sa asawang si Naty Ocampo. Ilang taon bago pumanaw, bumalik siyá sa pagpipinta at nagtanghal ng mga obra sa Manila YMCA. Pumanaw siyá noong 5 Disyembre 1960. (PKJ) ed VSA

Manuel E. Arguilla(Hunyo 1911-Disyembre 1944)

Isang pangunahing kuwentista sa Ingles si Manuel Estabillo Arguilla (Man·wél Es·ta·bíl·yo Ar·gíl·ya). Nakilála siyá sa kaniyang mga maikling kuwento na nalimbag sa iba’t ibang magasin, tinipon sa koleksiyong How My Brother Leon Brought Home a Wife and Other Stories (1940), at nagwagi ng unang gantimpala sa kategoryang maikling kuwento sa Ingles sa Commonwealth Literary Contest. Itinuturing na pinakamahalaga sa mga kuwento niyá ang “How My Brother Leon Brought Home a Wife,” “Midsummer,” “Long Vacation,” at “Caps and Lower Case.”

Walang ulat sa tiyak na araw ng kaniyang pagsilang at kamatayan. Isinilang si Arguilla boobg 1911 sa La Union at anak ng magsasaka at karpinterong si Crisanto Arguilla at ni Margarita Estabillo. Nagsilbing tagpuan ng mga tanawing Ilokano ang kaniyang bayan sa mga hinahangaang kuwento niyá ng katutubong kulay. Mistulang impiyerno naman ang pagtatanghal niyá ng maralita sa lungsod sa “Caps and Lower Case.”

Nagtapos siyá ng Edukasyon sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1933. Hábang nag-aaral ay naging kasapi siyá ng U.P. Writers Club at editor ng The Literary Apprentice. Nagturo siyá sa University of Manila at naglingkod na editor ng publikasyon ng Bureau of Public Welfare noong 1943. Naging asawa niyá si Lydia Villanueva na isa ring manunulat. Ang kanilang tirahan sa Ermita, Manila ay tinaguriang “The Porch” dahil nagsilbing tagpuan ng mga artist, manunulat, at patron ng panitikan. Sa panahon ng Pananakop ng mga Hapones ay kumilos siyáng espiya ng mga gerilya, nadakip noong Oktubre 1944, pinarusahan sa Fuerza Santiago, at hindi na nakitang buháy. (JGP) (ed VSA)

Jose Maria Asuncion(14 Disyembre 1869-2 Mayo 1925)

Isang kinikilálang pintor, naglingkod sa hukbong rebolusyonaryo, at isa  sa unang guro sa pintura sa UP School of Fine Arts. Isinilang si Jose Maria Asuncion (Ho·sé Ma·rí·ya A·sun·syón) noong 14 Disyembre 1869 sa Sta. Cruz, Maynila kina Hilarion Asuncion at Marcela Reymundo. Isang mang-uukit sa kahoy ang kaniyang ama at anak ito ng bantog na si Leoncio Asuncion. Nagtapos siyá ng batsilyer sa Ateneo de Manila at nag-aral sa Academia de Dibujo y Pintura. Tinangkilik siyá ni Agustina Medel, mayari ng Teatro Zorilla, hábang nag-aaral sa Paris noong 1890. Doon niya nakilála sina Juan Luna at Feliz R. Hidalgo. Lumipat siya sa Madrid at nag-aral sa Escuea de Bellas Artes, 1891-1895. Tumanggap siyá ng ilang premyo hábang nag-aaral. Bumalik siyá sa Maynila noong 1895 at naging assistant sa Escuela Profesional de Artes y Oficio sa Iloilo hanggang Nobyembre 1898. Lumahok siyá sa ikalawang yugto ng Himagsikang Filipino at naging tagapangasiwa ng suplay ng hukbo sa Iloilo. Nalipat siyá sa pagtatayô ng tanggulan sa Jaro, La Paz, at ibang pook, at naging kapitan noong Pebrero 1899. Pagkatapos ng Digmaang Filipino-Amerikano, isináma niya ang asawang si Juana Hubero sa Calbayog, Samar at pagkatapos, sa Tacloban Leyte. Apat na taón siyá doon

na nagpipinta ng tanawin at talon, at pumasok sa potograpiya para kumita. Bumalik siya sa Maynila noong 1905, nag-aral ng abogasya, naging miyembro ng Partido Independista, at nagsulat sa iba’t ibang peryodiko. Nang buksan ang University of the Philippines School of Fine Arts, tinanggap ni Asuncion ang pagiging guro noong 1 Hunyo 1909 at naging kalihim nitó noong 1911. Itinuturing siyá ni Fabian de la Rosa na natatanging espesyalista sa “still life.” Ang mga pag-aaral niya sa kasaysayan ng sining sa Filipinas at dibuho ng mga tradisyonal na kasuotan ay itinuturing na napakahalaga sa naturang mga paksain. Namatay siyá noong 2 Mayo 1925. (GVS) 

22

 Leoncio Asuncion(12 Setyembre 1813-1888)

Isang natatanging eskultor ng mga paksaing relihiyoso, isinilang si Leoncio  Asuncion (Le·ón·syo A·sun·syón) noong 12 Setyembre 1813 sa Sta. Cruz, Maynila. Noong 1830, naglingkod siyáng eskultor sa Taller de Escultura, at lumitaw pagkuwan na pinakamahusay sa eskulturang relihiyoso sa Filipinas noong ika-19 siglo. Itinayô niya at kapatid na si Manuel, isa ring eskultor, ang isang talyer na naging bantog sa paglikha ng estatwang relihiyoso. Marami sa mga sumikat na eskultor ang naging estudyante ng magkapatid na Asuncion. Nililok ni Leoncio ang bantog na “La Tercera Caida” na naglalarawan sa ikatlong pagkadapa ni Kristo patungo sa Kalbaryo. Ipinuprusisyon ito hanggang ngayon sa paligid ng Simbahang Sta. Cruz. Lumikha rin siyá ng Nakapakòng Kristo sa marmol, at mga estatwa ng santo. Hinahangaan ang mga likha ni Leoncio sa simetriya at nilalik na kagandahan. Sinasabing nadulutan niya ang kaniyang mga likha ng “damdamin at kariktang makasining.” Namatay si Leoncio noong 1888. Nitóng 1983, naglagay ang National Historical Institute ng isang marker sa harap ng Simbahang Sta. Cruz bílang pagpupugay sa kaniyang alaala. (GVS)

 

23