ibon praymer sa pambansang kalagayan matuwid na landas sa pakikibaka hulyo 2011

28
PRAYMER Matuwid na Landas ng Pakikibaka IBON Center 114 Timog Avenue, Quezon City, P.O. Box 1172, Quezon City Central Office, 1151 Quezon City Tels. 927 7060 to 62 Fax 929 2496 E-mail: [email protected] IBON Foundation, Inc Hulyo 2011 PRAYMER G anap nang isang taon mula sa unang SONA ng Pangulong Benigno Aquino III. Isang taon na rin mula nang marinig ng mamamayang Pilipino ang mga pangako ng pagsugpo sa kahirapan, pag- inam ng ekonomya, pagkamit ng kapayapaan at mga pangarap na pwede na raw gawin sa ilalim ng matuwid na landas. Duda man ang mamamayan, marami pa rin ang nagbakasakali at umasang ang pagbabago ng gubyerno ay magpapahinto sa pagragasa ng pagtaas ng halaga ng pamumuhay, pagbagsak sa kabuhayan, dislokasyon sa komunidad, pagawaan at sakahan na iniluwal ng mga patakarang globalisasyon at pag-abuso sa kapangyarihan ng itinakwil na gubyerno ni Gloria Arroyo. Hinanap ng mamamayan kung saan magsisimula at saan patutungo ang sinasabing matuwid na landas ng bagong gubyerno.

Upload: karlo-mikhail-mongaya

Post on 12-Sep-2014

467 views

Category:

Documents


24 download

TRANSCRIPT

PRAYMER

Matuwid na Landas ng Pakikibaka

IBON Center 114 Timog Avenue,

Quezon City, P.O. Box 1172,

Quezon City Central Office,

1151 Quezon City Tels. 927 7060 to 62

Fax 929 2496 E-mail: [email protected]

IBONFoundation, Inc

Hulyo 2011

PRAYMER

Ganap nang isang taon mula sa unang SONA ng Pangulong Benigno Aquino III. Isang taon na

rin mula nang marinig ng mamamayang Pilipino ang mga pangako ng pagsugpo sa kahirapan, pag-inam ng ekonomya, pagkamit ng kapayapaan at mga pangarap na pwede na raw gawin sa ilalim ng matuwid na landas. Duda man ang mamamayan, marami pa rin ang nagbakasakali at umasang ang pagbabago ng gubyerno ay magpapahinto sa pagragasa ng pagtaas ng halaga ng pamumuhay, pagbagsak sa kabuhayan, dislokasyon sa komunidad, pagawaan at sakahan na iniluwal ng mga patakarang globalisasyon at pag-abuso sa kapangyarihan ng itinakwil na gubyerno ni Gloria Arroyo. Hinanap ng mamamayan kung saan magsisimula at saan patutungo ang sinasabing matuwid na landas ng bagong gubyerno.

2 IBON Praymer Hulyo 2011

3 IBON Praymer Hulyo 2011

1

Pero isang taon na ang lumipas, madilim pa rin ang matuwid na landas at wala ni kislap ng liwanag na matanaw sa pinatutunguhan ng landas na pilit na pinadadaanan sa atin ng gubyernong pinagkatiwalaan ng mamamayan. Dahil matapos ang isang taon, ang matuwid na landas ni Aquino ay siya ring landas na binuksan ni Arroyo at ng iba pang nagdaang rehimen. Nag-iiba lamang ang mga palamuti, karatula at pintura pero bulok pa rin ang kalsada. Nagbago lamang ang mga tao sa gubyerno, pero nananatili pa rin ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino.

Ano ang naging kalagayan ng kabuhayan ng mamamayan sa unang taon ng gubyernong Aquino?

Pwede na raw mangarap ulit ang mamamayan sa ilalim ng bagong gubyerno. Ito ang huling salitang iniwanan ni Pangulong Aquino sa kanyang unang state of the nation address (SONA) noong nakaraang taon.

Pero sa loob ng isang taon, hindi pangarap kundi bangungot ang dinanas ng mamamayan dahil sa mas miserableng pamumuhay sa ilalim ng sinasabing “tapat at tumutugong” bagong gubyerno ni Aquino. Nagpatuloy ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin at bayarin at lalo pang bumagsak ang kita ng mamamayan. Higit pang naglaho ang mga makabuluhang trabaho habang ang mga lupaing ipinaglaban at maging ang mga napagwagian na ay ipinagkakait pa rin sa mga magsasakang dekadekada nang nakikibaka para sa tunay na repormang agraryo.

Matarik ang naging pagtaas ng presyo ng mga bilihin at singilin noong nakaraang taon. Ramdam na ramdam ito ng mamamayan lalo pa’t napakababa ng kinikita ng karaniwang manggagawa at empleyado. Ayon sa National Statistics Office (NSO), ang year-on-year inflation rate o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay signipikanteng tumaas sa 5.2% nitong Hunyo 2011 mula sa 3.7% noong Hulyo 2010. Lalong naramdaman ang pagtaas ng halaga ng pamumuhay dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pinakaimportanteng produkto at serbisyong kailangan ng mamamayan.

Subalit ang matarik na pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo ay direktang iniresulta ng mga patakaran ng gubyerno na sa halip na baguhin ay ipinagpatuloy pa ng administrasyong Aquino. Halimbawa, mas tumindi ang

4 IBON Praymer Hulyo 2011

dalas at laki ng itinaas ng presyo ng napakahalagang produktong petrolyo sa ilalim ni Aquino dahil sa patuloy na deregulasyon ng industriya. Buong kalayaang humahakot ng limpaklimpak na tubo ang mga dayuhang monopolyong kumpanya sa langis habang patuloy naman ang kabig ng gubyerno mula sa 12% value added tax (VAT) na ipinapataw nito. Tumaas ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG), gasolina at diesel ng 18% hanggang 37% sa unang taon ng administrasyong Aquino.

Ang patuloy namang pribatisasyon ng mga susing yutilidad ang direktang dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng tubig at kuryente. Sa nakaraang taon, ang singil sa tubig ay itinaas ng Manila Water ng 12% at 23% naman ang idinagdag ng Maynilad na nagpasinungaling sa pangakong pagbaba sa presyo nito noong ipinapanukala pa lamang ang pribatisasyon ng patubig sa Kamaynilaan. Tumaas din ang singil sa kuryente na bagamat bahagya lamang noong nakaraang taon subalit sa pangkalahatan ay nagpapatuloy ang pagtaas nito mula nang ipatupad ang Electric Power Industry Reform Act ng 2001 (EPIRA). Katunayan, ang presyo ng kuryente sa Pilipinas ang pinakamataas sa Asya.

Kasabay nito, nagtaasan din ang presyo ng pagkain laluna ang isda at gulay. Pero sa halip na gumawa ng mga hakbang ukol dito, patuloy pang itinutulak ng gubyernong Aquino ang pribatisasyon ng National Food Authority (NFA) na lalo pang magpapataas sa presyo ng bigas at mais na pangunahing pagkain sa bansa.

Mataas na nga ang presyo, wala pang pambili ang mamamayan kahit na ang mga swelduhang manggagawa at kawani. Patuloy na nakapako ang sahod ng mga manggagawa at kawani sa halagang napakalayo sa aktwal na halagang kailangan para mabuhay. Halimbawa, nitong Mayo 2011, ang inumentong Php22 sa cost of living allowance (COLA) ng gubyerno para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) ay ikinainsulto ng mga manggagawa na ilang taon nang humihiling ng dagdag sa minimum na pasahod ng mga manggagawa sa bansa. Sa NCR ang minimum na pasahod na Php426 ay di hamak na napakaliit kumpara sa tinatayang Php998 na halagang kailangan para mabuhay sa isang araw ang isang pamilyang may anim na miyembro. Ibig sabihin, hindi pa rin sasapat kahit na dalawa pa ang minimum wage earner sa isang pamilya.

Ang malala pa nito, bumababa naman ang halaga ng piso dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Kung tutuusin, ang Php426 na minimum na pasahod sa

5 IBON Praymer Hulyo 2011

NCR ay nagkakahalaga lamang ng Php245 kung itutuos ito sa mga presyo noong taong 2000. Ibig sabihin, mas mataas pa ang tunay na halaga ng minimum na pasahod noong panahon ng kurap na gubyernong Macapagal-Arroyo. Noong 2002, tinatayang Php258 ang tunay na halaga (kumpara sa presyo noong 2000) ang minimum na pasahod noon na Php280.

Nakikipagdweto pa ang gubyernong Aquino sa mga dayuhan at lokal na kapitalista na hindi raw makatwiran ang anumang pagtaas sa sahod ng mga manggagawa dahil magdudulot ito diumano ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pagkalugi ng mga mamumuhunan. Pero tumataas ang presyo dahil sa mga patakarang liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon ng gubyerno at hindi dahil sa pagtaas ng sahod na hindi naman nangyari nitong mga nakaraang taon.

Hindi rin naman ikalulugi ng mga kapitalista ang pagkakaroon halimbawa ng Php125 across the board na sahod sa mga manggagawa. Noong 2008, ang mga establisimyento sa bansa na may mahigit 20 manggagawa ay kumita ng pinagsamang tubo na Php895.2 bilyon ayon mismo sa 2008 Annual Survey of Philippine Business and Industry (ASPBI) ng NSO. Halimbawa, kung ipapatupad ang Php125 pagtaas sa minimum na pasahod, madadagdagan ang kita ng bawat manggagawa ng Php3,802 kada buwan. Kung itutuos ito sa 2.7 milyong manggagawa na saklaw ng nabanggit na mga establisimyento, aabot sa kabuuang Php135.6 bilyon ang gagastusin ng mga employer para sa dagdag na sahod. Di hamak na napakaliit nito (15% lamang ng kanilang kabuuang tubo) habang may naiiwan pang Php759.6 bilyon sa kanilang tubo.

Kung ipapartikularisa sa NCR, mababawasan lamang ng Php61 bilyon o mababawasan ng 17.3% ang kabuuang tubong Php352.1 bilyon ng mga empresa sa NCR. Gasino na lamang ito kung ikokonsidera ang pangkalahatang epekto ng paglakas ng kakayahang makabili at pag-inam ng kabuhayan ng mga manggagawa na pangunahing pwersa sa produksyon.

Pero ito ay kung meron nalilikhang makabuluhang trabaho. Sa nakaraang taon, lalo pang tumindi ang kawalan ng hanapbuhay sa bansa. Sinisikap itong pagtakpan ng gubyerno sa pamamagitan ng pagbabago ng upisyal na depinisyon ng walang trabaho sa bansa. Kaya naman ayon sa gubyerno, bumaba sa 7.2% nitong Abril 2011 mula sa 8.0% noong Abril 2010 ang unemployment rate sa bansa. Pero sa kwenta ng IBON, ang tunay na tantos ng kawalang

6 IBON Praymer Hulyo 2011

trabaho sa bansa (unemployment rate) ay aabot sa 10.9% o aabot sa 4.5 milyong manggagawa ang walang mapasukang trabaho. Totoo rin namang may bahagyang pagbaba dito (sa tantya ng IBON ay 0.7%) pero ang kalakhan ng mga trabahong nalikha ay mga kontraktwal at mababa ang pasahod.

Halos 9 sa bawat 10 walang trabaho ay tapos ng high school o nakatuntong sa kolehiyo. Patunay na ang kawalan ng hanapbuhay ay hindi dahil sa kakulangan sa edukasyon kundi sa kawalan ng oportunidad sa ekonomya ng bansa. Kaya naman sa kabila ng kawalang katiyakan, patuloy ang nangingibang bansa upang magbakasakaling makahanap ng trabaho na kung tutuusin ay maliit din ang kita kumpara sa gastusin at sa ibang pang sakripisyo. Sa datos mismo ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), umaabot sa 4,030 kada araw ang umaalis para magmigrante na mas mataas sa 3,897 noong 2010.

Hindi rin nagbago at lalo pang sumahol ang kalagayan ng mga magsasaka sa kanayunan. Ipinagpatuloy din ng gubyernong Aquino ang huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na muling binihisan sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program with Extension and Reforms (CARPer). Sa unang 9 na buwan ng CARPer sa gubyernong Aquino, nagtala lamang ito ng monthly average na 19,901 ektarya ng lupang naipapamahagi. Bagamat mas mataas ito nang bahagya sa buwanang rekord ng gubyernong Arroyo (17,311 ekt), mas mataas namang di hamak ang sa gubyernong Ramos (38,229 ekt), Corazon Aquino (28,711 ekt) o kay Estrada (26,032 ekt). Pero ang maka-panginoong maylupa na simpatya ng gubyernong Aquino ay lalo pang nalalantad sa walang kahihiyan nitong pagsasawalang kibo sa makatarungang pakikibaka ng mga magsasaka para maipamahagi ang lupa ng Hacienda Luisita na pag-aari ng pamilyang Cojuangco at Aquino.

Ilan lamang ito sa mga patunay na hindi nagkaroon ng pagbuti sa kabuhayan o nagkaroon man lang pag-asang mangarap ang mamamayan sa unang taon ng gubyernong Aquino. Winaldas ng gubyernong Aquino ang unang taon nito na walang ginawa kundi magpapogi at mangako ng pag-inam ng buhay.

7 IBON Praymer Hulyo 2011

Bakit lalo pang lumulubha ang kalagayan ng ekonomya ng bansa sa “matuwid na daan” ng gubyernong Aquino?

Ang matuwid na daan ng gubyernong Aquino ay ekstensyon ng maka-imperyalistang landas ng gubyernong Arroyo. Sa unang taon ng panunungkulan, matuwid at diretsong ipinagpatuloy ni Aquino ang dati nang mga patakaran ng imperyalistang globalisasyon na lalo pang pinasahol ng gubyernong Arroyo sa panahon nito.

Bumagal sa 4.9% ang paglago ng gross domestic product (GDP) sa unang kwarto ng 2011 kumpara sa 8.4% na iniulat nito sa kaparehong kwarto noong nakaraang taon. Bagamat hindi istriktong maikukumpara ang mga quarterly GDP growth rate, mapapansin ang tuluy-tuloy na pagbagal ng ekonomya mula sa 8.9% noong ikalawang kwarto ng 2010, 7.3% ng ikatlong kwarto, 6.1% noong huling kwarto at naging 4.9% nitong unang kwarto ng kasalukuyang taon.

Itinuturo ng gubyerno ang sisi sa mga eksternal na salik tulad ng makupad na takbo ng pandaigdigang kalakalan at maski sa mga kaguluhang pampulitika sa ibang bahagi ng mundo tulad ng mga kaganapan sa Gitnang Silangan at Hilagang Africa. Totoong may epekto sa lokal na ekonomya, subalit higit pa sa mga salik na ito, ang talagang nagbubunsod ng pagbagal ng ekonomya ay mga salik na internal at matutunton sa mga batayang depekto ng istruktura ng ekonomya ng bansa.

Sa pangkalahatan, ang panapanahong “paglago” ng ekonomya ng bansa ay nagtatakip lamang sa permanenteng krisis na sa paghahalinhinan ng mga administrasyon ay lalo pang lumalala. Makikita ang krisis sa ekonomya ng bansa sa papabagsak na agrikultura dahil sa patuloy na monopolyo sa malalawak na lupaing agrikultural ng mga panginoong maylupa at dayuhang korporasyon. Lalo pa itong ramdam sa patuloy na pagnipis ng lokal na industriya na naging tagapag-asembol na lamang ng mga imported na yaring produkto at napakababa ng dagdag na halaga. Sa pamamagitan ng sabwatan ng mga panginoong maylupa, burgesya kumprador at mga kasosyo nilang dayuhang korporasyon, nagpupuwesto sila ng mga ahente sa gubyerno upang mapanatiling atrasado, walang batayang industriya, export-import at nakasandig sa dayuhang pamumuhunan at pautang ang ekonomya ng bansa. Ito ang nagtatakda sa

2

8 IBON Praymer Hulyo 2011

katangiang malakolonyal at malapyudal ng ekonomya ng bansa at ugat ng permanenteng krisis.

Subalit lalo pang pinalubha ng krisis na ito sa pagpapatupad ng mga patakarang globalisasyon na imperyalistang solusyon sa krisis ng sobrang produksyon sa pandaigdigang sistemang kapitalista. Lalo pang bumagsak ang kabuhayan ng mga magsasaka at nawalan ng kita at trabaho ang mga manggagawa nang walang prenong ipatupad ang mga patakarang tulad ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon. Ibinando noon ang globalisasyon bilang daan patungo sa industriyalisasyon at pag-unlad ng bansa subalit ilang dekada matapos itong ipatupad, nararanasan ngayon sa bansa ang hagupit ng masamang epekto ng globalisasyon. Halimbawa, ang kawalan ng trabaho sa bansa ay bunga ng napakanipis na industriya pero mas lalong sumahol ang krisis sa disempleyo at maramihang pagsasara ng pabrika dahil sa liberalisasyon sa pagpasok ng mga mura at imported na produkto.

Hindi nagbago ang ganitong istruktura ng ekonomya ng bansa sa kabila ng paghahalinhinan ng mga gubyerno. Masahol pa nga, ang mga programa at patakarang ipinatupad ng mga ito ay lalo pang nagpasidhi sa katangiang eksport-import ng ekonomya at nagpahina sa industriya at agrikultura ng bansa. Sa panahon ng gubyernong Arroyo, tuloy-tuloy ang mga programa sa liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon sa iba’t ibang sektor ng ekonomya ng bansa. Nananalasa pa rin ang epekto ng EPIRA, Oil Deregulation, pribatisasyon ng MWSS at liberalisasyon ng pagmimina, pinansya at iba pang mahalagang sektor ng ekonomya habang patuloy pang nakaamba ang mas malawak na pribatisasyon sa pamamagitan ng Public-Private Partnerships (PPP) at ang ganap na liberalisasyon sa ekonomya sa balak ni Aquino na pagbabago sa konstitusyon (Chacha).

Pero ito rin ang mismong mga programang ipinagpapatuloy ngayon ng gubyernong Aquino. Ang napakataas ng sirit sa presyo ng bilihin at serbisyo ay bunga ng mga programang ito na ang pangunahing nakikinabang ay mga dayuhang mamumuhunan at lokal nilang mga kasosyo. Anumang pag-asa ng mga magsasaka para sa tunay na repormang agraryo ay agad nang naglaho dahil sa lantad na pagpanig ni Aquino sa mga maniobra ng mga kamag-anak nitong haciendero para iwasan ang pamamahagi ng lupa. Ang ekonomya ng bansa ay

9 IBON Praymer Hulyo 2011

patuloy pa ring iniasa sa pagpasok ng dayuhang pamumuhunan na pangunahing salik sa mga planong pang-ekonomya ni Aquino gayong sa mga nakaraan ay napatunayan namang di signipikante ang kontribusyon nito sa paglikha ng trabaho at nakababansot pa nga sa lokal na ekonomya.

Aktibo ang gubyernong Aquino sa pakikipag-usap para sa pagbubuo ng mga kasunduan sa malayang kalakalan sa ibang bansa laluna sa US at iba pang imperyalistang bansa. Tulad ng sinundan nitong rehimen, walang ibang nasa isip ang gubyernong Aquino kundi ang pag-akit ng dayuhang puhunan kahit na ang kahulugan nito ay ang ibayong pagkontrol ng mga dayuhan sa lokal na industriya, agrikultura, lokal na pamilihan, pampublikong yutilidad at maging mga kalupaan at kabundukan ng bansa.

Ipinagmamalaki ng gubyernong Aquino ang diumano’y paglaki ng kita ng gubyerno mula sa napakalaking depisito nito sa nakaraan. Pero ang totoo’y katiting lamang ang inilabas ng gubyerno para gastusan ang serbisyong panlipunan at maging sa pangkalahatang gastusin ng gubyerno kaya maliit ang depisito at hindi dahil sa pagbawi nito sa mga nawalang kita mula sa liberalisasyon ng kalakalan at negosyo at nakulimbat sa korupsyon. Sa halip, ipinasa na nito sa pribadong kapitalista ang mga ospital, iskwelahan, pabahay, mga pampublikong yutilidad at iba pang serbisyo ng gubyerno na ngayo’y pagtutubuan na ng husto ng mga dayuhan at lokal na mamumuhunan. Pero ang matindi pa, habang tinitipid ng gubyerno ang serbisyong panlipunan, awtomatiko naman nitong binabayaran ang mga utang sa dayuhang bangko at institusyong pampinansya. Libreng buwis sa dayuhang kapital at imported na produkto habang patungpatong na buwis ang pinapataw sa lokal na maliliit na negosyante at sa mamamayan.

Patunay na ang daang matuwid ng gubyernong Aquino ay nakalaan para sa mas mabilis at malawakang imperyalistang pandarambong sa ating bansa. Sumisidhi ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunan at patuloy ang pagkakamal ng tubo ng imperyalismong US at ng lokal na naghaharing uri hindi lamang sa yaman ng bansa kundi maging sa pagsasamantala sa mga anakpawis.

Ito ang dahilan kung bakit hindi naampat bagkus lalo pang lumala ang kahirapang pinapasan ngayon ng mamamayan sa ilalim ng gubyernong nagsasabi na pwede nang mangarap ang mahihirap.

10 IBON Praymer Hulyo 2011

Ano ang solusyon ng gubyerno sa krisis ng ekonomya at kahirapan ng mamamayan?

Nang ilabas ng gubyernong Aquino ang platapormang pang-ekonomya nitong Mayo 2011, nakumpirma ang makadayuhan at kontramamamayang tindig ng gubyernong nangako ng langit at lupa sa mamamayan. Sa inilabas nitong Philippine Development Plan (PDP) 2011-2016 na mapanlinlang nitong pinamagatang “Social Contract with the Filipino People”. Kontratang panlipunan daw sa mamamayan pero ang laman nito ay patungkol sa ibayong pagsandig sa pandaigdigang pamilihan, pag-asa sa dayuhang pamumuhunan at pagpapaubaya sa mga pribadong negosyo. Sa madaling salita, ni-recycle lamang ni Aquino ang mga dati na ring estratehiya at programa ng mga nakaraang administrasyon sa nakaraang tatlong dekada kahit na napatunayang nang walang pag-unlad na idudulot sa ekonomya ng bansa at walang pakinabang bagkus nagdudulot pa ng ibayong kahirapan sa mamamayan.

Target ng PDP ni Aquino na ipatupad sa anim na taong termino ang pagkakaroon ng mga “industriya at serbisyong” kayang makipagkumpitensya sa pandaigdigang pamilihan, pagpapalawak ng turismo, pagpapalakas ng business process outsourcing (BPOs) na gamit ang murang paggawa ng bansa, pagsusulong pa ng eksport laluna ang electronics, pagmimina, paghikayat ng pang-eksport na agribusiness at iba pang negosyong kaakit-akit para sa mga dayuhang mamumuhunan. Ang mga ito raw ang mga pangunahing pagtutuunan ng gubyerno na mapapansing kapareho ng “Seven Big Winners” na itinutulak ng Joint Foreign Chambers of the Philippines (JFC).

Subalit ang pinakasentro ng PDP ay ang PPP at ang pagpapalawak ng Conditional Cash Transfer (CCTs) programs na agresibong inilalako naman ng World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB) noon pang nakaraang dekada. Mahihinuha na dito pa lang kung sino ang direktor na nasa likod ng gubyernong Aquino.

Pribatisasyon sa esensya ang ibig sabihin ng PPP. Sa halip na ihinto ang pribatisasyon na napatunayan nang mas nagdulot ng kahirapan at palpak na serbisyo sa mamamayan, lalo pa itong pinalawak sa ilalim ng PPP. Sadyang

3

11 IBON Praymer Hulyo 2011

iniwasan ng gubyerno ang paggamit ng terminong pribatisasyon dahil batid nito ang galit ng mamamayan dahil sa palpak at pahirap na resulta ng pribatisasyon ng tubig, kuryente at iba pang serbisyong panlipunan.

Pero sa ilalim ng PPP, hinihikayat at binibigyan pa ng garantiya ng gubyerno ang mga pribadong dayuhan at lokal na mamumuhunan na magnegosyo sa mga pagtatayo ng mga imprastraktura gayundin ng mga produkto at serbisyong dapat sana ay gubyerno ang nagkakaloob. Siguradong susunggaban ito ng mga mamumuhunan dahil sigurado na ang tubo at pamilihan, garantisado pa ng gubyerno. Sasamantalahin ng pinakamalalaking burgesya kumprador at dayuhang kapitalista ang PPP at popondohan naman ito ng pautang mula sa mga imperyalistang insitusyong pampinansya tulad ng WB at ADB. Sa bandang huli, ang halaga ng proyekto ng PPP ay papasanin ng mamamayan sa pagbabayad ng mas mataas na singil sa “serbisyo” at pagbabayad sa inutang ng gubyerno.

Hangad ng PPP ni Aquino ang pagtatayo ng malalaking infrastucture projects tulad ng malalaking kalsada, mga daluyan ng tren, airports, power, tubig at iba pang imprastraktura na mapapansing nag-uugnay sa mga industrial parks at special economic zones (SEZs). Nahahalatang higit pa sa transportasyon ng mamamayan, ang pinakalayunin talaga ng mga proyektong ito ay para sa kapakanan ng mga kapitalista at namumuhunan sa bansa. Sa dami ng proyektong tinukoy para sa PPP, halos walang natukoy na proyekto o plano para para sa pagpapalakas ng lokal na produksyon sa industriya at agrikultura.

Sa halip, ayon sa PPP, pinasaklaw ang pribatisasyon maging sa mga serbisyong panlipunan tulad ng kalusugan, edukasyon at pabahay. Iisa lang ang kahulugan nito: serbisyong may bayad o paglaho na ng serbisyo at pag-usbong ng negosyo. Sa pagpasok ng mga pribadong mamumuhunan sa mga imprastraktura at serbisyo, siguradong magmamahal ang singilin dito laluna’t hindi naman serbisyo kundi pangunahing tubo ang intensyon ng mga mamumuhunan. Demolisyon at pwersahang pagwasak naman ng komunidad ng maralita at malalawak na sakahan ang siguradong ireresulta ng mga proyektong PPP.

Pinagtatakpan ng PPP ang lantarang paggamit ng rekurso ng bayan para sa kapakinabangan ng iilang indibidwal. Mas mahusay daw ang serbisyo kapag ang nangasiwa ay pribadong kumpanya, pero nakalimutan na yata ng gubyernong

12 IBON Praymer Hulyo 2011

Aquino na sa unang banda, ito ay serbisyong panlipunan at obligasyon ng gubyerno sa mamamayang nakukuba na sa pagbabayad ng sangkatutak na buwis. Tuluyan na ngang tumalikod ang gubyerno sa tungkulin at obligasyon nito sa mamamayan dahil sa PPP, ang gubyerno ay nagsisilbing tagapagpadaloy (at tagagarantiya) sa pagkakamal ng tubo ng lokal at dayuhang mamumuhunan.

Sentro din sa PDP ni Aquino ang CCT Program na sinasabi nitong kongkretong hakbang upang makaalwanang kahirapan sa bansa. Pinalawak ni Aquino ang dati nang programa ng gubyernong Arroyo na magkaloob ng salapi sa ilang piniling mahihirap na pamilya kapalit ng ilang kundisyon. Nakuha naman ni Arroyo ang inspirasyon mula sa WB. Pinondohan ng dayuhan at sinimulan sa ilalim ng gubyernong Arroyo ang proyektong diumano ay naglalayong magbigay ng salapi (cash) sa pinakamahihirap na sambahayan para maiangat ang kanilang kalusugan, nutrisyon at edukasyon ng kanilang mga anak. Layon ng gubyernong Aquino na palawakin ang saklaw nito sa mahigit 2.3 milyong pinakamahirap na sambahayan sa 2011. Pinondohan ito ng utang mula sa World Bank (WB) at ADB na aabot sa US$1.01 bilyon o Php44.3 bilyon sa kasalukuyang palitan. Pero ngayon pa lang, marami na ang bumabatikos sa programang ito na sa pangkalahatan ay masasabing populistang pangkober ng gubyerno sa pagpapatuloy ng globalisasyon at naghahabol ng artipisyal na pagpapababa sa bilang ng mahihirap na pamilya sa bansa. Paano naman kasi ay hindi ito solusyon sa kahirapan dahil hindi nito sinasagot ang pusod ng maralitang kondisyon ng mga Pilipino tulad ng makabuluhang sahod, trabaho at lupa na matagal ng isinisigaw ng maralitang anakpawis.

Lubhang malaki ang badyet na nakalaan sa proyekto na hindi naman pangmatagalan at iilan lamang ang makikinabang. Ang kakatwa, ang binabawasan ng gubyerno ay ang badyet sa mga esensyal na serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay para ilaan sa CCT. Dahil pili lamang ang mga makikinabang sa CCT, ang kalakhan pa ng mahihirap ay lalong mapagkakaitan ng serbisyo mula sa gubyerno. Dahil binawas ng gubyerno ang badyet, wala ring sapat na imprastraktura para maipatupad ito laluna sa mga pinakamahihirap na bahagi ng bansa sa kanayunan kung saan wala namang health centers, iskwelahan at iba pang pasilidad para matupad ng mga benepisyaryo ang mga kondisyon sa CCT.

13 IBON Praymer Hulyo 2011

Maaari pa ngang pagmulan ng katiwalian at hindi tiyak ang maayos na proseso na pagpili. Dahil hindi malinaw ang mga batayan ng pagpili, palalakasin nito ang pyudal at sistemang patron laluna sa kanayunan. Gagamitin ito ng mga panginoong maylupa at pulitiko para lalo pang makapaghari. Marami ang nagsasabing mas bahagi pa nga ito ng kontra-insurhensyang (counter insurgency)programa ng gubyerno dahil ginagamit din bilang instrumentong propaganda ng militar habang nagsasagawa ito ng mga operasyon laban sa mgarebolusyonaryong grupo.

Pero ang malaking kahangalan sa programa ay ang kabalintunaan ng mgapatakaran ng rehimeng Aquino na magbibigay ng ‘social protection’ sapamamagitan ng CCTs, pero binabawasan naman ang badyet para saserbisyong panlipunan na kailangang-kailangan ng mamamayan. Kailangan daw ang dagdag na salapi para tustusan ang mga proyekto para sa mga mahihirap pero sa ibang mahihirap naman kinakatas ang pantustos dito. Layon daw ng CCT na linangin ang human capital pero paano mangyayari ito gayong wala namang makabuluhang trabahong nalilikha at pinaaasa ang mamamayan sa CCT.

Kontra-mahirap ang istratehiyang piskal ng gubyernong Aquino. Tipirin ang paggastos sa serbisyo at proyektong panlipunan kaya ipasa na lamang ito sa mga pribadong mamumuhunan sa pamamagitan ng PPP. Ipangutang at gastusan ng malaki ang mga kosmetikong programang tulad ng CCT na pansamantala at hindi naman mapapakinabangan ng lahat. Para kumita ng pera, patuloy itong nagbibingibingihan sa panawagang alsin ng gubyerno ang regresibong VAT na 12% nakapatong sa lahat ng bilihin tulad ng langis, pagkain at iba pa. Pinag-iisipan pa nga ng gubyernong magpataw ng mga karagdagang buwis tulad ng “sin taxes” o dagdag na buwis sa lokal na alak at sigarilyo na ang karamihang gumagamit ay mga mahihirap habang duty free naman ang mga imported na alak at sigarilyo.

Sa kabilang banda, patuloy na binabawasan ng gubyerno ang buwis sa mga imported na produkto at nauuna pa nga ito sa iskedyul na itinatakda ng World Trade Organization (WTO) na promotor ng malayang kalakalan. Libre naman ang buwis ng mga dayuhang mamumuhunan tulad ng mga tax holidays at iba pang prebilihiyo na hindi ipinagkakaloob sa mga lokal na negosyante.

14 IBON Praymer Hulyo 2011

Ito ang solusyon ng gubyernong Aquino. Malinaw na ang patakarang pang-ekonomya nito ay ang pangangasiwa at pagpapanatili ng malokolonyal at malapyudal na katangian ng ekonomya at ang paglulubos ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon na itinutulak ng mga imperyalistang bansa para maipasa ang kanilang mga krisis na dinaranas ngayon.

Bakit sinasabing higit pang lulubha ang krisis sa ekonomya at kahirapan ng mamamayan sa ilalim ng PDP ng gubyernong Aquino?

Makadayuhan at mapanlinlang ang PDP ng gubyernong Aquino. Pormal itong inilabas ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa pubiko noong Mayo 30, 2011. Ang PDP na kakatwang pinamagatang “Social Contract with the Filipino People” ay mas maituturing na blueprint ng mga proyektong ang mas makikinabang ay mga dayuhan at lokal na naghaharing uri at magdudulot ng mas matinding kahirapan at pagsasamantala sa mamamayang Pilipino sa anim na taong panunungkulan ng administrasyong Aquino.

Walang kaibahan ang mga plano at istratehiya ng PDP ni Aquino sa mga dati nang programang pang-ekonomya ng mga nagdaang rehimen ng bansa. Patuloy pa rin nitong itinutulak ang mga patakaran ng imperyalistang globalisasyon na naging dahilan ng matinding kahirapang dinaranas ngayon ng mamamayan at pagwasak ng lokal na ekonomya. Ayon sa plano, kailangan daw iliberalisa pa ang lokal na industriya at agrikultura para higit pa itong maikabit sa pandaigdigang pamilihan. Kailangan daw tuluyan nang maaalis ang mga proteksyon at subsidyo sa lokal na ekonomya para mas maging kaakit-akit sa pagpasok ng dayuhang pamumuhunan.

Higit na malaki ang pagpapahalaga ng PDP sa pagpasok at pagnenenegosyo ng mga dayuhan at malalaking mamumuhunan kaysa pagpapaunlad sa mga lokal na industriya at agrikultura. Ang tunay na target ng PDP ay ang pagpasa sa mga pamantayan ng pandaigdigang pamilihan (global competitive indicators) para mas makaakit ng dayuhang kapital. Kaya naman, iniiwasan ng plano ang mga programa na nagbibigay proteksyon sa lokal na industriya at nangangalaga

4

15 IBON Praymer Hulyo 2011

sa kapakanan ng produktibong pwersa (pagtaas ng sahod, benepisyo, tunay na reporma sa lupa at iba pa) dahil taliwas ito sa interes ng dayuhan.

Ipinasa ng gubyerno sa pribadong kapitalista ang tungkulin nitong kalingain ang mamamayan laluna ang mga mahihirap. Ang mga batayang serbisyong panlipunan ay mistula na nitong tinalikuran at ipinasakamay sa mga may kapital para patakbuhin at pagtubuan ang mga serbisyong pampubliko. Lalo pang pinalawak ng PDP ni Aquino ang programa sa pribatisasyon ng mga nakaraang rehimen na nagdulot ng pagtaas sa mga bayarin at halaga ng pamumuhay ng mamamayan. Mas magiging maaayos daw ang serbisyo kapag pribadong kapitalista ang nagpapatakbo pero sakali mang totoo ito, ang kapalit naman ay mas mataas na paniningil na lalo pang maglalayo para maabot ito at mapakinabangan ng mamamayan.

Pinagtatakpan at mapanlinlang ang mga programa sa PDP. Sa unang tingin ang PPP ay makapagdudulot ng pag-unlad sa ekonomya halimbawa sa pamamagitan ng mga malalaking imprastrakturang target na itayo sa pamamagitan ng dayuhang kapital. Pero mapapansing ang pinakalayunin talaga ng mga itatayong proyekto ay para sa mabilis na daloy ng negosyo at kalakal at maging kaakit-akit sa patuloy na pagpasok ng dayuhang puhunan sa bansa. Batay pa rin ito sa pangkalahatang layunin na lalo pang iangkas ang lokal na ekonomya sa estribo ng pandaigdigang pamilihan. Hindi rin nababanggit sa plano ang mga komunidad ng maralita na idedemolis para bigyang daan ang mga proyektong ito. Pantapal din sa tunay na mukha ng karalitaan ng mamamayan ang ultimong layunin ng CCT. Hindi naman talaga nito tunay na tinutugunan ang mga pangunahing dahilan ng kahirapan ng mamamayan.

Sa kabilang banda, wala halos imprastraktura na tumutugon para palakasin ang lokal na industriya at agrikultura. Kung tutuusin, ang mas malaking pangangailangan ngayon ay pagpapalakas ng lokal na ekonomya upang makalikha ito ng mga trabaho at makadagdag sa kita ng mga produktibong pwersa na siya ring konsumidor at sinasabing “makikinabang” sa mga proyekto ng PPP halimbawa ng mga tren, tulay, airport at iba pa. Kung walang pambayad dito ang mamamayan, sino ang tunay na makikinabang dito?

16 IBON Praymer Hulyo 2011

Masahol pa, sa mamamayan din pangunahin kukunin ang pantustos sa Philippine Development Plan (PDP). Mamamayan laluna ang mga anakpawis ang pangunahing papasan sa pagbabayad ng mga panibagong dagdag na buwis at sa utang sa mga dayuhang bangko na babayaran din ng mamamayan sa mga darating na panahon. Ito ay bukod pa sa value added tax (VAT) na ipinapataw ng gubyerno sa halos lahat ng produkto at serbisyo. May mga napaulat pa ngang pagbabalak ng gubyerno na itaas ito mula sa kasalukuyang 12% patungong 15%.

Sa ilalim ng Philippine Development Plan ni Aquino, lalo pang titindi ang krisis ng ekonomya at miserableng pamumuhay ng mamamayang Pilipino. Walang pagbabago sa pundamental na katangian at istruktura ng ekonomya na ang tanging nakikibanang ay ang malalaking eksporter at importer na kasosyo ng mga dayuhang korporasyon. Hindi rin malulutas ang kahirapan sa pagpapatupad ng mga kosmetiko, panandalian o pantapal na solusyong may layuning maglinlang at magbigay ng ilusyon, at mapanatili lamang ang popularidad ng gubyernong Aquino. Sa esensya, ang PDP ay patuloy pa ring nakabatay sa patakaran ng globalisasyon at nagtataguyod sa ekonomyang nakadisensyo para sa pribadong tubo at hindi sa tunay na pag-unlad ng mamamayan.

Paano pinamunuan ni Aquino ang gubyerno sa kanyang unang taon?

Nanatiling tradisyunal, pyudal, elitista at kolonyal ang paggubyerno na wala ring ipinag-iba sa gubyernong Arroyo. Maliban sa pag-alis ng mga wangwang at iba pang popular na gimik, walang nagbago sa mga dati ang patakaran ng kinasuklamang gubyerno ni Arroyo. Kung lilimiin pa nga, kundi man wala ay halos pakitang tao lamang ang naging tugon ng gubyernong Aquino sa mga batayang isyu ng mamamayan tulad ng sahod, trabaho, serbisyong panlipunan, karapatang pantao at maging sa kapayapaan at kaayusan ng lipunan.

Dismayado ang mamamayan sa kawalan ng makabuluhang pagbabago laluna sa kanilang kabuhayan. Hindi rin naibsan ang pagkauhaw ng mamamayan sa katarungan laluna’t ni isa ay wala pang napanagot sa mga pampulitika at pang-ekonomyang krimen ng nagdaang pasistang paghaharing Arroyo. Unti-unting

5

17 IBON Praymer Hulyo 2011

lumilitaw ang diskontento ng mamamayan lalo pa’t nabunyag ang kawalang simpatya ni Aquno sa mga isyu ng anakpawis kasabay ng kawalang delikadesa nito tulad ng pagbili ng mamahaling sasakyan habang bingi at bulag ito sa karaingan at kalagayan ng mamamayan.

Ang dating mga popular na islogan ay unti-unting naging bahaw at nawalan ng kahulugan para sa mamamayan. Hindi makita ng mamamayan kung saan patungo ang “matuwid na landas” ng gubyerno. Sa isang kurap, lalo pang dumami ang mga mahihirap. Ang tapat na paggugubyerno ay pagkakanlong sa mga kaibigan at kaklaseng upisyal sa gubyerno na may mga kaso ng katiwalian at pang-aabuso. Ang demokratikong pamamahala ay kinakitaan din ng pasistang pangil sa pandarahas sa mga protesta at pagkilos ng mamamayan sa lunsod at kanayunan.

Kapag nakokompronta dito, parang bata itong mabilis na itinuturo sa iba laluna sa sinundang rehimen ang sisi. O kaya naman ay hihingi ng pag-unawa dahil isang taon pa lang naman daw at hindi raw agad-agad magkakaroon ng pagbabago.

Kinonsolida ni Aquino ang pamumuno nito sa pamamagitan ng pagtitiyak sa katapatan ng establisimyentong militar. Inilagay nito sa pwesto ang pinakamatatapat nitong tauhan habang unti-unting inalis ang mga kabig ni Arroyo. Habang nakaamba ang mga demolisyon sa iba’t ibang komunidad, agad naman itong nagkaloob ng mga pabahay para sa mga tauhan ng militar at pulis bukod pa sa umentong ipinagkaloob para makuha ang katapatan ng mga ordinaryong sundalo at pulis.

Pinuno nito ang burukrasya sa pamamagitan ng bagong tipo ng kronismo o batay sa kanilang ispesyal na relasyon sa pangulo tulad ng mga KKKK -- kabarkada, kaklase, kabarilan at kamag-anak. Agad ding inilagak sa mahahalagang posisyon sa gubyerno ang mga kinatawan ng dayuhan, malalaking negosyo at panginoong maylupa laluna ang pinakamalalaking kontribyutor sa kampanya ni Aquino. Bahagi ito ng pagbabayad-utang ni Aquino sa kanyang mga patron.

Higit pa sa ginawa ni Arroyo, pinalawak pa ni Aquino ang lugar sa kanyang gubyerno ng mga organisasyon at personahe mula sa “civil society”. Ito ang isang seksyon ng dating mga organisasyon at lider ng kilusan sa pagpapatalsik sa gubyernong Arroyo na ngayo’y nakikipagsabwatan para ipatupad ang

18 IBON Praymer Hulyo 2011

makadayuhan at kontramamamayang patakaran ng administrasyong Aquino. Dahil nagpapanggap na progresibo at gumamit ng mga salita at pamamamaraang “makamamamayan” ang mga huwad na lider at organisasyon ng “civil society” ay nagiging epektibong kasangkapan ng gubyerno para sa diumano’y “mabuting pamamahala” nito. Nalantad naman sa kabilang banda ang mga “progresibong lider” na naghahabol lang naman pala ng pagkakataon para maisulong ang kanilang mga personal na interes kapalit ng kanilang pagpapakasangkapan sa gubyerno.

Sa kabila ng konsolidasyon, batbat pa rin ng internal na tunggalian sa loob ng administrasyong Aquino.Tulad ng mga asong ulol na nag-aagawan sa kakapirasong buto, patuloy ang maniobrahan ng mga paksyon sa loob ng administrasyong Aquino para makuha ang pinakamalalaking kontrata at pinakaimportanteng mga posisyon sa burukrasya. Tampok sa mga bangayang ito ang napaulat na dalawang nangungunang paksyon sa loob ng pangkating Aquino. Ang mga pailalim na maniobrahan ng grupong Balay at grupong Samar ay nakapatungkol din sa paghahanda para sa paghalili kay Aquino sa mga susunod na panahon. Sumisingaw na rin ang ilang bitak sa loob ng burukrasyang militar na isang halimbawa ay ang paglitaw ng isang Col. Genoroso Mariano na lantarang nananawagan para palitan ang gubyernong Aquino.

Ang gubyernong Aquino ay hindi naging kabaliktaran ng gubyernong Arroyo o ng mga nagdaang rehimen. Ito pa rin ang tipo ng gubyernong kumakatawan sa interes ng mga imperyalismong US at ng mga kasosyo nitong burgesya kumprador at panginoong maylupa. Ito ay isang paksyon lamang ng naghaharing uri na siya ngayong nasa poder at sa ngalan ng imperyalismong US ay nangangasiwa sa estadong malakolonyal at malapyudal. Sa kabila ng mga postura ng “mabuting pamamahala” at populistang pagbabalatkayo, ito pa rin ang isa pang pangkat ng mga burukrata kapitalistang nakikinabang sa gubyerno kapalit ng matapat na paglilingkod sa imperyalismo at sa naghaharing uri.

19 IBON Praymer Hulyo 2011

Bakit pinatatampok ng gubyernong Aquino ang isyu ng korupsyon?

Paboritong paksain ng gubyernong Aquino ang isyu ng korupsyon bilang sangkalan ng kontramamamayang patakaran nito. Ito ang bukambibig ni Aquino upang mahamig ang suporta ng mamamayang sukangsuka sa malawakang korupsyong nalantad sa panahon ni Arroyo. Korupsyon din ang ginagamit ni Arroyo para ikubli ang pagpapatuloy ng mga patakaran ng imperyalistang globalisasyon na siyang nagpalala sa mga pundamental na dahilan ng kahirapan at kaapihan ng mamamayan.

Matapos mahalal sa ngalan ng krusadang kontra korupsyon, nagkasya na lamang ito sa paglalantad ng mga iba’t ibang anomalya at katiwaliang nadiskubre sa minanang gubyerno kay Arroyo. Ginamit nitong panggitla sa mamamayan ang mga nakakabiglang kaso ng malalaking pangungulimbat ng ilang korap na upisyal sa gubyerno na lalo pang ikinagalit ng taumbayan sa nakaraang administrasyon. Gayunman, nagsimula sa paglalantad at hanggang sa ganito na lamang ang sinapit ng mga paglalantad na ito.

Hanggang sa kasalukuyan, ang mga malalaking isyu ng korupsyon ni Arroyo at maging sa mga nadiskubre pang ibang anomalya ay nanatiling usapang pang-midya at pantalumpati lamang. Hanggang ngayon di pa rin nadedemanda at napaparusahan si Arroyo, maski pa isa-isa pa ring nagsusulputan ang mga karumal-dumal nitong katiwalian. Kailangan pa ng eksternal na inisyatiba para masimulan ang pag-usig sa kanya habang ang gubyernong Aquino ay walang ginagawa.

Katunayan, sa halip na gubyerno ang maghabol dito, kinailangan pang manguna ng mga progresibong partylist, organisasyong masa at pribading indibidwal para lamang maihabla ang mga salarin sa korte. Halimbawa, nanguna si Bayan Muna Rep. Teddy Casiño para dalhin sa korte ang kaso sa Php329-M NBN-ZTE deal. Ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at si Atty. Frank Chavez naman ang nag-file ng kaso sa Php728-M fertilizer scam.Bayan Muna pa rin ang kinailangan magdemanda ng kasong pandarambong (plunder case) sa mga anomalyang nadiskubre kumakailan sa Php325-M PCSO intelligence funds.

6

20 IBON Praymer Hulyo 2011

Sa SONA ni Aquino noong nakaraang taon, “ginulantang” ang mamamayan ng kagimbalgimbal na pandarambong ng ilang upisyal ng gubyerno sa mga pondo ng ilang ahensya ng pamahalaan tulad ng National Food Authority (NFA), PNCC, MWSS at iba pa. Pero sa bandang huli, ang mga ahensyang ito ngayon ay nasa proseso ng pribatisasyon upang gawin daw na mas epektibo at episyente ang serbisyo ng mga ito sa kamay ng pribadong pangangasiwa. Marami tuloy ang nagsasabing isinentro ang paglalantad ng katiwalian sa mga ahensyang ito bilang sangkalan para madulas itong mapribatisa at maibenta sa mga dayuhang mamumuhunan.

Samantala, patuloy na nakalilibre ang mga pangunahing sangkot sa anomalya sa malawakang pangungurakot at pandarambong ng kabangyaman ng bansa. Paroot parito sa labas ng bansa ang pamilyang Arroyo sa kabila ng mga seryosong akusayon ng malakihang pagpapayaman sa pwesto. Ang ngayo’y Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo ay nasa gubyerno na para bang walang nangyari at mayroon pang Php2 bilyong pork barrel na ginagamit sa kanyang distrito. Wala rin sa kulungan ang mga pangunahing akusado sa mga nabunyag na anomalya at ang malungkot, karamihan sa mga tumestigo para mailantad ang korupsyon ay kung hindi man nagtatago ay pinatahimik na sa iba’t ibang paraan.

Wala ring kongkretong pagsisikap ang gubyernong Aquino para isulong ang prosekusyon ng mga kaso at lalo pang hanapin ang pinakamalalaking kaso ng pandarambong sa gubyerno. Matapos na maunsyami ang di-napag-isipang Truth Commission, nagkasya na lamang ang gubyerno sa pailan-ilang ekspose ng korupsyon sa ilang ahensya ng gubyerno. Ang Freedom of Information Bill na itinulak ng mga progresibong partylist at sinasabing magiging daan para lalo pang mabunyag ang mga anomalya sa gubyerno ay nanatiling nakabimbin sa kongreso. Ito ay sa kabila na ito ay campaign promise ni Aquino sa panahon ng kanyang kampanya.

Lumilitaw tuloy na hindi seryoso ang gubyernong Aquino na habulin ang mga krimen ng gubyernong Arroyo. Pinagsisilbi lamang ang isyu ng korupsyon para inyutralisa ang kampo ni Arroyo upang hindi na ito magkontra-atake at makadagdag pa sa pagpaypay ng diskontento ng mamamayan. Habang wala talagang intensyong maging komprontasyunal sa mga malalaking kriminal, patuloy pa rin gagamitin ni Aquino ang pagpapaputok ng mga isyu ng korupsyon para

21 IBON Praymer Hulyo 2011

mapanghawakan ang unti-unting dumadausdos na popularidad at maibunton ng mamamayan ang sisi sa mga nangurakot sa gubyerno. Pero ang naiipong galit ng mamamayan sa pangungurakot sa gubyerno ay maaaring tumungo sa mas malalaking pagkilos ng taumbayan na pupwersa kay Aquino at mapilitan itong litisin si Arroyo tulad ni Erap at malamang ay mapatawad din kung hindi ito babantayan.

Pero sa likod ng mga inilalantad na kaso ng korupsyon, kailangan ding bantayan ng mamamayan ang patuloy na pagsasagawa ng gubyerno ng mga programa at patakaran ng imperyalistang globalisasyon na siyang tunay na nagluluwal ng kahirapan at pagbagsak ng ekonomya. Kung tutuusin, lalo pang pinasahol ng globalisasyon ang tindi at lalim ng mga kaso ng korupsyon sa gubyerno. Sa transpormasyon ng papel ng gubyerno na sa pangunahin ay tagapagpadaloy ng dayuhang puhunan, mas malalaking komisyon ang pinag-aagawan ng mga burukrata kapitalista. Ang kahirapan at kaapihan ay hindi lamang dahil sa korupsyon kundi mas pa dahil sa neoliberal na globalisasyon na nagbunsod ng mas malawakang pangungurakot sa gubyerno.

Sino ang tunay na “boss” ng gubyernong Aquino?

Kano ang boss ko! Ito ang totoong inuusal ng gubyernong Aquino kung pagbabatayan ang naging relasyon ng US at gubyernong Aquino sa unang taon nito. Halos katulad ito noong mga taon ng huwad na kalayaan, noong Martial Law at noong mga huling taon ng rehimeng Arroyo kung saan ang pinagmumulan ng lakas ng gubyerno ay ang suporta at ayuda ng United States (US).

Kumilos at nagpatupad ang gubyernong Aquino ayon sa dikta at interes ng imperyalistang gubyerno ng US. Katunayan, ang kandidatura ni Aquino ay lantarang inendorso ng imperyalismong US at lokal na naghaharing uri upang pangasiwaan ang imperyalistang paghahari sa Pilipinas.

Hulmanghulma si Aquino sa pagnanais ng imperyalismong US, pandaigdigang mga institusyong pampinansya at lokal na naghaharing uri upang pangunahan ang isang kredibleng gubyerno na magsasakatuparan ng neoliberal na patakaran ng

7

22 IBON Praymer Hulyo 2011

globalisasyon sa bansa. Nakatitiyak ang imperyalismo kay Aquino na anumang mga pagtatangka para sa mga makabayan at antiimperyalistang hangarin ng mamamayan ay mapipigilan at masusupil. Para malubos ang pagpapatupad ng imperyalistang globalisasyon sa Pilipinas, itinutulak ng imperyalismo ang isang gubyernong popular, istable at umaastang nagrereporma ng gubyernong dinambong ng nakaraang mga rehimen. Swak na swak dito ang papel ng mga oportunistang grupo sa civil society na diumano ay nagdadala ng mga isyu ng mga mamamayan at ipinapaloob sa agenda ng repormistang gubyerno. Sa ganitong balangkas, inihuhulma ng US ang gubyernong Aquino.

Napakahalagang bahagi ng Pilipinas sa pangkabuuang istratehiya ng US na maghari hindi lamang sa Asya kundi maging sa buong mundo. Istratehiko ang Pilipinas para sa pang-ekonomya at pampulitikang interes ng US lalo pa sa panahong nasa matinding krisis ang ekonomya ng pangunahing imperyalistang bansa at hinahamon naman ng mga karibal nitong imperyalista.

Ang US ang may pinakamalaking dayuhang pamumuhunan sa bansa. Saklaw nito ang 22.9% ng kabuuang foreign direct investment nitong nakaraang dekada. Sa ilalim ng gubyernong Aquino, lalo pang lumaki ang pamumuhunan ng mga korporasyon mula sa US. Patuloy na dominado ng mga US transnational corporations (TNCs) ang kita at benta kumpara sa lahat ng nangungunang korporasyon sa bansa. Kontrolado ng mga korporasyong transnasyunal ng US ang mga mahahalaga at istratehikong bahagi ng ekonomya mula sa pagmimina, agrikultura at maging ang malaking bahagi ng semi-processing na pagmamanupaktura sa bansa. Ang kalakalan sa US at Pilipinas na umabot sa US$15.4 bilyon noong 2010 ay patunay sa patuloy na kontrol ng US sa eksport-import na ekonomya ng bansa. Sa US napupunta ang 15% ng mga eksport ng bansa habang dito naman nagmumula ang 11% ng mga imported na produkto.

Nakadisenyo din ang Pilipinas bilang lunsaran ng pwersang militar ng US para makapaghari sa Asya at Pasipiko. Halos buong bansa ay base militar ng US dahil sa bisa ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) na ipinagpapatuloy ni Aquino, maaring makapanatili, makapagsanay at makapaglunsad ng mga operasyon ang tropang militar ng US gamit ang kanilang malalaking barkong pandigma. Kahit labag sa konstitusyon, pinahintulutan ni Aquino ang pagdaong ng mga barkong pandigma ng US na

23 IBON Praymer Hulyo 2011

naglululan ng mga armas nukleyar at ikinagulat pa nga ng nakararami ang ginawa nitong pagbisita sa mga barkong ito para makita ang mga makabagong teknolohiyang pandigma ng US.

Nagpatuloy ang mga joint military exercises ng tropang militar ng US at Pilipinas sa kabila ng mga kontrobersyal na mga kaso na iniluwal ng mga ehersisyong ito tulad ng pang-aabuso ng mga sundalong Amerikano sa mga kababaihan at bata, mga naiulat na kaso ng pagpatay sa ilang Pilipino at ang lantarang pakikialam ng tropang militar ng Amerika sa mga gawaing militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Sa panahon ni Aquino, may 27 PH-US military exercise nang naisagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.

Itong huling pagtampok ng isyu ng pag-aagawan sa mga isla sa Spartly ay sa pang-uupat ng gubyernong Aquino at nagsisilbi sa interes ng US. Ang iniresultang tensyong diplomatiko at militar sa isang antas ay hinarap ni Aquino nang paghingi ng saklolo sa US sa bisa ng kolonyal na kasunduaang Mutual Defense Treaty na salalayan ng labag sa konstitusyong VFA at MLSA. Sinasabing US ang nasa likod ng muling pag-init ng isyu ng Spratly para magsulsol ng gera at magamit na tuntungan ng pagpapahina sa lumalakas na banta ng China sa paghahari ng US sa Asya.

Mistulang ahente ng US ang gubyernong Aquino sa pakikipag-ugnayan nito sa ibang mga bansa sa Asya. Nagsisilbing tagapagpadaloy ng US si Aquino para makapapel sa mga porum sa rehiyon tulad ng ASEAN at iba pang katipunan ng mga bansa sa Asya-Pasipiko. Bukod sa Pilipinas, target din ng US na makapagbuo ng mga kasunduang bilateral sa Indonesia, Vietnam at Singapore.

Todo naman ang suporta ng US kay Aquino bilang pinili at paboritong gubyerno. Katunayan, ang Pilipinas kasama ang El Salvador, Ghana at Tanzania ang tanging apat na bansang pinili ng Gubyernong Obama ng US sa tinatawag nitong Partnership for Growth (PfG). Ibig sabihin, nasa unahan ng listahan ang Pilipinas para makautang at makakuha ng ayuda sa mga institusyong pampinansya na kontrolado ng US. Pinili ang mga bansang ito dahil daw sa kanilang “matatag na komitment sa market-oriented and growth enhancing policies” o sa madaling salita ay dahil sa kanilang todo buhos na pagpapatupad ng mga patakaran ng globalisasyong neoliberal.

24 IBON Praymer Hulyo 2011

Buhos pa rin at mas malaki pa nga kumpara dati ang direktang ayuda ng US sa gubyernong Aquino. Nitong 2011, ginantimpalaan ng US ang gubyernong Aquino ng US$132.8 milyon kung saan 21.8% nito ay mapupunta sa pagpopondo sa military training, pagpapatupad ng batas at kampanya kontra-terorismo. Pinakamalaking ayuda mula noong 2004 ang nakuha ng gubyernong Aquino mula sa US. Sa mga unang buwan pa lang ng gubyernong Aquino, napagkalooban na ito ika-9 na pinakamalaking pondo ng US Millenium Challenge Corporation (MCC) na nagkakahalaga ng US$434 milyon na ang malaking bahagi ay para sa pagsasagawa ng mga programa laban sa kahirapan laluna sa kanayunan.

Pero ang paglaki ng mga ayuda ay maaring mas masaklaw na tingnan sa pangkalahatang disenyo ng US at gubyernong Aquino para mawakasan ang insurhensya sa bansa. Mula sa Oplan Bantay Laya (OBL 1 at 2) na nagresulta sa di-mabilang na paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan, binihisan ito ng gubyernong Aquino at binigyan ng ibang pangalan --- Oplan Bayanihan. Gayunman, ang OBL at ang Oplan Bayanihan ay kapwa komopya at kumukuha ng inspirasyon sa US Counter Insurgency (COIN) Guide.

Tulad ng mababasa sa US COIN, ang Oplan Bayanihan ay gumagamit ng “population-centric” approach habang patuloy ang operasyong militar sa mga komunidad na kontrolado ng mga rebolusyonaryong grupo. Ibig sabihin, mayroon nang “soft approach” o mga pag-oorganisa sa komunidad, proyektong pangkabuhayan, medical missions tulad ng mga programa sa CCT na mabisang kober sa kasabay na operasyong militar. Pero iisa pa rin ang layunin, supilin ang mga pwersang hindi umaayon sa palakad ng gubyerno at wala pa ring sisinuhin kung ito man ay armado o hindi, legal o ilegal.

Kaya naman, napakalala pa rin ng kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas. Hindi lamang sa wala pang napaparusahan at nananagot sa mahigit 1,206 kaso ng extrajudicial killings at 206 na pwersahang dinukot sa ilalim ng gubyernong Arroyo kundi masahol pa, hindi naampat ang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng “demokratikong” gubyernong Aquino. Mula noong nakaraang taon, naisadokumento ng Karapatan ang naganap na 48 kaso ng pampulitikang pagpatay at 5 pwersahang dinukot, bukod pa sa tinatayang 354 na detenidong pulitikal na iba’t ibang panig ng bansa. Sa kabilang banda, iniulat naman ng independyanteng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ang mahigit

25 IBON Praymer Hulyo 2011

3,718 biktima ng paglabag sa Economic, Social and Cultural Rights (ESCR) sa unang taon ni Aquino.

Marami ang umasang ang pagbubukas ng usapang pangkapayapaan ay positibong hakbang para malutas ang panlipunang sigalot at makamtan ang kapayapaan. Subalit, matapos ang ilang serye ng pag-uusap, ipinangangamba ang muling paghinto ng usapan matapos na hindi na naman kilalanin ng gubyerno ang mga dati nang mga napagkasunduan tulad ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at maging ang mga panimulang hakbang ng gubyerno na nagpapahiwatig na bantulot itong harapin ang mga pinag-uugatan ng rebelyon sa bansa. Hanggang ngayon, nanatiling mabagal ang pag-usad ng mga usapang pangkapayapaan ng gubyerno sa National Demoratic Front (NDF) na kumakatawan sa CPP-NPA at sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Lahat ng mga pagpoposturang ito ay mas kumprehensibong mauunawaan sa balangkas ng doktrina ng US COIN. Ayon sa istratehiya ng imperyalismong US, ang pagkakamit ng kapayapaan (o pagdurog sa mga anti-imperyalistang grupo) ay magagawa kung may isang katanggaptanggap na gubyerno, public-service oriented na militar at nakikipagtulungang media na makakahamig ng puso’t isipan ng mamamayan. Pasok na pasok sa ganitong balangkas ang mga hakbangin ng papet na gubyernong Aquino.

Paano makakamtan ang tunay na pagbabago sa lipunan?

Dalawang salik na pumipigil sa pagkakaroon ng tunay na pagbabago sa lipunan. Una, pampulitikang panunupil na kumikitil hindi lamang sa buhay kundi pumipigil sa pagsisikap ng mga makabayan at progresibong grupo na organisahin at pakilusin ang mamamayan para magkaroon ng mga pagbabagong panlipunan. Ikalawa, ang kawalan ng demokrasya sa ekonomya na nagtutulak sa mamamayan na maghanap ng sariling paraan para mabuhay at nawawalan ng daluyan at oportunidad para makibahagi, maipahayag, maigiit at maisulong ng mamamayan ang kanilang mga adhikain.

8

26 IBON Praymer Hulyo 2011

Ito ang realidad sa ilalim ng gubyernong Aquino. Anuman ang balatkayo nito ng demokrasya at programa ng pagsugpo sa kahirapan ay nanatiling postura dahil sa pangkalahatan, nanatiling nagsisilbi ang gubyernong Aquino sa interes ng imperyalismong US, burgesya kumprador at panginoong maylupa. Walang maasahang pundamental na pagbabagong isasagawa ang gubyernong ito sa mga dati nang patakaran at istruktura ng malakolonyal at malapyudal na kaayusan sa bansa. Manapa’y pipigilan pa nito ang anumang pagtatangka ng organisadong mamamayan na magsulong ng mga pundamental na pagbabagong panlipunan.

Subalit napapanahon at mahalagang ipaglaban ng mamamayan ang pagkakaroon ng makamasang ekonomya at demokratikong paggugubyerno. Lalo pa’t napatunayan nang bangkarote at palpak ang free market globalization at istratehiyang pang-ekonomya na nakabatay sa dayuhang kapital. Pero ang pinakamatinding dahilan kung bakit kailangan ipaglaban ang makabayang ekonomiks ay dahil nagdudumilat ang matinding epekto ng mga patakarang neoliberal sa kabuhayan ng mamamayan at sa pagkawasak ng ekonomya ng bansa.

Hindi mapapasubaliang ang tanging paraan para maiangat ang kabuhayan at makaalpas ang ekonomya ng bansa sa epekto ng pandaigdigang krisis ay ang pagpapalakas ng mga pundasyon ng lokal na ekonomya. Susi sa paglakas ng lokal na ekonomya ang pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo na magluluwal sa pambansang industriyalisasyon.

Subalit wala ito sa PDP ng gubyernong Aquino. Patunay na hindi maasahan sa gubyernong ito ang tunay na pagbabagong minimithi ng mga magsasaka, manggagawa at iba pang anakpawis. Kinakailangan kung gayon ng mamamayan na isulong ang mga pagbabagong ito ayon sa kanilang sariling lakas at kapangyarihan.

Malaking hamon sa mamamayan ang pag-oorganisa sa kanilang hanay at pagtitipon ng organisadong lakas upang sa kanilang sariling pamamaraan ay makapagtayo ng isang gubyernong magsisilbi sa interes ng nakararaming mamamayan at hindi sa interes ng dayuhan at lokal na naghaharing uri. Susi sa pagpapalakas na ito ang pagiging mulat at kakayahan ng mamamayan

27 IBON Praymer Hulyo 2011

na maunawaan ang kalagayang panlipunan upang maipahayag, maigiit at maipaglaban ang kanilang mga aspirasyon bilang mamamayan.

Kailangan ng patuloy na pagsisikhay sa pag-oorganisa at pagmumulat sa hanay ng mamamayan upang tipunin ang lakas ng mamamayan mula sa unyon at samahan ng mga manggagawa, samahan sa komunidad, iskwelahan at upisina, hanggang sa mga katipunan ng mga magsasaka, mangingisda at katutubo sa kanayunan. Hindi lamang lakas kundi samasama ring nabubuo ang tunay na blueprint ng pag-unlad ng ekonomya at makamamamayang paraan ng paggugubyerno.

Ang pagtitipon ng lakas ay lalo pang mapapalakas sa pagsusulong ng mga pakikibaka para makamit ang mga kagyat na repormang kailangan sa kabuhayan at kagalingan ng mamamayan. Lalo pang nagiging kagyat ang pakikibaka ng mamamayan para sa makabuluhang sahod at trabaho, ng pagbaba sa presyo ng bilihin at pag-alis sa mga di-makatwirang buwis tulad ng VAT, ng pagkakamit ng lupa at kaseguruhan sa pagkain, ng pagkakaroon ng libreng edukasyon at serbisyong panlipunan. Hindi dapat tantanan ang gubyernong Aquino at lalong hindi dapat palusutin ang mga pagpapanggap nito kadweto ang mga mapanlinlang na personahe at organisasyon ng civil society. Nagiging napakahalaga para sa mga mulat at organisadong mamamayan na mag-aral at magpakahusay sa paliwanag upang ilantad at labanan ang pagpapanggap ng “repormistang gubyerno” ni Aquino na inaasahang maglulubid ng mga kasinungalingan katuwang ang oportunistang “civil society” at nakamaskarang pasistang militar.

Nasa kamay ng sambayanang Pilipino ang pagkakamit ng tunay at pundamental na pagbabagong panlipunan. Ang tunay na matuwid na landas ay ang landas ng pakikibaka para sa tunay na paglaya at demokrasya sa ating bansa. #

28 IBON Praymer Hulyo 2011