7 macario pineda

7
ANG POLITIKA NG PANTASYA SA ANG GINTO SA MAKILING Edgar Calabia Samar “The most authentic vocation of romance in our time would [be]… to express that ideology of desacralization by which modern thinkers… have sought to convey their sense of the radical impoverishment and constriction of modern life. So the great expressions of the modern fantastic, the last unrecognizable avatars of romance as a mode, draw their magical power from an unsentimental loyalty to those henceforth abandoned clearings across which higher and lower worlds once passed.” — Frederic Jameson, The Political Unconscious DAHIL SA SAKIT, maagang pumanaw sa edad na 38 si Macario Pineda noong Agosto 2, 1950. Nakapagsulat siya ng walong nobela at anim sa mga ito ay nalathala noong nabubuhay pa siya, kabilang ang ikalawa niyang nobela, Ang Ginto sa Makiling, na inilathala sa Aliwan noong 1947. Bago ito, nakapagsulat na siya ng mga kuwento sa Ingles bago nga siya tumutok sa pagsusulat sa Tagalog simula noong 1943. Sinabi ni Soledad S. Reyes (1971) sa kaniyang masteral tesis ukol sa mga katha ni Pineda na “bagaman maigting ang pagmamalay sa pangingibabaw ng Ingles sa pagsulat ng panitikan [noon], pinili pa rin ni Macario Pineda na isulat ang kaniyang mga akda sa wikang ginagamit at nauunawaan ng kaniyang mga kababayan.” Gayumpaman, kinikilala pa rin ni Reyes na may posibilidad ng tagisan sa pagitan ng diwang makabayan at ng pangangailangang praktikal sa gitna ng ganitong pasya. Alalahanin na simula sa pagpasok ng digmaan noong 1941, mas maraming magasin na mapaglalathalaan sa Tagalog kaysa sa Ingles, at hindi iilang manunulat sa Ingles ang nagsimulang magsulat sa Tagalog. Pagsusulat ang pangunahing ikinabubuhay ni Pineda, at kumikita umano siya ng isang libong piso para sa bawat nobela at animnapung piso para sa bawat maikling kuwento. Samantala, kailangan ding banggitin na sa gitna nito’y sumali siya sa propaganda corp ng mga gerilya at kinilala bilang beterano pagkatapos ng digmaan.

Upload: windz-ferreras

Post on 16-Jan-2016

131 views

Category:

Documents


2 download

TRANSCRIPT

Page 1: 7 Macario Pineda

ANG POLITIKA NG PANTASYA SA ANG GINTO SA MAKILING

Edgar Calabia Samar

“The most authentic vocation of romance in our time would [be]… to express that ideology of

desacralization by which modern thinkers… have sought to convey their sense of the radical

impoverishment and constriction of modern life. So the great expressions of the modern fantastic, the

last unrecognizable avatars of romance as a mode, draw their magical power from an unsentimental

loyalty to those henceforth abandoned clearings across which higher and lower worlds once passed.” —

Frederic Jameson, The Political Unconscious

DAHIL SA SAKIT, maagang pumanaw sa edad na 38 si Macario Pineda noong Agosto 2, 1950.

Nakapagsulat siya ng walong nobela at anim sa mga ito ay nalathala noong nabubuhay pa siya, kabilang

ang ikalawa niyang nobela, Ang Ginto sa Makiling, na inilathala sa Aliwan noong 1947. Bago ito,

nakapagsulat na siya ng mga kuwento sa Ingles bago nga siya tumutok sa pagsusulat sa Tagalog simula

noong 1943.

Sinabi ni Soledad S. Reyes (1971) sa kaniyang masteral tesis ukol sa mga katha ni Pineda na

“bagaman maigting ang pagmamalay sa pangingibabaw ng Ingles sa pagsulat ng panitikan [noon], pinili

pa rin ni Macario Pineda na isulat ang kaniyang mga akda sa wikang ginagamit at nauunawaan ng

kaniyang mga kababayan.” Gayumpaman, kinikilala pa rin ni Reyes na may posibilidad ng tagisan sa

pagitan ng diwang makabayan at ng pangangailangang praktikal sa gitna ng ganitong pasya. Alalahanin

na simula sa pagpasok ng digmaan noong 1941, mas maraming magasin na mapaglalathalaan sa Tagalog

kaysa sa Ingles, at hindi iilang manunulat sa Ingles ang nagsimulang magsulat sa Tagalog. Pagsusulat ang

pangunahing ikinabubuhay ni Pineda, at kumikita umano siya ng isang libong piso para sa bawat nobela

at animnapung piso para sa bawat maikling kuwento. Samantala, kailangan ding banggitin na sa gitna

nito’y sumali siya sa propaganda corp ng mga gerilya at kinilala bilang beterano pagkatapos ng digmaan.

Sa pambungad nina Francis Macansantos at Priscilla Macansantos sa kanilang sarbey ng mga

akdang pampanitikan sa Pilipinas na nalimbag pagkatapos ng digmaan, agad nilang kinilala na

nangunguna ang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda. Sa kabila ito ng laksa-laksang nobela na

nalathala sa mga unang taon pagkatapos ng digmaan. Sa silid-aklatan lamang ng Pamantasang Ateneo

de Manila, halimbawa, matatagpuan ang mahigit sandaang iba pang nobelang inilathala sa pagitan

lamang ng mga taong 1945 at 1947, kalimitan ay ng Palimbagang Tagumpay na siya ring unang naglatha

sa Ang Ginto sa Makiling noong 1947. Kabilang sa mga manunulat na naglathala rin ng nobela noong

1947 sina Faustino S. Aguilar, C. Galvez Almario, Liwayway A. Arceo, Nemesio E. Caravana, Florentino T.

Collantes, Ruperto S. Cristobal, Susana C. De Guzman, Jesus S. Esguerra, Catalino V. Flores, Hilaria Labog,

Page 2: 7 Macario Pineda

Adriano P. Laudico, Juan Rivera Lazaro, Patricio Geronimo Mariano, Hernando R. Ocampo, Carlos Padilla,

Aurea Jimenez Santiago, Alfonso Sujeco, at R.S. Teodoro. Maliban sa Ang Ginto sa Makiling, inilathala rin

ni Pineda angHalina sa Ating Bukas noong 1947.

Napahalagahan nina Macansantos si Pineda dahil iniugat umano nito sa “moda ng pantasyang

romantiko” ang Ang Ginto sa Makiling, katangiang tinaglay umano ng ating mga awit, korido at komedya

sa tradisyon ni Balagtas. Sa kabila nito, binigyan nila ng diin na ito ay “naratibong simbolikal na may

halagang sosyal, moral at politikal” (akin ang diin).Kinilala ni Reyes (2007) ang tatlong “ginto sa Makiling”

nobela ni Pineda: una ang mga literal na piraso ng ginto na matatagpuan sa Paraiso ng Makiling, ikalawa

ang mga “kakanggata ng ating lahi” na nananahananan na noon sa Makiling, at ikatlo ang mga

henerasyon umano ng Filipino “na gagamitin ang kanilang pinag-aralan upang maampat ang pagdudusa

ng mga kababayan.” Kung aalalahanin na sinulat nga ito Pineda sa mga unang taon ng pagbangon ng

Pilipinas pagkatapos ng digmaan, mauunawaan ang ideyalismong inaasahan mula sa mga mamamayang

magbabangon sa bansa.

Kumpara sa realismong panlipunan sa mga nobela ng tulad nina Lazaro Francisco at Amado V.

Hernandez, tinataya nina Macansantos na nagkaroon ng higit na datíng sa mga mambabasa ang Ang

Ginto sa Makiling dahil nakaugat ito sa pandama- at paniniwalang-bayan. Sinabi naman ni Anacleto I.

Dizon na maaaring malaki ang papel ng paghawak ni Pineda sa Tagalog, sapagkat “[a]ng kagandahan ng

kanyang lengguwehe ay bihirang matagpuan sa lahat ng manunulat sa daigdig, sapagkat iyon ay nasa

kasimplehan.” Balintunang naisakatuparan niya ito sa pamamagitan ng pagsisikap niyang “muling

magamit ang mga salitang malaon nang nawala sa bokabularyo ng mga taga-Bulacan noon pa mang

ikalimang dekada.” (Reyes, 1990) Ayon sa panayam ni Reyes sa nabalo ni Pineda, sinasadya umano ni

Pineda ang matatanda sa Bigaa upang magtanong ukol sa ilang mga salita na siyang aangkop sa ibig

niyang ipahiwatig. Pansinin na mula sa mga punang ito makikita ang politika sa pagtatangka ni Pineda na

ibalik ang tradisyong bayan sa panitikan: ang ituring na estetiko ang popular, na muling iugat sa panlasa

ng mga mamamayan ang kasiningan.

Gayumpaman, halos lahat ng mga nabanggit na pag-aaral kay Pineda at sa Ang Ginto sa

Makiling ay nagtutuon sa poetika at estetika ng akda. Si Reyes nga halimbawa, kahit sa kaniyang mga

kasunod na paghahalaga kay Pineda, ay nagtuon sa mga tema at pamamaraan ng pagkukuwento ni

Pineda. Si Dizon naman ay sa bisa ng wika at karakterisasyon sa mga akda ni Pineda. Hindi gaanong

napagtuunan ng pansin ang kontextong politikal sa kaniyang mga pag-akda. May pahapyaw lamang

pagbanggit si Dizon sa bisa ng paggamit sa mitolohiya at arketipo sa pamamagitan ng larawan ni

Mariang Makiling, na mainam sanang naisulong. Mabisa ang paggamit aniya sa diwata ng Makiling,

Page 3: 7 Macario Pineda

“[s]apagkat ang alamat ng isang lahi ay kinaiimbakan ng natatagong kamalayan ng sambayan, masisinag

dito ang nakakubling minang kaugalian at kabihasnang napalangkap at natakpan na ng mga kabaguhang

umiiral sa kasalukuyang panahon. Sa pamamagitan ng pamamaraang mitolohiko ay nagsasiyentipiko o

sosyologo si Macario Pineda sa kanyangGinto sa Makiling upang ipaliwanag sa ating mga ninuno na

nakaimbak sa ating kamalayan dandantaon na ang nakalilipas.”

Mainam sana kung naiugnay ni Dizon ang paggamit ni Pineda kay Mariang Makiling bilang

impluwensiya sa nauna nang politisasyon ni Rizal sa larawan ng diwata nang una niyang isatitik sa dulo

ng siglo 19 ang laganap na noong naratibo nito. Alalahanin na nang gumawa ng sariling bersiyon ng

kuwento Mariang Makiling si Rizal, nailathala na ang Noli Me Tangere at kasalukuyan niyang tinatapos

ang El Filibusterismo. Sa bersiyon ni Rizal, malinaw ang paggigiit ng mga komentaryong panlipunan ukol

sa usapin ng lupa at pang-aabusong politikal. Bukod dito, hayag din na bahagi ito ng malawakang

propagandang isinasagawa ng mga Filipino noon sa Espanya upang isalba ang kulturang katutubo sa

gitna ng namamayaning Hispanisasyon. At ayon nga kay Resil B. Mojares sa kaniyang sanaysay na

“Waiting for Mariang Makiling,” “[t]he notion of lost reciprocities in the Mariang Makilang legend was a

major chord in a nationalist discourse… [and] Rizal’s nostalgic evocation of the legend is written into this

larger political narrative.”

Malinaw na isa sa mga nililingon ni Pineda ang nobela ni Rizal, lalo pa at nang banggitin niya na

isa sa mga nananahan sa Bundok Makiling ang mag-inang Sisa at Crispin, ang mga pinaslang ng kasawian

sa kolonyalismong Kastila na para bang hindi pa sapat ang naging pagturing sa kanila bilang baliw at

kriminal. Makikita rito na hindi “surface mining” lamang ang ginagawa ni Pineda, di gaya ng madalas

mangyari sa ibang texto na bunga ng “lack of appreciation for the integrity and complexity of folklore”

(Mojares 2002). Sa nobela ni Pineda, sadyang nililinang ang implikasyong politikal ng imahen na

nakabaon sa di-malay ng bayan. Kailangang ipagpalagay na dahil kay Rizal, may malay si Pineda sa

alingawngaw na maaaring likhain ng paggamit kay Mariang Makiling bilang textong kilala ng bayan.

Sa pagtalakay sa mga teknik ni Pineda sa nobela, binabanggit ang ideyalisasyon ng

pagtatangkang kumatha ng Utopia o Paraiso, subalit hindi tinalakay ang papel ng pantasya at

kababalaghan upang magsulong ng politika. Mahalaga ito sapagkat matatagpuan ang elementong ito sa

mga katutubong epiko, alamat at kuwentong bayan na malinaw na pinaghahanguan ni Pineda, gaya ng

sinabi ni Dizon. Huwag nang sabihin pa na hindi ito nalalayo sa istratehiya ng marvelous realism na

kinasangkapan naman ng mga manunulat sa Timog Amerika upang ipakilala ang kanilang uri ng tuligsa sa

kolonisasyon at neokolonyalismo. At ayon nga kay Gabriel Garcia Marquez, para sa kanila’y hindi ito

kamangha-mangha sapagkat likha lamang ng guniguni. Madalas na ang pagturing sa mga ito bilang

pantasya o kababalaghan ay nagmumula sa imposisyon ng inaasahan sa isang “realidad” na nagmumula

Page 4: 7 Macario Pineda

sa labas. Kaya naman, ibinulalas niya matapos tanggapin ang Nobel noong 1982 na, “[t]he interpretation

of our reality through patterns not our own, serves only to make us ever more unknown, ever less free,

ever more solitary.” Sa kaso natin, kailangang tingnan na matagal nang kinikilala ng mga mamamayan

ang Makiling, gaya ng iba pang bundok sa Pilipinas, bilang sagradong sentro ng isang bayang

“emergent.” (Mojares) Para sa bayan, higit na kamangha-mangha kung hindi ito ituturing bilang

kamangha-mangha.

Subalit ano nga ba ang pagturing at bisa ng mahika sa loob ng naratibo ni Pineda? Hindi kagaya

sa mga koridong tulad ng Ibong Adarna na may malinaw na tagisan ng majica blanca at negra, sa

nobela’y may isang uri lamang ng mahika—at iyon ay ang mahika ng Makiling. Pansinin na ang

kasalukuyan sa nobela (1947) ay isang panahong mabuway ang relasyon ng mga tauhan sa mahikang ito:

may mga naniniwala gaya ng mamamahayag na siya ring tagapagsalaysay; may hindi naniniwala gaya ni

Bato na kasamahang mamamahayag ng tagapagsalaysay na pinagtatawanan ang liham ni Esteban Reyes

sa posibilidad na si Mariang Makiling ang dahilan ng pagkawala ng isang matandang babae sa Bulacan; at

may walang pakialam, gaya ni Danding Del Mundo na siyang patnugot ng lathalain ng Ramon Roces na

pinagsusulatan ng tagapagsalaysay. Nagiging mahalaga rin kung gayon na sa Maynila ito maganap upang

itanghal ang lungsod bilang ultimong sityo ng kawalang-katiyakan, ng pag-aalinlangan sa harap ng mga

hindi nito maipaliwanag o pinipiling hindi ipaliwanag. At mula rito, inililimbag ang mga pahayagan bilang

sityo ng diskurso—upang ipahayag na ang anumang mahika at kamangha-mangha ay hindi

kinakailangang totoo, basta’t mapag-uusapan.

Sa harap nito, mahalagang alalahanin ang paalala ni Mojares na “folklore can serve

contradictory interests—the legitimation of a dominant social order or its demystification and

subversion.” Sa harap ng pantasya lalong nagiging kritikal na usapin ang realismo bilang moda ng

representasyon na lubhang nabigyan ng pagkiling sa itinuturing na pambansang panitikan. Sa isang

sanaysay, tinalakay ni Roland Tolentino ang halaga ng perspektibo bilang siyang “pinagmumulan ng

realismo o ang estetika ng pag-unawa sa mundo ng naratibo” na kakawing naman ng demokratikong

nasyonalismong ibinubunga ng pesimismo sa realidad. Pansinin na sa nobela, may pagkukuwadro ng

naratibo sa pamamagitan ng isang tagapagsalaysay na pinagsasalaysayan din lamang ng isang matanda

(si Tata Doro) na siyang talagang saksi sa mga pangyayari. Sa loob ng salaysay ni Tata Doro, ipapahayag

ang pagpapatong-patong pa ng pagsasalaysay ng ilang pantastikong detalye sa pamamagitan ng

pagkukuwento niya sa ilang mga ikinuwento rin lamang sapagkat hindi niya nasaksihan—gaya ng

talagang nangyari kay Edong nang mahulog ito sa bangin, o ng nangyari kay Sebio nang sinundan niya

ang inakalang tinig ni Edong at pagkatapos ay humahangos na nagbalik na animo’y nabaliw. At paano

nga tatayain ang hanggahan ng kamalayang musmos ni Doro (anim na taon siya noon) na siyang

pinaghuhugutan ng pag-alala sa kasalukuyan ng naratibo (apatnapu’t anim na taon na siya).

Page 5: 7 Macario Pineda

Samantala, kung titingnan ang padron ng karanasan ng isang bayani, makikitang agad-agad na

problematiko ang pagpoposisyon kay Edong bilang bayaning epiko. Totoong umalis din siya sa simula,

subalit upang gawin ang kanyang trabaho na tungkuling pang-ekonomiya niya sa pamilya at hindi sa

bayan. At kahit sa harap ng ganitong padron, walang hayag na kritika sa kapitalismo ang katauhan niya.

Kuntento siya sa kaniyang trabaho, mabuti ang pakikitungo sa kaniya ni Ba Tomas na siyang may-ari ng

bigasan. Wala ang pesimismong sinasabi ni Roland Tolentino na mahalagang naging katangian ng

kinilalang pambansang panitikan.

Walang digmaang naghihintay sa kaniyang pakikipagsapalaran—at kung mayroon mang

tunggalian, ito’y higit na eksistensiyal at hindi materyal—ang pagpipilit na makuha ang dapo para sa

iniibig na si Sanang at ang pagliligtas sa inakay na naging dahilan ng pagkakahulog niya sa bangin.

Pagkatapos noon, sasabihin sa kaniya ni Mariang Makiling na nagawa na niya ang kaniyang pananagutan

sa daigdig. Wala ang ringal ng pakikihamok ng isang bayani sa epiko. Bukod dito, pinili pa niya ang

katiwasayan sa Makiling, na maaaring tingnan bilang pagtakas sa mga suliranin at kasawian sa daigdig na

ibig na niyang talikuran basta’t kasama si Sanang. Sa malaking bahagi ng nobela, wala na ngang pisikal na

presensiya si Edong. Pantasya na rin maging ang pagmamasid niya kay Sanang at pagliligtas dito nang

pagtangkaan ng binatang taga-Santol, pantasyang naipapahatid na lamang sa pamamagitan ng patotoo

ng itinuturing na baliw sa bayan, si Nanong Balabal. Sa ganitong ebalwasyon nagmumukhang si Edong

ang ganap na kataliwas ng ayon kay Tolentino’y buháy na karanasan na siyang inaasahang “extensyon ng

produksyon ng pagsasakatuparan ng pinakaasam na katarungan sa lipunan.”

Gayumpaman, kailangan ngang kilalanin din na hindi ganoon kasimple ang ebalwasyon sa

pagkakabuo sa katauhan ni Edong dahil mayroon ngang pangako na iiwan din niya ang Utopia ng

Makiling balang-araw upang kaharapin ang hamon ng daigdig kasama ang mga bayani ng lahi. Kung

kailan, hindi tiyak si Tata Doro bagaman inaasam niyang ito’y ngayon na. Sa bandang huli, lalaging

magiging suliranin ang isang politika na nakaangkla sa pagpapaliban o walang-humpay na pagtanaw

lamang sa hinaharap o sa darating samantalang may kasalukuyan na kailangang bunuin. Ito marahil ang

pinaghuhugutan ng malalim na buntong-hininga ni Tata Doro sa katapusan ng nobela, kasabay ng isang

dalangin sa pagbubukas sa wakas ng mina ng ginto sa Makiling.